Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 84


Bahagi 84

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, ika-22 at 23 ng Setyembre 1832 (History of the Church, 1:286–295). Noong buwan ng Setyembre, ang mga elder ay nagsimulang bumalik mula sa kanilang mga misyon sa mga estado sa silangan at magbigay-ulat ng kanilang mga ginawa. Ito ay nang sila ay magkakasama sa panahon ng kagalakan na ang mga sumusunod na pakikipagtalastasan ay natanggap. Tinukoy ito ng Propeta bilang paghahayag sa pagkasaserdote.

1–5, Ang Bagong Jerusalem at ang templo ay itatayo sa Missouri; 6–17, Ang linya ng pagkasaserdote ay ibinigay mula kay Moises hanggang kay Adan; 18–25, Ang nakatataas na pagkasaserdote ang may hawak ng mga susi ng kaalaman tungkol sa Diyos; 26–32, Ang nakabababang pagkasaserdote ang may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng panimulang ebanghelyo; 33–44, Ang mga tao ay magtatamo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng sumpa at tipan ng pagkasaserdote; 45–53, Ang Espiritu ni Cristo ay nagpapaliwanag sa mga tao, at ang sanlibutan ay nasasadlak sa kasalanan; 54–61, Ang mga Banal ay kinakailangang magpatotoo ng yaong mga bagay na kanilang natanggap; 62–76, Sila ay dapat mangaral ng ebanghelyo, at ang mga tanda ay susunod; 77–91, Ang mga elder ay kailangang humayo nang walang supot ng salapi o supot ng pagkain, at ang Panginoon ang kakandili sa kanilang mga pangangailangan; 92–97, Mga salot at sumpa ang naghihintay sa yaong mga tumanggi sa ebanghelyo; 98–102, Ang bagong awit ng pagkatubos ng Sion ay ibinigay; 103–110, Ang bawat tao ay tatayo sa kanyang sariling katungkulan at gagawa sa kanyang sariling tungkulin; 111–120, Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay ipahahayag ang kasuklam-suklam na kapanglawan sa mga huling araw.

1 Isang paghahayag ni Jesucristo sa kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at sa anim na elder, habang kanilang pinag-isa ang kanilang mga puso at itinaas ang kanilang mga tinig sa kaitaasan.

2 Oo, ang salita ng Panginoon hinggil sa kanyang simbahan, itinatag sa mga huling araw para sa pagpapanumbalik ng kanyang mga tao, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga propeta, at para sa pagtitipon ng kanyang mga banal upang tumayo sa Bundok ng Sion, na siyang magiging lunsod ng Bagong Jerusalem.

3 Kung aling lunsod ay itatayo, simula sa lote ng templo, na itinakda ng daliri ng Panginoon, sa mga hangganan sa kanluran ng Estado ng Missouri, at inialay sa pamamagitan ng kamay ni Joseph Smith, Jun., at ng iba pa na siyang lubos na kinalulugdan ng Panginoon.

4 Katotohanang ito ang salita ng Panginoon, na ang lunsod ng Bagong Jerusalem ay itatayo sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga banal, simula sa lugar na ito, maging ang lugar ng templo, kung aling templo ay itatayo sa salinlahing ito.

5 Sapagkat katotohanang ang salinlahing ito ay hindi papanaw hangga’t ang isang bahay ay maitayo para sa Panginoon, at ang ulap ay mananahan dito, na kung aling ulap ay magiging gaya ng kaluwalhatian ng Panginoon, na siyang pupuno sa bahay.

