2008
Silid sa Bahay-Tuluyan
December 2008


Silid sa Bahay-Tuluyan

Ang “Room in the Inn [Silid sa Bahay-Tuluyan]” ay unang inilimbag sa Christmas Treasures (Deseret Book, 1994).

Isang maaliwalas at kasiya-siyang hapon sa taglamig dinala namin ang aming van sa harap ng mission home sa Bordeaux, France. Disyembre 24, 1990 noon, at pauwi na kami para sa araw ng Pasko.

Kadaranas lang namin ng asawa kong si Kathy, at ng apat naming anak—na sina Camey, edad 14, Brandt, 13, Kristen, 10, at Derek, 8—ng isang linggong hindi malilimutan. Dahil sa layo ng mga lugar sa aming misyon, hindi namin natipon ang mga misyonero sa pagdiriwang ng Pasko. Sa halip, naglakbay kaming pamilya sa bawat lungsod sa misyon, na ipinadarama ang pagsasama-sama ng pamilya, at isinali ang mga bata sa pagbabahagi ng espesyal na palatuntunang Pamasko. Nagalak ang aming pamilya na makasama ang bawat misyonero sa magandang pribilehiyong maibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Cristo sa napakasayang panahong ito ng taon.

Sa huling araw namin sinamahan kami ng apat na mababait na misyonero. Ang malaking asul na van, na punung-puno na ngayon, ay napuspos din ng diwa ng Pasko, at naging mabilis ang paglalakbay dahil sa mga awiting Pamasko at mga paboritong kuwento. Mas nasasabik sina Kristen at Derek sa bawat oras sa pag-asam sa mga sorpresang hatid ng Pasko ng umaga. Halos amoy na namin ang hapunang pabo na inihahanda sa mission home ng mababait na missionary couple na naghihintay sa aming pagbabalik. Dama ang Pasko sa paligid.

Magdadapit-hapon na nang malaman naming may problema pala. Halos buong umaga naming naramdaman na medyo mahirap ikambyo ang van namin. Tumigil kami para tingnan ang lebel ng transmission fluid, pero mukhang ayos naman ang lahat. Nang papadilim na at dalawang oras pa ang biyahe papuntang Bordeaux, ayaw na talagang gumana ang ikatlo, ikaapat, at ikalimang kambyo.

Mabagal naming ginaygay ang lansangang may mga puno sa tabi gamit ang ikalawang kambyo. Imposibleng paandarin ang van hanggang Bordeaux sa ganitong kondisyon, at naghanap kami ng maaaring makatulong. Ang una naming pag-asa ay isang tindahan na papasara na. Nagtanong ako kung posibleng may mauupahang kotse o kalapit na istasyon ng tren. Medyo malayo kami sa lungsod, at halos walang makasagot sa mga tanong ko.

Nagbalik ako sa van. Nabakas ang pag-aalala at kabiguan sa mukha ng mas maliliit naming anak. Hindi ba sila makakauwi para sa Bisperas ng Pasko? Gugugulin ba nila ang pinakaespesyal na gabing ito ng taon sa isang masikip na mission van? Matapos silang maghatid ng ligaya at tuwa sa mga misyonerong malayo sa tahanan, magpa-Pasko ba sila sa tabi ng isang limot na lansangan sa France na malayo sa sarili nilang tahanan?

Alam ni Kristen kung kanino sasamo, at agad siyang nagmungkahing manalangin. Maraming ulit nang ipinagdasal ng aming pamilya ang mga nangangailangan—ang mga misyonero, mga investigator, mga miyembro ng Simbahan, mga lider, mga Pranses, sarili naming pamilya. Yumuko kami at nanalangin at mapagpakumbabang humingi ng tulong.

Madilim na. Pausad-usad na nagpatuloy ang van, na pupugak-pugak sa gubat ng mga pino. Umasa kaming makarating sa isang munting bayan na tatlong milya (5 km) lamang ang layo. Di nagtagal natanglawan ng ilaw namin ang isang maliit na karatula na nakaturo papunta sa Villeneuve-de-Marsan.

Maraming beses na naming nadaanan ang magkabilaang daan mula Pau hanggang Bordeaux, pero hindi pa kami dumaan sa lansangang papunta sa munting bayan ng Villeneuve-de-Marsan. Habang pausad-usad kaming papalapit sa bayan, natanaw namin ang tila maraming maliliit na baryo sa France. Magkakadikit ang mga bahay at maliliit na tindahan, kaya masikip ang makitid na kalye papunta sa bayan. Maagang nagsara ng bintana ang mga tao, at madilim at walang tao sa mga kalye. Mga ilaw lamang sa sinaunang simbahang Katoliko sa gitna ng bayan ang tanging tanda ng buhay habang kumikislap ito sa paghahanda sa tradisyonal na misa de gallo. Dinaanan namin ang simbahan, at nagpatigil-tigil ang van at tuluyang huminto. Sa kabutihang-palad, nakarating kami sa harapan ng isang magandang bahay-tuluyan. Bukas ang mga ilaw, at nagpasiya kaming ito ang huling pagkakataon namin para humingi ng tulong.

Para hindi mabigla ang mga nasa bahay-tuluyan, nanatili sa van sina Kathy, Camey, at ang mga misyonero nang dalhin ko ang mga bata sa loob. Ipinaliwanag ko ang aming sitwasyon sa dalaga na nasa front desk. Nakita niya ang nagugulumihanang mga mukha ng aking mga anak, at pinakiusapan niya kaming maghintay habang tinatawag niya ang tagapangalaga ng bahay-tuluyan, si Mr. Francis Darroze.

