Institute
Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao


“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao

Larawan
Siya ay Paparitong Muli upang Mamuno at Maghari, ni Mary R. Sauer

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, “Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay magpupuno sa isa’t isa, habang lumalago ang isa, lumalago rin ang iba. … Ang tatlong katangiang ito—pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa—kapag nagtulung-tulong, batay sa katotohanan at liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, ang aakay sa atin upang managana sa mabubuting gawa [tingnan sa Alma 7:24]” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 23, 24; tingnan sa Moroni 10:20). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin kung ano ang magagawa mo upang mas lubos na mataglay ang mga banal na katangiang ito sa iyong buhay.

Bahagi 1

Paano naiimpluwensyahan ng aking pag-asa ang pananampalataya ko kay Jesucristo?

Matapos mawasak ang sibilisasyon ng mga Nephita, si Moroni ay naiwang mag-isa upang tapusin ang Aklat ni Mormon. Nagdagdag din siya ng ilang turo mula sa kanyang amang si Mormon, na kinabibilangan ng isang sermon tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:1).

Larawan
nagsusulat si Moroni sa liwanag ng apoy
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moroni 7:33, 38, 40–43, at alamin ang itinuro ni Mormon tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at pag-asa.

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at pag-asa:

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo—tunay na pananampalataya, taos-puso at di-natitinag—ay isang napakalakas na kapangyarihan sa sansinukob. Ito ay maaaring maging isang pwersa kung saan sa pamamagitan nito ay nangyayari ang mga himala. O maaaring pagmulan ito ng katatagan ng loob, kung saan sa pamamagitan nito ay makadarama tayo ng kapayapaan, kapanatagan, at tapang na kayanin ang buhay.

Kapag tayo ay nananampalataya at nagtitiwala, nagkakaroon ng pag-asa. Ang pag-asa ay bunga ng pananampalataya at nagbibigay ng kabuluhan at layunin sa lahat ng ating ginagawa. Mabibigyan din tayo nito ng lubos na katiyakan na kailangan nating mamuhay nang maligaya sa isang mundong hinog na sa kasamaan, kapahamakan, at kawalan ng katarungan. (“The Joy of Hope Fulfilled,” Ensign, Nob. 1992, 32)

Larawan
babaeng nakangiti
Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga pagpapala ang dumating o maaaring dumating sa buhay mo kapag itinuon mo ang iyong pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo?

Bahagi 2

Paano ko mapapalakas ang kakayahan kong makadama ng pag-asa?

Nang paikliin ni Moroni ang talaan ng mga Jaredita, isinama niya ang mga turo ng propetang si Eter tungkol sa pananampalataya. Pagkatapos ay ikinuwento niya ang maraming himalang nangyari sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. (Tingnan sa Eter 12:3–22.) Ipinaliwanag ni Moroni na “ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita” (talata 6).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Eter 12:4, 32, at isipin kung ano ang maaaring asamin mo kapag nanampalataya ka sa Diyos.

Ganito ang sinabi ni Pangulong Uchtdorf tungkol sa walang hanggang bisa ng pag-asa:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang pag-asa ay kaloob ng Espiritu [tingnan sa Moroni 8:26]. Ito ay pag-asa na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, tayo ay ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa ating pananampalataya sa Tagapagligtas [tingnan sa Moroni 7:41]. Ang ganitong uri ng pag-asa ay kapwa alituntunin na may pangako at isa ring utos [tingnan sa Mga Taga Colosas 1:21–23], at tulad ng lahat ng kautusan, tungkulin nating gawin itong bahagi ng ating buhay at daigin ang mga panunukso na mawalan ng pag-asa. Ang pag-asa sa mahabaging plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit ay umaakay sa kapayapaan [tingnan sa Roma 15:13], awa [tingnan sa Mga Awit 33:22], pagkagalak [tingnan sa Roma 12:12], at kaligayahan [tingnan sa Mga Kawikaan 10:28]. Ang pag-asa ng kaligtasan ay tulad ng proteksiyong helmet [tingnan sa 1 Tesalonica 5:8]; ito ay saligan ng ating pananampalataya [tingnan sa Mga Hebreo 11:1; Moroni 7:40] at angkla sa ating mga kaluluwa [tingnan sa Mga Hebreo 6:19; Eter 12:4]. (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” 21–22)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhang bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang pag-asa?

Bahagi 3

Ano ang epekto ng pag-ibig sa kapwa-tao sa pakikipag-ugnayan ko sa iba at kay Jesucristo?

Matapos talakayin ang pananampalataya at pag-asa, tinapos ni Mormon ang kanyang sermon sa pagtutuon sa pag-ibig sa kapwa-tao, o “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moroni 7:43–48, at markahan ang mga salita o parirala na nagbibigay-kahulugan at naglalarawan sa pag-ibig sa kapwa-tao.

Sinabi ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President:

Larawan
President Jean B. Bingham

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang Kanyang pangako na maging ating Tagapagligtas sa premortal na buhay, ang Kanyang mga ginawa noong Siya ay narito sa lupa, ang Kanyang banal na kaloob na Pagbabayad-sala, at ang Kanyang patuloy na pagsisikap na ibalik tayo sa ating Ama sa Langit ay pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa. Iisa lang ang pinagtutuunan Niya: ang pagmamahal sa Kanyang Ama na ipinahayag sa pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin. …

Pinatototohanan ko na kapag tinularan natin ang Kanyang perpektong halimbawa, maaari nating matanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa, na magdudulot ng malaking kagalakan sa atin sa buhay na ito at ng ipinangakong pagpapala na buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. (“Dadalhin Ko ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Aking Tahanan,” Liahona, Nob. 2016, 6, 9)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-isip ng ilang halimbawa kung paano naging “perpektong halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao” si Jesucristo. Maghanap ng mga tala ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan, at maghandang ibahagi sa klase ang kahit isa sa mga halimbawa.

Larawan
Si Cristo at ang mga Bata sa Aklat ni Mormon, ni Del Parson

Habang iniisip mo ang tungkol sa halimbawa ng Tagapagligtas, isipin kung paano kaya maipapakita ang pag-ibig sa kapwa-tao sa iyong pang-araw-araw na buhay. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa na nagtutulak sa atin na makisimpatiya, mahabag, at maawa, hindi lamang sa oras ng pagkakasakit at pagdurusa at pagkaligalig kundi maging sa oras ng kahinaan o pagkakamali ng iba.

Lubhang kailangan ang pag-ibig sa kapwa na nag-uukol ng pansin sa mga hindi napupuna, pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob, tulong sa mga nagdurusa. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa ay pag-ibig na ipinapakita sa gawa. Kailangan ang pag-ibig sa kapwa sa lahat ng dako.

Kailangan ang pag-ibig sa kapwa na hindi natutuwang makarinig o magpaulit-ulit ng mga ulat ng kasawiang-palad ng iba, maliban kung sa paggawa nito ay makikinabang ang sawimpalad na tao. Minsan ay sinabi ng Amerikanong guro at pulitikong si Horace Mann, “Ang mahabag sa naliligalig ay makatao; ang magbigay ng ginhawa ay maka-Diyos” [Horace Mann, Lectures on Education (1845), 297].

Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin. Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugsong uriin ang iba. (“AngPag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” Liahona, Nob. 2010, 124)

Larawan
tatlong babaeng nag-uusap
Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Ano ang maaari mong gawin para mas masigasig na hangarin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao at magkaroon ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo para sa mga tao? Sino ang kailangang makaramdam ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan mo? Ano ang magagawa mo upang matulungan ang taong ito na madama ang Kanyang pagmamahal?