6 At ang mga anak na lalaki ni Moises, alinsunod sa Banal na Pagkasaserdote na kanyang tinanggap sa ilalim ng kamay ng kanyang biyanang-lalaki, si Jethro;

7 At tinanggap ito ni Jethro sa ilalim ng kamay ni Caleb;

8 At tinanggap ito ni Caleb sa ilalim ng kamay ni Eliu;

9 At ni Eliu sa ilalim ng kamay ni Jeremias;

10 At ni Jeremias sa ilalim ng kamay ni Gad;

11 At ni Gad sa ilalim ng kamay ni Esaias;

12 At tinanggap ito ni Esaias sa ilalim ng kamay ng Diyos.

13 Nabuhay rin si Esaias noong panahon ni Abraham, at pinagpala niya—

14 Na tinanggap ni Abraham ang pagkasaserdote mula kay Melquisedec, na tinanggap ito sa pamamagitan ng angkan ng kanyang mga ama, maging hanggang kay Noe;

15 At mula kay Noe hanggang kay Enoc, sa pamamagitan ng angkan ng kanilang mga ama;

16 At mula kay Enoc hanggang kay Abel, na pinaslang ng pakikipagsabwatan ng kanyang kapatid, na tumanggap ng pagkasaserdote sa pamamagitan ng mga kautusan ng Diyos, sa kamay ng kanyang amang si Adan, na siyang unang tao—

17 Kung aling pagkasaserdote ay nagpapatuloy sa simbahan ng Diyos sa lahat ng salinlahi, at walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.

18 At pinagtibay rin ng Panginoon ang pagkasaserdote kay Aaron at sa kanyang binhi, hanggang sa lahat ng kanilang salinlahi, kung aling pagkasaserdote rin ay magpapatuloy at mananatili magpakailanman kasama ng pagkasaserdote na alinsunod sa pinakabanal na orden ng Diyos.

19 At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

20 Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.

21 At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman;

22 Sapagkat kung wala nito walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay.

23 Ngayon ito ay maliwanag na itinuro ni Moises sa mga anak ni Israel sa ilang, at matiyagang naghangad na pabanalin ang kanyang mga tao upang kanilang mamasdan ang mukha ng Diyos;

24 Subalit kanilang pinatigas ang kanilang mga puso at hindi nakatagal sa kanyang harapan; kaya nga, ang Panginoon sa kanyang poot, sapagkat ang kanyang galit ay nagsiklab laban sa kanila, ay sumumpa na hindi sila makapapasok sa kanyang kapahingahan habang nasa ilang, kung aling kapahingahan ay kaganapan ng kanyang kaluwalhatian.

25 Kaya nga, kinuha niya si Moises mula sa kanila, at ang Banal na Pagkasaserdote rin;

26 At ang nakabababang pagkasaserdote ay nagpatuloy, kung aling pagkasaserdote ay humahawak ng susi ng paglilingkod ng mga anghel at ang panimulang ebanghelyo;

27 Kung aling ebanghelyo ay ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag, at ang kapatawaran ng mga kasalanan, at ang batas ng makalupang mga kautusan, kung alin ang Panginoon sa kanyang poot ay nagawang ipagpatuloy sa sambahayan ni Aaron sa mga anak ni Israel hanggang kay Juan, na siyang ibinangon ng Diyos, na puspos ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanyang ina.

28 Sapagkat siya ay bininyagan habang siya ay nasa kanyang pagkabata, at inordenan sa pamamagitan ng anghel ng Diyos sa panahong siya ay nasa gulang na walong araw sa kanyang kapangyarihan, upang ibagsak ang kaharian ng mga Judio, at upang gawing tuwid ang daan ng Panginoon sa harapan ng kanyang mga tao, upang ihanda sila sa pagparito ng Panginoon, na kung kaninong kamay ay ibinigay ang lahat ng kapangyarihan.

29 At muli, ang mga katungkulan ng elder at obispo ay mga kinakailangang karagdagan na nabibilang sa mataas na pagkasaserdote.

30 At muli, ang mga katungkulan ng mga guro at diyakono ay mga kinakailangang karagdagan na nabibilang sa nakabababang pagkasaserdote, kung aling pagkasaserdote ay iginawad kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki.

31 Samakatwid, gaya ng aking sinabi hinggil sa mga anak na lalaki ni Moises—sapagkat ang mga anak na lalaki ni Moises at gayon din ang mga anak na lalaki ni Aaron ay mag-aalay ng isang karapat-dapat na handog at hain sa bahay ng Panginoon, kung aling bahay ay itatayo para sa Panginoon sa salinlahing ito, sa inilaang lugar gaya ng aking itinakda—

32 At ang mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron ay mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon, sa Bundok ng Sion sa bahay ng Panginoon, kung sinong mga anak ay kayo; at gayon din ang marami na aking tinawag at isinugo upang itayo ang aking simbahan.

