2021
Isang Pangitain Tungkol sa Daigdig ng mga Espiritu
Disyembre 2021


Digital Lamang: Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 3

Isang Pangitain Tungkol sa Daigdig ng mga Espiritu

Ang sumusunod ay isang sipi mula sa tomo 3 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, na ilalabas sa tagsibol ng 2022. Nangyari ang kuwentong ito noong 1918, matapos mamatay nang di-inaasahan ang anak ni Joseph F. Smith na si Hyrum M. Smith dahil sa pagputok ng apendiks. Ilang buwan matapos pumanaw si Hyrum, ang kanyang asawa, si Ida Bowman Smith, ay pumanaw matapos manganak.

Larawan
ipinintang larawan ni Joseph F. Smith

Hindi kaagad sinabi sa kanya ng pamilya ni Joseph F. Smith ang tungkol sa pagpanaw ni Ida, sa takot na lalo siyang maghinagpis. Humina siya mula nang mamatay si Hyrum, at bihira na siyang magpakita sa publiko sa nakalipas na limang buwan. Gayunman, isang araw matapos mamatay si Ida, dinala ng mga miyembro ng pamilya ang kanyang bagong silang na anak na lalaki kay Joseph, at lumuha siya habang binabasbasan niya ang sanggol at pinangalanan itong Hyrum. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ng pamilya ang tungkol kay Ida.

Sa pagkagulat ng lahat, kalmadong tinanggap ni Joseph ang balita.1 Napakaraming pagdurusa at pasakit ang nadama ng mundo noong mga panahong iyon. Ang mga pahayagan sa araw-araw ay naglaman ng mga kakila-kilabot na ulat tungkol sa digmaan. Milyun-milyong sundalo at mga sibilyan ang nangamatay, at milyun-milyon pa ang nasaktan at nasugatan. Sa umpisa ng tag-init na iyon, ang mga sundalo mula sa Utah ay nakarating sa Europa at nasaksihan ang walang-humpay na kalupitan ng digmaan.

Isang nakamamatay na uri ng influenza ang nagsimula ring pumatay ng napakaraming tao sa buong mundo, na nakadagdag sa sakit at pighating dulot ng digmaan. Napakabilis ng pagkalat ng virus, at hindi magtatagal ay isasara ng Utah ang mga teatro, simbahan, at iba pang mga pampublikong lugar sa pag-asang mapigilan ang paglaganap ng sakit at kamatayan.2

Noong Oktubre 3, 1918, umupo si Joseph sa kanyang silid, na pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagkatubos ng sanlibutan. Binuklat niya ang kanyang Bagong Tipan sa I Pedro at binasa ang tungkol sa pangangaral ng Tagapagligtas sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu. “Sapagka’t dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio,” binasa niya, “upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.”

Habang pinagninilayan niya ang mga banal na kasulatan, nadama ng propeta na bumaba sa kanya ang Espiritu, at binuksan ang kanyang mga mata ng pang-unawa. Nakita niya ang maraming patay na nasa daigdig ng mga espiritu. Ang mabubuting kababaihan at kalalakihan na namatay bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay masayang naghihintay sa Kanyang pagdating doon upang ipahayag ang kanilang kalayaan mula sa mga gapos ng kamatayan.

Nagpakita ang Tagapagligtas sa maraming tao, at ang mabubuting espiritu ay nagsaya sa kanilang pagkatubos. Lumuhod sila sa Kanyang harapan, kinilala Siya bilang kanilang Tagapagligtas mula sa kamatayan at sa mga tanikala ng impiyerno. Ang kanilang mukha ay nagningning gaya ng liwanag mula sa presensya ng Panginoon na nakapaligid sa kanila. Kumanta sila ng mga papuri sa Kanyang pangalan.3

Habang namamangha si Joseph sa pangitain, muli niyang pinagnilayan ang mga salita ni Pedro. Ang hukbo ng mga suwail na espiritu ay higit na napakarami kaysa sa hukbo ng mabubuting espiritu. Paano maaaring ipangaral ng Tagapagligtas, sa Kanyang maikling pagbisita sa daigdig ng mga espiritu, ang Kanyang ebanghelyo sa kanilang lahat?4

Pagkatapos ay muling nabuksan ang mga mata ni Joseph, at naunawaan niya na ang Tagapagligtas ay hindi nagtungo nang personal sa mga suwail na espiritu. Sa halip, inorganisa niya ang mabubuting espiritu, nagtalaga ng mga sugo at inatasan silang dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa mga espiritu na nasa kadiliman. Sa ganitong paraan, lahat ng taong namatay nang may kasalanan o nang walang kaalaman sa katotohanan ay magkakaroon ng pagkakataon na matutuhan ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsisisi, binyag sa pamamagitan ng proxy para sa kapatawaran ng kasalanan, kaloob na Espiritu Santo, at lahat ng iba pang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo.

