2009
Mga Taong Palapunta sa Templo
Oktubre 2009


Mga Taong Palapunta sa Templo

Ang family history, pakikipagkaibigan, at pagpapabinyag para sa mga patay ay nagbibigay-inspirasyon sa mga miyembrong nasa hustong gulang na tumanggap ng kanilang mga endowment sa templo.

May pangarap sina Gary at Jennifer Tucker. Kapwa nila gustong magkaroon ng walang hanggang pamilya. Pero halos mawalan ng pag-asa si Jennifer. Ang landas para makamtan ang pangarap na iyon ay humahantong sa templo, isang bagay na hindi pa handang gawin ni Gary.

Pagkatapos ay naisip ng kanilang bishop ang isang ideya na makakatulong sa mga Tucker—at sa marami pang iba sa Three Forks Ward, Bozeman Montana Stake—na makamtan ang pangarap na magkaroon ng isang walang hanggang pamilya. Ilang taon pa lang ang nakalilipas dumalo si Bishop Aaron Baczuk sa isang miting para sa mga bishop at bagong binyag sa stake. Tinanong ng namumunong Area Seventy ang isang bagong miyembro, “Nakapunta ka na ba sa templo para magpabinyag para sa mga patay?” Opo raw.

Hindi naisip ni Bishop Baczuk kailanman na dalhin sa templo ang mga nasa hustong gulang na hindi pa na-endow. Nang sumunod na linggo gumawa siya ng appointment sa Billings Montana Temple para magpabinyag para sa mga patay ang mga nasa hustong gulang sa kanyang ward. Naging tagumpay ang pagbisita sa templo, at sa mga buwang sumunod, sinamahan ng mga elder at high priest sa ward ang marami pang mga nasa hustong gulang na hindi pa na-endow sa templo. “Naging napaka-espirituwal na karanasan iyon para sa kanila, na nagpaibayo sa paghahangad at pangako nilang tumanggap ng kanilang mga endowment,” sabi ni Bishop Baczuk.

Paghahanda

Para makapaghanda, nagpapatulong sa bishop ang mga miyembrong nasa hustong gulang para maging karapat-dapat silang makadalo sa templo. Pagkatapos ay dumadalo sila sa temple-preparation class. Talagang tumindi ang interes nila sa klase matapos silang magpabinyag para sa mga patay. Nalaman nila na ang pag-uusap tungkol sa templo sa klase ay isang magandang bagay, ngunit iba pa rin ang tunay na madama ang Espiritu ng Panginoon sa templo.

“Ang desisyong dalhin sa templo ang isang taong maaaring hindi pa handa para sa karagdagang mga tipan ngunit maaari pang maranasang lumahok sa mga ordenansa ay mahalaga,” sabi ni Bishop Baczuk. “Palagay ko akma ito sa damdaming sinusubukang ipahayag ng Simbahan sa buklet nito na paghahanda sa pagpasok sa templo: ‘Halina sa templo!’”1

Sinabi ng Three Forks Ward elders quorum president na si David Boyd na nakakamtan ang isang mithiin dahil sa pagdalo sa templo para magpabinyag para sa mga patay: “Nakikita nila ang posibilidad na matanggap ang sarili nilang mga endowment. Marami sa kanila ang ni hindi pa nakatungtong sa bakuran ng templo kahit kailan, kaya ang pagpapabinyag para sa mga patay ng mga miyembrong nasa hustong gulang ay nagbibigay ng gayong oportunidad.”

Maraming miyembro sa ward na napaaktibo kamakailan ang nagpabinyag para sa mga patay bago tumanggap ng sarili nilang mga endowment. “Wala iyon sa pagiging karapat-dapat,” sabi ni Bishop Baczuk. “Nasa kahandaan iyon. May ilang karapat-dapat at handang magpabinyag pero hindi handa ang isipan o espirituwalidad na gawin ang mga tipan sa endowment.” Para sa mga lalaki, panahon din ito para maghandang tanggapin ang Melchizedek Priesthood.

Isinusulong din ng family history ang gawain sa templo. Ang mga miyembro ng ward, tulad nina Larry at Carolyn Isom, ay nagtatrabaho sa family history center ng ward para maglaan ng daan-daang pangalan ng pamilya. Ang tatlong gawaing ito—ang temple-preparation class, family history, at pagsamba sa templo—ay nagtutulungan. Ang mga gumagawa ng family history ay sabik maglaan ng mga pangalan para sa mga nagpupunta sa templo. Ang mga miyembrong nagpupunta sa templo ay sabik gumawa ng gawain sa templo para sa sarili nilang mga ninuno at para sa mga ninuno ng kapwa nila mga miyembro sa ward. At ang pagpasok sa templo ay naggaganyak sa mga miyembro na maghandang makabalik sa templo.