33 Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

34 Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

35 At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

36 Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;

37 At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

38 At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.

39 At ito ay alinsunod sa sumpa at tipan na napapaloob sa pagkasaserdote.

40 Kaya nga, lahat yaong tumanggap ng pagkasaserdote, ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni matitinag.

41 Subalit kung sinuman ang sisira sa tipang ito matapos niya itong matanggap, at sa kabuuan ay tumalikod dito, ay hindi magkakaroon ng kapatawaran ng mga kasalanan sa daigdig na ito ni sa daigdig na darating.

42 At sa aba sa lahat ng yaong hindi sumapit sa pagkasaserdoteng ito na inyong tinanggap, na akin ngayong pinagtitibay sa inyo na naririto sa araw na ito, sa pamamagitan ng sarili kong tinig mula sa kalangitan; at maging ako ay nagbigay sa mga hukbo ng langit at ang aking mga anghel ng utos hinggil sa inyo.

43 At binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan na mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.

44 Sapagkat kayo ay mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.

45 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo.

46 At ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.

47 At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging ang Ama.

48 At ang Ama ay tinuturuan siya ng tipan na kanyang pinabago at pinagtibay sa inyo, na pinagtibay sa inyo para sa inyong kapakanan, at hindi lamang para sa inyong kapakanan, kundi para sa kapakanan ng buong sanlibutan.

49 At ang buong sanlibutan ay nalalagay sa kasalanan, at dumadaing sa ilalim ng kadiliman at sa pagkaalipin ng kasalanan.

50 At sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na sila ay nasa pagkaalipin ng kasalanan, sapagkat sila ay hindi lumalapit sa akin.

51 Sapagkat sinuman ang hindi lumalapit sa akin ay nasa ilalim ng pagkaalipin ng kasalanan.

52 At sinuman ang hindi tumatanggap ng aking tinig ay hindi nakakikilala ng aking tinig, at hindi sa akin.

53 At sa pamamagitan nito ay inyong malalaman ang mabubuti sa masasama, at ang buong sanlibutan ay dumadaing sa ilalim ng kasalanan at kadiliman maging sa ngayon.

54 At ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madilim dahil sa kawalan ng paniniwala, at sapagkat inyong pinawalang-kabuluhan ang mga bagay na inyong tinanggap—

55 Kung aling kawalang-kabuluhan at kawalan ng paniniwala ay nagdala sa buong simbahan sa ilalim ng kaparusahan.

56 At ang kaparusahan na ito ay nasa sa mga anak ng Sion, maging sa lahat.

57 At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon at ang dating mga kautusan na aking ibinigay sa kanila, hindi lamang upang sabihin, kundi upang gawin alinsunod sa yaong aking isinulat—

58 Upang sila ay makapagdala ng bunga na nararapat para sa kaharian ng kanilang Ama; kung hindi ay mananatili sa kanila ang kaparusahan at paghuhukom na ibubuhos sa mga anak ng Sion.

59 Sapagkat maaari bang dumihan ng mga anak ng kaharian ang aking banal na lupain? Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Hindi.

60 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na nakaririnig ngayon ng aking mga salita, na aking tinig, pinagpala kayo yayamang inyong tinanggap ang mga bagay na ito;

61 Sapagkat akin kayong patatawarin sa inyong mga kasalanan sa kautusang ito—na kayo ay manatiling matatag sa inyong mga isipan sa kataimtiman at sa diwa ng pananalangin, sa pagpapatotoo sa buong sanlibutan ng mga bagay na yaon na aking sinabi sa inyo.

62 Kaya nga, humayo kayo sa buong sanlibutan; at saan mang lugar hindi kayo makatutungo ay magsusugo kayo, upang ang patotoo ay tumungo mula sa inyo patungo sa buong sanlibutan sa bawat kinapal.

