2010
Ikaw ay Magpakatapang na Mabuti
Mayo 2010


Ikaw ay Magpakatapang na Mabuti

[Ang] mga gabay mula sa aklat ni Josue ay magsasama-sama upang pinakamabisang pagmulan ng tapang at lakas: pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Larawan
Ann M. Dibb

Maraming beses, kapag nagsasalita ang mga General Authority sa mga kapatid sa priesthood sa pangkalahatang kumperensya, nagsisimula sila sa pagsasabing nadarama nilang tila nagsasalita sila sa isang “makapangyarihang hukbo” ng malalakas na mga lider ng priesthood. Ngayong gabi, nadarama kong tila nakatayo ako sa harap ng isang “makapangyarihang hukbo” ng hinirang na mga anak na babae ng Diyos. Kayo ang napiling magsulong, manindigan kasama ng magigiting na mayhawak ng priesthood, sa kabutihan sa mga huling araw na ito. Kayo ay kahanga- hanga at napakagandang pagmasdan.

Gusto kong simulan ang gabing ito sa maikling pagbabalik-tanaw sa kasaysayan na nakapaloob sa ating tema, Josue 1:9: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.”

Si Moises ay isang makapangyarihang propeta na umakay sa mga anak ni Israel palabas sa lupain ng Egipto, kung saan naging mga alipin sila at naimpluwensyahang sumamba sa mga diyus-diyosan. Matapos ang apatnapung taong paghihirap sa ilang, napakalapit na nila sa kanilang bagong tahanan, kung saan malaya nilang masasamba ang tunay at buhay na Diyos. Sa pagpanaw ni Moises, tinawag ng Diyos si Josue na maging propeta na siyang tatapos sa mahimalang paglalakbay na ito.

Si Josue ay isang maimpluwensyang lider. Sa Bible Dictionary tinatawag siyang “ang pinakamataas na uri ng isang tapat na mandirigma” at ang kahulugan ng kanyang pangalan ay “tulong ang Diyos” (Bible Dictionary, “Joshua”). Ang kanyang inspiradong pamumuno ay lubhang kailangan, dahil marami pang ilog na dapat tawirin at mga digmaang dapat pagwagian bago matupad at makamtan ang lahat ng ipinangako ng Panginoon sa mga anak ni Israel.

Alam ng Panginoon na kakailanganin ng propetang si Josue at ng mga anak ni Israel ang matinding katapangan sa panahong iyon. Sa unang kabanata ng aklat ni Josue, ilang beses siyang sinabihan ng Panginoon na “magpakalakas at magpakatapang na mabuti.” Ang salitang katapangan ay inilarawan bilang “kalakasan ng isipan o moralidad na … magtiyaga, at labanan ang panganib, takot, o kahirapan” (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 edisyon. [2003], “courage”; idinagdag ang pagbibigay-diin). Dahil sa kanilang katapangan at pagkamasunurin, nakapasok si Josue at ang mga anak ni Israel sa lupang pangako at naging maligaya sa mga pagpapala ng Panginoon.

Si Josue at ang mga anak ni Israel ay nabuhay maraming-maraming taon na ang nakalipas. Ngunit sa ating panahon tayo rin ay nagsisikap na makapasok sa “lupang pangako.” Ang pinakadakilang mithiin natin ay makamtan ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa unang kabanata ng aklat ni Josue, matatagpuan natin ang apat na gabay na tiyak na tutulong sa atin na madaig ang mga humahadlang sa atin, matapos ang ating paglalakbay, at matamasa ang mga pagpapala ng Panginoon sa ating “lupang pangako.”

Una, sa talata 5, ipinangako ng Panginoon kay Josue, “Hindi kita iiwan ni pababayaan kita.” Makasusumpong tayo ng tapang at lakas sa pangakong ito na palaging sasaatin ang Panginoon at hindi tayo iiwang mag-isa. Itinuro sa atin na kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Bilang isa sa Kanyang minamahal na mga anak na babae, makakamtan ninyo ang Kanyang katiyakan at patnubay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng panalangin. Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10).

Naniniwala ako sa mga salitang ito at nangangako sa inyo na talagang pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Subalit kadalasan kailangan ang pagtitiis kapag tayo ay “maghihintay sa Panginoon” (Isaias 40:31). Sa ating paghihintay, maaari tayong maniwalang pinabayaan na tayo o kaya’y hindi dininig ang ating mga panalangin o kaya’y hindi tayo karapat-dapat para masagot ang mga ito. Hindi ito totoo. Gusto ko ang nakapapanatag na mga salita ni Haring David: “Aking hinintay na may pagtitiis ang Panginoon; at siya’y kumiling sa akin, at dininig ang aking daing” (Mga Awit 40:1).

