2010
Pagkakaroon ng Mabuting Paghatol at Hindi Paghatol sa Iba
Mayo 2010


Pagkakaroon ng Mabuting Paghatol at Hindi Paghatol sa Iba

Kailangan ang mabuting paghatol hindi lamang sa pag-unawa sa mga tao kundi sa pagharap din sa mga desisyon na umaakay sa atin palapit o palayo sa ating Ama sa Langit.

Larawan
Elder Gregory A. Schwitzer

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan maraming sitwasyon na kailangan nating gumawa ng mga paghatol na kadalasan ay mahirap. Gayunman iniutos ng Tagapagligtas na “huwag [tayong] magsihatol” sa ating kapwa-tao.1 Paano natin ito magagawa at magkaroon pa rin tayo ng mabuting paghatol sa mundong puno ng panlilinlang at katiwalian? Kailangang magpasiya tayong mabuti kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon sa bawat yugto ng ating buhay, tulad ng pagpili ng mga kaibigan, paghanap ng makakasama sa walang hanggan, o pagpili ng trabahong magtutulot sa atin na mapangalagaan ang ating pamilya at maglingkod sa Panginoon. Kahit sinabihan tayo ng Tagapagligtas na huwag hatulan ang iba, inaasahan pa rin Niya tayong gumamit ng wastong paghatol.

Marahil madalas tayong gumawa ng mararahas na paghatol sa mga tao, na maaaring magpabago o magpaiba sa ating pakikitungo sa kanila. Kadalasan nagkakamali tayo sa paghatol dahil limitado ang nalalaman natin o dahil hindi natin nakikita ang iba pang bagay maliban sa nasa harap natin.

Para mailarawan ito, madalas ikuwento ang panahon na binisita ni Jesus ang tahanan nina Maria at Marta, na nakatira sa Betania kasama ang kapatid nilang si Lazaro. Magandang lugar iyon para sa Guro, kung saan makakapagpahinga Siya at masisiyahan sa kapaligiran ng isang matwid na tahanan. Sa isa sa Kanyang mga pagbisita, abalang naghahanda ng pagkain si Marta at piniling maupo ni Maria sa paanan ng Guro upang maturuan Niya.

“Ngunit si Marta ay naliligalig sa maraming paglilingkod; at siya’y lumapit sa kaniya, at sinabi, Panginoon, wala bagang anoman sa iyo na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa?…

“Datapuwa’t sumagot ang Panginoon, at sinabi sa kaniya, Marta, Marta, naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay:

“Datapuwa’t isang bagay ang kinakailangan: sapagka’t pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.”2

Marami nang araling naituro sa araw ng Linggo gamit ang kuwentong ito kung saan mukhang nagkulang sa pananampalataya si Marta. Subalit may isa pang kuwento tungkol sa dakilang babaeng si Marta, na nagbibigay sa atin ng mas malalim na pananaw tungkol sa kanyang pang-unawa at patotoo. Nangyari ito nang dumating ang Tagapagligtas para ibangon ang kanyang kapatid na si Lazaro mula sa mga patay. Sa sitwasyong ito si Marta ang makikita nating sumalubong kay Jesus “nang marinig niyang” dumarating Siya. Nang salubungin niya ito, sinabi niya na “nalalaman” niya na “anomang hingin [Niya] sa Dios, ay ipagkakaloob sa [Kanya] ng Dios.”

Pagkatapos ay ibinahagi ni Cristo kay Marta ang dakilang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli na sinasabing:

“Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya:

“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?”

Sumagot siya sa kanyang makapangyarihan at taimtim na patotoo: “Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.”3

Gaano kadalas magkamali sa paghatol kay Marta bilang isang taong mas pinahalagahan ang mga gawain kaysa sa Espiritu? Gayunman, malinaw na nakita sa kanyang patotoo ang lalim ng kanyang pang-unawa at pananampalataya nang mamatay ang kanyang kapatid.