63 At gaya ng aking sinabi sa aking mga apostol, gayon din ay aking sinasabi sa inyo, sapagkat kayo ay aking mga apostol, maging matataas na saserdote ng Diyos; kayo yaong ibinigay sa akin ng aking Ama; kayo ay aking mga kaibigan;

64 Kaya nga, tulad ng aking sinabi sa aking mga apostol sinasabi kong muli sa inyo, na ang bawat kaluluwa na naniniwala sa inyong mga salita, at nabinyagan sa pamamagitan ng tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ay tatanggap ng Espiritu Santo.

65 At ang mga tanda na ito ay susunod sa kanila na naniniwala—

66 Sa aking pangalan sila ay gagawa ng mga kahanga-hangang gawain;

67 Sa aking pangalan sila ay magtataboy ng mga diyablo;

68 Sa aking pangalan sila ay magpapagaling ng maysakit;

69 Sa aking pangalan ay bubuksan nila ang mga mata ng bulag, at aalisan ng takip ang mga tainga ng mga bingi;

70 At ang dila ng pipi ay magsasalita;

71 At kung sinuman ang maglalapat ng lason sa kanila ito ay hindi makasasakit sa kanila;

72 At ang lason ng ahas ay mawawalan ng kapangyarihan na saktan sila.

73 Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila, na sila ay hindi ipagyabang ang kanilang sarili dahil sa mga bagay na ito, ni pag-uusapan ang mga ito sa harapan ng sanlibutan; sapagkat ang mga bagay na ito ay ibinigay para sa inyong kapakinabangan at para sa kaligtasan.

74 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sila na hindi naniniwala sa inyong mga salita, at hindi nabinyagan sa tubig sa aking pangalan, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, upang kanilang matanggap ang Espiritu Santo, ay mapapahamak, at hindi makatutungo sa kaharian ng aking Ama kung saan ang aking Ama at ako ay naroroon.

75 At ang paghahayag na ito sa inyo, at kautusan, ay may bisa mula sa oras na ito sa buong sanlibutan, at ang ebanghelyo ay para sa lahat na hindi pa nakatatanggap nito.

76 Subalit, katotohanang sinasabi ko sa lahat kung kanino ang kaharian ay ibinigay—mula sa inyo ito ay kinakailangang ipangaral sa kanila, upang sila ay makapagsisi ng kanilang dating masasamang gawain; sapagkat sila ay sisisihin dahil sa kanilang pusong masasama na walang paniniwala, at ang inyong mga kapatid sa Sion dahil sa kanilang paghihimagsik laban sa inyo noong panahong isinugo ko kayo.

77 At muli sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, sapagkat magmula ngayon tatawagin ko kayong mga kaibigan, kinakailangan na ibigay ko sa inyo ang kautusang ito, upang kayo ay maging aking mga kaibigan sa mga araw kung kailan ako ay kasama nila, naglalakbay upang ipangaral ang ebanghelyo sa aking kapangyarihan;

78 Sapagkat akin silang hinayaang walang supot ng salapi o supot ng pagkain, ni dalawang tunika.

79 Masdan, isinugo ko kayo upang subukin ang sanlibutan, at ang manggagawa ay marapat sa kanyang upa.

80 At sinuman ang hahayo at mangangaral ng ebanghelyong ito ng kaharian, at magpapatuloy na maging matapat sa lahat ng bagay, ay hindi mapapagod sa isipan, ni madidiliman, ni sa katawan, sa bisig, ni sa kasu-kasuan; at hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan ang kahit isang buhok sa kanyang ulo. At sila ay hindi magugutom, ni mauuhaw.

81 Kaya nga, huwag kayong mababalisa sa araw ng bukas, kung ano ang inyong kakainin, o ano ang inyong iinumin, o saan manggagaling ang inyong idaramit.

82 Sapagkat, wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paano nagsisilaki, hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid; at ang mga kaharian ng sanlibutan, sa kabuuan ng kanilang kaluwalhatian, ay hindi nakaayos tulad ng isa sa mga ito.

