Library
Unit 5, Day 3: Mateo 21:17–22:14


Unit 5: Day 3

Mateo 21:17–22:14

Pambungad

Matapos manatili sa Betania, bumalik si Jesus sa templo. Habang nasa daan, isinumpa Niya ang isang puno ng igos. Nilapitan Siya sa templo ng mga pinunong Judio at tinanong kung saan galing ang Kanyang awtoridad. Pinagsabihan sila ni Jesus at nagturo ng ilang talinghaga upang ilarawan ang mga ibubunga ng hindi pagtanggap o pagtanggap sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.

Mateo 21:17–32

Isinumpa ni Jesus ang isang puno ng igos at pinagsabihan ang mga pinunong Judio

Kung minsan, ang mga pagkain, libangan, produkto, at maging ang buhay ng mga tao ay hindi naman kasingsarap o kasingganda ng ipinapakita nila.

  1. Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na nakakita ka ng isang bagay na inakala mong maganda pero hindi pala.

Nakatala sa Mateo 21 ang tungkol sa isang pangyayari na nakakita si Jesus ng isang bagay na mukhang maganda pero hindi pala. Sa patuloy na pag-aaral mo ng kabanatang ito, alamin ang mga katotohanan na gagabay sa iyo na mamuhay nang mas mabuti.

Matapos ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem at paglilinis ng templo, nanatili Siya sa Betania, isang munting nayon malapit sa Jerusalem. Basahin ang Mateo 21:18–22, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas kinabukasan habang Siya ay naglalakbay mula sa Betania pabalik sa templo sa Jerusalem.

Larawan
sanga ng igos na may mga dahon

Ang mga dahon sa puno ng igos ay karaniwang palatandaan na may bunga na ang puno. Sa tagsibol (noong makakita ang Tagapagligtas ng puno ng igos na walang bunga), karaniwang may bubot na bunga na ang mga puno ng igos. Kung hindi pa nagbubunga ang mga ito, ibig sabihin ay hindi na ito magkakabunga sa taong iyon. Ang punong inilarawan sa talang ito ay mukhang mabunga, pero wala ito ni isang bunga.

Marahil ang isang dahilan kaya isinumpa ng Tagapagligtas ang puno ng igos ay upang ituro sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa kapaimbabawan at sa mga tiwaling pinunong pangrelihiyon ng mga Judio. Marami sa mga pinunog ito ang mukhang masunurin sa Diyos, ngunit hindi naman talaga nagkakaroon ng bunga o hindi gumagawa ng mabuti. Sila ay mga mapagpaimbabaw o mapagkunwari.

“Ang salitang mapagpaimbabaw ay isinalin mula sa isang salitang Griyego na ibig sabihin ay ‘aktor’ at ito ay tumutukoy sa isang taong nagkukunwari, eksaheradong umarte, o pakitang-tao lang at pabagu-bago ang ipinapakitang ugali. Kinokondena ng Panginoon ang mga [tao na kunwari ay] nagpapakita na kanilang [sinusunod ang mga kautusan] ngunit sa kalooban ay mapagmalaki at mapanlinlang” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 68).

Mababasa natin sa Mateo 21:23–27 na ilan sa mga pinunong Judio na ito ang lumapit sa Tagapagligtas sa Templo at nagtanong kung sino ang nagbigay ng karapatan sa Kanya na gawin ang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem at linisin ang templo. Sinagot ito ng Tagapagligtas sa pagtatanong sa kanila kung ang bautismo [o ministeryo] ba ni Juan Bautista ay iniutos ng Diyos o ng tao. Hindi sinagot ng mga pinunong ito ang Tagapagligtas dahil sa takot na maipahamak ang sarili o galitin ang mga taong tumanggap kay Juan bilang propeta. Sinabi ng Tagapagligtas na hindi Niya sasagutin ang kanilang mga tanong kung hindi nila sasagutin ang Kanyang tanong, at pagkatapos ay nagkuwento Siya ng tatlong talinghaga na naglalarawan ng mga ginagawa ng mga tiwaling pinunong Judio.

Ang unang talinghaga ay tungkol sa magkaibang pagtugon ng dalawang anak na lalaki sa kanilang ama. Basahin ang Mateo 21:28–30, na inaalam kung sino sa mga anak na lalaki ang mas kahalintulad ng puno ng igos at ng mga pinunong Judio.

