2010
Huwag na Huwag Susuko Kailanman!
Mayo 2010


Huwag na Huwag Susuko Kailanman!

Ano ang nais ng Panginoon na gawin ninyo? Gusto Niya kayong maging magiting at mga banal na anak ng Diyos, tapat na namumuhay sa bawat araw upang maging karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng templo.

Larawan
Mary N. Cook

Noong Agosto dinala namin ang ilan sa aming mga apo sa Timpanogos Cave National Monument, isa sa mga pinakabantog na pasyalan sa Utah. Iyon ay mahirap na paglalakad na isa’t kalahating milya (2.4-km) ang layo bago marating ang kuweba pero sulit ang pagod kapag nakita mo na ang maganda at mga spiral formation ng kuweba. Natiyak kong ang siyam na taong gulang na si Ruthie ay di gaanong mahihirapan, pero inisip ko kung ang anim na taong gulang na si Caroline ay may sapat na lakas at tibay ng katawan para makarating doon.

Sabik kaming lahat sa simula ng paglalakad, at sa una ay mabilis ang aming pagtahak sa landas. Mabilis ang aming paglakad sa una, pero natagalan bago namin narating ang kalahatian. Nagsimulang panghinaan ng loob si Caroline. Kayang-kaya ni Ruthie at hinikayat niya si Caroline na patuloy na lumakad. Binagalan namin ang paglakad para makahabol si Caroline. Pagkatapos ay parang naging mali na ang lahat. Dumating ang malakas na hangin, at dahil sa alikabok na dala nito ay mahirap makita ang daan. Medyo nakakatakot, at parang kulang pa iyon, at narating namin ang karatula na “Pugad ng Rattlesnake. Manatili sa Daan. Manatiling Ligtas.”

Dahan-dahan kami sa mahirap na paglalakad, lampas na kami sa kalahati, pero kailangan pa naming akyatin ang pinakamatarik na bahagi ng bundok. Pagod, takot, at duda sa kanyang kakayahan, naupo si Caroline at umiiyak na sinabing, “Ayoko na! Hindi ko na kaya!”

Naupo kami, at pinag-usapan ang dapat naming gawin. Gumawa kami ng plano. Nagpasiya kaming bilangin ang aming mga hakbang at tingnan kung ano ang madarama namin pagkatapos ng 100 hakbang. Tiniyak namin ni Ruthie kay Caroline na tutulungan namin siya. Hahanap kami ng bagay na magpapasaya sa amin habang nasa daan at sasabihin kung ano ang mga natuklasan namin. Kumanta pa kami ng mga awitin sa Primary.

Nagkaroon ng pagbabago. Pinili ni Caroline na sundin ang plano. Sa isandaang hakbang ang imposibleng gawain ay parang magagawa. Alam ni Caroline na tutulungan namin siya, at habang naghahanap kami ng mabubuting bagay sa paligid at kumakanta, naging mas masaya kami.

Kayo ba’y natakot na at pinanghinaan ng loob nang maharap kayo sa isang hamon na parang hindi ninyo kaya? Ginusto na ba ninyong sumuko?

Isipin si Josue, na humalili sa dakilang propetang si Moises, kung ano kaya ang nadama niya, nang malaman na pangungunahan niya ang mga anak ni Israel papunta sa lupang pangako. Tiyak na may mga pagkakataong gusto na niyang sumuko. Ngunit inalo siya ng Panginoon at pinaalalahanan siya nang tatlong beses na maging matatag at matapang (tingnan sa Josue 1:6–9). Taglay ang pananampalatayang makakasama nila ang Diyos, nangako ang mga anak ni Israel na, “Lahat ng iyong iniutos … ay aming gagawin” (Josue 1:16).

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwento ng mga babae’t lalaki na nagpakita ng tatag ng kalooban na gawin anuman ang iutos ng Panginoon, kahit tila imposible ang gawain, kahit na parang gusto na nilang sumuko.

Ano ang nais ng Panginoon na gawin ninyo? Gusto Niya kayong maging magiting at mga banal na anak ng Diyos, tapat na namumuhay sa bawat araw upang maging karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng templo at makabalik sa Kanya. Sa mundo ngayon kailangan diyan ang lakas ng loob. Nasa inyo ang plano ng kaligtasan, at dahil dito ay posible ninyong magawa ito. Ang kalayaang moral, ang kakayahang pumili, ay mahalagang bahagi ng planong ito. Nakagawa na kayo ng ilang mabubuting pasiya. Bago kayo isinilang, pinili ninyong pumarito sa lupa upang tumanggap ng katawan at patunayang karapat-dapat kayo. Pinili ninyong magpabinyag, na siyang unang ordenansang kailangan sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Nararanasan ninyo ngayon ang buhay sa lupa, kung saan patuloy kayong pumipili, natututo, at umuunlad. Ang paggawa ng mga sagradong tipan at pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay isa pang mahalagang hakbang sa plano.

