2023
Ang Kapangyarihan, mga Pagpapala, at mga Katotohanan ng Aklat ni Mormon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol
Abril 2023


Digital Lamang

Ang Kapangyarihan, mga Pagpapala, at mga Katotohanan ng Aklat ni Mormon—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol

Tingnan ang mga itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta sa social media tungkol sa Aklat ni Mormon.

Larawan
Si Jesucristo sa Lupain ng Amerika

Dumalaw si Jesucristo sa Lupain ng Amerika, ni John Walter Scott

May katotohanan, kapangyarihan, at maraming pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng tapat na pagbabasa at pagsasabuhay ng Aklat ni Mormon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Kapag iniisip ko ang Aklat ni Mormon, naiisip ko ang salitang kapangyarihan. Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan  na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.

“Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinapangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon.”1

Nagsalita ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kapangyarihan at papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa paksang ito sa social media, kabilang ang mga sumusunod:

Ang Sentro ng Doktrina ng Panginoon

“Ang Panginoon … ay nagnanais na maunawaan natin ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang doktrina at mensahe, na siyang dahilan kung bakit Niya ipinagkaloob sa atin ang Aklat ni Mormon.

“Ang Aklat ni Mormon ay nakasentro kay Jesucristo. Ito ay naglalaman ng pinakamahalagang bahagi ng Kanyang mensahe. Ito ay isinulat para sa atin, sa ating panahon, para sa ating buhay. Kapag pinag-aralan, pinagnilayan, at ipinamuhay natin ang mga alituntuning itinuturo sa mga pahina nito, makatatanggap tayo ng lakas na isentro ang ating buhay kay Jesucristo at matatamasa ang masasayang pagpapalang ipinangako Niya sa atin, ngayon at magpakailanman.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Okt. 17, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.

Access sa Banal na Patnubay

“Noong 2020, hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na #PakingganSiya—na hingin ang patnubay at direksiyon ng Panginoon para sa ating sariling buhay. Ang isa sa mga pinakamagandang paraan para makatanggap ng personal na paghahayag ay pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ang salita ng Panginoon sa mga banal na kasulatan ay tulad ng isang ilaw na gagabay sa ating mga paa (tingnan sa Mga Awit 119:105), at ang paghahayag ay katulad ng isang malakas na puwersang maraming ulit na nagbibigay ng liwanag sa ilawan.

“Ang ideya na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagdudulot ng inspirasyon at paghahayag ay nagpapahiwatig ng katotohanan na kasama sa layunin ng pagsulat sa isang banal na kasulatan ay ang maaaring maging kahulugan ng banal na kasulatan na iyan sa mambabasa ngayon. Ang kahulugan ng isang talata sa Aklat ni Mormon nang basahin ko ito noong 16 taong gulang ako ay iba nang basahin ko ito noong ako ay 85 taong gulang. Dahil sa mga karanasan ko sa buhay at mas pamilyar na sa paghahayag, matututuhan ko ang mga bagay na hindi ko alam noon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ngayon.

“Dahil naniniwala tayo na makatutulong sa atin ang pagbabasa ng banal na kasulatan upang makatanggap tayo ng paghahayag, hinihikayat tayo na paulit-ulit na basahin ang mga banal na kasulatan. Iyan ang isang dahilan kung bakit naniniwala ang Mga Banal sa mga Huling Araw sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Sa paraang iyan, mahahayag sa atin ang nais ng Ama sa Langit na malaman at gawin natin sa ating personal na buhay ngayon.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Hunyo 25, 2020, facebook.com/dallin.h.oaks.

Kapayapaan at Katiyakan sa Gitna ng Kaguluhan

“Lagi akong nabibigyang-inspirasyon ng mga banal na kasulatan na naglalarawan, sa kahanga-hangang paraan, sa mga panahong nabubuhay tayo ngayon.

“‘At sa araw na iyon ay makaririnig ng mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, at ang buong mundo ay magkakagulo, at ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay, … at ang pag-ibig ng tao ay manlalamig, at ang kasamaan ay lalaganap’ (Doktrina at mga Tipan 45:26–27).

“Isa sa mga salitang pinakanapansin ko sa talata 26 ay ‘magkakagulo,’ na kasingkahulugan ng kaligaligan, pagkakaingay, pagtatalo, kawalang-kaayusan, kalituhan, pagkabagabag, kawalan ng kapayapaan, at pagkagambala. Tiyak na nasasaksihan natin ang halos araw-araw na pagtindi ng kaguluhan sa buong mundo.

“Saan tayo makasusumpong ng kapayapaan at katiyakan sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito?

“Ang Aklat ni Mormon.

“Hindi lamang tayo ang mga taong nabuhay sa magulong panahon. Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at isinulat para sa ating panahon. Ito ang pinagmumulan ng katiyakan at kapayapaan sa ating magulong mga huling araw.

