2019
Ang Mahimalang Misyon ni Propetang Joseph Smith
Enero 2019


Ang Mahimalang Misyon ni Propetang Joseph Smith

Mula sa isang mensahe, “Joseph Smith: The Prophet and the Man,” na ibinigay sa Mission Leadership Seminar noong Hunyo 25, 2018.

Higit ang nagawa ni Joseph Smith kaysa maaaring magawa ng sinumang mortal na tao sa loob ng napakaikling panahon. Ang tanging posibleng paliwanag ay ang tulong ng langit.

Larawan
Painting of Joseph Smith

Joseph Smith, ni William Whitaker

Pinili kong magsalita tungkol kay Joseph Smith, ang Propeta at ang tao. Sa pagsasalita tungkol sa kanya, umaasa akong madaragdagan ko ang inyong pagkaunawa sa kakaiba at mahimalang mga nagawa ng propetang naglatag ng pundasyon ng dispensasyong ito.

Ang kaugnayan ng kaalaman at patotoo kay Joseph Smith sa gawaing misyonero ay mahalaga. Alam nating lahat na tanggap ng ilang investigator ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo ngunit hindi lamang matanggap ang katotohanan na ang isang 14-na taong gulang ay dinalaw ng Ama at ng Anak at na isinalin niya ang Aklat ni Mormon at naging ang propeta na kilala natin. Ang mga taong nahihirapang tanggapin si Propetang Joseph Smith ay kailangang matuto mula sa turong ito ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang misyon ni Joseph sa mortalidad ay inorden na noon pa man. Ang kanyang malinis na kaisipan na madaling tumanggap ay bukas sa tagubilin ng Panginoon. Ngunit, batay sa mga pamantayan ng daigdig, malayong mangyari ito kay Joseph. At ang kanyang tungkuling maging Propeta nitong huling dispensasyon ay tila talagang imposible. Ipinakikita ng halimbawang ito ang isang alituntunin na madalas ay totoong paraan ng pagkilos ng Panginoon: Ginagamit Niya ang tila walang kakayahan para isagawa ang imposible!”1

Napakahalaga na may patotoo ang ating mga missionary tungkol sa banal na tungkulin at mahimalang gawain ni Propetang Joseph Smith.

Ako ay 65 taon nang nag-aaral tungkol sa buhay ni Joseph Smith. Isinilang ako noong 1932, nang ang Simbahan ay lampas lang nang kaunti sa ika-100 taon nito. Naniniwala akong isa akong tipikal na matapat na Banal sa mga Huling Araw nitong ikalawang siglong ito. Hindi natin nakadaupang-palad si Joseph Smith, pero nadarama nating kilala natin siya, at minamahal natin siya dahil sa inihayag at itinuro niya. Tayo ay mga saksi ng katotohanan na makatang hula na “i[ta]tanghal si ‘Joseph’ sa sandaigdigan.”2

I. Joseph Smith, ang Propeta

Kilala nating lahat si Joseph Smith bilang unang propeta ng dispensasyong ito, ang instrumento ng Panginoon sa Pagpapanumbalik ng Panginoon. Ngunit ano ba ang ipinanumbalik ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang ito? Hindi batid ng lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw (at ng ilang mga hindi miyembro) ang pagbibigay liwanag at maraming pagdaragdag na ginawa ng Panginoon sa doktrinang Kristiyano sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Narito ang maikling listahan:

  • Ang likas na katangian ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo.

  • Ang magkakaugnay na galaw nitong tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos at ang kaugnayan Nila sa mga mortal na nilalang.

  • Ang likas na Pagkahulog ng tao.

  • Ang layunin ng mortal na buhay sa pagsusulong ng plano ng Ama para makamit ng Kanyang mga anak ang kanilang walang-hanggang tadhana.

  • Ang papel ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pagtitiyak ng imortalidad at pagbibigay ng pagkakataon para sa buhay na walang-hanggan.

  • Ang papel ng makalupa at walang-hanggang kasal sa plano ng Ama.

  • Ang mahalagang papel ng priesthood at mga ordenansa sa plano ng Ama.

  • Ang mahalagang papel ng mga templo at mga proxy na ordenansa sa plano ng Ama.