Basahin ang Mateo 21:31–32, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tiwaling pinunong Judio sa pamamagitan ng talinghagang ito. (Maaaring makatulong na malaman mo na ang maniningil ng buwis ay nangongolekta ng buwis at ang mga patutot ay mga prostitute. Mababa ang tingin ng mga pinunong Judio sa mga pangkat na ito ng mga tao, at itinuturing sila na mga makasalanan.)

Paano naging katulad ng mga maniningil ng buwis at mga patutot na naniwala kay Juan Bautista ang unang anak sa talinghaga?

Natutuhan natin mula sa talinghagang ito na upang makapasok sa kaharian ng Diyos, dapat nating sundin ang ating Ama sa Langit at pagsisihan ang ating mga kasalanan sa halip na sabihin lamang o magkunwaring sinusunod natin Siya.

  1. Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon, at pagkatapos ay sagutin ang dalawang tanong sa iyong scripture study journal:

    Isang binatilyo ang madalas na nagsasabi sa kanyang mga magulang na dumadalo siya sa aktibidad ng Simbahan pero ang totoo ay sa bahay ng kaibigan niya siya nagpupunta. Kapag kasama niya ang mga lider at titser sa Simbahan, nagsasalita at kumikilos siya na parang sinusunod niya ang mga utos ng Ama sa Langit, pero kapag hindi na niya sila kasama sinasadya niyang suwayin ang karamihan sa mga utos.

    Isang dalagita ang nakikipagtsismisan sa kanyang mga kaibigan tungkol sa ilang kaeskwelang babae pero nagkukunwaring kaibigan ng mga babaeng ito kapag kasama niya sila. Regular siyang nagsisimba at tumatanggap ng sakramento, pero sa oras ng miting ay kadalasang nagte-text siya sa kanyang mga kaibigan tungkol sa mga pamimintas niya sa mga nasa paligid niya.

    1. Ano ang sasabihin mo sa mga kabataang ito para matulungan silang baguhin ang kanilang pag-uugali?

    2. Bukod pa sa mga halimbawa sa mga sitwasyong ito, ano ang iba pang mga paraan na maaari tayong matukso na magkunwaring sumusunod sa Ama sa Langit sa halip na talagang sumunod sa Kanya?

Sa patuloy na pag-aaral mo ng Mateo 21, alamin kung ano ang gagawin mo para maiwasang maging katulad ng puno ng igos na walang bunga.

Mateo 21:33–22:14

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng masasamang magsasaka at ng kasal ng anak na lalake ng hari

Larawan
kumpol ng mga ubas sa sanga

Basahin ang Mateo 21:33–41, at kumpletuhin ang chart ng sa palagay mo ay sinasagisag ng huling tatlong simbolo. Maaaring makatulong na malaman na ang mga magsasaka ay mga tagapag-alaga na may responsibilidad na tiyaking nagkakabunga ang ubasan. (Kapag tapos ka na, tingnan kung pareho ang mga sagot mo sa ibinigay na mga sagot sa katapusan ng lesson.)

Ang Talinghaga ng Masasamang Magsasaka

(Mateo 21:33–41)

Simbolo

Kahulugan

Puno ng sangbahayan

Ama sa Langit

Mga magsasaka

Mga alipin

Ang Anak na Lalake ng Pinuno

  1. Sa iyong scripture study journal, ibuod ang sa palagay mo ay ang inilalarawan ni Jesus sa pamamagitan ng talinghagang ito.

Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa talinghaga ng masasamang magsasaka ng Tagapagligtas:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Ang pakikipag-ugnayan ng [Diyos] sa mga tao mula pa noong paglalang kay Adan hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Anak ng Diyos ay nakabuod sa Talinghaga ng Masasamang Magsasaka.

“Ang Diyos mismo ang puno ng sangbahayan; ang kanyang ubasan ay ang mundo at ang mga naninirahan dito; at ang mga magsasaka ay ang mga pinagkatiwalaang pangalagaan ang mga tao. Ang mga binato, at binugbog, inusig, at pinatay ay ang mga propeta at tagakita na isinugo upang mangaral at maglingkod sa mga tao; at ang Anak at Tagapagmana, na pinatay at pinalayas sa ubasan dahil sa pag-uudyok ng masasamang magsasaka ay walang iba kundi si Jesus” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:593–94).

Sa pamamagitan ng talinghagang ito, inilalarawan ni Jesucristo na hindi tinanggap ng ilan sa mga pinuno ng mga Israelita sa loob ng maraming siglo ang mga propeta ng Diyos at na alam Niya na gusto Siyang patayin ng mga pinunong Judio.