Nakatingin sa malawak na kongregasyon ng mabubuting espiritu, nakita ni Joseph sina Adan at ang kanyang mga anak na sina Abel at Set. Nakita niya si Eva na nakatayo kasama ang kanyang matatapat na anak na babae na sumamba sa Diyos sa lahat ng panahon. Sina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Moises ay naroon din, kasama sina Isaias, Ezekiel, Daniel, at iba pang mga propeta mula sa Lumang Tipan at sa Aklat ni Mormon. Gayon din ang propetang si Malakias, na nagpropesiya na si Elijah ay darating upang itanim ang mga pangakong ginawa sa mga ama sa puso ng mga anak, na naghahanda ng daan para sa gawain sa templo at sa pagtubos sa mga patay sa mga huling araw.5

Nakita rin ni Joseph F. Smith sina Joseph Smith, Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at iba pa na naglatag ng saligan ng Pagpapanumbalik. Kabilang sa kanila ang kanyang amang si Hyrum Smith, na pinaslang, na ang mukha ay hindi niya nakita sa loob ng pitumpu’t apat na taon. Sila ay ilan sa mararangal at mga dakilang espiritu na napili bago pa ang buhay na ito upang mabuhay sa mga huling araw at kumilos para sa kaligtasan ng lahat ng mga anak ng Diyos.

Pagkatapos ay nahiwatigan ng propeta na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito ay magpapatuloy sa kanilang gawain sa kabilang-buhay sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga espiritu na nasa kadiliman at nasa pagkaalipin ng kasalanan.

“Ang mga patay na nagsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,” sabi niya, “at matapos nilang mabayaran ang kaparusahan ng kanilang mga kasalanan, at mahuhugasang malinis, ay makatatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.”6

Nang magtapos ang pangitain, inisip na mabuti ni Joseph ang lahat ng nakita niya. Kinaumagahan, ginulat niya ang mga Banal sa pamamagitan ng pagdalo sa unang sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre sa kabila ng kanyang mahinang kalusugan. Determinadong magsalita sa kongregasyon, mabuway siyang tumayo sa pulpito, habang nanginginig ang kanyang malaking katawan sa pagsisikap na tumayo. “Sa loob ng mahigit pitumpung taon ako ay naging manggagawa sa layuning ito kasama ang inyong mga ama at ninuno,” sabi niya, “at ang aking puso ay tapat sa inyo ngayon tulad noon.”7

Dahil wala siyang lakas na magsalita tungkol sa kanyang pangitain nang hindi nadaraig ng damdamin, ipinahiwatig lamang niya ito. “Hindi ako nag-iisa sa limang buwang ito,” sabi niya sa kongregasyon. “Namuhay ako sa diwa ng pagdarasal, pagsamo, pananampalataya, at determinasyon; at patuloy ang komunikasyon ko sa Espiritu ng Panginoon.”

“Masayang pulong ito ngayong umaga para sa akin,” sabi niya. “Pagpalain kayo ng Diyos na Makapangyarihan.”8

Mga Tala

  1. Whitney, Journal, Okt. 3, 1918; Heber J. Grant to Reed Smoot, Set. 25, 1918; Heber J. Grant to George F. Richards, Set. 27, 1918; Heber J. Grant to Richard W. Young, Okt. 1, 1918, Heber J. Grant Collection, CHL.

  2. Tate, “Great World of the Spirits of the Dead,” 5–40; Alford, “Calvin S. Smith,” 254–69; Madsen, Defender of the Faith, 301–14; Dehner, Influenza, 42–50; Brown, Influenza, 43–58; “Preparing Here for Spanish Influenza,” Salt Lake Tribune, Okt. 4, 1918, 20; “State Board of Health Issues Drastic Order,” Salt Lake Telegram, Okt. 9, 1918, 1. Paksa: Pandemyang Influenza noong 1918

  3. I Pedro 3:18–20; 4:6; Doktrina at mga Tipan 138:1–24; Bennett, “Joseph F. Smith, World War I, and His Visions of the Dead,” 126.

  4. Doktrina at mga Tipan 138:25–28.

  5. Doktrina at mga Tipan 138:29–48; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:13–15; at Malakias 4:5–6.

  6. Doktrina at mga Tipan 138:49–59; tingnan din sa Abraham 3:22. Mga Paksa: Joseph F. Smith; Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay

  7. “Prest. Joseph F. Smith Greets Thousands at Semi-annual Conference,” Deseret Evening News, Okt. 4, 1918, 1; Joseph F. Smith, sa Eighty-Ninth Semi-annual Conference, 2; Wells, Diary, tomo 44, Okt. 4, 1918.

  8. Joseph F. Smith, sa Eighty-Ninth Semi-annual Conference, 2; Susa Young Gates to Elizabeth Claridge McCune, Nob. 14, 1918, Susa Young Gates Papers, CHL.