  • Ang kaalaman na nais ng Diyos na iligtas ang lahat ng Kanyang anak at na ang bawat taong nabuhay sa mundong ito—na nakakikilala o hindi nakakikilala kay Jesucristo—ay may kakayahang makamit ang pinakamataas na langit sa kabilang-buhay.

  • Ang kaugnayan ng tatluhang pinagmumulan ng katotohanan tungkol sa tao at sa sansinukob: siyensya, mga banal na kasulatan, at patuloy na paghahayag.

Larawan
images of the plan of salvation

Leaving Eden, Savior, at Between Heaven and Earth, ni Annie Henrie Nader

Ang sinumang nag-aaral ng kahit maliit na bahagi ng listahang ito—mananampalataya man o hindi—ay kailangang kilalanin na si Joseph Smith ay nakatayo sa unahan ng daluyan ng mga tubig ng isang malaking sapa ng mabisa at bago at mahahalagang ideya ukol sa relihiyon. Sa pagbabasa natin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, naibalik sa mundo ang kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith.3

Maaaring napansin ninyo na hindi nakabanggit sa listahan ko ang paglalabas ni Joseph ng Aklat ni Mormon, isang bagong tomo ng banal na kasulatan, siyempre pa, ang pinagmumulan ng marami sa mga bagong ideyang iyon ukol sa relihiyon. Marapat lamang na banggitin ang aklat na iyon. Ipinapahayag ng pamagat nito ang pinakamahalagang gawain nito: “Isa pang Tipan ni Jesucristo.” Ngunit bukod sa mahalagang papel na iyon, ay marami pa itong ginagampanan. Narito ang sabi ng isang tanyag na iskolar tungkol sa aklat:

“Ang Aklat ni Mormon ay nagpapanukala ng isang bagong layunin para sa Amerika: pagiging isang lupain ng kabutihan sa halip na isang imperyo ng kalayaan. Laban sa dagdag na yaman at hindi pagkakapantay, itinataguyod ng Aklat ni Mormon ang adhikain ng mga maralita. … Laban sa pamahalaang republikano, ito ay nagpapanukala ng matuwid na pamumuno ng mga hukom at mga hari sa ilalim ng batas ng Diyos. Laban sa paniniwalang kumpleto ang Biblia at sa relihiyong walang himala, ang Aklat ni Mormon ay naninindigan sa patuloy na paghahayag, mga himala, at paghahayag sa lahat ng bansa. Laban sa pag-aalinlangan, ito ay nagtataguyod ng paniniwala; laban sa pagka-makabayan, isang pandaigdigang Israel. Nakikinita nito ang kapahamakan ng bansa kung ang pagmamahal sa kayamanan, pagkalaban sa paghahayag, at sibilisasyong Gentil ang mananaig laban sa kabutihan, paghahayag, at Israel.”4

Ang higit na mahalaga ay ang sinabi kamakailan lang ni Pangulong Nelson tungkol sa Aklat ni Mormon: ito “ang instrumentong gagamitin para maisakatuparan ang ipinangakong pagtitipon ng Israel.”5

Gaya ng nababasa natin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon ay “ang saligang bato ng ating relihiyon.”6

Karamihan sa mga hindi Banal sa mga Huling Araw ay walang alam sa malalaking kontribusyon ni Joseph Smith sa kaisipang pangrelihiyon. Sa isang bantog na pag-aaral sa buong bansa, natuklasan ng pollster na si Gary Lawrence na iniisip ng halos kalahati ng mga taong pinag-aralan niya na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga taong nakatira sa liblib na lugar at mahiwaga at may “kakaibang mga paniniwala.”7 Nang tanungin niya ang mga nag-interbyu, “Ano ang pangunahing inaangkin ng Mormonismo?” isa lamang sa pito sa kanila ang makapaglalarawan ng anumang malapit sa ideya ng pagpapanumbalik o ng muling pagkakatatag ng orihinal na pananampalatayang Kristiyano. Gayundin, nang hilingin sa isa pang pambansang survey sa mga tao na ilarawan ang kanilang impresyon tungkol sa ating relihiyon, walang isa mang nagsabi ng mga salita o ideya ng orihinal o ipinanumbalik na Kristiyanismo.8

Ipinapaalala ng mga natuklasang ito na hindi natin dapat hayaan ang ating mga missionary na ipalagay na marami na silang alam tungkol sa ating pananampalataya. Maaaring narinig na ng mga tinuturuan nila ang salitang Mormon, ngunit hindi dapat ipagpalagay ng mga missionary na karamihan ay mayroon man lang na sinaunang pang-unawa tungkol sa mga pangunahing alituntunin ng ating pananampalataya.

