2012
Tapang na Manindigang Mag-isa
Enero 2012


Tapang na Manindigang Mag-isa

Pangulong Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 61–62.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Naniniwala ako na ang una kong karanasan sa pagkakaroon ng tapang na manindigan sa aking paniniwala ay nangyari noong maglingkod ako sa United States Navy sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. …

“Hindi ko malilimutan ang araw ng Linggo matapos ang unang linggo [ng boot camp]. Nakatanggap kami ng magandang balita sa isang mataas na opisyal. Habang nakatayo nang tuwid sa training ground sa malamig na simoy ng hangin sa California, narinig namin ang kanyang utos: ‘Ngayon ang lahat ay magsisimba—lahat, maliban sa akin. Magpapahinga ako!’ Pagkatapos ay sumigaw siya, ‘Lahat kayong mga Katoliko, magpupulong kayo sa Camp Decatur—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!’ Isang malaking grupo ang umalis. Pagkatapos ay sinabi niya: ‘Kayong lahat na mga Judio, magpupulong kayo sa Camp Henry—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!’ Isang mas maliit na grupo ang umalis. Kasunod niyon ay sinabi niya, ‘Kayong natitirang mga Protestante, magpupulong kayo sa mga teatro sa Camp Farragut—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!’

“Biglang sumagi sa aking isipan, ‘Monson, hindi ka Katoliko; hindi ka Judio; hindi ka Protestante. Ikaw ay Mormon, kaya tumayo ka lang diyan!’ Talagang nadama kong nag-iisa lang ako. May tapang at determinasyon ako, oo—ngunit nag-iisa ako.

“Pagkatapos ay narinig ko ang pinakamatamis na salitang sinabi ng opisyal na iyon. Tumingin siya sa kinatatayuan ko at nagtanong, ‘At ano ang tawag ninyong mga kalalakihan sa inyong sarili?’ Noong sandaling iyon ko lamang nalaman na may iba pa palang nakatayo sa aking likuran sa training ground na iyon. Halos magkakasabay naming sinabi, ‘Mga Mormon!’ Mahirap ilarawan ang kagalakang nadama ko nang bumaling ako at nakita ang iilang marino.

“Napakamot ang opisyal, isang pagtataka ang mababakas sa kanyang mukha ngunit sa huli ay sinabi niyang, ‘Buweno, humayo kayo at maghanap ng lugar na pagtitipunan. At huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!’ …

“Bagama’t ang kinalabasan ng naranasan ko ay iba sa inaasahan ko, handa akong manindigang mag-isa, kung kinakailangan.

“Magmula noong araw na iyon, may mga pagkakataong walang nakatayo sa likuran ko kaya nanindigan akong mag-isa. Nagpapasalamat ako na nagpasiya ako noon na manatiling matatag at matapat, palaging handa na ipagtanggol ang aking relihiyon.”

Mga tanong na pag-iisipan:

  • Ano ang epekto sa iba ng ating matatag na paninindigan?

  • Maaalala ba ninyo ang isang panahon na nasubukan ang inyong tapang at paniniwala? Paano kayo tumugon?

  • Ano ang magagawa natin upang ihanda ang ating sarili na matatag na manindigan?

Isiping isulat ang inyong mga ideya sa isang journal o talakayin ang mga ito sa iba.