83 Sapagkat ang inyong Ama, na nasa langit, ay nakababatid na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito.

84 Kaya nga, hayaan ang araw ng bukas ay mabalisa sa kanyang sarili.

85 Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.

86 Kaya nga, huwag hayaan ang sinuman sa inyo, sapagkat ang kautusang ito ay para sa lahat ng matatapat na tinawag ng Diyos sa simbahan sa ministeryo, mula sa oras na ito na kumuha ng supot ng salapi o supot ng pagkain, na hahayo upang ipahayag ang ebanghelyong ito ng kaharian.

87 Masdan, isinugo ko kayo upang pagsabihan ang sanlibutan ng lahat ng kanilang hindi mabubuting gawa, at upang turuan sila ng isang paghuhukom na darating.

88 At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.

89 Ang sinumang tatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin; at siya ring magpapakain sa inyo, at magdaramit sa inyo, at magbibigay sa inyo ng salapi.

90 At siya na magpapakain sa inyo, o magdaramit sa inyo, o magbibigay sa inyo ng salapi, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.

91 At siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi ko disipulo; sa pamamagitan nito ay makikilala ninyo ang aking mga disipulo.

92 Siya na hindi tumatanggap sa inyo, lumayo kayong mag-isa mula sa kanya, at linisin ang inyong mga paa maging ng tubig, malinis na tubig, maging sa mainit o malamig, at magpatotoo nito sa inyong Ama na nasa langit, at huwag nang bumalik muli sa taong yaon.

93 At saan mang nayon o lunsod kayo papasok, gawin ang gayon din.

94 Gayunman, masigasig na maghanap at huwag magtira; at sa aba sa yaong sambahayan, o yaong nayon o lunsod na tumanggi sa inyo, o sa inyong mga salita, o sa inyong patotoo hinggil sa akin.

95 Sa aba, sinasabi kong muli, sa sambahayang yaon, o sa nayon o lunsod na yaon na tumanggi sa inyo, o sa inyong mga salita, o sa inyong mga patotoo tungkol sa akin;

96 Sapagkat ako, ang Pinakamakapangyarihan, ay nagpatong ng aking mga kamay sa mga bansa, upang parusahan sila dahil sa kanilang mga kasamaan.

97 At ang mga salot ay darating, at hindi aalisin ang mga ito sa lupa hanggang sa matapos ko ang aking gawain, na paiigsiin sa kabutihan—

98 Hanggang sa makilala ako ng lahat, na nanatili, maging mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, at mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, at makikita nang mata sa mata, at itataas ang kanilang mga tinig, at sa mga tinig na magkakasabay ay aawit ng bagong awiting ito, sinasabing:

99 Dinala muli ng Panginoon ang Sion;Tinubos ng Panginoon ang kanyang mga tao, ang Israel,Alinsunod sa paghirang ng biyaya,Na napangyari sa pamamagitan ng pananampalatayaAt tipan ng kanilang mga ama.

100 Tinubos ng Panginoon ang kanyang mga tao;At si Satanas ay nakagapos at ang panahon ay hindi na magtatagal.Tinipon ng Panginoon ang lahat ng bagay sa isa.Ibinaba ng Panginoon ang Sion mula sa itaas.Itinaas ng Panginoon ang Sion mula sa ilalim.

101 Ang mundo ay nagdusa at inilabas ang kanyang lakas;At ang katotohanan ay itinatag sa kanyang sisidlan;At ang kalangitan ay ngumiti sa kanya;At siya ay nadaramitan ng kaluwalhatian ng kanyang Diyos;Sapagkat siya ay nakatayo sa gitna ng kanyang mga tao.

102 Kaluwalhatian, at karangalan, at kapangyarihan, at lakas,Ang maiukol sa ating Diyos; sapagkat siya ay puspos ng awa,Katarungan, biyaya at katotohanan, at kapayapaan,Magpakailanman at walang katapusan, Amen.