II. Joseph Smith, ang Tao

Narito ang ilan sa aking mga personal na kaisipan tungkol sa pambihirang buhay ni Joseph Smith.9 Ang Joseph Smith na nakilala ko sa aking personal na pagsasaliksik, karamihan ay sa Illinois, USA, ay isang lalaking nabuhay noon sa liblib na lugar—bata, emosyonal, masigla, at mahal na mahal at madaling lapitan ng kanyang mga tao kaya kadalasan ang tawag nila sa kanya noon ay “Kapatid na Joseph.” Saklaw ng kanyang kabataan ang kanyang ministeryo bilang propeta. Siya ay 14 anyos noong panahon ng Unang Pangitain, 21 anyos nang matanggap niya ang mga gintong lamina, at 23 anyos lang nang matapos niya ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon (wala pang 60 araw na may pasok).

Mahigit sa kalahati ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay ibinigay sa pamamagitan ng propetang ito noong siya ay 25 taong gulang o mas bata pa. Siya ay 26 anyos noong inorganisa ang Unang Panguluhan at lampas lang ng kaunti sa 33 anyos nang makatakas siya sa pagkakabilanggo sa Missouri at muling pinamunuan ang mga Banal. Siya ay 38 at kalahating taong gulang lamang noong pinaslang siya.

Sa panahon ng kanyang maikling buhay, labis-labis ang mortal na pighating naranasan ni Joseph Smith. Noong siya ay mga pitong taong gulang, naranasan niya ang napakasakit na operasyon sa paa. Dahil sa kahirapan ng kanyang pamilya, kaunti lang ang kanyang pormal na edukasyon at noong kabataan niya ay napilitan siyang magtrabaho sa loob ng mahabang oras para tumulong na maghanap ng makakain ng pamilya. Pisikal siyang sinalakay sa maraming pagkakataon. Sa gitna ng pagsisikap na gampanan ang mabibigat na responsibilidad ng kanyang banal na tungkulin, kinailangan niyang magtrabaho bilang magsasaka o mangangalakal upang matustusan ang kanyang pamilya. Ginawa niya ito nang walang pambihirang espirituwal na mga kaloob na nakatulong sa kanyang tungkulin bilang propeta. Sinabi sa kanya ng Panginoon na “sa mga temporal na gawain ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas, sapagkat ito ay hindi mo tungkulin” (Doktrina at mga Tipan 24:9).

Sa espirituwal na mga bagay, walang mapamarisan si Joseph Smith kung saan matututuhan niya kung paano maging isang propeta at pinuno. Kinailangan niyang umasa sa mga kasamahan na wala pang karanasan. Siya at sila ay nahirapan at magkakasamang natuto. Mabilis na nagtamo ng kaalaman at kahustuhan ng kaisipan si Joseph Smith. Walang dudang mayroon siyang kakaibang mga kaloob. Gaya ng sinasabi natin ngayon, siya ay “madaling matuto.” Sinabi niyang tinuruan siya ng makalangit na mga sugo at ng iba pang mga paghahayag mula sa Diyos, at naniniwala ako sa kanya.

Ang isa sa kanyang mga personal na kaloob ay halata sa pagmamahal at katapatan ng pambihirang mga taong sumunod sa kanya. Nang hamunin ni Joseph ang kanyang mga tagasunod na daigin ang kanilang mortal na mga kamalian, hindi niya iniangat ang kanyang sarili kaysa sa kanila, at minahal nila siya dahil dito. Sa isang sermon na ipinangaral ni Joseph mga mahigit isang buwan bago siya pinaslang, ipinahayag niya, “Kahit kailanman hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko.”10 Si Joseph Smith ay may “likas na pagkamasayahin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28) kaya mahal na mahal siya halos ng lahat ng nakakakilala sa kanya. Sabi ng isang kakilala, “Hindi mailarawan ang pagmamahal ng mga banal para sa kanya.”11 Ang pakikisama ng kanyang mga kaibigan ay ikinalugod ni Joseph, na nakakita na ang pagtatayo ng lipunan at komunidad ay pangunahing layunin ng ebanghelyo.

