2009
Mga Pagpapala ng Templo
Oktubre 2009


Mga Pagpapala ng Templo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Nobyembre 15, 2005. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, tingnan sa http://speeches.byu.edu.

Ang templo ay isang sagradong gusali, isang banal na lugar kung saan isinasagawa ang mahalaga at nakapagliligtas na mga seremonya at ordenansang maghahanda sa atin para sa kadakilaan.

Larawan
Elder Robert D. Hales

Ang mga pagpapala ng endowment sa templo ay mahalaga sa bawat isa sa atin na tulad ng ating binyag. Dahil dito dapat nating ihanda ang ating sarili na maging malinis para makapasok sa templo ng Diyos.

Ang pagkakataong makapasok sa templo at taglayin sa ating sarili ang mga sagradong tipan doon ay isa sa pinakadakilang mga pagpapala sa atin sa mortalidad. Sa gayon, matapos nating taglayin sa ating sarili ang mga tipang iyon, ang pagsunod natin sa pamumuhay ng mga ito sa araw-araw ay nagpapakita ng ating pananampalataya, pagmamahal, debosyon, at espirituwal na pangakong igalang ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Inihahanda rin tayo ng ating pagsunod para makapiling Sila sa mga kawalang-hanggan. Ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa templo ay mahalaga para sa—at sentro din ng—walang hanggang plano ng kaligayahan.

Ang Doktrina ng Templo

Ang templo ay tunay na isang lugar kung saan kayo ay “nasa mundo ngunit hindi naiimpluwensyahan ng mga bagay na makamundo.” Kapag may problema at mahalagang desisyon kayong gagawin na mabigat na dalahin sa inyong isipan at kaluluwa, maidudulog ninyo ang inyong mga alalahanin sa templo at tatanggap kayo ng espirituwal na paggabay.

Kailangan tayong magtamo ng patotoo at mapitagang damdamin na ang templo ay bahay ng Panginoon. Para mapanatili ang kasagraduhan ng templo at maanyayahan ang Espiritu na basbasan ang mga pumapasok sa banal na templo para sa kanilang mga ordenansa at tipan, itinuturo sa atin na walang maruming bagay na dapat pumasok sa templo. Ang pagpipitagan sa templo ay mahalagang bagay sa pag-anyaya sa Espiritu na manahan sa loob niyon oras-oras sa araw-araw.

Noong bata pa ako, dinala ako ng tatay ko mula sa Long Island, New York, para maglakad sa bakuran ng Salt Lake Temple, mahipo ang templo, at pag-usapan ang kahalagahan ng templo sa buhay ko. Noon ko napagpasiyahan na balang araw ay babalik ako para tumanggap ng mga ordenansa sa templo.

Sa buong kasaysayan, sa bawat dispensasyon, inutusan ng Panginoon ang mga propeta na dapat magtayo ng mga templo para matanggap ng Kanyang mga tao ang mga ordenansa sa templo. Pinagpala si Moises at ang mga Israelita ng isang templong naililipat-lipat, ang tabernakulo, kung saan isinagawa ang mga sagradong ordenansa sa ilalim ng batas ni Moises—at kung saan kinausap ng Panginoon si Moises paminsan-minsan. Nakapagtayo si Haring Solomon ng isang magandang templo sa Jerusalem, na kalaunan ay winasak. Pagkatapos, sa panahon ng ministeryo ni Cristo, isa pang templo sa Jerusalem ang itinayo.

Nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon na nagtayo ng templo si Nephi “alinsunod sa pagkakayari ng templo ni Solomon” (2 Nephi 5:16). Ang iba pang mga propetang Nephita, kabilang na sina Jacob at Haring Benjamin, ay nagturo sa mga tao sa templo (tingnan sa Jacob 1:17; Mosias 1:18).

Ang makahulugan, nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo sa mga Nephita noong A.D. 34, nagtungo Siya sa templo (tingnan sa 3 Nephi 11:1–11).