Anuman ang masagupa ninyo sa inyong sariling paglalakbay, ang unang gabay na nasa Josue ay nagpapaalala sa atin na manalangin, maging mapagtiis, at alalahanin ang pangako ng Diyos: “Hindi kita iiwan ni pababayaan kita” (Josue 1:5).

Ang pangalawang gabay ay nasa talata 7, nang sabihin ng Panginoon kay Josue, “Isagawa mo ang ayon sa buong kautusan… . : huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay magtamo ng mabuting kawakasan saan ka man pumaroon.” Sinasabihan ng Panginoon si Josue na mahigpit na sundin ang mga utos at huwag lumihis sa landas ng Panginoon. Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter: “Alam ni Josue na magdudulot ng tagumpay ang kanyang pagsunod, at bagama’t hindi niya alam nang lubos kung paano siya magtatagumpay, nagtiwala siya sa ibubunga nito… . Tiyak na ang mga karanasan ng mga dakilang propeta [na matatagpuan sa mga banal na kasulatan] ay itinala [at iningatan] upang tulungan tayong maunawaan ang kahalagahan ng pagpili sa landas ng lubusang pagsunod” (“Commitment to God,” Ensign, Nob. 1982, 57, 58).

Noong isang buwan binisita ko ang isang grupo ng mga kabataang babae. Tinanong ko ang mas nakatatandang mga dalagita kung anong payo ang maibibigay nila sa bagong Beehive upang tulungan siyang manatiling tapat at banal sa bawat sitwasyon. Sabi ng isang dalagita, “Kapag naglalakad ka sa mga pasilyo ng iyong paaralan, maaaring, sa sulok ng iyong mga mata, ay may mapapansin kang isang bagay, na tila hindi tama. Maaaring gusto mong alamin at tingnan ito. Ang payo ko sa iyo ay ito: Huwag kang tumingin. Talagang pagsisisihan mo ito kapag ginawa mo. Maniwala ka sa akin; diretso lang ang tingin mo.”

Habang pinakikinggan ko ang dalagitang ito, alam kong naririnig ko ang payo ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa” (Josue 1:7), na akma sa araw-araw na sitwasyon nitong mga huling araw. Mga kabataang babae, iwasan ang mga tukso na nakapaligid sa inyo sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga utos. Idiretso ang tingin sa inyong walang hanggang mithiin. Ang pangalawang gabay ay nagpapaalala sa atin na sa paggawa nito kayo ay poprotektahan at magkakaroon ng “mabuting kawakasan saan ka man pumaroon” (Josue 1:7).

Sa talata 8, matatagpuan natin ang ating pangatlong gabay. Dito ay binanggit ng Panginoon ang “aklat ng kautusan” at sinabi kay Josue na “[pagbulayan ito] araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: … at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.” Binibilinan ng Panginoon si Josue at tayong lahat na basahin ang mga banal na kasulatan. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw—lalo na ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon—ay nagtatatag ng matibay na pundasyon para sa lumalakas ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Inaanyayahan nito ang Espiritu sa inyong buhay. Ipinayo ni Pangulong Harold B. Lee, “Kung hindi tayo nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, hihina nang hihina ang ating patotoo, [at] hindi lalalim ang ating espirituwalidad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [kurso sa pag-aaral ng Melchizedek Priesthood at Relief Society, 2000], 79).

Nasa mga pahina ng mga banal na kasulatan ang napakaraming mga tagubilin, pangako, solusyon, at paalala na tutulong sa ating paglalakbay tungo sa “lupang pangako.” Sinasabihan tayo ng pangatlong gabay na magbasa at pagbulayan ang mga banal na kasulatan araw-araw upang umunlad at magtagumpay tayo.

Matapos magsalita ang Panginoon kay Josue, kinausap ni Josue ang mga anak ni Israel. Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sa talata 16, ang mga anak ni Israel ay tumugon sa kanyang mga salita at ibinigay sa atin ang pang-apat na gabay. Sumagot sila ng, “Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay paroroon kami.”

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may pagkakataon tayong gawin din ang pangakong ito na sundin ang ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na kapiling natin ngayong gabi. Sa pamamagitan ng panalangin at pagpapatibay ng Espiritu, bawat isa sa atin ay magkakaroon ng sariling patotoo tungkol sa buhay na propeta. Ang patotoong ito ay lumalakas kapag nakikinig tayo, sumusunod, at may lakas ng loob na ipamuhay ang kanyang mga turo araw-araw.