Larawan
Painting of Joseph Smith

Joseph Smith, ni William Whitaker

Napansin ko minsan: “Buong buhay niya, si Joseph Smith ay tumira sa malalayong lugar ng Amerika, kung saan ang mga tao ay kailangang makipagtagisan ng lakas sa kalikasan at kung minsan laban sa isa’t isa. Siya ay malaking lalaki, malakas at napakaaktibo. Natutuwa siya sa mga labanan sa isport, pati na ang hatakan ng patpat—na pagsubok sa lakas ng katawan (tingnan sa History of the Church, 5:302). Ang ating mga archive ay naglalaman ng maraming gunita tungkol sa kanyang pakikipag-wrestling sa mga kaibigan at mga kakilala. Isang araw ng Sabbath, siya at si Brigham Young ay nangaral sa mga Banal sa Ramus, Illinois, na mga isang araw na biyahe mula sa Nauvoo. Pagsapit ng Lunes, bago lisanin ang Ramus, ipinakita ni Joseph ang kanyang lakas sa wrestling laban sa isang lalaking sinasabing ‘siga ng Ramus’ (tingnan sa Joseph Smith Journal, 13 March 1843, itinala ni Willard Richards, Joseph Smith Collection, LDS Church Archives). Inihagis siya ni Joseph. Masaya ako na ang mga iskedyul ng kumperensya ngayon ay hindi nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro na subukin ang mga bumibisitang awtoridad sa ganitong paraan.”12

Iilang tao lang ang naging mga target ng maraming pagsalakay sa kanilang misyon o kanilang alaala bukod kay Joseph Smith. Inimbestigahan ko ang ilan sa mga paratang na ito sa pamamagitan ng personal na pagsasaliksik sa mga orihinal na talaan sa Illinois, kung saan nakatira si Joseph sa huling limang taon ng kanyang buhay. Ang isa sa gayong paratang ay lumitaw nang ipinatigil ni Joseph Smith, na alkalde noon, at ng Nauvoo City Council ang Nauvoo Expositor, na pahayagan ng oposisyon. Ang pagpigil na ito ay nakatuon sa mga pagkapoot laban sa Simbahan at direktang humantong sa pagpaslang kay Joseph.

Inamin ng naunang mga Banal sa mga Huling Araw na mga historian o mananalaysay, kabilang na si Elder B. H. Roberts, na ang hakbang na ito ay ilegal o labag sa batas. Gayunman, habang sinasaliksik ko ang paksang ito bilang batang propesor ng abugasiya, nagulat akong makita ang legal na batayan para sa hakbang na ito sa batas ng Illinois noong 1844. Maraming pagpapatigil sa mga pahayagan sa malalayong lugar ng Amerika noong bago mangyari ang Digmaang Sibil. Ang garantiya ng kalayaan ng pamamahayag sa Saligang Batas ng Estados Unidos ay hindi ipinahayag na angkop sa mga hakbangin ng lunsod at ng mga pamahalaan ng estado hanggang noong 1931, at pagkatapos ay sa pamamagitan lamang ng five-to-four reliance ng Korte Suprema ng Estados Unidos sa isang pag-amyenda sa konstitusyon na ipinatupad noong 1868.13 Dapat hatulan ng isang tao ang mga kilos ni Joseph Smith batay sa mga batas at kalagayan noong kanyang kapanahunan, hindi batay sa ating kapanahunan.

