Institute
Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo


“Lesson 3: Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo (2022)

“Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo

Larawan
binatilyong pinagninilayan ang mga banal na kasulatan

Lesson 3

Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo

Maraming tanong ang mga estudyante. Ang ilang tanong ay tuwiran, ang ilan ay tumutukoy sa mga sensitibong paksa, at ang iba naman ay nagpapasimula ng nakalilito at kumplikadong paksa. Maaaring nahihiya ang ilang estudyante na magsabi ng kanilang mga tanong o maaaring hindi nakatitiyak kung paano sasabihin ang mga ito. Sa lesson na ito ay tatalakayin ng mga estudyante ang kahalagahan ng pagtatanong, iisipin kung paano sasagutin ang kalabuan, at magsasanay sa pagbuo ng mga tanong mula sa pananaw ng pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtuon sa Tagapagligtas. Anumang mga tanong tungkol sa doktrina, lipunan, o kasaysayan ang nais talakayin ng iyong mga estudyante sa kursong ito, hikayatin silang pagnilayan kung paano nauugnay sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ang mga paksang pinili nila. Tulungan silang buuin ang kanilang talakayan mula sa pananaw ng pananampalataya kay Jesucristo. Sinabi ni Chad H Webb, administrador ng Seminaries and Institutes of Religion, sa mga titser: “Ang kaisa-isang pinakamahalagang paraan na matutulungan nating lumago ang pananampalataya ng lumalaking henerasyon ay ang mas isentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga estudyante na makilala Siya, matuto mula sa Kanya, at sadyang sikaping maging katulad Niya” (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo, Nagagalak Tayo kay Cristo” [mensaheng ibinigay sa Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast, Hunyo 12, 2018], ChurchofJesusChrist.org).

Paglinang ng mga kasanayan sa pag-aaral at pagtalakay sa mga microtraining

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa kursong ito ay magkakaroon sila ng pagkakataong makilahok sa mga microtraining para matulungan silang mapahusay ang kanilang kakayahang matutuhan at matalakay ang mga paksang nauugnay sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan. Pumili ng isang kasanayan mula sa mga microtraining, at kumpletuhin ang training kasama ang iyong mga estudyante.

Pagtatanong nang may pananampalataya

Sabihin sa mga estudyante na sa araw na ito ay pag-aaralan ninyo ang ginagawa ng mga tanong sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ipakita ang mga sumusunod na pahayag, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang bawat isa gamit ang isa sa mga sumusunod na sagot: (1) lubos na hindi sang-ayon, (2) hindi sang-ayon, (3) hindi sang-ayon pero hindi rin tutol, (4) sang-ayon, o (5) lubos na sang-ayon. Ipaalam sa mga estudyante na ang mga pahayag na ito ang magiging batayan ng mga talakayan ng grupo na kasunod ng aktibidad na ito.

  1. Hindi angkop na magtanong tungkol sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

  2. Palaging may mga simple at tuwirang sagot sa mga tanong tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

  3. Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay hindi makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo batay sa pahayag na pinakagusto nilang talakayin. (Tiyakin na tinatalakay ang lahat ng pahayag.) Bigyan ang bawat grupo ng kaugnay na handout. Anyayahan silang magkaroon ng talakayan batay sa materyal at mga tanong sa handout.

Pahayag 1: Hindi angkop na magtanong tungkol sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo—Lesson 3

Bilang grupo, talakayin ang katumpakan ng pahayag 1. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–13, at talakayin kung paano binago ng pagtatanong ang buhay ni Joseph Smith. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na pahayag ng mga lider ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil nagdududa sila tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nila dapat madama iyon. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula iyon ng pag-unlad.

Iniuutos sa atin ng Diyos na maghanap ng mga sagot sa ating mga tanong at sinasabi sa atin na dapat maghanap “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” [Moroni 10:4]. Kapag ginawa natin ito, ang katotohanan ng lahat ng bagay ay ipapakita sa atin “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” [Moroni 10:5].

Huwag matakot magtanong. Mag-usisa, pero huwag magduda! Laging higpitan ang kapit sa pananampalataya at liwanag na natanggap na ninyo. (“President Dieter F. Uchtdorf: The Reflection in the Water,” Church News, Nob. 1, 2009, thechurchnews.com)

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan. Huwag nang patindihin pa ang inyong mga pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal. (Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103)

Larawan
Elder Lawrence E. Corbridge

May mga pangunahing tanong at may di-gaanong mahahalagang tanong. Sagutin muna ang mga pangunahing tanong. Hindi pantay-pantay ang lahat ng tanong at hindi pantay-pantay ang lahat ng katotohanan. Ang mga pangunahing tanong ang pinakamahalaga. Lahat ng iba pa ay nakapailalim dito. Iilan lang naman ang mga pangunahing tanong. Babanggitin ko ang apat sa mga ito.

