2019
Mula sa Takot ay Naging Kabusugan
Enero 2019


Mula sa Takot ay Naging Kabusugan

Matt Maxwell

Utah, USA

Larawan
study desk

Paglalarawan ni Greg Newbold

Aktibo ako sa Simbahan buong buhay ko. Naglingkod ako sa full-time mission, ikinasal sa templo, at tumulong sa pagpapalaki ng apat na kamangha-manghang mga anak na babae. Gayunpaman, sa paglipas ng mga taon, napansin ko na ang ilan sa aking mga kaibigan ay tumalikod sa kanilang pagiging miyembro ng Simbahan. Ilan sa mga miyembro ng pamilya ay gumagamit noon ng social media upang kuwestiyunin at batikusin ang mga lider ng Simbahan. At nagsisimula na akong magkaroon ng sariling pagdududa tungkol sa Simbahan sa unang pagkakataon sa buhay ko. Ang aking mga pagdududa ay nagdulot sa akin ng takot sa hinaharap. Minsan, nararamdaman ko na nadadaig ako ng kawalang pag-asa.

Sa mahirap na panahong ito, pinilit ko ang aking sarili na dumalo sa stake conference. Nang magsalita ang aking stake president, sabi niya, “Kung dapat nating makayanan ang mahihirap na pagsubok sa hinaharap, kailangang ang kaswal na kabusugan sa mga salita ng Diyos ay gawin nating kagyat na kabusugan sa mga salita ng Diyos. Kailangan nating gawing priyoridad sa ating buhay ang regular at nakapokus na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kung gagawin natin ito, ipinapangako ko na hindi tayo matatakot.”

Ang salitang “takot” ang pumukaw sa aking pansin. Aking napagtanto na hinayaan kong maging kaswal ang pag-aaral ko ng ebanghelyo. Bilang resulta, nabalot ng takot ang buhay ko. Nagpasiya akong subukan ang payo ng aking stake president.

Umuwi ako at gumawa ng lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Sa gilid ng isang silid, naglagay ako ng maliit na mesa at komportableng upuan. Naglagay ako ng ilang litrato ng Tagapagligtas sa dingding. Kinuha ko ang aking mga banal na kasulatan, ilang lapis, at isang notepad. Sinimulan ko ang aking pag-aaral sa panalangin.

Matapos ang isa o dalawang linggo, naging pangkaraniwang gawain ito sa akin. Makikinig muna ako sa isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya at pagkatapos ay mag-aaral ako ng isang partikular na paksa sa ebanghelyo. Pagkatapos ay magbabasa ako ng isang kabanata sa Aklat ni Mormon at tatapusin ko ang aking pag-aaral sa taos pusong panalangin sa aking Ama sa Langit.

Sa kabila ng iba’t ibang panggagambala, bihira akong makaliban ng isang araw sa pag-aaral ng ebanghelyo sa loob ng anim na buwan. Nagkaroon ako ng mas malawak na pang-unawa sa maraming paksa sa ebanghelyo at napalakas ko ang aking relasyon sa aking Ama sa Langit sa pamamagitan ng regular at mataimtim na pagdarasal.

Ang patotoo ko ay muling naging isang bagay na masasandalan ko. Nawala ang mga pagdududa ko dahil sa bagong saksi sa ipinanumbalik na ebanghelyo na aking natanggap. Natagpuan ko ang aking sarili na may mas kakaunting pag-aalala dahil mas nagtitiwala ako sa Diyos. Naramdaman kong iniiwan na ako ng takot at pangamba. Nawalan din ako ng interes sa pagsasayang ng oras at napansin kong mas nagiging mapagbigay at mahinahon ako sa iba.

Sa pagsunod ko sa payo ng aking stake president, nabago ako ng Diyos. Napagaling at napabangon ako ng Panginoon habang nagpapakabusog ako sa Kanyang mga salita.