Habang tumatanda kayo, mga dalagita, ang landas ay lalong nagiging matarik, at maaaring gusto na ninyong sumuko. Mas dumarami ang hamon sa buhay, puno ng mga desisyon at tukso sa bawat pagliko. Hihipan ni Satanas ang hangin ng pagkalito na maaaring maging dahilan para itanong ninyo kung ito ang landas na gusto ninyong tahakin. Maaari kayong matuksong subukan ang ibang daan, kahit may nakapaskil na panganib. Maaari ninyong pagdudahan ang inyong mga kakayahan, at isipin tulad ng isang dalagita na, “Puwede ba talagang manatiling malinis sa mundo ngayon?” Ang sagot, mga bata kong kaibigan, ay “Oo!” At ang payo ko sa inyo ay tulad ng ipinayo ni Winston Churchill noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig: huwag na huwag susuko kailanman! (tingnan sa “Never Give In” [talumpati, Harrow School, London, England, Okt. 29, 1941]).

Kailangan dito ang lakas ng loob, ngunit nasa inyo ang Kanyang plano! Ano ang makatutulong sa inyo upang sundin ang plano at maging magiting at banal na anak ng Diyos? Una, magkaroon ng matatag na patotoo, nang dahan-dahan. Pangalawa, hingin ang tulong ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, ng inyong pamilya at ng iba pa na susuporta sa inyong desisyon na sundin ang plano. At ang huli, mamuhay nang marapat para palagiang makasama ang Espiritu Santo.

Tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag na patotoo, si Pangulong Thomas S. Monson ay nangako sa mga dalagita na, “Ang inyong patotoo, kapag inalagaan palagi, ang magliligtas sa inyo” (“Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 126).

“Unti-unting lalakas ang inyong patotoo dahil sa inyong mga karanasan. Walang sinumang tumatanggap ng lubos na patotoo sa isang iglap” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 194). Maaalala ninyo na para maakyat ang pinakamatarik na bahagi ng bundok, paisa-isa ang aming paghakbang. Upang magkaroon ng patotoo, kailangan ninyo itong pangalagaan sa bawat hakbang. “Mag-iibayo [ang inyong patotoo] kapag nagpasiya kayong sundin ang mga utos. Kapag pinasisigla at pinalalakas ninyo ang iba, makikita ninyong patuloy na lalakas ang inyong patotoo.” Kapag nakaugalian ninyo ang pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagsunod sa mga kautusan at paglilingkod sa iba, “bibiyayaan kayo ng mga inspirasyon sa mahahalagang sandali na [magpapalakas] sa inyong patotoo” (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya, 194).

Ang Pansariling Pag-unlad ay magandang paraan para mapangalagaan ang inyong patotoo nang dahan-dahan. Ang mga karanasan sa pinahahalagahan at proyekto ay maliliit na hakbang na mangangalaga sa inyong patotoo kay Jesucristo habang natututuhan ninyo ang Kanyang mga turo at regular na ipinamumuhay ang mga ito. Dahil sa palagiang pangangalagang ito kayo ay mananatiling ligtas.

Pangalawa, hingin ang tulong ng iba upang bigyan kayo ng dagdag na lakas at suporta. Lumapit muna sa inyong Ama sa Langit sa panalangin. Kayo ay Kanyang anak. Kilala at mahal Niya kayo. Dinirinig at sinasagot Niya ang inyong mga dasal. Maraming beses na itinuro sa atin sa mga banal na kasulatan na “palaging manalangin” (tingnan, halimbawa, ang D at T 90:24). Habang nagdarasal kayo, ang Panginoon ay sasainyo tulad ng ginawa noon ng Panginoon kay Josue.

Kailangan ng bawat isa sa atin ang tulong ng Tagapagligtas upang masunod ang plano at makabalik sa ating Ama sa Langit. Marahil nakagawa kayo ng ilang pagkakamali o nagsimulang tahakin ang ibang landas. “Dahil mahal ka ng Tagapagligtas at ibinigay ang Kanyang buhay para sa iyo, maaari kang magsisi… . Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas maaaring mapatawad ang iyong mga kasalanan” (Pansariling Pag-unlad ng Young Women, [buklet, 2009], 71). “Kapag mas maaga kayong nagsisi, mas maaga ninyong matatagpuan ang mga biyayang dulot ng kapatawaran” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, [polyeto, 2002], 30).

Magpasiya ngayong gawin ang kinakailangan upang makapagsisi. “Maging karapat-dapat na tumanggap ng sacrament linggu-linggo at punuin ang iyong buhay ng mga banal na gawaing magdudulot ng espirituwal na lakas. Sa paggawa mo nito, lalong lalakas ang kakayahan mong labanan ang tukso, sundin ang mga kautusan, at maging higit na katulad ni Jesucristo” (Pansariling Pag-unlad ng Young Women, 71).