“Kapag nag-ukol kayo ng oras na pag-aralan ang Aklat ni Mormon, ipinapangako ko sa inyo na mapapansin ninyo ang dagdag na kapayapaan sa inyong buhay.

“Paano nakapagdulot sa inyo ng kapayapaan ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon?”

Elder David A. Bednar, Facebook, Abr. 30, 2022, facebook.com/davida.bednar.

Ang Salita ng Diyos para Balaan at Ihanda Tayo

“Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay nagpapatotoo sa katotohanan at kabanalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos. Ito ang salita ng Diyos at nagbababala at naghahanda sa atin para sa mundong tinitirhan natin ngayon. Gustung-gusto ko ang mga salitang ibinahagi ni Mormon sa kanyang anak sa Moroni 9:25

“‘Anak ko, maging matapat kay Cristo; at nawa ay huwag makapagpadalamhati sa iyo ang mga bagay na aking isinulat, na makapagpapabigat sa iyo tungo sa kamatayan; kundi nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, at ang pagpapakita ng kanyang katawan sa ating mga ama, at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman.’

“Ang mga turo ni Cristo ay magtataas sa atin. Ang pag-asang ibinibigay Niya ay tutulong sa atin sa mga hamon ng buhay. Inaanyayahan ko kayong magbasa tungkol sa Kanya, matuto sa Kanya, at sumunod sa Kanya.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Nob. 23, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Napakahalaga sa Pagpapanumbalik

“Sa nakalipas na walong taon, isa sa mga tungkulin ko ang rebyuhin at basahin ang lahat ng kahanga-hangang Joseph Smith Papers at dokumento at ang pagsasaliksik na humantong sa paglalathala ng Mga Banal—isang aklat na nagsasaad ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Ang patotoo at paghanga ko kay Propetang Joseph Smith ay napalakas at nadagdagan matapos kong basahin ang mga nagbibigay-inpirasyong detalye ng kanyang buhay at ang paglilingkod niya bilang propeta na naorden na noon pa man.

“Ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos ay napakahalaga sa Pagpapanumbalik. Ang Aklat ni Mormon ay hindi pabagu-bago ng nilalaman, maganda ang pagkakasulat, at naglalaman ng mga sagot sa mahahalagang katanungan sa buhay. Ito ay katuwang ng Banal na Biblia at isa pang tipan ni Jesucristo.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Hunyo 1, 2022, facebook.com/quentin.lcook.

Mga Aral na Tutulong sa Atin na Maging

“Daan-daan, maging libu-libo, ang mga turo at karanasan sa Aklat ni Mormon na makatutulong sa atin sa pagiging kung sino ang gusto nating maging. Sa araw-araw ninyong pagbubukas ng Aklat ni Mormon, pagpapalain kayong makita ang mga aral na iyon na dapat ninyong matutuhan.”

Elder Neil L. Andersen, Set. 27, 2022, facebook.com/neill.andersen.

Dagdag na Kagalakan at Kapayapaan

“Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon bilang isa pang tipan ni Jesucristo at katuwang ng Banal na Biblia ay mahalagang bahagi ng ating pananampalataya. …

“Inaanyayahan ko kayong basahin ang Aklat ni Mormon at sundin ang mga turo ni Jesucristo na nasa banal na aklat na ito. Kapag ginawa ninyo ito, makasusumpong kayo ng dagdag na kagalakan at kapayapaan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Alam ko na ito ay totoo.”

Elder Ronald A. Rasband, Hunyo 18, 2022, facebook.com/RonaldARasband.

Mga Pangako at Simula

“Sa isang pulong kamakailan kasama ang mga missionary may nagtanong sa akin, ‘Ano ang Aklat ni Mormon para sa inyo?’

“Bilang sagot, binuksan ko ang Aklat ni Mormon sa pambungad ng Aklat ni Mormon. Sa hulihan nito, mababasa natin: ‘Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.’”

“Iyon ang sagot para sa akin. Iyon ang aklat ni Mormon para sa akin. Nalaman ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na totoo ang Aklat ni Mormon.

“Mababasa sa huling talata,‘Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang Kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.’

“Bawat aspekto ng dalawang talatang iyon sa pambungad ng Aklat ni Mormon ay angkop sa akin. Ito ang simula kaya nalaman ko na si Jesus ang Cristo. Ito ang simula kaya nalaman ko ang tungkol sa Simbahan, ang tungkol kay Joseph Smith. Ito ang saligang bato ng aking relihiyon. Ito ang batayan nito.

“Mahal ko ang Aklat ni Mormon, at alam ko na mas mapapalapit ang isang tao sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito kaysa sa anupamang paraan. Alam ko na ito ay totoo para sa akin at ito ay totoo para sa inyo.”

Elder Dale G. Renlund, Facebook, Peb. 28, 2022, facebook.com/DaleGRenlund.