2013
Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Setyembre 2013


Mga Kuwento mula sa Kumperensya

Isang Liwanag sa Africa

Mula sa “Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Liahona, Mayo 2013, 76.

Ilang taon na ang nakalilipas, kami ng asawa kong si Harriet, ay nagkaroon ng hindi malilimutang karanasan kung saan nakita namin ang katuparan ng pangakong ito. Nasa West Africa kami noon, isang magandang panig ng mundo kung saan lumalago ang Simbahan at kahanga-hanga ang mga Banal sa mga Huling Araw. Gayunman, marami ring pagsubok sa West Africa. Ang ikinalulngkot ko sa lahat ay ang kahirapan na nakita ko roon. Sa mga lungsod, marami ang walang trabaho, at kadalasan ay hirap ang mga pamilya na tustusan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw at nag-aalala sa kanilang kaligtasan. Lungkot na lungkot ako na malaman na marami sa ating minamahal na mga miyembro ng Simbahan ay namumuhay sa gayong kahirapan. Ngunit nalaman ko rin na nagtutulungan ang mabubuting miyembrong ito para mapagaan ang mabibigat na pasanin ng isa’t isa.

Nakarating kami sa isa sa ating mga meetinghouse na malapit sa isang malaking lungsod. Ngunit sa halip na makakita ng mga taong nabibigatan at lugmok sa kadiliman, ang nakita namin ay masasayang tao na nagniningning sa liwanag! Ang kaligayahang nadama nila sa ebanghelyo ay nadama namin at nagbigay-sigla sa amin. Ang pagmamahal na ipinakita nila sa amin ay nakaaantig. Ang kanilang mga ngiti ay tunay at nakakahawa.

Naaalala kong naisip ko sa sandaling iyon kung mayroon pang mga tao sa balat ng mundo na mas maligaya kaysa sa kanila. Kahit na napalilibutan ng kahirapan at mga pagsubok ang mga mahal na Banal na ito, puno sila ng liwanag!

Nagsimula ang pulong, at nag-umpisa akong magsalita. Ngunit di nagtagal namatay ang ilaw sa gusali, at naging napakadilim.

Sumandali akong nahirapang makita ang sinuman sa kongregasyon, ngunit nakita at nadama ko ang maliwanag at magagandang ngiti ng ating mga miyembro. Ah, ang sarap makasama ng kahanga-hangang mga taong ito!

Madilim pa rin sa chapel, kaya naupo ako sa tabi ng aking asawa at hinintay na magkaroon ulit ng ilaw. Habang naghihintay kami, may kagila-gilalas na nangyari.

Sinimulang kantahin ng ilang tinig ang isa sa mga himno ng Panunumbalik. At sumabay sa pagkanta ang iba. At nadagdagan pa. Hanggang sa isang napakagandang koro ng mga tinig ang pumuno sa chapel.

Hindi kailangan ng mga miyembrong ito ng Simbahan ng mga himnaryo; alam nila ang titik ng bawat himnong kinanta nila. At sunud-sunod ang inawit nila nang buong lakas at sigla na umantig sa aking kaluluwa.

Sa wakas, sumindi na ulit ang mga ilaw at napuno ng liwanag ang silid. Nagtinginan kami ni Harriet, at basa sa luha ang aming mga pisngi.

Sa gitna ng matinding kadiliman, pinuno ng mga kalugud-lugod at kahanga-hangang mga Banal na ito ng liwanag ang gusali ng Simbahan at ang aming kaluluwa.

Napakaganda at nakaaantig ang karanasan naming iyon—karanasan na di namin malilimutan ni Harriet.

Paglalarawan ni Richard M. Romney