2021
Pakiusap, Huwag Sana Kayong Tumigil sa Pagkanta
Disyembre 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pakiusap, Huwag Sana Kayong Tumigil sa Pagkanta

Sa isang bus na puno ng mga tao at ingay, nakahanap kami ng paraan para magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Larawan
colorful bus

Larawang kuha ni Rob Crandall/Alamy Stock Photo

Kaaalis pa lang naming apat na missionary sa bahay ng isang senior missionary couple nang parahin namin ang isang bus na sasakyan namin pabalik sa aming mga area.

Nakipagsiksikan kami sa grupo ng mga nakatayo sa bus at kumapit kami sa metal bar sa aming ulunan. Habang nakatayo, hindi nagtagal ay kinailangan naming ihilig ang aming katawan sa nakaupong mga pasahero para bigyan ng puwang ang iba pang mga pasaherong nagsisiksikan.

Nakaupo ang isang babaeng nasa kalagitnaang edad sa tapat ng kinatatayuan ko, at may kandong na mga shopping bag at kahon. Nakita ko sa kanyang nangingitim na mga mata na siya ay pagod, at mababakas sa kanyang malungkot na mukha ang hirap niya sa pagkakaupo sa isang siksikang bus na bumabagtas sa gitna ng malagkit at mainit na hangin ng Panama.

Nang pumikit ako, nag-imagine ako na naaamoy ko ang pagkaing Chinese na inihahanda ng aking ina at mga kapatid na babae para sa hapunan sa Bisperas ng Pasko. Parang naririnig ko rin ang awitin sa Pasko na laging pinatutugtog ni Inay. Agad na napawi ng nakapapanatag na mga kaisipang iyon ang init at alinsangan, at nagsimula akong humimig ng isang awitin sa Pasko. Nagliwanag nang kaunti ang mga mata ng babae sa tapat ko. Lumakas ang loob ko at sinimulang kantahin ang isang himno sa Pasko sa sarili ko sa wikang Espanyol. Nakisali sa akin si Elder Glazier, at pagkatapos ay huminto na kami sa pagkanta.

“Pakiusap, huwag sana kayong tumigil sa pagkanta,” sabi ng babae, na nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.

Nang tumingin ako sa mga kompanyon ko, inilabas ko ang aking himnaryo.

“Mga kapatid,” malakas kong sabi dahil sa ingay sa loob ng bus. Habang kinukuha rin ng mga kompanyon ko ang kanilang himnaryo, idinagdag ko, “Gusto po naming kumanta ng ilang awitin sa Pasko para maibahagi sa inyo ang diwa ng Pasko—isang maliit na mensahe mula sa mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Kinanta namin ang lahat ng himno sa Pasko na nasa himnaryong Espanyol. Hindi kami mahusay kumanta, ngunit umantig sa mga puso ang kapangyarihan ng musika at mga salita tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ang kasabikang maglingkod sa mission field sa araw ng Pasko ay pumuspos sa aming apat na elder ng kapayapaan, galak, at liwanag.

Kumanta kami hanggang sa makarating kami sa aming destinasyon. Natuwa ang babae sa tapat ko at sinabing, “Salamat, mga mang-aawit sa Pasko!”

Nang makababa kami ng bus, kumaway kami sa mga taong nagsisiksikan sa sasakyan. Nagpalakpakan ang mga pasahero habang papalayo ang bus, at umakyat kami sa isang burol sa maalinsangang gabi. Lagi kong ginugunita ang gabing iyon nang may pasasalamat para sa babaeng nagbigay sa amin ng pagkakataon na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng awitin.