  1. Mayroon bang isang Diyos na ating Ama?

  2. Si Jesucristo ba ang Anak ng Diyos, na Tagapagligtas ng sanlibutan?

  3. Si Joseph Smith ba ay isang propeta?

  4. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ba ang kaharian ng Diyos sa mundo?

Sa kabilang dako, ang di-gaanong mahahalagang tanong ay walang-katapusan. …

Kung nasagot ninyo ang pinakamahahalagang tanong, nasagot na rin ang mga tanong na walang direktang kaugnayan, at makatutugon kayo sa mga bagay na nauunawaan at hindi nauunawaan at sa mga bagay na sinasang-ayunan at tinututulan ninyo nang hindi tinatalikuran ang Simbahan. (Lawrence E. Corbridge, “Stand Forever” [Brigham Young University debosyonal, Ene. 22, 2019], speeches.byu.edu)

Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang nadarama ng Panginoon tungkol sa ating mga pagtatanong? Ano ang maaari nating matanggap mula sa Panginoon kapag itinanong natin sa Kanya ang ating mga tanong? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari ninyong panoorin ang “2.3.1 Asking, Seeking, and Knocking” [1:14], kasama si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol.)

  • Ano ang pagkakaiba ng panalanging sinambit nang may pananampalataya sa panalanging sinambit nang may pagdududa? (Para sa mas malalim na talakayan, maaari mong basahin ang Alma 22:4–12 bilang halimbawa ng mga tanong na itinanong nang may pananampalataya at Alma 11:21–22, 26–35 bilang halimbawa ng mga tanong na itinanong nang may pagdududa.)

  • Bakit kaya mahalagang tukuyin ang pagkakaiba ng mga pangunahin at hindi gaanong mahalagang tanong? Ano ang maaaring mangyari kung pababayaan natin ang mga pangunahing tanong at magtutuon lamang sa mga hindi gaanong mahalagang tanong?

  • Sa paanong paraan nakatulong ang pagtatanong ninyo sa Panginoon at sa iba pang matatapat na indibiduwal at sources na nagpapalakas ng pananampalataya upang mapalago ang pagkatuto at pag-unlad sa inyong buhay?

Batay sa natutuhan mo sa talakayang ito, itala ang binagong bersyon ng pahayag 1. Maging handang ibahagi ang inyong binagong pahayag at kung ano ang natutuhan ninyo sa inyong klase.

Pahayag 1: Hindi angkop na magtanong tungkol sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

Larawan
handout ng titser

Pahayag 2: Palaging may mga simple at tuwirang sagot sa mga tanong tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo—Lesson 3

Bilang grupo, talakayin ang katumpakan ng pahayag 2. Basahin ang 1 Nephi 11:14–17, at talakayin ang kahalagahan ng sagot ni Nephi sa tanong ng Espiritu. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na pahayag:

Larawan
Elder Bruce C. Hafen at Marie K. Hafen

Ang mahahalagang turo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay mabisa, malinaw, at hindi nakalilito. Gayunman, maging ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng ilang nakalilitong paksa. Isipin, halimbawa, ang kuwento ni Nephi, na inutusang patayin si Laban upang magkaroon ng napakahalagang espirituwal na talaan. Ang sitwasyong iyan ay puno ng kawalang-katiyakan. …

Kung kaya isang layunin ng mortal na plano ay na ang buhay ay puno ng kawalang-katiyakan at pagkatuto para malunasan ang agwat sa pagitan ng uliran at tunay. Sa pamamagitan ng banal na plano, lahat tayo ay nahaharap sa “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). …

… Ang kakayahang kilalanin ang kalabuan, isang mahalagang hakbang sa ating espirituwal na pag-unlad, ay hindi isang huling uri ng kaliwanagan—simula pa lamang ito. …

Ang pinakamainam na tugon sa agwat sa pagitan ng [katiyakan at] kawalang-katiyakan ay ang patuloy na paglago. …

Kapag naharap tayo sa mga unang sorpresa ng kumplikasyon, dapat nating alagaan nang may malaking pag-iingat ang umuusbong na pananampalataya, para kapag mainit na ang sunog ng araw, hindi malalanta ang usbong. (Bruce C. Hafen at Marie K. Hafen, Faith Is Not Blind [2018], 9–10, 13–14, 18)

Larawan
Sister Sheri L. Dew

Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay kasing-halaga ng pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral, dahil may ilang bagay na hindi natin matututuhan mula sa isang aklat.

