2021
Pangkalahatang Kumperensya: Isang Pandaigdigang Pulong ng Simbahan
Setyembre 2021


“Pangkalahatang Kumperensya: Isang Pandaigdigang Pulong ng Simbahan,” Liahona, Setyembre 2021

Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Pangkalahatang Kumperensya: Isang Pandaigdigang Pulong ng Simbahan

Nakikinig tayo sa mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya. Itinuturo nila sa atin ang nais ng Diyos na marinig natin.

Larawan
mga taong nagtipon sa loob ng Conference Center para sa pangkalahatang kumperensya

Tuwing Abril at Oktubre, nagdaraos ang Simbahan ng isang serye ng mga pulong na tinatawag na pangkalahatang kumperensya. Ang mga lider ay nagtuturo at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang pangkalahatang kumperensya ay idinaraos sa Salt Lake City, Utah, USA, at ibinobrodkast sa iba’t ibang panig ng mundo sa mahigit 80 wika. Lahat ng miyembro at sinumang interesado ay inaanyayahang makinig sa mga mensahe.

Ang mga Unang Kumperensya ng Simbahan

Larawan
paglalarawan ng mga taong nagtipon para sa pag-organisa ng Simbahan

Ang Simbahan ay opisyal na inorganisa sa isang pulong noong Abril 6, 1830 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20). Ang unang pangkalahatang kumperensya ay idinaos noong Hunyo 9, 1830. Mula noon, ang mga pangkalahatang kumperensya ay idinaraos na sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan saanman maaaring magtipon ang mga miyembro. Noong dekada ng 1840, ang mga lider ay nagsimulang magdaos ng kumperensya nang dalawang beses sa isang taon.

Paano Inoorganisa ang mga Kumperensya Ngayon

Ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at iba pang mga lider ng Simbahan ang nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya. Ang Tabernacle Choir at Temple Square at iba pang mga koro ng Simbahan ang naglalaan ng musika. Ang bawat kumperensya ay may limang sesyon: tatlo sa Sabado at dalawa sa Linggo.

Mga Turo ng mga Lider

Larawan
Si Pangulong Russell M. Nelson habang nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya

Sa mga buwan bago ang kumperensya, ipinagdarasal ng mga lider ng Simbahan kung ano ang ituturo. Binibigyang-inspirasyon sila ng Panginoon na malaman kung ano ang dapat nilang sabihin. Itinuturo nila ang mga katotohanan ng ebanghelyo at inaanyayahan tayo na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Nagpapatotoo rin sila tungkol kay Jesucristo at hinihikayat tayo na sumunod sa Kanya.

Matuto mula sa Kumperensya

Bago ang pangkalahatang kumperensya, maaari tayong manalangin na marinig ang nais ng Panginoon na matutuhan natin. Habang nakikinig tayo sa mga mensahe, ituturo sa atin ng Espiritu ang kailangan nating malaman. Pagkatapos ng kumperensya, ang mga mensahe ay makikita sa ChurchofJesusChrist.org, sa Gospel Library app, at sa Liahona. Mapag-aaralan natin nang may panalangin ang mga mensahe para malaman pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Itinuro ni Jesucristo na dapat tayong magtipong magkakasama nang madalas (tingnan sa 3 Nephi 18:22).

Kapag magkakasamang sumasamba ang mga miyembro ng Simbahan, paroroon sa kanila ang Panginoon (tingnan sa Mateo 18:20).

Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na “magturuan at patibayin ang bawat isa” (Doktrina at mga Tipan 43:8).

Kapag nagpapakita ng pananampalataya kay Cristo ang mga miyembro ng Simbahan, mapapasakanila ang Kanyang Espiritu habang nagtitipon sila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 44:2).