Seminaries and Institutes
Lesson 13: Tumawag si Jesucristo ng Labindalawang Apostol


13

Tumawag si Jesucristo ng Labindalawang Apostol

Pambungad

Noong Kanyang mortal na ministeryo, tinawag, inordenan, at inatasan ng Tagapagligtas ang Labindalawa. Ipinagkaloob Niya sa kanila ang mga susi ng priesthood, at tumanggap sila ng patotoo tungkol sa Kanyang pagiging Diyos. Sa tagubilin ng Tagapagligtas, tumulong ang mga Apostol sa pamamahala sa gawain ng Simbahan at sila ay inihanda para sa panahon na wala na Siya sa lupa. Tatalakayin sa lesson na ito ang awtoridad ng priesthood ng Tagapagligtas at ang paghahanda Niya sa mga Apostol na mamumuno sa Simbahan.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Boyd K. Packer, “Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 83–87.

  • Edward J. Brandt, “And He Gave Some, Apostles,” Liahona, Set. 2001, 32–39.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 10:1–8; 16:15–19; 17:1–8; Juan 15:16

Ipinagkaloob ni Jesucristo ang mga susi ng priesthood sa Kanyang mga Apostol

Simulan ang klase sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Paano natin makikilala ang mga taong may awtoridad na mamuno sa ating komunidad?

  • Paano nakilala ng isang tao na nabuhay sa panahon ni Jesucristo ang Kanyang awtoridad? (Kabilang sa mga posibleng sagot ay ang Kanyang kapangyarihan, mga himala, at mga turo.)

Sabihin sa klase na pag-isipan ang tanong na ito: “Paano, kailan, at kanino natanggap ng Tagapagligtas ang Melchizedek Priesthood?” Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na pahayag ni Elder B. H. Roberts (1857–1933) ng Pitumpu at Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder B.H. Roberts

“Ang banal na kasulatang ito [D at T 107:2–4] ay malinaw na nagsasaad ng katotohanan na ang Pagkasaserdoteng Melquisedec [Melchizedek Priesthood] ay nariyan na bago pa ang panahon ng dakilang mataas na saserdote na si Melquisedec, ngunit ito ay kilala sa ibang pangalan, bilang—‘Ang Banal na Pagkasaserdote alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos.’ Ibig sabihin, pareho ng uri ang priesthood na ito, parehong orden ng priesthood, na taglay ng Anak ng Diyos. Ngunit ito ay bago pa ang mga araw ni Melquisedec, bago si Abraham, at mula rito maraming daang taon bago isinilang si Cristo sa mundo. … Si Jesus, samakatwid, ay taglay ang Melchizedek Priesthood bago siya pumarito sa daigdig na ito, at walang duda bago nilikha ang daigdig, … ngunit ‘kung paano, kung saan at kung kanino’ niya ito tinanggap, ay walang taong nakaaalam, maliban marahil sa bahaging ‘kung kanino.’ Mangyari pa, natanggap niya ito mula sa Diyos” (B. H. Roberts, Improvement Era, Mayo, 1908, 557).

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“At tungkol sa kanyang mortal na ministeryo, natanggap ni Jesucristo … ang Melchizedek Priesthood dito sa lupa, at inordenan sa katungkulan ng high priest, nagpakita ng halimbawa na tutularan ng iba at sa lahat ng bagay ay Huwaran ng kaligtasan” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, tomo 3 [1973], 157).

Idispley o isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa Mateo 10:1–8 at Juan 15:16:

  • Anong awtoridad ang ipinagkaloob ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol?

  • Ano ang magagawa nila dahil sa awtoridad na ito?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na makipagpartner sa isa pang miyembro ng klase para talakayin ang kanilang nalaman. Tawagin ang ilang estudyante para ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na binigyan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol ng awtoridad ng priesthood na magbibigay-kakayahan sa kanila na magawa ang mga nakita nilang ginawa Niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:15–19. Itanong:

  • Paano nakilala ni Pedro ang awtoridad ni Jesus? (Sa pamamagitan ng paghahayag, na kapareho sa paraan ngayon kung paano nakilala ng mga disipulo sa panahong ito ang Kanyang awtoridad.)

  • Ano ang ipinangako ni Jesus na ibibigay kay Pedro?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 17:1–8. Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit nagpakita sina Moises at Elias kina Pedro, Santiago, at Juan?

Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Propetang Joseph Smith (1805–44) at Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918):

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias [Elijah] ang mga susi kina Pedro, Santiago, at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 122).

Larawan
Pangulong Joseph F. Smith

“Ang Pagkasaserdote sa pangkalahatan [ay ang awtoridad] na ibinigay sa tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang bawat [lalaking] inordenan sa anumang antas sa Pagkasaserdote ay may [awtoridad na ibinigay] sa kanya.

“Ngunit kinakailangan na ang bawat kilos na ginampanan sa ilalim ng [awtoridad] na ito ay dapat na gawin sa angkop na panahon at lugar, sa angkop na paraan, at alinsunod sa angkop na orden ng priesthood. Ang [awtoridad] na pangasiwaan ang mga gawaing ito ay bumubuo sa mga susi ng Pagkasaserdote” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 169–70).

Ipaliwanag na nalaman natin sa Doktrina at mga Tipan 110 na sina Moises at Elijah ay nagpakita rin kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple at ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood sa kanila. Ang tala na ito sa Doktrina at mga Tipan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang nangyari sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Doktrina at mga Tipan 110:13–16 sa margin sa tabi ng Mateo 17:1–8 bilang cross-reference.

