Mga Banal na Kasulatan
Maikling Paliwanag tungkol sa Aklat ni Mormon


Isang Maikling Paliwanag tungkol sa Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay isang banal na talaan ng mga tao sa sinaunang Amerika at nakaukit sa mga laminang metal. Kabilang sa pinagmulan ng talaang ito ang mga sumusunod:

  1. Ang mga Lamina ni Nephi, na may dalawang uri: ang maliliit na lamina at ang malalaking lamina. Ang una ay higit na partikular na nakalaan sa mga espirituwal na bagay at sa ministeryo at mga turo ng mga propeta, samantalang ang karamihan ng huli ay napupuno ng isang sekular na kasaysayan ng mga taong kinauukulan (1 Nephi 9:2–4). Gayunman, magmula sa panahon ni Mosias, naglalaman na rin ang malalaking lamina ng higit na mahahalagang espirituwal na bagay.

  2. Ang mga Lamina ni Mormon, na naglalaman ng mga pagpapaikli ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi, kalakip ang maraming paliwanag. Ang mga laminang ito ay naglalaman din ng pagpapatuloy ng kasaysayan na iniulat ni Mormon at ng mga dagdag ng kanyang anak na si Moroni.

  3. Ang mga Lamina ni Eter, na naglalahad ng kasaysayan ng mga Jaredita. Ang talaang ito ay pinaikli ni Moroni, na naglagay ng kanyang mga paliwanag at inilakip ang talaan sa pangkalahatang kasaysayan sa ilalim ng pamagat na “Aklat ni Eter.”

  4. Ang mga Laminang Tanso na dinala ng mga tao ni Lehi mula sa Jerusalem noong 600 B.C. Nilalaman nito “ang limang aklat ni Moises, … at gayundin ang isang tala ng mga Judio mula sa simula, … hanggang sa pagsisimula ng paghahari ni Zedekias, hari ng Juda; at gayundin ang mga propesiya ng mga banal na propeta” (1 Nephi 5:11–13). Maraming sipi mula sa mga laminang ito, na binabanggit si Isaias at iba pang mga propeta sa Biblia at mga wala sa Biblia, ang nakikita sa Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon ay binubuo ng labinlimang pangunahing bahagi o pagkakahati, na kilala, maliban sa isa, bilang mga aklat, na karaniwang tinatawag ayon sa pangalan ng pangunahing may-akda nito. Ang unang bahagi (ang unang anim na aklat, na nagtatapos sa Omni) ay isang pagsasalin mula sa maliliit na lamina ni Nephi. Nasa pagitan ng mga aklat nina Omni at Mosias ang isang pagsisingit na tinatawag na Mga Salita ni Mormon. Iniuugnay ng pagsisingit na ito ang talang nakaukit sa maliliit na lamina sa pagpapaikli ni Mormon mula sa malalaking lamina.

Ang pinakamahabang bahagi, mula sa Mosias hanggang sa Mormon kabanata 7, ay isang pagsasalin ng pagpapaikli ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi. Ang katapusang bahagi, mula sa Mormon kabanata 8 hanggang sa katapusan ng aklat, ay iniukit ng anak ni Mormon na si Moroni, na pagkaraang tapusin ang tala tungkol sa buhay ng kanyang ama ay gumawa ng isang pagpapaikli ng talaan ng mga Jaredita (bilang aklat ni Eter) at pagkatapos, idinagdag ang mga bahaging nakilala bilang aklat ni Moroni.

Humigit-kumulang noong mga taong A.D. 421, si Moroni, ang pinakahuli sa mga propetang mananalaysay na Nephita, ay tinatakan ang banal na talaan at ikinubli ito para sa Panginoon, upang ilabas sa mga huling araw, ayon sa ibinadya ng tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga sinaunang propeta. Noong A.D. 1823, ang Moroni ring ito, na isa nang nabuhay na mag-uling nilalang, ay dumalaw sa Propetang si Joseph Smith at kalaunan ay ibinigay ang inukit na mga lamina sa kanya.

Tungkol sa edisyong ito: Ang orihinal na pahina ng pamagat, bago ang pahina ng mga nilalaman, ay mula sa mga lamina at bahagi ng banal na teksto. Ang mga pambungad na hindi naka-italiko, tulad ng nasa 1 Nephi at pagkatapos na pagkatapos ng Mosias kabanata 9, ay mga bahagi rin ng banal na teksto. Ang mga pambungad na naka-italiko, tulad ng mga nasa pamagat ng kabanata, ay hindi orihinal na bahagi ng teksto kundi mga tulong sa pag-aaral na isinama para sa pagpapadali ng pagbabasa.

Ang ilang maliliit na pagkakamali sa teksto ay nanatili sa mga nakaraang edisyon ng Aklat ni Mormon na inilathala sa Ingles. Naglalaman ang edisyong ito ng mga pagwawasto na tila naaangkop upang maitugma ang materyal sa mga manuskrito bago ito ilathala at sa mga naunang edisyon na inedit ni Propetang Joseph Smith.