2023
Bakit Ko Ini-index Noon ang Pinakamahihirap na Pangalan?
Abril 2023


“Bakit Ko Ini-index ang Pinakamahihirap na Pangalan?,” Liahona, Abr. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Bakit Ko Ini-index Noon ang Pinakamahihirap na Pangalan?

Nagsimula akong umiyak nang maunawaan ko ang walang-hanggang kahalagahan ng gawaing ginagawa ko.

Larawan
isang mag-asawa

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Pagkaraan ng pangkalahatang kumperensya ilang taon na ang nakararaan, nadama namin ng asawa kong si Yenifer na kailangan naming gumawa ng ilang pagbabago sa aming pagkadisipulo. Nahiwatigan naming gumawa ng higit pa sa ginagawa namin. Hindi lang namin kinailangan ng langis sa aming mga ilawan—kinailangan namin ng mas marami pang langis.

Isa sa nauugnay na mga mithiing itinakda ko para sa aking sarili ay ang higit pang maglingkod. Nagpasiya akong gumawa ng gawain sa family history, kabilang na ang indexing.

Nang magsimula ako, agad kong nalaman na ang pinakalumang mga talaan, na pinakamahirap basahin at unawain, ang pinakamahirap i-index. Pero gusto ko ng mga hamon, kaya nagdesisyon akong magsimula sa mga lumang talaan.

Gayunman, hindi nagtagal, naisip ko kung bakit ko ini-index ang mahihirap na talaan samantalang mas marami akong mai-index na batch ng mga pangalan kung in-index ko ang mas bago at mas-madaling-basahing mga talaan. Habang sinisikap kong basahin at unawain ang ilang mahihirap na talaan sa kasal, sumakit ang ulo ko.

“Bakit ko ba ginagawa ang pinakamahihirap na talaan?” tanong ko sa sarili ko.

Halos agad-agad, kong nadama ang mahinang tinig na nagsasabing, “Salamat.”

Makalipas ang ilang segundo, tinawagan ako ni Yenifer sa cell phone ko para kumustahin ang pag-index ko.

“Ano ang ini-index mo ngayon?” tanong niya.

“Ginagawa ko ang pinakalumang mga talaan,” sagot ko.

“Alam mo namang iyon ang pinakamahirap gawin,” sabi niya. “Bakit iyon ang ginagawa mo?”

Sa sandaling iyon, muli akong nakadama ng pasasalamat. Ang mga tao na ini-index ko ang mga pangalan ay mahigit isang libong taon nang naghintay para magawa ang kanilang gawain sa templo. Tulad ng saya ko dahil natanggap ko ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo, nais din nilang maging masaya sa pagtanggap ng sa kanila. Ginagawang posible iyan ng pag-index ng mga pangalan dahil tinutulungan nito ang mga tao na mahanap ang kanilang mga ninuno online. Indexing ang unang hakbang sa paghahanda ng mga pangalan para sa templo.

Nagsimula akong umiyak nang maunawaan ko ang walang-hanggang kahalagahan ng gawaing ginagawa ko. Maraming taong matagal nang naghihintay sa kanilang mga pagpapala sa templo. Alam ko na kailangan natin silang tulungan gaano man kahirap ang gawain.