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit mahalaga para sa mga Apostol ni Jesus na magkaroon ng mga susi ng priesthood? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na katotohanan: Ipinagkaloob ni Jesus sa Kanyang mga Apostol ang mga susi ng priesthood upang magkaroon sila ng awtoridad na pamahalaan ang Simbahan bago at matapos ang Kanyang kamatayan. Maaari mong bigyang-diin na sa walang-hanggang pananaw, ang mga susi ay kinakailangan sa pagtatatag at pagpapanatili ng kaayusan sa Simbahan ng Panginoon, sa gayon ay tumutulong na maisakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.)

  • Paano nakatulong kina Pedro, Santiago, at Juan ang karanasan nila sa Bundok ng Pagbabagong-anyo na maihanda sila na pamahalaan ang Simbahan matapos ang kamatayan ng Tagapagligtas?

Maaari mong ipaliwanag na sa Mateo 18:18–19 nalaman natin na ibinibigay ang mga susi ng priesthood sa lahat ng mga Apostol ni Jesus.

Mateo 18:21–22; 26:51–56; Marcos 4:35–41; 5:25–43; 9:25–29; Lucas 9:51–56; 24:44–48; Juan 13:4–17; 21:15–17

Inihanda ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol upang mapamahalaan ang Simbahan

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag:

Bago Siya namatay, inihanda ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol upang mapamahalaan ang Simbahan.

Pagkatapos ay itanong:

  • Ano kaya ang kailangang matutuhan ng mga Apostol ni Jesus upang mapamahalaan ang Simbahan?

Isulat sa pisara ang ilan o lahat ng mga sumusunod na scripture reference:

Mateo 18:21–22

Mateo 26:51–56

Marcos 4:35–41

Marcos 5:25–34

Marcos 5:35–43

Marcos 9:25–29

Lucas 9:51–56

Lucas 24:44–48

Juan 13:4–17

Juan 21:15–17

Pagpartnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na magtulungan sa pag-aaral ng isa o dalawa sa mga talatang ito at isipin kung anong mga alituntunin ang natutuhan ng mga Apostol mula sa mga karanasan nila na kasama ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang natalakay nila. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay isunod na itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Bakit magiging mahalaga sa mga Apostol na matutuhan ang mga alituntuning ito?

  • Sa palagay ninyo, paano inihanda ng Tagapagligtas ang mga Apostol sa panahong ito na maglingkod?

  • Paano nakatutulong na alam ninyo na ginagabayan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol para magtiwala kayo sa kanilang mga payo?

Mga Gawa 1:8, 21–22; Doktrina at mga Tipan 107:23

Ang mga Apostol sa panahong ito ay nagbabahagi ng tunay na patotoo tungkol kay Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na ang Mga Gawa 1 ay naglalaman ng tala tungkol sa pagpili ng mga Apostol sa ipapalit kay Judas Iscariote, matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 1:21–22 at tukuyin ang mga kailangang matugunan ng bagong Apostol.

  • Ano ang mga kwalipikasyon para sa bagong Apostol? (Siya ay “nangakisama sa [kanila]” at isang “saksi … ng pagkabuhay na maguli [ng Tagapagligtas].”)

  • Ayon sa talata 22, ano ang inordenan na gagawin ng bagong Apostol? (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Mga Gawa 1:8 para ipakita sa kanila na inatas ito ni Jesus sa lahat ng Kanyang mga Apostol.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage at tukuyin kung ano ang pagkakatulad ng mga ito: Mga Gawa 2:22–24, 32; Mga Gawa 3:12–16; Mga Gawa 4:31–33; at Mga Gawa 5:29–32. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na talakayin ang nalaman nila. (Tiyakin sa mga estudyante na natupad ng mga Apostol ang iniatas sa kanila na magpatotoo tungkol kay Jesucristo.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano natutulad ang iniatas sa mga Apostol sa panahong ito sa iniatas sa mga Apostol noon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:23. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Anong doktrina ang itinuro sa talatang ito? (Dapat makita ng mga estudyante na inaatasan ang mga Apostol na maging mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig.)

  • Paano ninyo nakikita na ginagawa ng mga Apostol sa panahong ito ang responsibilidad na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Matapos ang maraming taon na ako ay nabubuhay at nagtuturo at naglilingkod, matapos ang milyun-milyong kilometro ng paglalakbay ko sa mundo, sa lahat ng aking naranasan, may isang dakilang katotohanan akong ibabahagi. Iyan ay ang aking pagsaksi sa Tagapagligtas na si Jesucristo. …

“Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay buhay. Kilala ko ang Panginoon. Ako [ay] Kanyang saksi. Alam ko ang Kanyang dakilang sakripisyo at walang hanggang pagmamahal para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ibinabahagi ko ang aking natatanging pagsaksi nang buong pagpapakumbaba ngunit may lubos na katiyakan” (“Ang Saksi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 97).

  • Kailan ninyo nadama ang kapangyarihan ng patotoo ng Apostol ni Jesucristo, at paano ito nakaimpluwensya sa inyong patotoo?

  • Paano ninyo malalaman na totoo ang patotoo ng mga Apostol ngayon tungkol kay Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, malalaman ko na totoo ang patotoo ng mga buhay na Apostol tungkol kay Jesucristo.)

Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isang patotoo tungkol kay Cristo na ibinigay ng isang Apostol ngayon at tukuyin nang may panalangin ang isang tao na pwede nilang mabahaginan nito. Hikayatin sila na patotohanan mismo na totoo ang mensahe ng Apostol.

Mga Babasahin ng mga Estudyante