Bilang mga estudyante sa University of Chicago, ang historian o mananalaysay na si Marvin S. Hill at ako ay naintriga sa di-masyadong batid na katotohanan na limang kalalakihan ang nilitis sa Illinois sa pagkapaslang ni Joseph Smith. Sa loob ng mahigit 10 taon ginalugad namin ang mga aklatan at archive sa iba’t ibang panig ng bansa para hanapin ang bawat butil ng impormasyon tungkol dito sa 1845 na paglilitis at ang mga taong sangkot dito. Nirebyu ng aming aklat ang mga salita at kilos ng mga mamamayan ng Illinois na personal na nakakakilala noon kay Joseph Smith—ang ilang nagmahal sa kanya at nalagay sa panganib ang kanilang buhay para sa kanya, at ang ilang napoot sa kanya at nagbalak na patayin siya. Walang anumang nakita sa aming mga natuklasan sa orihinal na mga talaan ng hukuman o sa patotoo sa mahabang paglilitis na maglalagay sa kahihiyan sa taong pinaslang.14

Ang pagkakaroon ng pagkakataong mabasa ang mga talaan ng hukuman ng Illinois ay humantong sa isa pang hindi natalakay na aspeto ng pagsasaliksik tungkol kay Joseph Smith. Si Joseph I. Bentley, na estudyante noon ng abugasiya sa Chicago, at ako ay nakatuklas ng maraming tala ng mga aktibidad sa negosyo ni Joseph Smith. Magkasama naming inakda ang 1976 Brigham Young University Law Review na artikulo tungkol sa paksang ito.15 Ang mga 1840s ay sinundan ng panahon ng panik at depresyon sa salapi sa buong bansa. Ang mga kondisyon ng ekonomiya sa mga estado sa malalayong lugar ng Amerika ay nakasisira. Halimbawa, inilarawan ng mga biographer ni Abraham Lincoln ang kanyang mga kahihiyan sa pananalapi sa loob ng dekadang ito, nang ang negosyo ay walang katiyakan, maraming utang ang kinailangan nang bayaran, at karaniwan ang mga paghahabla.16

Pinaratangan si Joseph Smith ng kanyang mga kaaway ng panloloko sa iba’t ibang paglilipat ng mga ari-arian, karamihan ay isinagawa sa ngalan ng Simbahan. Isang magkakasunod na paglilitis sa hukuman na tumagal nang halos isang dekada ang sumuri sa mga paratang na ito sa mabusising detalye. Sa wakas, noong 1852, matagal pagkatapos ng paglalakbay ng mga Banal mula sa Illinois (kaya walang maiisip na pulitikal o iba pang sanhi para katigan ng sinuman ang mga Banal o ang kanilang lider), winakasan ng isang federal judge ang paglilitis na ito sa isang atas na hindi kinakitaan ng panloloko o iba pang paglabag sa kagandahang-asal si Joseph Smith.17

Ang mga iskolar na may alam tungkol sa mga usaping ito sa publiko sa panahong ito ay ganito ang isinulat tungkol sa kampanya ni Joseph Smith para sa pagkapangulo ng Estados Unidos:

“Bagama’t maaaring wala siyang pagkakataong manalo sa pambansang halalan noong 1844, buong talas ng kaisipan siyang tumakbo bilang isang third-party na kandidato na talagang seryoso sa paghikayat ng mga legal na reporma o pagbabago sa Estados Unidos. Umasa siya at kumilos para pagandahin ang mga opinyon ng publiko tungkol sa malalaking usapin kabilang na ang pang-aalipin, kalayaan sa relihiyon, mga bilangguan, at pampublikong mga lupain. Siya at si Robert F. Kennedy ang tanging nananatiling dalawang Amerikanong pinaslang habang kumakandidato sila sa pagkapangulo ng Estados Unidos.”18

Ang pagkatao ni Joseph Smith ay malamang na pinakamainam na naintindihan ng mga taong nakakilalang mabuti sa kanya at naging napakalapit sa kanya sa pamumuno sa Simbahan. Hinangaan nila siya at tinangkilik bilang isang propeta. “Pinili ng kapatid niyang si Hyrum na mamatay sa tabi niya. Si John Taylor, na kasama rin niya nang siya ay pinaslang, ay nagsabi: ‘Nagpapatotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, na siya ay isang mabuti, kagalang-galang, at marangal na tao … —na ang kanyang pagkatao sa pribado man o sa harap ng mga tao ay kapuri-puri—at siya ay nabuhay at namatay bilang isang tao ng Diyos’ (The Gospel Kingdom [1987], 355; tingnan din sa D at T 135:3). Sinabi ni Brigham Young: ‘Sa palagay ko wala ni isa mang tao sa mundo na mas nakakakilala [kay Joseph Smith] kaysa sa akin; at tahasan kong sinasabi na, maliban kay Jesucristo, wala ni isang tao na nabuhay o mabubuhay nang higit sa kanya sa mundong ito’ [“Remarks,” Deseret News, Ago. 27, 1862, 65].”19