Basahin ang Mateo 21:43, na inaalam kung kanino ibibigay ang kaharian ng Diyos (ibig sabihin ang Simbahan ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng ebanghelyo) matapos itong hindi tanggapin ng mga pinunong Judio.

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 21:53 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) tinukoy ang “mga Gentil” bilang bansa na pagbibigyan ng kaharian ng Diyos. “Tumutukoy [ang mga salitang mga Gentil] minsan sa mga taong hindi kabilang sa angkan ng mga Israelita, minsan [ay sa] mga taong hindi kabilang sa angkan ng mga Judio, at minsan [ay sa] mga bayang walang ebanghelyo, kahit na maaaring may dugong Israelita sa mga tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gentil, Mga,” scriptures.lds.org). Ang pagbibigay ng kaharian sa mga Gentil ay nagsimula nang unang dalhin ng mga Apostol ang ebanghelyo sa mga Gentil matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Ito ay nagpatuloy sa mga huling araw sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nanirahan sa bansa ng mga Gentil.

Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, tayo ay kabilang sa mga pinagbigyan ng Diyos ng Kanyang kaharian. Samakatwid, ayon sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 21:43, bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, responsibilidad nating gumawa ng mabubuting bagay.

  1. Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng puno ng igos na may bunga. Lagyan ng label ang bawat prutas ng mga salitang naglalarawan ng mabubuting bagay na dapat nating gawin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Isipin kung bakit mahalagang magkaroon tayo ng ganitong klaseng bunga. Pagkatapos ay isulat ang isang pangyayari na nakakita ka ng isang miyembro ng Simbahan na isinasagawa ang isa sa mabubuting bungang ito sa matapat na paraan.

Inilarawan sa Mateo 21:45–46 kung paano nagalit ang mga punong saserdote at mga Fariseo nang matanto nila na sila ang tinutukoy na masasamang magsasaka sa talinghaga. Gayunman, hindi nila ginawan ng masama ang Tagapagligtas dahil natakot sila sa magiging reaksyon ng mga tao kapag ginawa nila ito.

Nabasa natin sa Mateo 22:1–10 na nagsalaysay ng talinghaga si Jesucristo kung saan inihambing Niya ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa isang piging ng kasalan na inihanda ng hari para sa kanyang anak na lalake. Ang mga tao na unang inanyayahan sa piging (na kumakatawan sa marami sa mga Judio, kabilang na ang mga pinuno) ay ayaw magsidalo. Ang mga tao na pangalawang inanyayahan (na kumakatawan sa mga Gentil) ay piniling dumalo at masayang kumain sa piging.

Basahin ang Mateo 22:11–14, na inaalam ang nangyari sa piging ng kasalan.

Bakit ipinatapon sa labas ng piging ang panauhing ito?

Tinupad ng hari ang sinaunang kaugalian nang bigyan niya ang kanyang mga panauhin ng malinis at angkop na damit na isususot sa kasalan. Gayunman, pinili ng taong ito na huwag isuot ang damit na ibinigay ng hari. Sa mga banal na kasulatan, ang malinis na damit at bata (robe o balabal) ay simbolo ng kabutihan at kadalisayan ng mga taong nalinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 27:19).

Idinagdag ng Joseph Smith Translation ng Mateo 22:14 na hindi lahat ng dadalo sa piging ay magsusuot ng damit-kasalan. Ibig sabihin, hindi lahat ng kumikilala sa Tagapagligtas at tinatanggap ang paanyaya na maging bahagi ng kaharian ay magiging handa at karapat-dapat na mamuhay nang walang hanggan sa piling Niya at ng Ama sa Langit. Ang talinghagang ito ay angkop sa mga taong hindi pa miyembro ng Simbahan—ang kaharian ng Diyos sa lupa—at sa mga taong miyembro na ng Simbahan ngunit hindi sapat na inihanda ang kanilang sarili para sa buhay na walang hanggan kasama ng Diyos.

Pag-isipang mabuti kung ano ang ginagawa mo sa kasalukuyan para matanggap ang paanyaya ng Ama sa Langit na tanggapin ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo. Ang pagsasabuhay ng natutuhan mo sa lesson na ito ay makatutulong sa iyong paghahanda na matanggap ang lahat ng pagpapalang ito.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 21:17–22:14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

  • Mga sagot sa chart na “Ang Talinghaga ng Masasamang Magsasaka”: Ang mga magsasaka ay kumakatawan sa mga tiwaling pinunong Israelita, ang mga alipin ay kumakatawan sa mga propeta ng Diyos, at ang anak na lalake ng puno ng sangbahayan ay kumakatawan kay Jesucristo.