2021
Tulong mula sa Kabilang Panig ng Tabing
Setyembre 2021


Tulong mula sa Kabilang Panig ng Tabing

Habang nakahiga ako sa ospital na namimilipit sa sakit, nadama kong nag-iisa ako hanggang sa maalala ko ang mahal kong mga ninuno.

Larawan
translucent fabric

Larawan mula sa Getty Images

Noong 2017, nagdalantao ako sa panganay naming anak. Tuwang-tuwa kami ng asawa kong si Lucas pero nangangamba rin sa pagdating ng munting si Juan Lionel.

Isang hatinggabi sa simula ng Pebrero 2018, nagsimulang sumakit ang tiyan ko na parang manganganak na ako. Walong buwan pa lang ang tiyan ko, pero tila lalabas na ang aming anak nang mas maaga. Kumuha kami ng ilang gamit at agad pumunta sa ospital. Hindi pa akong handang manganak, pero nagdasal ako, hiniling sa Diyos na mangyari ang Kanyang kalooban kahit natatakot kami.

Pagdating namin sa ospital, nasabihan na ang aking gynecologist pero sinabi niyang mamaya pa ang dating niya. Tumawag at nag-text ang asawa ko sa aming mga magulang at kapatid, ngunit wala ni isa sa kanila ang gising. Patuloy siyang tumawag at nag-text sa buong magdamag, ngunit walang sumagot. Dahil doon napakalungkot ko.

Habang tumitindi ang sakit na nararamdaman ko, lalo kong naramdamang nag-iisa ako. Gayunman, biglang may nangyaring maganda. Naisip ko ang aking mga ninuno—lalo na ang lola kong si Rosa Mercado, at ang kanyang ina na si Javiera Balmaceda.

Nang maalala ko sila, nadama ko sa aking puso at isipan na sila ay kasama ko sa sandaling iyon. Naramdaman ko nang malakas at nang may pagmamahal ang kanilang presensya na hindi ko lubos na maipahahayag sa salita ang naranasan ko. Hindi ko sila nakita, pero nadama ko na malapit sila, pinalalakas ang loob ko, binibigyan ako ng suporta, at pagmamahal bilang aking mga ina at bilang bahagi ng aking pamilya. Nadama ko na mga anghel sila na naglilingkod sa akin sa oras ng aking pangangailangan.

Sa templo, ilang taon bago ito, ginawa ng aking ina, ama, mga kapatid, at naming mag-asawa ang mga ordenansa para sa kanila at sa iba pang mga ninuno. Nadama ko na ang natanggap kong lakas ng loob at ang pakiramdam na nariyan lang ang aking mga ninuno ay isang kaloob sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.

Mula noon, nararamdaman ko ang presensya ng aking mga ninuno sa iba pang mga pagkakataon, na tinutulungan at ginagabayan ako bilang ina at asawa at sa iba pang mahahalagang aspeto ng buhay ko.

Pinatototohanan ko na hindi tayo iiwang mag-isa ng Diyos sa landas ng ating buhay. Kung gagawin natin ang Kanyang gawain, bibigyan tayo ng tulong mula sa kabilang panig ng tabing. Tatanggap tayo ng pagmamahal, kaalaman, lakas, at kapayapaan “na hindi maabot ng pag-iisip” (Filipos 4:7).