Binigyang-diin ni Elder Dallin H. Oaks ang katotohanang ito: “[Matapos] ang lahat ng paglalathala, ang mga miyembro natin kung minsan ay naiiwang nagtatanong tungkol sa mga bagay na hindi malulutas sa pag-aaral. … May mga bagay na matututuhan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:118]. Dapat tayong lubos na magtiwala sa patotoong natanggap natin mula sa Espiritu Santo” [“Pagsalungat sa Lahat ng Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 117]. …

… Kapag nagkakaroon ng mga tanong o duda … hindi pahiwatig ang mga ito na wala kayong patotoo o hindi totoo ang ebanghelyo. Ang mga ito ay isang paanyaya sa inyo na espirituwal na umunlad. …

… Ang mga tanong, lalo na ang mahihirap na tanong, ay tumutulong sa atin na pagtagumpayan ang mga espirituwal na pagdududa at alalahanin upang maakay tayo ng Panginoon. …

Ang paglago sa espirituwal at pagtanggap ng mga sagot sa ating mga tanong ay depende sa kakayahan nating madama, marinig, at maunawaan ang mga bulong ng Espiritu. Sulit sa ating makibahagi sa isang espirituwal na labanan upang matutong tumanggap ng personal na paghahayag, dahil malalaman lamang natin kung ano ang totoo kapag pinatotohanan ng Espiritu sa ating puso’t isipan na tanging ang Espiritu Santo lamang ang makagagawa. (Sheri Dew, “Will You Engage in the Wrestle?” [Brigham Young University–Idaho debosyonal, Mayo 17, 2016], byui.edu)

Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit mahalagang maunawaan na maaaring may kalituhan, kawalang-katiyakan, at kasalimuutan sa ilan sa ating mga tanong tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan?

  • Ayon kina Elder at Sister Hafen at Sister Dew, ano ang ilang makabuluhang paraan ng pagtugon sa masalimuot na tanong tungkol sa ebanghelyo at buhay na humahantong sa kalituhan at kasalimuutan?

  • Ano ang lubos na nakatulong sa inyo na manatiling tapat sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo noong naharap kayo sa kalituhan, kawalang-katiyakan, o kasalimuutan?

Batay sa natutuhan ninyo sa talakayang ito, itala ang binagong bersyon ng pahayag 2. Maging handang ibahagi ang inyong binagong pahayag at kung ano ang natutuhan ninyo sa inyong klase.

Pahayag 2: Palaging may mga simple at tuwirang sagot sa mga tanong tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

Larawan
handout ng titser 2

Pahayag 3: Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay hindi makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.

Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo—Lesson 3

Bilang grupo, talakayin ang katumpakan ng pahayag 3. Basahin ang Alma 30:12–18, at talakayin kung paano nakaapekto ang mga paniniwala ni Korihor sa kanyang pananaw tungkol sa moralidad at sa layunin ng buhay. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na pahayag:

Larawan
Elder Bruce C. Hafen at Marie K. Hafen

Ang paniniwala ay nagmumula sa puso, sa mga pag-asa at ninanais ng maytaglay. Sinabi ng Tagapagligtas sa lahat ng nakapaligid sa Kanya, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig” (Lucas 8:8). …

Lahat ng apat na anak ni Lehi ay ipinanganak sa butihing mga magulang. Ang pagkakaiba sa pagitan nila at ng mananampalataya ay walang gaanong kinalaman sa nangyari sa kanila, kundi sa kanilang pag-uugali sa nangyari. Ang saloobin ay nagmula sa kanilang puso, na ang bawat isa ay malayang nagpapasiyai na maniwala—o hindi. …

… Hindi makokontrol ng Diyos kung kusang-loob nating pinipiling maniwala sa Kanya, tanggapin Siya, hangarin Siya. Magagawa lamang Niyang iabot sa atin ang Kanyang kamay, at kung pipiliin nating tanggapin ito, magagabayan Niya tayo tungo sa anumang kakailanganin natin para sa sarili nating pag-unlad. (Bruce C. Hafen at Marie K. Hafen, Faith Is Not Blind [2018], 81, 88)