Pumasok si Camey para kumustahin kami. Habang hinihintay namin si Mr. Darroze, tahimik kaming nagpasalamat sa panalangin. Maaaring hindi na kami makabalik sa Bordeaux ngayong gabi, pero kaybuti ng ating Ama sa Langit sa paghahatid sa amin sa malinis na otel na ito! Nangatog ako nang matanto ko na muntik na kaming magpalipas ng gabi sa van sa isang liblib na lugar sa France. Nakita ko ang isang restoran sa kabilang silid, at nagulat ako na makitang bukas ito sa Bisperas ng Pasko. Makakakain kami ng masarap, makakaligo sa mainit na tubig, at mapapanatag sa pagtulog.

Dumating si Mr. Darroze sa kasuotan ng tradisyonal na French chef, na double-breasted coat ng isang chef na nakabutones hanggang sa kanyang baba. Siya ang may-ari ng otel, isang taong iginagalang sa komunidad. Ang kanyang tingin at ngiti ay nagpapahiwatig na isa rin siyang maginoo.

Sinabi ko sa kanya ang problema namin, na 10 kami sa van, at papunta kami sa Bordeaux. Nang mapansin niya ang punto ko, idinagdag ko na mga Amerikano kami at sinabi ko sa isang pangungusap kung bakit kami nasa France.

Agad niya kaming tinulungan. Mga 10 milya (16 km) mula roon ay may isang lungsod na kainaman ang laki at doon ay palaging may dumaraang tren. Inalam niya sa telepono kung anong oras ang susunod na tren papuntang Bordeaux pero nalaman niya na alas-10:15 pa ng Pasko ng umaga ang alis nito. Lahat ng arkilahan ng kotse sa mas malaking lungsod na iyon ay sarado.

Halata ang kabiguan sa mukha ng aking maliliit na anak. Tinanong ko si Mr. Darroze kung may silid siya sa otel o bahay-tuluyan para sa aming pamilya at sa apat na misyonero sa gabing iyon. Kahit hindi kami makauwi, malaking pagpapala na sa amin ang makahanap ng angkop na matutuluyan.

Tumingin si Mr. Darroze sa mga bata. Ilang minuto pa lang kami nagkakakilala, pero nag-alala na siya sa amin na para bang kapamilya kami kahit mga dayuhan kami. Napuspos ng diwa ng pagbibigay sa Pasko ang kanyang kaluluwa. “Mr. Andersen,” wika niya, “siyempre mayroon ako ritong mga silid na mauupahan ninyo. Pero hindi ninyong gustong gugulin ang Bisperas ng Pasko dito sa otel. Dapat makauwi ang mga bata dahil nasasabik sila sa saya ng Pasko ng umaga. Ipapahiram ko sa iyo ang kotse ko, at makakapunta kayo sa Bordeaux ngayong gabi.”

Namangha ako sa pagkamaalalahanin niya. Karamihan sa mga tao ay nag-iingat sa mga estranghero, lalo na sa mga dayuhang gaya namin. Pinasalamatan ko siya pero ipinaliwanag ko na 10 kami at hindi sapat ang isang maliit na kotseng Pranses.

Saglit siyang nag-atubili, ngunit ang pag-aatubili niya ay hindi para bawiin ang alok kundi para lakihan pa ito.

“Sa sakahan ko mga 10 milya mula rito ay may lumang van ako. Ginagamit ito sa pagsasaka at dalawa lang ang upuan sa harap. Tumatakbo ito nang mga 45 milya lang bawat oras (70 kph), at hindi ko tiyak kung maayos ang andar ng heater. Pero kung gusto ninyo, ihahatid ko kayo sakay ng kotse nang 10 milya hanggang sa sakahan ko para kunin ito.”

Napalundag sa tuwa ang mga bata. Dumukot ako sa bulsa para kumuha ng pera o mga credit card. Mabilis siyang umiling at isinenyas ang daliri sa pagtanggi.

“Huwag,” sabi nito, “Hindi ko tatanggapin iyan. Ibalik na lang ninyo sa akin ang van ko kapag may oras kayo matapos ang Pasko. Bisperas na ng Pasko. Iuwi mo ang pamilya mo.”

Makalipas ang hatinggabi tanaw na ang mga ilaw ng Bordeaux. Nakatulog na ang mga bata at mga misyonero sa likuran ng van ng tagapangalaga ng bahay-tuluyan. Habang naglalakbay sa pamilyar na mga kalye pauwi, nagpasalamat kami ni Kathy sa mabait nating Ama sa Langit sa himalang nangyari sa amin sa araw ng Pasko. Sa panahong Siya lamang ang makapaghahatid sa amin pauwi, dininig Niya ang aming mga dalangin.

Nakauwi kami sa Bisperas ng Pasko, kahit may silid sa bahay-tuluyan sa Villeneuve-de-Marsan.

Mga paglalarawan ni Richard Bird

Mabilis na umiling si Mr. Darroze at isinenyas ang daliri sa pagtanggi. Napuspos ng diwa ng pagbibigay sa Pasko ang kanyang kaluluwa. “Huwag,” sabi niya. “Hindi ko tatanggapin iyan.”