2012
Pamumuno sa Paraan ng Panginoon
Enero 2012


Paglilingkod sa Simbahan

Pamumuno sa Paraan ng Panginoon

Habang naglilingkod at namumuno tayo sa paraang iniutos ng Panginoon, anuman ang ating tungkulin, tayo ay kapwa magpapala at pagpapalain.

Nang maatasan si Brother Jones at ang kanyang anak na i-home teach ang pamilya Williams, sinimulan nilang bumisita nang buwanan. Sa mga pagbisitang iyon, nalaman ni Kim, na anak na dalaga sa pamilya, na nagmamalasakit sila sa kanya. Marami siyang tanong tungkol sa ebanghelyo at natuwa siyang makipag-usap sa kanila.

Isang tag-init na nahihirapan si Kim na malaman kung mayroon siyang patotoo, pinadalo sa Young Women camp si Brother Jones, kasama ang isa pang maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Kalaunan ay sinabi ni Kim kung gaano kahalaga sa kanya na naroon ang kanyang home teacher. Sinabi niya sa kanyang pamilya na nagkaroon siya ng patotoo na mahal siya ng Tagapagligtas nang humiling siya ng basbas kay Brother Jones at sa isa pang maytaglay ng priesthood sa camp.

Talagang tunay na kaibigan ang kanyang mga home teacher sa pamilya Williams. Ang kanilang impluwensya ay mahalaga kay Kim at sa kanyang mga magulang—at sa Panginoon.

Pamumuno at mga Tungkulin

Sa mundo ngayon, karaniwang sinusukat ang personal na pag-unlad ng isang tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas matataas na katungkulan sa trabaho o pagtaas ng suweldo na nagpapakita ng ibayong personal na tagumpay. Kadalasan ay tumitingin tayo sa taas ng katungkulan bilang pahiwatig na mahalaga ang naiaambag ng isang tao. Hindi nakakagulat kung gayon na maraming tao ang nahihirapang malaman kung paano pinakamainam na masusukat ang kanilang pag-unlad sa mga espirituwal na bagay.

Narinig kong maraming Banal sa mga Huling Araw ang nagdududa sa sarili nilang katayuan dahil hindi pa sila nabibigyan ng katungkulang mamuno sa Simbahan. Ngunit nasusukat ba nang wasto ang ating pag-unlad sa mga tungkulin ng pamumuno?

Sa katunayan, ang pamumuno ay hindi nangangailangan ng katungkulan. Ang ilang tao na nagsisikap magpasigla at maghikayat na kinakailangan sa tunay na pamumuno ay ginagawa ito nang walang tungkulin o katungkulan. Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 121 ang ilang mahalagang aral tungkol sa pamumuno:

“Ang ating natutuhan sa pamamagitan ng nakalulungkot na karanasan na likas at kaugalian ng halos lahat ng tao, matapos silang makatamo ng kaunting kapangyarihan, sa inaakala nila, kaagad silang magsisimulang gumamit ng di makatwirang pamamahala.

“Kaya nga marami ang tinawag, subalit iilan ang napili.

“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya” (mga talata 39–42).

Karaniwan ay inaakala natin na ang pamumuno ay pagsasabi sa mga tao kung ano ang gagawin. Maaaring humantong iyan sa di-makatwirang pamamahala. Hindi angkop na sabihing, “Gawin mo iyan dahil sinabi ko (bilang maytaglay ng priesthood o inutusan ng priesthood).” Ang isang mahalagang aral sa bahagi 121 ay ang tunay na pinuno ay hindi nag-uutos at umaasang masunod ito dahil lamang sa kanyang katungkulan. Bagkus, ang pamumuno sa priesthood ay tungkol sa pag-anyaya. Ang isang magiliw na paanyaya, batay sa dalisay na kaalaman at hindi pakunwaring pag-ibig, ay mas magandang panghikayat sa tuwina kaysa “Dahil sinabi ko.”

Totoo na ang mga pinunong mahilig mag-utos ay maraming nagagawa. Ngunit hindi sila namumuno sa paraang inihayag ng Panginoon. At hindi nila natuturuan ang kanilang mga pinamumunuan na magkaroon ng sariling kakayahan at tiwala na dapat nilang taglayin.

Tunay na Pamumuno

Pansinin na hindi nakalista ang isang tungkulin o katungkulan sa mga talata 41 o 42 bilang isa sa mga angkop na paraan ng paggamit ng kapangyarihan o impluwensya. Bagkus, ang kapangyarihan at impluwensya ng tunay na pinuno ay nasa paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, hindi pakunwaring pag-ibig, kabaitan, at dalisay na kaalaman. Ang mga katangiang ito ng tunay na pamumuno ay maipapakita ng lahat, anuman ang tungkulin o katungkulan.

Ang mga tungkuling mamuno ay katulad ng mga training wheel sa bisikleta. Tinutulutan ng mga training wheel na matutuhan ng isang bata kung paano magbalanse at sumakay nang may kumpiyansa. Inilalagay ng isang katungkulan sa pamumuno ang mga tao sa isang posisyon na sila ay matututong magmahal, magpasensya, at manghikayat sa pamamagitan ng dalisay na kaalaman at kabaitan. Maaari din nilang malaman na anumang pagtatangkang ipilit ang isang pag-uugali ay susundan ng paglayo ng Espiritu at pagkawala ng bisa nito.

Matapos tayong ma-release, malalaman natin kung tayo ay lumago at natuto habang tayo’y nasa tungkuling iyon. Natuto ba tayong magmahal at maglingkod sa iba nang hindi napipilitan dahil sa tungkulin? Natuto ba tayong maglingkod nang mabisa bilang impluwensya sa kabutihan dahil lamang sa kung ano ang kinahinatnan natin?

Paulit-ulit tayong tatawagin ng Panginoon habambuhay. Batid Niya ang nasa ating puso. Tatawagin Niya tayo kapag kailangan Niya ang ating natatanging mga kakayahan, kaalaman, o ang pagiging sensitibo natin sa Espiritu. Tatawagin Niya tayo ayon sa ating kahandaang makinig sa Kanyang tinig at magmahal na tulad Niya.

Kapag natuto tayong maging impluwensya sa kabutihan sa paraan ng Panginoon, tayo ay magiging mga tao na nagpapasigla sa iba dahil ganoon talaga tayo. Hindi lamang mga tungkulin ang magiging dahilan ng ating mabuting impluwensya. Kundi, kapag inutusan tayo, maglilingkod tayong mabuti kung saan tayo maatasan sa Simbahan.

Naglilingkod man tayo sa Sunday School o sa mga programa ng mga kabataan, bilang home teacher o visiting teacher, o kahit bilang bishop o Relief Society president, ang ating paglilingkod sa iba ay magiging pagpapakita ng ating pagmamahal sa Tagapagligtas. Habang naglilingkod at namumuno tayo sa paraang iniutos ng Panginoon, anuman ang ating tungkulin, tayo ay kapwa magpapala at pagpapalain.

Hindi maaaring kopyahin ang paglalarawan