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Hindi pa ganap na naitatatag ang Simbahan, sa wastong kaayusan nito, at hindi ito mangyayari, hangga’t hindi tapos ang Templo, kung saan maglalaan ng mga lugar para sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng Priesthood.”1

Ang Kirtland Temple ang unang templo sa mga huling araw na ito, at mahalaga ang ginampanan nito sa panunumbalik ng mga susi ng priesthood. Si Joseph Smith, bunga ng panalangin, ay dinalaw ni Jesus sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836 (tingnan sa D at T 110). Nagpakita ang Tagapagligtas sa kaluwalhatian at tinanggap ang Kirtland Temple bilang Kanyang bahay. Sa pagkakataong iyon nagpakita rin sina Moises, Elias, at Elijah para ipagkaloob ang mga susi ng priesthood na hawak nila. Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod, ayon sa pangako ni Malakias, upang matamasa natin ang kabuuan ng mga pagpapala ng templo sa ating buhay.

Tinapos ng mga ninuno nating pioneer ang Nauvoo Temple at isinagawa ang mga sagradong ordenansa roon. Ang Nauvoo Temple ang unang templo kung saan isinagawa ang mga endowment at pagbubuklod, na naging matinding lakas sa mga pioneer nang magtiis sila ng hirap sa pagtawid sa kapatagan papuntang Sion sa Salt Lake Valley. Pinagkalooban sila ng kapangyarihan sa banal na templo. Ibinuklod ang mag-asawa sa isa’t isa. Ibinuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang. Marami sa kanila ang namatayan ng mga kapamilya habang daan, ngunit alam nila na hindi iyon ang wakas nila. Ibinuklod sila sa templo para sa buong kawalang-hanggan. Kalaunan, sa pamamagitan ng paghahayag kay Pangulong Brigham Young, nagtayo pa ang mga Banal ng ibang mga templo sa Kanluran.

Ngayo’y may 130 nagagamit na mga templo, na nagtutulot sa nananalig na mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng sulok ng mundo na makapunta sa bahay ng Panginoon para tumanggap ng kanilang mga ordenansa sa templo at makipagtipan sa Kanya.

Ang mga Ordenansa sa Templo

Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga kailangang ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay ginagabayan tayo patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mga templo ang pinakadakilang lugar ng pagkatuto na alam ng tao, na nagbibigay sa atin ng kaalaman at karunungan tungkol sa Paglikha ng mundo. Ang mga tagubilin sa endowment ay nagbibigay ng patnubay kung paano tayo dapat mamuhay rito sa mortalidad. Ang kahulugan ng katagang endowment ay “kaloob.” Ang ordenansa ay binubuo ng sunud-sunod na mga tagubilin kung paano tayo dapat mamuhay at ng mga tipang ginagawa natin para mamuhay nang matwid sa pamamagitan ng pagsunod sa ating Tagapagligtas.

Ang isa pang mahalagang ordenansa ay ang mabuklod nang walang hanggan sa selestiyal na kasal. Ang tipang ito ng kasal ay nagtutulot sa mga anak na mabuklod sa kanilang mga magulang at sa mga anak na isinilang sa tipan upang maging bahagi ng isang walang hanggang pamilya.

Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan na: “Anumang bagay na iyong ibuklod sa lupa ay bubuklurin sa langit; at anumang bagay na iyong itali sa lupa, sa aking pangalan at sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, ito ay nakataling walang hanggan sa mga kalangitan” (D at T 132:46).

Kapag nakaluhod sa altar ang isang mag-asawa, bilang tagapagbuklod alam kong gumaganap ako bilang kinatawan ng Panginoon. Alam kong ang ibinuklod sa lupa ay talagang ibinuklod sa langit—hindi na mapaghihiwalay kailanman kung ang mga ibinuklod ay mananatiling tapat at magtitiis hanggang wakas.