103 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kinakailangan na ang bawat tao na humahayo upang ipahayag ang aking walang hanggang ebanghelyo, na yayamang sila ay may mag-anak, at tumatanggap ng salapi sa pamamagitan ng handog, na ipadala nila ang mga ito sa kanila o gamitin ito para sa kanilang kapakinabangan, gaya ng itatagubilin ng Panginoon sa kanila, sapagkat nakikita kong ito ay makabubuti.

104 At lahat sila na walang mag-anak, na tumatanggap ng salapi, ipadala ito sa obispo sa Sion, o sa obispo sa Ohio, upang ito ay mailaan para sa paglabas ng mga paghahayag at sa paglilimbag nito, at para sa pagtatatag ng Sion.

105 At kung sinuman ang magbibigay sa sinuman sa inyo ng tunika, o terno, kunin ang luma at ibigay ito sa mga maralita at humayo kayong nagagalak.

106 At kung sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isama niya siya na mahina, upang siya ay maliwanagan sa buong kaamuan, upang siya ay maging malakas din.

107 Kaya nga, isama ninyo yaong inordenan sa nakabababang pagkasaserdote, at isugo sila sa harapan ninyo upang gumawa ng mga tipanan at upang ihanda ang daan, at upang gampanan ang mga tipanan, na hindi ninyo kayang gampanan.

108 Masdan, ito ang pamamaraan kung paano ang aking mga apostol, noong unang panahon, ay itinayo ang aking simbahan para sa akin.

109 Samakatwid, ang bawat tao ay tumayo sa kanyang sariling katungkulan, at gumawa sa kanyang sariling tungkulin; at huwag sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?

110 Gayon din ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap.

111 At masdan, ang matataas na saserdote ay nararapat maglakbay, at gayon din ang mga elder, at gayon din ang mga nakabababang saserdote; subalit ang mga diyakono at guro ay dapat na italaga na pangangalagaan ang simbahan, na maging mga tumatayong mangangaral sa simbahan.

112 At ang obispo, si Newel K. Whitney, ay dapat ding maglakbay sa palibot at sa buong simbahan, hinahanap ang mga maralita upang paglingkuran sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba ng mayayaman at mga palalo.

113 Dapat din siyang umupa ng isang kinatawan upang mamahala at gawin ang kanyang hanapbuhay na walang kaugnayan sa relihiyon gaya ng kanyang itatagubilin.

114 Gayunman, magtungo ang obispo sa lunsod ng New York, gayon din sa lunsod ng Albany, at gayon din sa lunsod ng Boston, at balaan ang mga tao ng yaong mga lunsod na may tunog ng ebanghelyo, nang may malakas na tinig, sa kapanglawan at ganap na pagkalipol na naghihintay sa kanila kung kanilang tatanggihan ang mga bagay na ito.

115 Sapagkat kung kanilang tatanggihan ang mga bagay na ito ang oras ng kanilang kahatulan ay nalalapit na, at ang kanilang bahay ay maiiwan sa kanilang mapanglaw.

116 Magtiwala siya sa akin at hindi siya lilituhin; at ni isang buhok sa kanyang ulo ay hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan.

117 At katotohanang sinasabi ko sa inyo, mga nalabi sa aking mga tagapaglingkod, humayo kayo habang ang pagkakataon ninyo ay nagtutulot, sa inyong maraming tungkulin, sa malalaki at tanyag na mga lunsod at nayon, pinagsasabihan ang sanlibutan sa kabutihan tungkol sa lahat ng kanilang hindi mabuti at makasalanang gawa, ipinaaalam nang malinaw at nauunawaan ang kapanglawan ng karumal-dumal na gawain sa mga huling araw.

118 Sapagkat, sa inyo ang wika ng Panginoong Pinakamakapangyarihan, aking liligaligin ang kanilang mga kaharian; hindi ko lamang yayanigin ang lupa, gayon din ang mabituing kalangitan ay manginginig.

119 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay inilagay ang aking kamay upang gamitin ang mga kapangyarihan ng langit; hindi pa ninyo ito makikita ngayon, subalit sa ilang sandali pa at makikita ninyo ito, at malalaman na ako nga, at ako ay paparito at maghahari sa aking mga tao.

120 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Amen.