2018
Ang Ma-release ay Isang Simula, Hindi Isang Katapusan
February 2018


Paglilingkod sa Simbahan

Ang Ma-release ay Isang Simula, Hindi Isang Katapusan

Hindi tayo umaakyat o bumababa sa puwesto sa Simbahan. Tayo ay magkakasama sa pagsulong.

Larawan
Jesus walking

Detalye mula sa Seeking the One, ni Liz Lemon Swindle, hindi maaaring kopyahin

Kamakailan, ang isa kong kaibigan ay na-release bilang bishop ng kanyang ward. Pagkaraan ng ilang araw, dahil alam niyang naglingkod din ako bilang bishop, hiniling niya na makausap ako.

“Normal ba itong nararamdaman ko?” tanong niya.

“Ano bang nararamdaman mo?”

“Pakiramdam ko, nag-iisa ako. Naging bahagi ako ng buhay ng maraming tao, at ngayon sa isang iglap, tapos na ang lahat. Mararamdaman ko pa bang bahagi ako ng buhay ng iba?”

Ang tanong niya ay nagpaalala sa akin noong panahong na-release din ako. Naalala ko na ganoon din ang pakiramdam ko. Hinahanap-hanap ko ang pagtulong ko sa mga tao na mas mapalapit sila sa Tagapagligtas at sa kanilang Ama sa Langit. Hinahanap-hanap ko ang paghihikayat sa kanila na maghangad at sundin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang pagkakataong makapaglingkod bilang bishop ay isang napakagandang pagpapala, at ngayon ay wala na ito.

Ngunit nawala nga bang talaga? Sa paglipas ng panahon, napagtanto ko na ang pagpapalang hatid ng paglilingkod ay hindi nawawala. Ang mga pagkakataong ito ay palaging nariyan. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hindi ba dapat lagi natin Siyang aalalahanin? (tingnan sa D at T 20:77, 79). Hindi ba dapat lagi nating tutulungan ang iba na mapalapit sa Tagapagligtas at sa kanilang Ama sa Langit? Hindi ba dapat lagi nating tutulungan ang iba, lalo na ang ating asawa at kapamilya, na maghangad at sundin ang inspirasyon ng Espiritu Santo?

Naalala ko ang mga salitang ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi tayo ‘bumababa sa puwesto’ kapag ini-release tayo, at hindi tayo ‘umaakyat sa puwesto’ kapag tinawag tayo. Walang ‘pagtaas o pagbaba’ sa paglilingkod sa Panginoon. Mayroon lamang ‘pasulong o paurong,’ at iyan ay depende sa kung paano natin tanggapin at tugunan ang pag-release at pagtawag sa atin. Minsan ay pinamunuan ko ang pag-release sa isang batang stake president na tapat na naglingkod nang siyam na taon at ngayon ay masaya sa pag-release sa kanya at sa bagong tungkulin na natanggap nilang mag-asawa. Tinawag silang maging mga nursery leader sa kanilang ward. Tanging sa Simbahang ito itinuturing na parehong karangalan iyan!”1

Habang nag-uusap kami ng kaibigan ko, napagtanto namin na ang paglilingkod ay hindi nagtatapos sa pagka-release mula sa anumang tungkulin. Para sa mga sumusunod kay Cristo, ang paglilingkod ay walang katapusan. Kalaunan ay tumanggap kami ng bagong tungkulin, at magsisimula muli kami dahil lahat tayo ay magkakasama sa pagsulong.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 49.