2008
Isang Himala sa Araw ng Pasko
December 2008


Isang Himala sa Araw ng Pasko

Maginaw ang panahon ng taglamig sa Russia Moscow Mission. Sa isang misyonero kung minsan ay tila hindi lamang klima ang malamig kundi pati mga tao. Sarili lang nila ang iniisip nila. Tila nagmamadaling makauwi ang lahat mula sa trabaho. Maysakit ang mga tao, napakadulas ng mga daan, at masakit sa nakalantad na balat ang lamig. Bibihira ang nakangiti.

Ganito ang naging kalagayan naming magkompanyon noong taglamig ng 2005. Gusto naming pasayahin ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aming mensahe ng pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal, pero walang gustong makinig. At ang totoo, hindi maganda ang nararamdaman ko noon. Hindi ko maiwasang panghinaan ng loob. Araw-araw naglakad kami sa malalamig na kalye sa paghahanap ng mga taong tuturuan, at naninigas ang mga paa namin sa lamig. Sa kabila ng nakapanghihinang mga sitwasyon, ayaw naming sumuko. Malapit na ang Pasko, at nais naming ipadama sa mga tao ang diwa ng Pasko. Pero paano?

Isang gabi habang sakay kami ng tren pauwi, isang maliit na grupo ng mga musikero ang sumakay. Napakahusay nilang tumugtog, ngunit nagulat ako na walang epekto ang pagtatanghal nila kaninuman. Marahil isa o dalawang tao lang ang nag-abot sa kanila ng kaunting barya, pero ang iba ay nakatitig lang sa labas ng nagyeyelong mga bintana. Naawa ako sa mga tumugtog at binigyan ko sila ng ilang barya.

Di nagtagal dumating kami sa istasyon malapit sa apartment namin at tumakbo na pauwi. Pagkasarang-pagkasara ko ng pinto ng apartment, tumunog ang telepono. Dinampot ko ito at nakilala ko ang boses ng district leader namin. Noong araw na iyon dapat ay may mga ideya na kami kung paano ipagdiriwang ng mga misyonero ang Kapaskuhan. Lubusan ko itong nalimutan, pero ayaw kong malaman niya. Sa pag-iisip ng ideya, naalala ko ang grupo ng mga musikero at iminungkahi ko na maaaring kumanta ang district namin ng mga Pamaskong himno sa mga tren. Maaari ko silang saliwan sa biyolin. Sa gulat ko at siguro sa takot na rin, nagustuhan ng district leader namin ang ideya. Nagpasiya kami kung kailan. “Ano ba itong naisip ko!” nasabi ko sa sarili, dahil naalala ko na tatlo sa mga misyonero sa aming district ang wala sa tono.

Sumapit ang araw at nagkita-kita ang mga misyonero sa may riles. Matagal nang lubog ang araw, at napakaginaw. Namamanhid na ang mga paa ko. Nagpraktis kami ng mga limang minuto hanggang sa dahan-dahang umusad ang tren sa riles. Galak kaming pumasok sa bukas na mga pintuan nito, dahil nakaalis na kami sa malamig na hangin at yelo. Kinuha ko ang aking biyolin mula sa lalagyan nito at tahimik na nanalangin na antigin ng Diyos ang puso ng mga nakikinig.

Pagsakay namin ng tren, karamihan sa mga tao ay hindi kami pinansin. Hindi pa nag-iinit ang mga daliri ko, kaya nang simulan kong tumugtog, napakasimple ng tunog ng biyolin pero tumatagos. Biglang nagbago ang pakiramdam sa loob ng tren. Halos parang may madarama ka sa kapaligiran. Tila hindi humihinga ang mga pasahero. Sumabay sa akin ang iba pang mga misyonero, sa pag-awit ng mga titik ng “Kay Tahimik ng Paligid”:

Kaytahimik ng paligid!

Sa gabing marikit,

May tanging sanggol na ‘sinilang

Ng isang birhen sa sabsaban,

Payapang natutulog.

Payapang natutulog.1

Habang tumutugtog ako at kumakanta ang iba pang mga misyonero, walang umiimik sa loob ng tren. Nang matapos namin ang himno, tiningnan ko ang mukha ng mga tao sa paligid. Lahat ay nakatutok ang tingin sa amin. Dumaloy ang mga luha sa pisngi ng ilang kababaihan. Nagkaroon ng sandaling katahimikan dahil walang gustong gumambala sa sandaling iyon. Sa wakas isang lalaking nakatayo sa likod ng tren ang bumulalas, “Sila ay mga Banal, tunay na mga Banal!” Nagpalakpakan ang lahat.

Nang lumakad kami sa daanan, maraming gustong mag-abot ng pera sa amin. Nang hindi namin tanggapin iyon, lalo pa silang nagulat. Narinig kong sinabi ng isa nang pabulong, “Hindi nangyayari ang ganito.” Tinangka pa kaming bigyan ng isang libong rubles ng isang lalaki at nagulat nang tanggihan namin ang pera. Sa halip, inalok namin siya ng isang pass-along card, na buong kagalakan niyang kinuha. Di nagtagal naghingian na ng mga pass-along card ang iba pang mga pasahero. Nagtanong din sila tungkol sa Simbahan at sa amin. Tila kahit saan kami tumingin, nakangiting mga mukha at mainit na pagbati ang sumalubong sa amin. Sa dulo ng tren, binati namin ng maligayang Pasko ang mga pasahero at kumaway ng pamamaalam sa bago naming mga kaibigan.

Sa kabila ng pintuan, nangagkatinginan kami at di makapaniwala. “Ano ang nangyari?” tanong namin. Pagkatapos, sa magkasamang lakas namin, pinasok namin ang kasunod na pintuan. Noong una hindi kami pinansin man lang ng mga pasahero, pero matapos naming kantahin ang himno, gayon din ang mahimalang reaksyon nila. Sa natitirang oras ng gabi, inisa-isa namin ang mga sasakyan sa tren, at gayon din ang naranasan namin sa bawat isa. Noon lang ako nakakita ng gayong pagtanggap at pagmamahal.

Pag-uwi namin nang gabing iyon, natanto ko na naranasan ko ang isang himalang dulot ng musika, isang mensahe tungkol sa Tagapagligtas, at sa diwa ng Pasko. Kahit sa pinakamalalamig na panahon ng ating buhay, maaaliw tayo sa presensya ng Panginoon. Mapalad akong makita kung gaano kalaki ang pagbabago ng tao sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu. Lagi kong gugunitain ang gabing iyon at mananatili iyon sa aking puso. Nawa’y maghimala nang gayon ang Espiritu magpakailanman!

Mga Tala

  1. “Kay Tahimik ng Paligid,” Mga Himno, blg. 125.

Mga paglalarawan ni Gregg Thorkelson