Sa nakaraang ilang taon, 22 miyembro ng Three Forks Ward ang nakakuha na ng temple-preparation class, at 14 sa kanila ang regular nang dumadalo sa templo para magpabinyag para sa mga patay. Nang makatapos sa klase, 13 sa 14 na iyon ang tumanggap ng sarili nilang mga endowment. Ang ilan sa kanila ay walang asawa o balo, ngunit ang iba, gaya nina Gary at Jennifer Tucker, ay ibinuklod bilang pamilya.

Pakikisalamuha

Sumapi si Gary sa Simbahan noong 1992, ilang buwan bago sila ikasal ni Jennifer. Miyembro na noon si Jennifer. Pero dahil sa pagtatrabaho nang maraming oras at pakikisama sa mga maling kaibigan ay naging mahirap kay Gary na manatiling aktibo sa Simbahan, kahit sinusuportahan siya ng kanyang asawa. Maraming taon daw siyang “nanabako at nagmura.’”

Nang isilang ang anak nilang si Cody, sinikap ni Sister Tucker na palakihin ito sa ebanghelyo sa pagdadala rito sa simbahan, kahit ayaw ni Brother Tucker ng anumang materyal ng Simbahan sa bahay. Bagaman hinikayat niyang magsimba ang kanyang pamilya, hindi siya nagsimba. Nang mag-walong taon si Cody, bininyagan siya ng isang misyonero, hindi ng kanyang ama. Sabi ni Brother Tucker, “Masayang-masaya ako at naroon ako, pero sising-sisi ako—nanonood lang ako sa halip na ako ang magsagawa niyon.”

Sa sumunod na mga taon, nakatulong kay Gary ang pakikisalamuha para mapaaktibo sa Simbahan. Inanyayahan ni Jennifer ang mga miyembro ng ward o mga misyonero sa hapunan, batid na pagkakataon ito para makausap nila si Gary. Nagpapasalamat si Gary sa mga miyembro at misyonerong iyon sa mabuting impluwensya nila sa kanya.

Halimbawa, tinuruan ni Dale Price ang nanay ni Jennifer sa bahay at nakilala sina Gary at Jennifer sa gayong paraan. Nang kausapin ni Brother Price si Brother Tucker, hindi muna nila pinag-usapan ang ebanghelyo. Pinag-usapan nila ang isang kapwa nila kinawiwilihan: pangangaso. Tinabihan din ng mga Price ang mga Tucker sa mga aktibidad ng ward, dinalhan sila ng pagkain mula sa kanilang imbakan ng pagkain nang mawalan ng trabaho si Brother Tucker, at binigyan sila ng pulot-pukyutang gawa ng sarili nilang mga bubuyog. Honey ang paboritong palaman ng mga Tucker sa tustadong tinapay. Ang munting regalong iyon, tulad ng pagkalarawan ni Brother Price, ay “nagpapatamis sa kanilang relasyon.”

Paggawa ng Maliit at Simpleng mga Bagay

Nakatulong din sa mga Tucker ang payo ng kanilang stake president. Pinayuhan ni President David Heap ang mga miyembro ng stake na gawin ang “pitong maliit at simpleng mga bagay”: (1) Mag-isang basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw; (2) basahin ang mga banal na kasulatan nang di kukulangin sa limang araw sa isang linggo bilang pamilya; (3) magkaroon ng personal na panalangin tuwing umaga at gabi; (4) magkaroon ng panalangin ng pamilya tuwing umaga at gabi; (5) magsimba tuwing Linggo bilang pamilya; (6) magdaos ng family home evening tuwing Lunes ng gabi; at (7) dumalo sa templo buwan-buwan.

Nakita ni Gary na makakatulong ang mga bagay na ito para mas magkalapit ang kanyang pamilya—isang bagay na gustung-gusto niya—kaya’t nagsimula ang mga Tucker na magdaos ng panalangin ng pamilya, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at mag-home evening. Ang mga pagsisikap na ito ay nakapaghanda kay Gary na tanggapin ang paanyaya ng kanyang bishop na maghandang makapasok sa templo.

