2020
Mga Anak ng Mga Magulang sa Langit
Setyembre 2020


Kaibigan sa Kaibigan

Mga Anak ng Mga Magulang sa Langit

Hango mula sa Aubrey Eyre, “Sister Cordon and Sister Harkness Say African Women Are a Powerful Force for Change,” Church News, Hunyo 11, 2019.

Larawan
Children of Heavenly Parents

Bagama’t ang bawat isa sa atin ay mayroong magkakaibang karanasan dito sa lupa, lahat tayo ay mayroong isang bagay na magkakatulad. Tayong lahat ay mga anak ng mga magulang sa langit!

Noong minsan, nagsalita ako sa isang grupo ng mga kababaihan sa Timog Aprika. Nagsimula akong humuni sa himig ng himnong “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.” Pagkatapos lamang ng ilang nota, biglang kumanta nang malakas ang mga kababaihang ito! Pinuspos ng kanilang musika ang aking kaluluwa. Naramdaman naming lahat ang pagmamahal ng Diyos.

Sa parehong biyaheng iyon, bumisita ako sa Demokratikong Republika ng Congo at nagsalita sa mga kababaihan at batang babae sa isang debosyonal sa araw ng Linggo. Sumakay sila sa mga bus mula sa iba’t ibang panig ng lungsod upang makadalo. Napakaraming tao kaya kinailangan naming maglagay ng karagdagang mga upuan sa mga pasilyo, at ang mga tao ay nakasandal na sa mga bintana para lamang magkasya ang lahat sa silid! Talagang humanga ako sa mga kababaihang ito. Binabago nila ang kanilang mga komunidad sa makapangyarihang mga paraan. Ibinabahagi nila ang pagmamahal ng Diyos.

Marami akong nakilalang bata sa Primary sa Aprika. Marami sa kanila ay nag-iisang miyembro ng Simbahan sa kanilang mga pamilya. Subalit patuloy silang nagsisimba nang mag-isa bawat linggo. Natutulungan sila ng Primary na maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.

Ang mga tao sa Aprika ay mula sa iba’t ibang bansa at kultura. Sila ay nagsasalita ng maraming wika. Sila ay sagana sa pananampalataya at sa kanilang pagmamahal sa Diyos. Nang tumingin ako sa kanilang mga mata, naramdaman ko na alam nila ang katotohanan at mayroon silang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Alam nila na sila ay mga anak ng mga magulang sa langit.

Gayundin ikaw. Ikaw ay anak ng mga magulang sa langit. Mahal ka nila! ●