Ang pakikinig at pagsunod sa payo ng ating propeta ay nagtutulot sa atin na makamtan ang mga espesyal na pagpapala. Pakinggan ang ilan sa mga pangakong ipinopresiya sa atin ni Pangulong Monson sa ating huling pangkalahatang kumperensya: “Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y sumainyo ang pangako Niyang kapayapaan ngayon at magpakailanman” (“Pangwakas na Pananalita,” Liahona, Nob. 2009, 110). “Mga dakilang pangako ang naghihintay sa atin kung tayo ay tunay at tapat” (“Kapatid, Damdamin ay Turuan,” Liahona, Nob. 2009, 69). “Dalangin kong pagpalain kayo ng langit” (Liahona, Nob. 2009, 110).

Inaanyayahan kong pakinggan ninyo sa susunod na linggo sa pangkalahatang kumperensya ang mga tagubilin at pangakong ibinigay sa pamamagitan ng ating propeta at mga apostol. Pagkatapos ay ipamuhay ang pang-apat na gabay sa pamamagitan ng pangangakong sundin ang payo ng propeta at muling sabihing “lahat ng [kanyang] iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan [niya] man kami suguin ay paroroon kami” (Josue 1:16).

Sa sandaling ito, ang apat na gabay na ito—panalangin, pagsunod sa mga utos ng Diyos, araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pangangakong sundin ang buhay na propeta—ay tila tulad ng maliliit at mga karaniwang bagay. Ipaaalala ko sa inyo ang talatang matatagpuan sa Alma: “Masdan sinasabi ko sa iyo, na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Kapag ating ipinamuhay sa araw-araw, ang apat na “maliliit at mga karaniwang” gabay na ito mula sa aklat ni Josue ay magsasama-sama upang pinakamabisang pagmulan ng tapang at lakas: pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Alam ng Ama sa Langit na hindi madali ang paglalakbay ng bawat isa sa atin. Nahaharap tayo araw-araw sa mga sitwasyong nangangailangan ng tapang at lakas. Isang kuwento kamakailan sa Church News ang nagpatunay sa katotohanang ito:

“Ilang buwan na ang nakalipas isang guro sa high school ang sinimulan ang kanyang pagtuturo sa paghiling sa mga estudyanteng sumusuporta sa isang isyu ukol sa pulitika na tumayo sa isang panig ng silid-aralan, habang ang mga tutol dito ay pinatayo naman sa kabilang panig.

“Matapos pumuwesto ang mga estudyante, pumanig ang guro sa grupong tumututol. Sa pagpuntirya sa isang dalagita sa panig ng mga sumusuporta, sinimulan ng guro ang pagtuligsa sa kanya at sa iba pang kaklase dahil sa kanilang mga pananaw.

“Ang dalagita, na Mia Maid sa kanyang ward, ay tinanggap ang pag-atake na bumatikos sa kanyang mga pinaniniwalaan.

“[Nanatili siyang] kalmado sa harap ng hayagang pagtuligsa ng isang taong nasa kapangyarihan” (“What Youth Need,” Church News, Marso 6, 2010, 16).

Ang dalagitang ito ay nagpakita ng pambihirang tapang sa kanyang sariling pakikipaglaban, na sa araw na iyon ay nangyari sa mismong silid-aralan ng kanyang paaralan. Saanman kayo naroon at anuman ang makaharap ninyo, umaasa ako na gagamitin ninyo ang mga gabay na nasa aklat ni Josue nang sa gayon ay magtiwala kayo sa pangako ng Panginoon: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9).

Gusto kong iwan sa inyo ang aking patotoo na kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo. Kung babaling kayo sa Kanya, hindi Niya kayo pababayaan! Bibiyayaan Niya kayo ng lakas at tapang na kakailanganin ninyo upang matapos ang inyong paglalakbay pabalik sa Kanya. Nagpapasalamat ako sa mga banal na kasulatan at sa makapangyarihang mga halimbawa, tulad ng propetang si Josue. Nagpapasalamat ako kay Pangulong Monson, na nagsisikap na gabayan tayo nang ligtas pabalik sa ating Ama sa Langit. Dalangin ko na, tulad ng mga anak ni Israel, makapasok tayong lahat sa ating “lupang pangako” at makasumpong ng kapahingahan sa mga pagpapala ng Panginoon. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.