Marami nang babaing nakarinig sa unang kuwento at nag-iisip kung isa siyang Maria o Marta, subalit ang katotohanan ay nasa pagkaalam sa buong pagkatao at paggamit ng mabuting paghatol. Sa pagkilala pa kay Marta, malalaman nating siya ay isang taong malalim ang espirituwalidad, na may malakas at hayagang patotoo tungkol sa misyon ng Tagapagligtas at sa Kanyang banal na kapangyarihan sa buhay. Kung magkamali tayo ng paghatol kay Marta hindi natin malalaman ang tunay na pagkatao ng butihing babaeng ito.

Sa buhay ko, bilang batang doktor, malaking aral ang natutuhan ko tungkol sa mabilis na paghatol. Noong panggabi ang trabaho ko sa isang emergency department, pumasok ang isang lalaki at ang kanyang asawa dahil malubha ang sakit na nararamdaman ng babae. Sa kanilang pananamit at karumihan, madaling makita na mahirap ang buhay nila. Magulo at masyadong mahaba ang buhok ng lalaki. Matagal nang hindi nalalabhan ang damit nila, at makikita sa mukha nila ang kahirapan ng buhay.

Matapos masuri, kinausap ko ang lalaki para ipaliwanag ang problema at kailangang panggagamot. Tumingin sa akin ang lalaking ito at malinaw sa kanyang mga mata ang pag-ibig na bihirang madama at nagtanong siya taglay ang buong pagmamahal ng isang mabuting asawa, “Dok, magiging ayos ba ang kalagayan ng mahal kong asawa?” Sa sandaling iyon, nadama kong nagpatotoo ang Espiritu na siya ay anak ng Diyos at nakita ko sa kanyang mga mata ang katunayan ng Tagapagligtas. Ang lalaking ito ay tunay na nagpakita ng pagmamahal sa iba, at nagkamali ako ng paghatol sa kanya. Nakintal sa isipan ko ang aral na iyon.

Kailangan ang mabuting paghatol hindi lamang sa pag-unawa sa mga tao kundi sa pagharap din sa mga desisyon na umaakay sa atin palapit o palayo sa ating Ama sa Langit. Habang iniisip ko ang aking nakaraan, nakikita ko ang maraming pagkakataon kung kailan ang kaunting paglihis ng landas, batay sa maling paghatol, ay umakay sana sa akin palayo sa nais ng Panginoon na marating ko—ang mga desisyong tulad ng pagkakaroon ng pamilya habang nag-aaral, pagiging aktibo sa lahat ng aspeto ng ebanghelyo, pagbabayad ng ikapu at mga handog kapag maliit ang kita, at pagtanggap ng mga tungkulin sa oras ng kahirapan, ay nakatulong sa akin para higit na matuto tungkol sa sakripisyo. Maraming pagpapala sa buhay ang nawawala dahil makamundo ang paghatol sa isang talagang espirituwal na desisyon.

Maraming katangian ang mga taong nagkaroon ng mabuting paghatol. Narito ang apat na gabay para magkaroon ng gayong paghatol sa paggawa ng mahahalagang desisyon.

Una, iayon ang sarili ninyong mga pamantayan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang isang tao ay hinding-hindi magiging mabuting hukom kung hindi sasangguni sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ay may mahabang talaan ng tagumpay sa paggabay sa mga tao tungo sa kaligayahan. Ilan sa mga ideya ng mundo ang iniiwang nangangapa ang mga tao sa pagtatangkang ipaliwanag ang sarili nilang mga pamantayan. Dahil dito, naririnig natin ang mga katagang gaya ng “bagong moralidad.” Mapanlinlang ang katagang ito! Ang mga pamantayan ng moralidad ay walang hanggan at hindi pa nagbabago; ni hindi natin dapat tangkaing tuklasin ang bagong interpretasyon ng mga ito. Para sa mga kabataan nakasulat ang mga pamantayang ito sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang mga pamantayang ito ay malinaw na nakaayon sa ebanghelyo ni Jesucristo at nilayong magpatuloy hanggang sa pagtanda. Marahil makabubuti sa ating matatanda na pag-aralan at ipamuhay mismo ang nasa polyetong ito.

