Library
Pambungad sa II Kay Timoteo


Pambungad sa II Kay Timoteo

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Binigyang-diin sa Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ang kapangyarihang nagmumula sa pagkakaroon ng patotoo kay Jesucristo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:7–8). Naglalaman din ito ng propesiya tungkol sa “mga panahong mapanganib” na mangyayari sa kapanahunan nina Pablo at Timoteo gayon din sa mga huling araw (tingnan sa II Kay Timoteo 3:1–7). Upang tulungan si Timoteo sa mga hamong nakaharap niya, hinikayat siya ni Pablo na magtiwala sa mga banal na kasulatan at sa mga lider ng Simbahan (tingnan sa II Kay Timoteo 3:14–17) at umasa sa totoong doktrina (tingnan sa II Kay Timoteo 4:2). Sa pag-aaral ng aklat na ito, malalaman mo ang mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa iyo na mamuhay nang tapat habang nararanasan mo ang mga panahong mapanganib sa mga huling araw.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Apostol Pablo ang II Kay Timoteo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay isinulat marahil sa pagitan ng A.D. 64 at 65 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Isinulat ito ni Pablo sa panahon ng kanyang pangalawang pagkabilanggo sa Roma bago ang kanyang kamatayan (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).

Si Pablo ay nakatanikala (nakagapos ng mga kadena) habang nasa bilangguan (tingnan sa II Kay Timoteo 1:16; 2:9), malamang na nasa isang selda o bartolina siya at lantad sa lamig ng panahon (tingnan sa II Kay Timoteo 4:13, 21), at nahirapan ang kanyang mga kaibigan na mahanap siya (tingnan sa II Kay Timoteo 1:17). Tila si Lucas lamang ang regular na dumadalaw sa kanya (tingnan sa II Kay Timoteo 4:11), at alam ni Pablo na malapit nang magwakas ang kanyang buhay (tingnan sa II Kay Timoteo 4:6–8).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Hinikayat ni Pablo si Timoteo sa sulat na ito at pinalakas siya upang makatulong sa kanya na magpatuloy at magpakatatag pagkatapos ng nalalapit na kamatayan ni Pablo. Alam ni Pablo na maikling panahon na lang ang natitira sa kanya, at ninais niyang makita si Timoteo, na tinawag ni Pablo na “aking minamahal na anak” (II Kay Timoteo 1:2).

Sa katapusan ng kanyang sulat, hiniling ni Pablo na bisitahin siya nina Timoteo at Marcos at dalhin ang ilang bagay na naiwan niya (tingnan sa II Kay Timoteo 4:9–13). Bagama’t para kay Timoteo ang sulat ni Pablo, ang mga payo niya ay magagamit ng mga taong nabubuhay sa “mga huling araw” (II Kay Timoteo 3:1) dahil nagturo si Pablo tungkol sa mga pagsubok at mga solusyon na may kaugnayan sa ating panahon at sa kanya ring panahon.

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang sulat na ito ay isa sa pastoral epistles o mga sulat para sa mga lider ng Simbahan, kasama ng I Kay Timoteo at Kay Tito, at “naglalaman ng mga huling salita ng Apostol at nagpapakita ng matinding katapangan at pagtitiwala kahit sa harap ng kamatayan” (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Kung iaayon sa tamang pagkakasunud-sunod ng pangyayari, tila ang II Kay Timoteo ang huling sulat ni Pablo sa Bagong Tipan (tingnan sa II Kay Timoteo 4:6).

Ang sulat na ito ay naglalaman ng ilang kaisipan ni Pablo tungkol sa mga pagpapala at hirap ng paglilingkod bilang “tagapangaral, at apostol at guro” ng mga Gentil (II Kay Timoteo 1:11). Ipinahayag ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran” (II Kay Timoteo 4:7–8), na nagpapahiwatig na nakatitiyak siya na magmamana siya ng buhay na walang hanggan. Bilang isang tao na naglingkod para kay Jesucristo nang mahigit 30 taon, marapat lamang na si Pablo ang magturo kay Timoteo kung paano epektibong maglingkod sa pagpapalakas ng pananampalataya ng iba (tingnan sa II Kay Timoteo 2:15–17, 22–26; 4:1–2, 5).

Outline

II Kay Timoteo 1. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa kaloob at kapangyarihan ng Diyos na natatanggap sa pamamagitan ng ordenasyon sa priesthood. Itinuro niya na ang “espiritu ng katakutan” (II Kay Timoteo 1:7) ay hindi nagmumula sa Diyos at hindi tayo dapat mahiya sa ating patotoo kay Jesucristo. Nagpatotoo si Pablo na tinawag siya ni Jesucristo para ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:11).

II Kay Timoteo 2. Gumamit si Pablo ng imahe ng isang mabuting kawal, matagumpay na atleta, at masipag na magsasaka upang ituro na kinakailangang tiisin ang hirap upang matanggap ang walang-hanggang kaluwalhatian. Ikinumpara niya ang totoo at bulaang guro at ang sisidlang ikapupuri at ikasisirang-puri. Binalaan niya si Timoteo na iwasan ang mga pagtatalu-talo at matiyagang turuan ang mga taong kailangang magsisi.

II Kay Timoteo 3–4. Inilarawan ni Pablo ang kasamaan na mangyayari sa mga huling araw at hinikayat si Timoteo na gamitin ang mga banal na kasulatan sa kanyang tungkulin bilang lider ng priesthood. Isinulat niya ang tungkol sa kanyang nalalapit na kamatayan at ipinahayag, “iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7). Nagpatotoo si Pablo na ililigtas siya ng Panginoon patungo sa “kaniyang kaharian sa langit” (II Kay Timoteo 4:18).