Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagtuturo sa mga Batang Musmos


“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Pagtuturo sa mga Batang Musmos

Kung may mga batang musmos sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makakatulong sa kanila na matuto:

  • Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga batang musmos ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, sa inyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan, o sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari rin silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga ikinukuwento mo.

  • Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa gaanong marunong magbasa ang mga batang musmos, ngunit maisasali mo pa rin sila sa pag-aaral mula sa mga banal na kasulatan. Maaari mong kailanganing magtuon sa isang talata, mahalagang parirala, o salita. Baka nga maisaulo pa nila ang maiikling parirala mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ito nang ilang beses. Kapag narinig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.

  • Tingnan ang isang larawan o panoorin ang isang video. Kapag nagpakita ka sa iyong mga anak ng isang larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa banal na kasulatan, tanungin sila ng mga bagay na tutulong sa kanila na matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang nadarama ninyo?” Maaari kang makakita ng mga larawan at video sa medialibrary.lds.org at sa children.lds.org.

  • Kumanta. Ang Mga Himno at mga awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay mabisang nagtuturo ng doktrina. Gamitin ang indise ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para maghanap ng mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo ninyo. Tulungan ang iyong mga anak na maiugnay ang mensahe ng mga awitin sa buhay nila. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o parirala na nasa mga titik. Bukod sa pag-awit, maaaring umakto ang iyong mga anak na tugma sa mga awitin o makinig sa mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang iba pang mga aktibidad.

  • Lumikha. Ang mga bata ay maaaring magbuo, magdrowing o magkulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila.

  • Sumali sa mga object lesson o pakay-aralin. Ang isang simpleng object lesson ay maaaring makatulong na magpaunawa sa iyong mga anak ng isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap unawain. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan upang makasali ang iyong mga anak. Mas marami silang matututuhan sa isang interactive na karanasan kaysa sa panonood lamang ng isang pagtatanghal.

  • Magdula-dulaan. Kapag isinadula ng mga bata ang isang sitwasyong maaaring mangyari sa kanila sa tunay na buhay, mas mauunawaan nila kung paano naaangkop ang alituntunin ng ebanghelyo sa buhay nila.

  • Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig nang maraming beses ng mga batang musmos ang mga konsepto para maunawaan nila ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad. Halimbawa, maaari mong ikuwento nang ilang beses ang isang salaysay sa banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan—magbasa mula sa mga banal na kasulatan, magbuod sa sarili mong mga salita, magpalabas ng video, hayaang tumulong ang iyong mga anak sa pagkukuwento, anyayahan silang isadula ang kuwento, at kung anu-ano pa.

    Larawan
    tinuruan ng mga magulang ang maliliit na bata