2018
Pagpapadali ng Gawaing Misyonero
May 2018


Pagpapadali ng Gawaing Misyonero

Nitong huling anim na buwan, gumawa ang Simbahan ng ilang hakbang para mapadali ang gawaing misyonero.

Mga tanong tungkol sa pamantayan. Pinasimulan ng Unang Panguluhan ang isang set ng mga tanong tungkol sa mga pamantayan na gagamitin ng mga bishop at stake president sa pag-interbyu sa mga prospective full-time missionary. Hinikayat nila ang mga lider, mga magulang, at kabataan na maging pamilyar sa mga tanong.

Ang mga pamantayan na inilalahad sa mga tanong ay hindi magbabago o magdaragdag sa mga kinakailangan para sa full-time missionary service, ngunit ang pagrerepaso ng mga ito nang regular ay makatutulong sa prospective missionary at mga magulang na matuto ng mga alituntunin at matukoy ang mga aspeto na kailangang mapagbuti o mas mapaghandaan.

Paggamit ng teknolohiya. Ang bilang ng mga mission na gumagamit ng mga mobile device ay 162 na mula sa dating 87, at ang mga tablet ay pinapalitan na ngayon ng mga smartphone. Ang phone ay makatutulong sa mga missionary sa pag-aaral, paghahanap, at pagtuturo.

Ginagamit din ang teknolohiya sa pagbibigay ng impormasyon online sa mga tao na naghahanap ng sagot sa mga tanong na may kinalaman sa relihiyon. Sinimulan ng Simbahan ang paggamit ng online teaching center anim na taon na ang nakalipas at nagpapatakbo na ngayon ng 20 online teaching center sa iba’t ibang panig ng mundo.

Salamat sa teknolohiya, ang mga miyembro na gustong paturuan sa mga missionary ang kanilang mga kaibigan ay maaari nang makipag-ugnayan sa mga missionary na nagtuturo sa kanilang kaibigan. Mapag-uusapan nila ng mga missionary ang kailangang gawin at makakabahagi sa lesson sa pamamagitan ng internet. Alamin kung paano sa lds.org/referrals.

Pagtugon sa mga kasalukuyang pangangailangan. Simula Hulyo 2018, babaguhin ng Simbahan ang mga lugar na sakop ng 19 na misyon, at 5 bagong misyon ang bubuuin. Dahil dito magiging 407 ang bilang ng misyon mula sa dating 421. Ang mga bagong mission ay ang Brazil Rio de Janeiro South, Cote d’Ivoire Yamoussoukro, Nigeria Ibadan, Philippines Cabanatuan, at Zimbabwe Bulawayo. Ang mga detalye tungkol sa pinagsanib na mga mission ay ipararating ng mga mission president sa mga magulang ng mga missionary sa mga apektadong mission.

Dahil sa pagbabago sa edad na kailangan sa gawaing misyonero na ibinalita noong 2012, bumuo ang Simbahan ng 76 na bagong mission para matugunan ang biglang paglaki ng bilang ng mga missionary na naging 88,000 mula sa dating 58,000. Ang biglang paglaki ng bilang na iyon ng mga missionary ay bumaba na, tulad nang inaasahan, at mga 68,000 missionary ang kasalukuyang naglilingkod ngayon. Ibig sabihin, sa ngayon, mas kaunting bilang ng mission ang kailangan. Ngunit nangangahulugan din na dapat bigyang-pansin ang nararapat na paglalagay ng mga missionary sa mga lugar sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan sila kailangan.

Mga missionary training center. Ang Provo Missionary Training Center sa Utah, USA, at ang MTC sa Pilipinas ay parehong pinalaki at inilaan, at ang bagong missionary training center sa Ghana ay inilaan na. Ang Spain at Chile training center ay isasara sa Enero 2019, at ang mga missionary na dapat sanang pupunta sa mga ito ay bibigyan ng training sa isa sa natitirang 13 missionary training center sa iba’t ibang panig ng mundo.