Ang mga propeta sa mga huling araw ay nasa lupa upang tulungan din kayo. Ang mga propeta ay nagsasalita para sa ngayon. Ituon ang pansin sa kanilang mga salita. Ibibigay nila sa inyo ang mga karatulang magbababala sa panganib at pananatilihin kayo nitong ligtas sa landas. Ang mga karatulang para talaga sa inyo ay nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan. “Propeta’y sundin; s’ya ang gabay” (Aklat ng mga Awit Pambata, “Propeta’y Sundin,” 58–59).

Isa sa mga dakilang pagpapala ng plano ay ang inorganisa tayo sa mga pamilya. May mga magulang kayo na mas malawak ang karunungan at karanasan at makatutulong para makamit ninyo ang inyong banal na potensiyal. Magtiwala sa kanila. Hangad nila ang pinakamabuti para sa inyo.

Matuto mula sa inyong ina, sa inyong lola, at sa iba pang mabubuting babae na may malakas na patotoo. Ang papel ng isang ina sa plano ay maging tagapangalaga. Mga ina, walang hihigit sa pagmamahal ninyo sa inyong mga anak na babae. Kayo ang kanyang pinakamabuting lider, gabay, at halimbawa. Umaasa kaming tatanggapin ninyo ang paanyayang gawin ang Pansariling Pag-unlad kasama ng inyong anak. Batay sa natutuhan ko sa pagkumpleto ng pinahahalagahang kabanalan kasama ang inay ko, ang inyong ugnayan ay tatatag at kapwa kayo mabibiyayaan ng pagmamahal, suporta at paghikayat ninyo sa isa’t isa.

Mga dalagita, piliin ninyo ang mabubuting kaibigan na susuporta sa inyong mabuting pasiya na sundin ang plano. Tulad ni Ruthie, na humikayat kay Caroline, alam naming marami kayong magagawa upang palakasin ang isa’t isa. Pagkatapos ninyong tanggapin ang inyong Pagkilala sa Pagdadalaga, kayo naman ang magiging “ate.” Sa pagkakamit ninyo ng Honor Bee magkakaroon kayo ng pagkakataong palakasin ang isa pang dalagita dahil sa inyong mabuting halimbawa at patotoo habang ginagabayan ninyo siya sa kanyang Pansariling Pag-unlad.

At ang huli, mamuhay nang marapat para palagiang makasama ang Espiritu Santo. Noong tinulungan namin si Caroline, na hanapin ang mabubuting bagay sa paligid, at kumanta pa ng mga awitin sa Primary, naanyayahan namin ang Espiritu. Nakadama kami ng pagmamahal, galak, at kapayapaan, na mga bunga ng Espiritu (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22). Kakailanganin ninyo ang kapayapaan at katiyakang iyon kapag sinubukan kayong lituhin ni Satanas gamit ang hangin ng kalituhan, kapag tinutukso kayong tahakin ang ibang landas, o kapag hindi mabait ang iba o nilalait ang inyong mga pinaniniwalaan.

Hayaang ibahagi ko sa inyo ang karanasan ni Julie, isang dalagitang naharap sa isang hamon dahil sa pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Pinag-aaralan niya ang Lumang Tipan isang araw, at pumasok sa isip niya, “Basahin mo ang Mateo 5. Basahin mo ang Mateo 5.” Naisip niya, “Bakit ko maiisip na basahin ang Bagong Tipan?” Sinunod niya ang pahiwatig at binasa sa Mateo, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig, [at ipagdasal ang mga nang-aapi sa inyo]” (Mateo 5:44).

Kinabukasan nagkaroon siya ng kaunting problema sa kanyang mga kaibigan na di mababait at nagtaksil sa kanya. Sa una ay galit na galit siya, at pagkatapos ay naisip niya, “Inihanda ako para dito. Ipinadama sa akin ng Espiritu na basahin ang Mateo, at kailangan kong mahalin at ipagdasal ang mga kaibigan ko.” Ang munting hakbang ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay naghanda sa kanya upang tumugon sa paraang tulad ng kay Cristo. Mula sa karanasang iyon, tiniyak sa kanya na kilala siya ng Panginoon, at sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, nalaman niya ang dapat niyang gawin.

Mahal kong mga dalagita, nakadaupang-palad ko na ang marami sa inyo, na tulad ni Julie, ay hindi sumuko sa mahihirap na kalagayan, kundi piniling sundin ang plano. Dalangin ko na dahan-dahan ninyong patuloy na patatagin ang inyong patotoo. Hingin ang tulong ng ating Ama sa Langit, ni Jesucristo, ng mga propeta, at ng iba pa na susuporta sa inyong desisyon na sundin ang plano. Mamuhay nang mabuti upang patnubayan kayo ng Espiritu Santo at gabayan kayo. Nagpapatotoo ako na kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, sasainyo ang Panginoon at mananatili kayo sa landas na hahantong sa templo at sa buhay na walang hanggan. “Maging matatag at lakasan ang loob” (Josue 1:9) at huwag na huwag susuko kailanman! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.