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Ang paraan ng makabagong pag-iisip na makapangyarihan at maimpluwensya ay ang “relatibismo sa moralidad,” ang ideya na walang lubos na tama o mali. Ang pinagmumulan ng gayong mga ideya ay ang palagay na walang Diyos o, kung mayroon man, wala Siyang ibinigay na mga kautusan na angkop sa atin ngayon. …

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay malinaw na nagsisimula sa ibang paniniwala: mayroong Diyos na pinagmumulan ng Walang-hanggang batas, at nagbigay Siya ng mga kautusan na nagtatatag ng tama at mali para sa maraming pagpili. … Sinasalungat natin ang relatibismo sa moralidad, at kailangan nating tulungan ang ating mga kabataan na iwasang malinlang at mahikayat sa pamamagitan ng pangangatwiran at mga konklusyon batay sa mga maling paniniwala nito.

Saan natin hahanapin ang mga batayan kung saan natin sisimulan ang pagpapaliwanag sa katotohanan o pagiging katanggap-tanggap ng iba’t ibang mungkahi? Inaangkla natin ang ating sarili sa salita ng Diyos, tulad ng nakapaloob sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga makabagong propeta. Maliban kung tayo ay nakaangkla sa mga katotohanang ito bilang pinakasentro ng ating mga paniniwala at opinyon, hindi tayo makatitiyak na totoo ang ating mga konklusyon. (Dallin H. Oaks, “As He Thinketh in His Heart” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 8, 2013])

(Paalala: Ang premiseay ang simula o batayan ng iyong pananaw. Ang assumption ay isang bagay na ipinapalagay mong totoo pero maaaring hindi naman talaga totoo.)

Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit nakagagawa ng malaking kaibhan ang ating mga pinagbabatayan (panimula) sa paraan ng pagsagot natin sa mga tanong?

  • Ano ang kaibhang nagagawa kapag bumubuo tayo ng tanong nang may paniniwala sa Diyos bilang ating batayan?

  • Bakit mahalagang maunawaan na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagpili?

Batay sa natutuhan ninyo sa talakayang ito, itala ang binagong bersyon ng pahayag 3. Maging handang ibahagi ang inyong binagong pahayag at kung ano ang natutuhan ninyo sa inyong klase.

Pahayag 3: Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay hindi makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.

Larawan
handout ng titser 3

Matapos ang maraming oras para sa talakayan ng grupo, maaari mong anyayahan ang isang estudyante mula sa bawat grupo na isulat sa pisara ang kanilang binagong pahayag. Ang mga pahayag na ito ay maaaring katulad ng mga sumusunod na pahayag:

  1. Angkop, at marahil ay kailangan pa sa ating espirituwal na pag-unlad, na magtanong ng mga bagay na binigyang-inspirasyon ng pananampalataya tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

  2. Walang palaging simple at tuwirang mga sagot tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.

  3. Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang binagong pahayag at kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang mga talakayan. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, maaari kang magbigay ng mga kasunod na tanong na makatutulong sa kanila na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magtanong at sagutin ang mga tanong nang may pananampalataya. Halimbawa, maaari mong itanong ang isa o lahat ng sumusunod:

  • Paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito na mas maunawaan ang ibig sabihin ng magtanong nang may pananampalataya?

  • Kailan nakatulong sa inyo ang kabatirang ito noong naghahanap kayo ng sagot sa isa sa sarili ninyong mga tanong?

Ipaalala sa mga estudyante na bilang paghahanda para sa klase ay inanyayahan silang sumulat ng isang tanong nila tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, o kasaysayan ng Simbahan. Itanong kung may mga estudyante na nagbago ng kanilang pananaw sa tanong nila dahil sa natutuhan nila ngayon, at anyayahan ang sinumang gustong magbahagi ng kanilang mga ideya.

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagkukuwento ng sarili mong karanasan at patotoo tungkol sa pagtatanong nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Para sa Susunod

Ipaliwanag na sa susunod na klase ay inyong tatalakayin ang banal na kaloob na biyaya. Hikayatin ang mga estudyante na maglaan ng oras sa buong linggo para malaman kung ano ang kanilang matututuhan tungkol sa banal na kaloob na biyaya mula sa Gospel Library.