Ikalawa, pakinggan ang mga mensahe ng buhay na propeta. Ilang maling paghatol ba sa pananalapi ang naiwasan sana kung nakinig tayo sa matagal nang payo ng ating mga propeta na umiwas sa mapanganib na pagsasapalaran at pagsunod sa maingat na badyet para maiwasan ang pangungutang? Ilang pagsasama ng mag-asawa ang naisalba sana sa pamamagitan ng mabuting paghatol na iwasan ang media na umaakay sa pagkalulong sa pornograpiya at kasawian? Bawat pangkalahatang kumperensya at magasing Liahona ay naglalaman ng payo ng mga propeta na, kung ipamumuhay, ay aakay sa atin sa mabuting paghatol. Walang dahilan para balewalain natin ang mga ito.

Ikatlo, pakinggan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ibinigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo matapos tayong binyagan, ngunit kadalasan ay kinalilimutan natin ang kaloob na ito, at kinalilimutan na tutulungan Niya tayo sa pinakamahahalagang paghatol natin sa buhay. Ipinagkaloob ito sa atin ng Panginoon, batid na gagawa tayo ng mahihirap na desisyon sa buhay. Mahalagang pakinggan ang tinig na ito sa pagkakaroon ng mabuting paghatol. Ang pakikinig natin kadalasan ay nangangailangan ng tahimik na kapaligiran kung saan makapag-uukol tayo ng oras na magnilay-nilay at makinig sa marahan at banayad na tinig. Ang payapang kapaligirang ito ay kapwa sa labas at sa kalooban. Samakatuwid, higit pa ito sa hindi pakikinig sa musika ng mundo o ingay ng iba pang media; hindi rin ito pakikinig sa ingay ng kasalanan sa ating kalooban. Sisimulan nito ang pakikipag-ugnayan sa Espiritu, na kailangang-kailangan.

Sabi ni Cristo: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”4 Ang kapayapaang nagmumula sa pakikinig sa Banal na Espiritu ay pumapawi ng takot na makagawa ng maling paghatol sa buhay.

Ikaapat, sundin ang mga utos. Ang kahandaang sundin ang mga utos ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng maraming ipinangakong mga pagpapala. Ang Aklat ni Mormon, bukod pa sa pagiging isa pang tipan ni Jesucristo, ay isang aklat tungkol sa mga bunga ng pagsunod at pagsuway sa mga utos. Sinabi ng Panginoon kay Nephi sa ikalawang kabanata ng kanyang unang aklat, “Habang sinusunod mo ang aking mga kautusan, ikaw ay uunlad.”5

Inulit ang pangakong iyon ng halos bawat kilalang propeta sa Aklat ni Mormon. Isang libong taon ng kasaysayan ang itinala pagkatapos na nagpapatunay na ang mga salitang ito ay totoo. At angkop din sa atin ngayon ang mensaheng ito. Ang mabuting paghatol ay pinakamainam na natututuhan at naipamumuhay ayon sa mga pamantayang itinakda ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan.

Nagpapatotoo ako na kapag nahaharap tayo sa mahihirap na desisyon at sinunod ang mga tuntuning ito, malalaman natin kung paano tayo dapat humatol. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Mateo 7:1. Tingnan din sa Mateo 7:1, talababa a; mula sa Joseph Smith Translation, kung saan inutusan tayo ng Tagapagligtas na “huwag hahatol nang di makatarungan.”

  2. Lucas 10:40–42.

  3. Tingnan sa Juan 11:20–27.

  4. Juan 14:27.

  5. 1 Nephi 2:20.