Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin


“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
binibisita ng isang binata ang kanyang lola

Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin

Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob at tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. Dahil dito, kapag pinag-aralan natin ang ebanghelyo, hindi lamang tayo naghahanap ng bagong impormasyon; nais nating maging isang “bagong nilalang” (tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:17). Nangangahulugan ito ng pag-asa kay Cristo na baguhin ang ating puso, ating pananaw, ating mga kilos, at atin mismong pagkatao.

Ngunit ang uri ng pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapalakas sa ating pananampalataya at humahantong sa mahimalang pagbabago ng pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang biglaan. Hindi lamang sa isang silid-aralan ito nangyayari kundi maging sa puso at tahanan ng isang tao. Nangangailangan ito ng palagian at araw-araw na pagsisikap na maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Ginagabayan tayo ng Espiritu Santo sa katotohanan at pinatototohanan ang katotohanang iyon (tingnan sa Juan 16:13). Pinalilinaw Niya ang ating isipan, pinabibilis ang ating pang-unawa, at inaantig ang ating puso sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Dinadalisay ng Espiritu Santo ang ating puso. Pinupukaw Niya sa atin ang hangaring mamuhay ayon sa katotohanan, at ibinubulong Niya sa atin ang mga paraan para magawa ito. Tunay ngang “ang Espiritu Santo … ang magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26).

Dahil dito, sa mga pagsisikap nating ipamuhay, matutuhan, at ituro ang ebanghelyo, dapat muna nating hangarin ang patnubay ng Espiritu. Ang mithiing ito ang dapat mangibabaw sa ating mga pagpili at gumabay sa ating mga iniisip at ikinikilos. Dapat nating hangarin ang anumang nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu at iwaksi ang anumang nagtataboy sa impluwensyang iyon—sapagkat alam natin na kung magiging karapat-dapat tayo sa presensya ng Espiritu Santo, magiging karapat-dapat din tayong mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.