2013
Pagkatuto mula sa mga Buhay na Propeta
Setyembre 2013


Pagkatuto mula sa mga Buhay na Propeta

Hango sa mensahe mula sa isang Church Educational System fireside na ibinigay noong Marso 4, 2007, dalawang taon bago tinawag si Elder Andersen sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Maaari ba tayong maging mas masigla, mapanuri, at masunurin sa pagtutuon ng pansin sa payo at turo ng mga Kapatid?

Larawan
First Presidency

Totoong mahal natin si Pangulong Thomas S. Monson, ang dalawang tagapayo sa Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol. Pero sa pagkilala sa ating pagmamahal at katapatan, itatanong ko, Maaari ba tayong maging mas masigla, mapanuri, at masunurin sa pagtutuon ng pansin sa payo at turo ng mga Kapatid?

Apat na Bagay na Itatanong

Isipin kung paano ninyo sasagutin ang sumusunod na mga tanong:

  1. Masasabi ba ninyo sa akin ang mga pangalan ng tatlong miyembro ng Unang Panguluhan at ang mga pangalan ng bawat miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol? Sila ang 15 kalalakihang sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

  2. Kung ipapakita namin ang larawan ng Kalalakihang ito, makikilala ba ninyo ang bawat isa sa kanila? Bihira nating pansinin ang isang taong hindi natin kilala o nakikilala.

  3. Maibabahagi ba ninyo sa akin ang payo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol mula sa huling pangkalahatang kumperensya? At matutukoy ba ninyo ang mga alalahanin nina Pangulong Monson, Pangulong Eyring, at Pangulong Uchtdorf sa mga Mensahe ng Unang Panguluhan sa Liahona sa taong ito?

  4. Marahil ang mas mahalaga ay, maibabahagi ba ninyo sa akin ang isang pasiya kamakailan kung saan binago ninyo ang isang bagay sa buhay ninyo dahil sa payong natanggap ninyo mula sa isa sa 15 kalalakihang ito?

Larawan

Ang Huwaran ng Panginoon

Ang mga dahilan kung bakit napakahalaga ng mga sagot natin sa mga tanong na ito ay nakasalalay sa tungkulin at responsibilidad ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol. Sa tuwing itatatag ang Simbahan ng Panginoon, tumatawag ang Panginoon ng mga propeta at apostol. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal” (Juan 15:16). Sa kalalakihang ito ang ordinasyong iyan ay naghahatid ng espirituwal na kapangyarihan at taimtim na responsibilidad—isang kapangyarihang makaalam at magpatotoo at isang responsibilidad na magturo at magpala. Naghahatid din ito ng responsibilidad at pangako sa ating lahat. Responsibilidad nating makinig at sumunod, at pinangakuan tayo na darating ang mga pagpapala kapag tayo ay naniwala at tumalima sa kanilang sinabi.

Nang tumawag ng labindalawang disipulo ang Panginoon sa lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro Niya sa mga tao: “Pinagpala kayo kung kayo ay makikinig sa salita nitong labindalawang aking pinili mula sa inyo upang maglingkod sa inyo, at maging inyong mga tagapaglingkod” (3 Nephi 12:1). Sa ating panahon, sa napakahirap na sandali, nangako ang Panginoon sa mga Banal, “Kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi maaalis mula sa kanilang lugar” (D at T 124:45).

Ito ang huwaran ng Panginoon. Tumatawag siya ng 15 kalalakihang “karaniwan ang katayuan sa buhay”1 at pinagkakalooban sila ng mga susi at kapangyarihang gabayan at turuan tayo. Hindi tayo pinipilit na sumunod; walang pamimilit. Ngunit kung pakikinggan nating mabuti ang kanilang sinasabi, kung tutugon tayo at kusa nating babaguhin ang ating pag-uugali kapag pinagtibay ng Espiritu Santo ang kanilang payo, hindi tayo iaalis sa ating lugar—ibig sabihin ay hahawak tayo nang mahigpit sa gabay na bakal at mananatili tayong ligtas magpakailanman sa landas patungo sa punungkahoy ng buhay.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “The Twelve Apostles,” Ensign, Nob. 1996, 6.

  2. Kaugnay ng kahalagahan ng mga buhay na propeta, sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff: “Kung nasa atin ang bawat paghahayag na ibinigay ng Diyos sa tao; kung nasa atin ang Aklat ni Enoc; kung nasa atin sa wikang Ingles ang di naisaling lamina; kung nasa atin ang mga nakasarang talaan ng Tagapaghayag na si San Juan, at iba pang mga paghahayag, at nakasalansan ang mga ito nang sandaang talampakan ang taas, ang simbahan at kaharian ng Diyos ay hindi lalago, sa panahong ito o sa alinmang panahon ng daigdig, nang walang mga buhay na orakulo [propeta] ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 217).

Mga larawang kuha ni Craig Dimond © IRI; background: thinkstock/istockphoto