2008
Puna
December 2008


Puna

Napatibay ng Mensahe

Isang araw nag-aayuno ako dahil binabagabag ako ng maraming paghihirap, at binuklat ko ang isyu ng Hulyo 2007 Liahona. Ipinasiya kong basahin ang Mula sa Buhay ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang yugtong pinamagatang “Labanan ang Masasamang Impluwensya,” na hindi ko karaniwang binabasa dahil nasa bahaging pambata iyon. Ang kuwentong ito ay nakatulong sa akin para matakasan ang masasamang impluwensyang nakapaligid sa akin noong araw na iyon, at napatibay ako ng mensahe. Hinihikayat ko ang lahat na basahin ang lahat ng bahagi ng Liahona.

Ang Liahona ay isang liwanag at proteksyon para sa akin. Ito ang unang ginagamit ko para ipahayag ang ebanghelyo sa aking mga kaibigan.

Arlette Azi, Ivory Coast

Ang Itinatanging Sekreto

Isang araw habang naghahanda ako ng lesson para sa Young Women, natanto ko na may mga bahagi ng lesson na kailangang dagdagan. Kaya bumaling ako sa itinatanging sekreto ng mahuhusay na lider ng kabataan —ang mga Gabay na Sanggunian ng Aaronic Priesthood at Young Women. Ang mga gabay na ito ay may mga reperensya para sa napapanahong mga kuwento at artikulo mula sa propeta at iba pang mga General Authority na maidaragdag sa mga aralin ng Young Men at Young Women para matulungan ang mga kabataan sa pagharap sa mga problema ngayon.

Ang mga sangguniang ito ay malaking kapanatagan sa akin bilang lider dahil alam ko na ang mga kuwento at artikulo ay dumaan sa tamang kaparaanan at naglalaman ng tunay na doktrina. Malayang magagamit ang mga ito bilang pandagdag, hindi bilang panghalili, sa mga aralin.

Genell Wells, Utah, USA

Ang Paborito Kong Bahagi

Malaking pagpapala ang magkaroon ng napakagandang lathalaing ito, ang Liahona. Salamat sa magasing ito, natatanggap natin ang mga salita ng mga propeta at nalalaman ang mga espirituwal na karanasan ng ating mga kapatid sa buong mundo. Ang paborito kong bahagi ng magasin ay ang Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw. Imposibleng hindi madama ang Espiritu kapag binabasa ko ang magagandang kuwento rito.

Isine-save ko sa kompyuter ang mga PDF version ng magasin na nasa Web site ng Simbahan. Bago ko simulan ang maghapon, nagbabasa ako ng isang artikulo para mapuspos ako ng Espiritu. Salamat sa inyo para sa Liahona.

Oscar Javier Álvarez Gómez, Colombia

Isang Epektibong Kasangkapan

Naniniwala ako na ang Liahona ay epektibong kasangkapan dahil tinutulutan tayo nitong malaman ang mga patotoo at karanasan ng mga miyembro sa buong mundo. Ikinatutuwa ko ring marinig ang kuwento mula sa iba pang mga miyembro at makatanggap din ng payo mula sa ating mga lider. Ang kanilang mga salita ay nagsisilbing tunay na gabay. Ang magasin ay isa ring paraan upang mapahalagahan natin ang pag-unlad at paglago ng Simbahan sa buong mundo.

Darice Adolphe, Réunion Island

Paano Ninyo Nalaman?

Maraming beses kong ninais na sumulat sa Unang Panguluhan at sa mga General Authority at itanong sa kanila, “Paano Po Ninyo Nalaman?” Habang paulit-ulit kong pinakikinggan at binabasa ang mga mensahe sa kumperensya, parang ang Panginoon ang tuwirang nagsasalita sa akin tungkol sa mga problema ko. Sa mga karanasang ito nalaman ko kung gaano ako kamahal ng Ama sa Langit at nais Niya akong tulungan na maging mas mabuting tao. Nakakarating sa akin ang mga mensahe sa kumperensya kahit saan ako magpunta, kahit sa malalayong lugar. Kung minsan ang mga mensahe ay tawag para magsisi, kung minsan ay patnubay, at kung minsan ay kaaliwan. Madalas kong madama na paborito akong anak ng Ama sa Langit dahil nakikita ko kung gaano Niya ako pinangangalagaan sa mga mensaheng ito.

Charleen Crenshaw, Montana, USA

Paglalarawan ni Daniel Lewis