2019
Ibinalita ang Walong Bagong Templo, mga Makasaysayang Restorasyon
Mayo 2019


Ibinalita ang Walong Bagong Templo, mga Makasaysayang Restorasyon

Larawan
Salt Lake Temple

Ang matatagal nang templo, kabilang ang Salt Lake Temple, ay gagawan ng renobasyon, at walo pang templo ang itatayo.

Tinapos ni Pangulong Russell M. Nelson ang pangkalahatang kumperensya ng Abril 2019 na ibinabalita ang walong bagong templo at restorasyon ng apat na matatagal nang templo, kabilang ang marami pang detalye tungkol sa restorasyon ng Salt Lake Temple.

Ang mga bagong templo ay itatayo sa Pago Pago, American Samoa; Okinawa City, Okinawa; Neiafu, Tonga; Tooele Valley, Utah, USA; Moses Lake, Washington, USA; San Pedro Sula, Honduras; Antofagasta, Chile; at Budapest, Hungary.

Kabilang sa mga plano para sa gagawing malaking restorasyon sa Salt Lake Temple ay ang renobasyon ng Temple Square at ng katabing plaza malapit sa Church Office Building sa Salt Lake City, Utah, USA. Ang mga templo sa St. George, Manti, at Logan, Utah, USA, ay gagawan din ng renobasyon sa darating na panahon. “Sa paggawa nito, kakailanganing isara ang bawat templo sa mahaba-habang panahon,” sabi ni Pangulong Nelson. “Maipagpapatuloy ng mga miyembro ng Simbahan ang pagsamba at paglilingkod sa templo sa ibang mga kalapit na templo. Kapag natapos na ang bawat proyekto, ang bawat makasaysayang templo ay muling ilalaan.”

Mula noong maging Pangulo ng Simbahan noong Enero 2018, naibalita ni Pangulong Nelson ang pagtatayo ng 27 bagong templo. Mula noong huling pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, ang mga templo ay nailaan sa Rome, Italy; Barranquilla, Colombia; at Concepción, Chile.