Noong Enero 2006 dumalo ang mga Tucker sa isang fireside sa bahay ng bishop. Niyaya ni Bishop Baczuk si Gary sa tabi at kinausap siya tungkol sa templo. Doon mismo, iniabot ni Gary sa bishop ang kanyang lata ng tabako para hindi na siya patuloy pang matukso nito. Marami siyang tanong sa bishop noon at sa mga huling interbyu. Binigyang-diin ng bishop ang pamumuhay sa mga tipan na ginawa ni Gary sa binyag para maging karapat-dapat siya sa Espiritu.

Dumalo ng temple-preparation class ang mga Tucker, at sumasama si Jennifer sa kanyang ward sa pagdalo sa templo buwan-buwan upang magpabinyag para sa mga patay. Naghandang maging karapat-dapat si Gary para makapasok sa templo. Ang anak niyang si Cody, na noon ay 11 anyos, ay sabik na makapunta sa templo sa lalong madaling panahon upang magpabinyag para sa mga patay. Nang mag-12 anyos siya, nasamahan siya ni Gary sa templo. Iyon ang unang pagkakataon nilang makapasok sa templo.

Sabi ni Cody, “Napakaganda. Napakapayapa roon. Sumama ang tatay ko, kaya mas masaya.” Sabi ni Gary nakadama siya ng “di-mapaniwalaang kapayapaan at kagalakan sa unang pagkakataong iyon.

Kinalingguhan sa temple-preparation class, nagbago na si Gary. “Nadama niya ang impluwensya ng Espiritu,” sabi ni Sister Elna Scoffield, na nagturo sa klase nang ilang taon. Nagpaiwan si Gary pagkatapos ng klase para magtanong. Nadama niya ang Espiritu sa templo at gustong makabalik—hindi lang upang magpabinyag para sa mga patay kundi upang tanggapin ang kanyang endowment at mabuklod ang kanyang pamilya sa kanya.

Nang sumunod na buwan muling dumalo sa templo ang mga Tucker kasama ang bishop at iba pang mga miyembro ng ward.

Pagdaig sa mga Pagsubok

Ilang linggo bago natanggap nina Brother at Sister Tucker ang kanilang mga endowment at mabuklod sila, nadama nila ang paghadlang ng kaaway. May magagandang pagbabago kay Gary, ngunit may mga duda pa siya tungkol sa pagkamarapat niyang makapasok sa templo. Ang pangarap nilang magkaroon ng isang walang hanggang pamilya ay malapit na, pero parang hindi nila maabot. Alam ng mga Tucker na dapat nilang dalasan ang pagdarasal nang sama-sama, sa paghingi ng lakas. “Natatanggap namin iyon palagi sa nakapapanatag na kapayapaan at muling pagtiyak na lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Panginoon,” sabi ni Sister Tucker. “Kahit noong papasok na kami sa loob ng templo, sumaaming buong pamilya ang nakapapanatag Niyang Espiritu.”

Matapos matanggap nina Gary at Jennifer ang kanilang mga endowment, lumuhod sila sa silid-bukluran kasama ang kanilang mga anak na sina Cody at Garrett, na nakadamit ng puti. Nang makita ng anim-na-taong-gulang na si Garrett na umiiyak ang kanyang ina, pinahiran niya ang luha sa mga pisngi nito. Umiiyak din sa galak sina Gary at Cody. Maging ang nagbuklod ay naantig.

Sabi ng mga Tucker mas matatag na ngayon ang pamilya nila at mas maganda na ang kanilang komunikasyon. Sabi ni Gary, “Mas masaya kami. Mas nagkalapit kaming mag-asawa, at nakikita iyan ng aming mga anak.” Sa palagay ni Gary mas mabuting halimbawa na siya sa kanyang mga kapamilyang hindi miyembro ng Simbahan, at umaasa siya na gugustuhin ng ibang mga pamilya sa kanyang ward ang gayon ding mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon sa mga Tucker sa pamamagitan ng templo.

Tala

  1. Tingnan sa Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo (buklet, 2003), 1.

Kaliwa: larawan ng Billings Montana Temple na kuha ni Steve Bunderson; larawan ng bautismuhan sa Billings Montana Temple na kuha ni Norman Childs; kanan: larawang kuha ni Drake Busath, © Busath Photography

Masaya sina Gary, Jennifer, Cody, at Garrett Tucker na makapunta sa Billings Montana Temple sa araw ng kanilang pagbubuklod.

Regular na nagbibiyahe nang dalawa’t kalahating oras ang mga miyembro ng Three Forks Ward para maglingkod sa Billings Montana Temple. Ilan sa mga dumadalo ay matatandang nagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay habang sila at ang kanilang mga asawa ay naghahandang tumanggap ng kanilang mga endowment at mabuklod.

Larawan sa kagandahang-loob ng mga Tucker