Sa paglipas ng mga taon namasdan ko ang maraming mag-asawa na napanatiling matatag at masaya ang kanilang pagsasama dahil nananatili silang tapat sa mga tipang ginawa nila sa templo. May ilang bagay na karaniwan sa matatagumpay na mag-asawang ito.

Una, alam ng bawat isa sa mga mag-asawang ito kung sino sila—mga anak ng Diyos. Nagtatakda sila ng mga walang hanggang mithiin na muling makapiling ang ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo. Sinisikap nilang talikdan ang pamumuhay ng likas na tao (tingnan sa Mosias 3:19).

Ikalawa, alam nila ang doktrina at kahalagahan ng nakapagliligtas na mga ordenansa at tipan sa templo at ang pangangailangan sa mga ito upang makamit ang mga walang hanggang mithiin.

Ikatlo, pinipili nilang tamuhin ang mga walang hanggang pagpapala ng kaharian ng Diyos sa halip na pansamantalang mga pag-aari sa mundo.

Ikaapat, natatanto ng mga mag-asawang ito na kapag ibinuklod sila sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan, nakapili na sila ng isang asawang makakasama nang walang hanggan—tapos na ang panliligaw nila sa iba! Hindi na kailangang humanap pa ng iba!

Ikalima, iniisip ng mga mag-asawang ito ang isa’t isa bago ang sarili. Ang pagkamakasarili ay pumapatay sa mga espirituwal na pandamdam. Sa pakikipag-usap sa Panginoon sa panalangin, lumalago sila nang sabay at hindi magkahiwalay. Nag-uusap sila, kaya hindi nila pinalalaki ang maliliit na problema kahit kailan. Pinag-uusapan nila agad ang “mga munting sama ng loob” nang di gaanong takot na makasakit ng damdamin. Sa ganitong paraan, kapag tumindi ang sama ng loob at nasabi nila ito sa isa’t isa, hindi sila mag-aaway. Mas mabuting ilabas ang kaunting init ng ulo bago pa sumiklab ang iyong galit. Handa silang humingi ng paumanhin at patawad kung nasaktan nila ang kanilang mahal. Nagpapahayag sila ng pagmamahal sa isa’t isa at mas nagkakalapit. Pinasisigla at pinatatatag nila ang isa’t isa.

Mga Pagpapala ng Templo

Ang templo ay isang sagradong gusali, isang banal na lugar kung saan isinasagawa ang mahalaga at nakapagliligtas na mga seremonya at ordenansang maghahanda sa atin para sa kadakilaan. Mahalagang magtamo tayo ng tiyak na kaalaman na ang paghahanda nating makapasok sa banal na bahay at paglahok sa mga seremonya at tipang ito ay ilan sa pinakamahahalagang pangyayaring mararanasan natin sa buhay.

Boluntaryo tayong pumarito sa mundong ito mula sa kinaroroonan ng Diyos Ama na may kalayaan, batid na tayo ay magkakaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Ang layon natin ay taglayin sa ating sarili ang buong baluti ng Diyos at paglabanan ang “nag-aapoy na sibat ng masama” nang may kalasag ng pananampalataya at espada ng Espiritu (tingnan sa D at T 27:15–18), magtiis hanggang wakas, at maging karapat-dapat na tumayo at mamuhay sa harapan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa buong kawalang-hanggan—upang makamtan ang tinatawag na buhay na walang hanggan.

Tala

  1. History of the Church, 4:603.

Larawan ng Salt Lake Temple na kuha ni Welden C. Andersen; kanan: paglalarawan ni John Luke

Pinagpala si Moises at ang mga Israelita ng isang templong naililipat-lipat, ang tabernakulo, kung saan isinagawa ang mga sagradong ordenansa sa ilalim ng batas ni Moises—at kung saan kinausap ng Panginoon si Moises paminsan-minsan.

Paglalarawan ni Ted Henninger