III. Si Joseph Smith at ang Batas

Gaya ng kitang-kita sa mga halimbawang nabanggit ko na, ang matagal ko nang pagkawili sa legal na kasaysayan ay may kasamang espesyal na interes sa mga interaksiyon ni Joseph Smith sa legal na sistema ng Amerika noong kapanahunan niya. Noong una sinasabi ng mga historian o mananalaysay na si Joseph Smith ay sangkot sa hindi lalampas sa mga 40 legal na hakbang. Ngayon, sa benepisyong hatid ng gawain sa The Joseph Smith Papers, alam nating ang bilang ay mahigit sa 220. Saklaw ng mga legal na hakbang na ito “mula sa simpleng mga kaso ng pagkolekta hanggang sa masalimuot na [paglilitis] na kinasasangkutan ng makabagong mga legal na teoriya. … Kumuha ng maraming abugado si Joseph para … gumawa ng hakbang at ipagtanggol [ang gayong] mga hakbang … kapwa mga kasong sibil at kriminal.”20

Nakasalig sa napakalaking yaman ng kaalaman natin tungkol sa buhay ng Propeta, isinulat ng iskolar na Banal sa mga Huling Araw na si Jeffrey N. Walker ang ganito: “Hindi maikakaila, si Joseph Smith ay masugid, aktibo, at palaging nakikialam o sangkot noon sa legal na sistema ng Amerika. Ang pagwawalang bahala sa mahahalagang aktibidad na ito ay malaking kawalan sa kung paano niya ginugol ang kanyang panahon at lakas, sa napakatalino at napakabisang paraan—kung kaya si Daniel H. Wells, na abogado, hukom, at attorney general mismo, na nakakakilalang mabuti noon kay Smith, ay nagsabing: ‘Marami na akong nakilalang mga abugado sa buong buhay ko. Si Joseph Smith ang pinakamahusay na abugado na nakilala ko sa buhay ko’ [sa pagsipi sa The Journal of Jesse Nathaniel Smith: Six Decades in the Early West: Diaries and Papers of a Mormon Pioneer, 1834–1906 (1953), 456].”21

Ibinuod ng tatlong mga Banal sa mga Huling Araw na mga awtor ang ganito: “Sa matinding pagkasangkot niya sa legal na sistema, mabilis na natutuhan ni Smith ang mga patakaran ng laro at legal na ginamit ang mga patakarang iyon sa kanyang kapakanan ayon sa batas, nagsisikap na lubusang gamitin ang bagong mga oportunidad at mga proteksyong laan ng mga batas ng bansang nagsisimula pa lamang. Malinaw sa kanyang mga legal na pasiya at asal na maalam siya tungkol sa mga legal na bagay at buong linaw siyang gumawa ng mga hakbang upang magamit nang wasto ang ipinahihintulot ng batas, siya man ay kumukuha ng karapatang-sipi para sa Aklat ni Mormon sa ilalim ng federal na batas, nagsasagawa ng mga pagkakasal sa ilalim ng batas ng Ohio, binubuo ang mga ordinansa ng lunsod ng Nauvoo, nananawagan para sa lubos na proteksyon ng kalayaan ukol sa relihiyon, epektibong paggamit ng mga bagong batas na sumasaklaw sa pagbebenta ng federal na lupain, iginigiit [ang] karapatan ng habeas corpus, paghiling ng wastong lugar, o paghingi ng tulong sa ilalim ng bagong ipinatutupad na federal bankruptcy law. Sa kanyang malayang oras, inaaral niya ang mga aklat ukol sa batas. Alam niya ang eksaktong mga salita ng Saligang Batas at ang partikular na wika ng mga panuntunan ng estado. Kaya hindi nakapagtataka na alam na alam niya ang maraming pagpapabuti ng batas noong panahong iyon sa estado at sa federal na pamahalaan noong kanyang kapanahunan.”22

Mahalagang maunawaan na idinagdag ng tatlong awtor na iyon ang pahayag na ito: “Bilang akusado, hindi siya kailanman nahatulan ng anumang pagkakasala sa batas. Sa tuwing bibigyan siya noon ng patas na pagdinig, napag-aalaman na siya ay kagalang-galang at matapat na mamamayan.”23

Ang detalyadong mga buod ng paglilitis sa Propeta na pinili at sinuri sa aklat na sinipi ko ay nakabatay sa gawa ng maraming estudyante ng J. Reuben Clark Law School na kumuha ng mga kurso tungkol sa paksa at ginawa ang detalyadong gawain na humantong sa pagkabuo ng aklat ng tatlong awtor na ito. Hangang-hanga ako sa kanilang paglalarawan sa mga opinyon ng tatlong estudyanteng ito ng abugasiya:

“Ang mga estudyanteng ito ng abugasiya na gumamit ng naunang mga pag-uulit ng aklat na ito bilang kanilang textbook ay hindi nagbago sa kanilang opinyon na si Joseph ay responsable, may pananagutan, matapat, masinop, maawain, maingat, mabusisi, sumusunod sa batas, positibo, maparaan, matalas, matalino, mabuting humatol ng pagkatao, at napakatalino pa ukol sa batas (gamit ang ilan sa sarili nilang mga salita), lalo na pagdating sa pagprotekta sa mga karapatan sa relihiyon at karapatang sibil ng ibang tao o pagsasagawa ng mga tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya. … Si Joseph Smith ay hindi kailanman nawalan na pananalig sa Saligang Batas at sinikap na gumawang mabuti sa ilalim ng pangangalaga nito, kahit na kadalasan siya ay nasisiphayo, nasisiraan ng loob, at nag-iingat sa mga taong namamahala nito.”24

Larawan
Drawing of Joseph Smith

Joseph Smith the Prophet, ni Dan Weggelend, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

IV. Konklusyon

Sa kanyang buhay, higit ang nagawa ni Joseph Smith kaysa maaaring magawa ng sinumang mortal na tao sa loob ng napakaikling panahon. Ang tanging posibleng paliwanag ay ang tulong ng langit. Gusto ko ang buod na ito:

“Isinalin at inilathala niya ang Aklat ni Mormon sa New York; inorganisa ang Simbahan sa New York, at pagkatapos ay nanirahan sa Ohio, Missouri, at Illinois; nagtatag ng mga lunsod, kabilang ang Kirtland, Far West, at Nauvoo; tumawag at nagsanay ng daan-daang lider ng simbahan; pinag-aralan ang wikang Hebreo at ang Biblia; itinatag ang Relief Society ng Nauvoo; nagpatakbo ng mga negosyo, nang mag-isa at may mga kasosyo; pinaunlad ang mga real estate at nagtayo ng mga templo; nagsulat at naglathala ng mga artikulo at editoryal; nagkaroon ng malaking pamilya at nagkaroon ng napakaraming mga kaibigan; at nagsilbi sa ilang kapasidad na sibiko, kabilang ang commander-in-chief ng isang malaking lehiyon ng milisya, gayundin bilang alkalde at punong hukom para sa lunsod ng Nauvoo. Palagi siyang nagsasalita noon sa lingguhang serbisyo ng pagsamba, mga paglalaan, at napakadalas na mga paglilibing; nakaakit siya ng sampu-sampung libong mga tagasunod, na nagtulak sa maraming convert na mandayuhan sa Estados Unidos.”25

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay mahigit 20 taon na ang nakalipas, ganito ang sinabi ko:

“Tulad ng maraming tapat na mga Banal sa mga Huling Araw, itinayo ko ang aking buhay sa patotoo at misyon ng Propetang Joseph Smith. Sa lahat ng aking pagbabasa at orihinal na pagsasaliksik, hindi ako kailan man pinanghinaan ng loob sa aking patotoo sa kanyang tungkulin bilang propeta at sa ebanghelyo at pagpapanumbalik ng priesthood na pinasimulan ng Panginoon sa pamamagitan niya. Buong taimtim kong pinagtitibay ang patotoong ipinahayag ni Joseph Smith sa bantog na Wentworth letter noong 1842:

“‘… Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na’ (Times and Seasons, 1 March 1842, 709; sinipi sa Daniel H. Ludlow, ed., Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo [1992], 4:1754).”26

Larawan
Missionaries in Indonesia

Mga kapatid, pinatototohanan ko si Jesucristo, na ating Tagapagligtas, na kasamang nagpakita ng Ama sa batang propeta na sinabihan ng Ama: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Simula noon ay narinig na natin ang ating Panginoong Jesucristo sa paghahayag. Ito ang Kanyang Simbahan. Hawak natin ang awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Sumusulong tayo sa Kanyang adhikain. Pinatototohanan ko ang pagtawag kay Propetang Joseph Smith at ang pagtawag sa mga propetang humalili sa kanya sa dakilang gawaing ito na inyong kinabibilangan.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, Accomplishing the Impossible (2015), 1–2.

  2. “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

  3. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 39.

  4. Richard Lyman Bushman, Joseph Smith: Rough Stone Rolling (2005), 105.

  5. Russell M. Nelson, sa Sarah Jane Weaver, “President Nelson Shares the ‘Hopes of My Heart’ with New Mission Leaders,” Church News, Hunyo 26, 2018, news.lds.org.

  6. Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 117; tingnan din sa pambungad ng Aklat ni Mormon.

  7. Gary C. Lawrence, How Americans View Mormonism: Seven Steps to Improve Our Image (2008), 32.

  8. Tingnan sa Gary C. Lawrence, How Americans View Mormonism, 42.

  9. Ang bahaging ito hanggang sa teksto sa tala 10 ay hango sa Dallin H. Oaks, “Joseph Smith in a Personal World,” sa John W. Welch, ed., The Worlds of Joseph Smith: A Bicentennial Conference at the Library of Congress (2006), 159.

  10. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 609–10.

  11. Mary Alice Cannon Lambert, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, 554.

  12. Dallin H. Oaks, “Joseph, the Man and the Prophet,” Ensign, Mayo 1996, 72.

  13. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Suppression of the Nauvoo Expositor,” Utah Law Review, tomo. 9, blg. 4 (1965), 862–903.

  14. Tingnan sa Dallin H. Oaks at Marvin S. Hill, Carthage Conspiracy: The Trial of the Accused Assassins of Joseph Smith (1975).

  15. Tingnan sa Dallin H. Oaks at Joseph I. Bentley, “Joseph Smith and Legal Process: In the Wake of the Steamboat Nauvoo,” BYU Law Review, tomo. 1976, blg. 3 (1976), 735–82.

  16. Tingnan sa David Herbert Donald, Lincoln (1995), 94–118.

  17. Tingnan sa Dallin H. Oaks at Joseph I. Bentley, “Joseph Smith and Legal Process,” 781.

  18. Gordon A. Madsen, Jeffrey N. Walker, at John W. Welch, eds., Sustaining the Law: Joseph Smith’s Legal Encounters (2014), x–xi.

  19. Dallin H. Oaks, “Joseph, the Man and the Prophet,” 73.

  20. Jeffrey N. Walker sa Gordon A. Madsen and others, eds., Sustaining the Law, vi.

  21. Jeffrey N. Walker sa Gordon A. Madsen at iba pa, eds., Sustaining the Law, vii.

  22. Gordon A. Madsen at iba pa, eds., Sustaining the Law, xvii.

  23. Gordon A. Madsen at iba pa, eds., Sustaining the Law, xvii–xviii.

  24. Gordon A. Madsen at iba pa, eds., Sustaining the Law, xviii.

  25. Gordon A. Madsen at iba pa, eds., Sustaining the Law, xi–xii.

  26. Dallin H. Oaks, “Joseph, the Man and the Prophet,” 73.

Edad:

Kaganapan:

14

Natanggap ang Unang Pangitain

21

Natanggap ang mga laminang ginto

23

Natapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon

25

Natanggap ang kalahati ng mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan

26

Inorganisa ang Unang Panguluhan

33

Nakatakas sa bilangguan sa Missouri, muling nagpatuloy sa pamumuno

38

Pinaslang