Kasaysayan ng Simbahan
8 Ang Panahong Ito ng Kasalatan


“Ang Panahong Ito ng Kasalatan,” kabanata 8 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 8: “Ang Panahong Ito ng Kasalatan”

Kabanata 8

Ang Panahong Ito ng Kasalatan

Larawan
bahay-pukyutan

Dumating sina Louisa Pratt at ang kanyang mga anak na babae sa Lambak ng Salt Lake kasama ang grupo ng mga bagon ni Brigham Young noong hapon ng Setyembre 20, 1848. Inisip nila buong umaga ang pagkain ng mga sariwang gulay sa lupang pangako, at sa huli, matapos silang salubungin at kinamayan ng mga dating kaibigan, naupo sila upang magpakabusog sa mais na inani mula sa lambak.

Dahil hindi pa dumarating ang pangkat ni Addison mula sa California, si Mary Rogers, ang asawa ng isang lalaki na tumulong kay Louisa sa Winter Quarters, ay inanyayahan ang pamilya na manatili kasama niya. Hindi gaanong kilala ni Louisa si Mary, ngunit malugod niyang tinanggap ang paanyaya. Halos handa nang manganak si Mary, at ang pagsama sa kanya habang hinihintay nila si Addison ay nagbigay kay Louisa at sa kanyang mga anak na babae ng pagkakataon na tulungan siya at suklian ang kabaitan na ipinakita sa kanilang pamilya.

Lumipas ang mga araw na hindi nakikita si Addison. Ipinanganak ni Mary ang kanyang sanggol, at inalagaan siya ni Louisa at ang sanggol araw at gabi. Pagkatapos, noong ika-27 ng Setyembre, ilang beterano ng Batalyong Mormon ang dumating sa lunsod sakay ng mga kabayo na may balita na si Addison ay may isang araw na paglalakbay na lang ang layo. Napakasaya ng mga batang babae. “Sinabi nila sa akin na mayroon akong ama, ngunit hindi ko siya kilala,” sinabi ng walong taong gulang na si Ann sa mga kaibigan niya. “Hindi ba kakatwa na magkaroon ng isang ama at hindi siya makilala?”

Kinabukasan ang araw ay maliwanag at malinaw, at nagpunta si Louisa sa kanyang bagon upang magbihis para sa muling pagkikita.1 Habang kinukuskos ng labing-anim na taong gulang na si Ellen ang sahig ng mga Rogers gamit ang kanyang mga kamay at tuhod, isang kaibigan ng pamilya ang pumasok sa kubo. “Ellen,” sabi niya, “narito ang iyong ama.”

Mabilis na tumayo si Ellen habang isang magaspang at sunog sa araw na lalaki ang pumasok sa silid. “Aba, Pa,” sabi ni Ellen, habang hawak niya ang mga kamay nito, “dumating ka na ba talaga?” Makaraan ang mahigit limang taon, hindi niya halos ito nakikilala.

Hindi naglaon ay mabilis na pumasok sina Frances at Lois sa silid, at nagulat sila sa magulong hitsura ni Addison. Tinawag nila si Ann, na naglalaro sa labas. Pumasok siya sa kubo, maingat na tinitingnan si Addison at itinatago ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran. “Ito si Pa,” sabi ng isa sa kanyang mga kapatid. Tinangka nilang pasunurin si Ann na kamayan ito, pero tumakbo siya palabas ng silid.

“Hindi siya,” sigaw niya.2

Hindi nagtagal ay pumasok si Louisa at nakita ang pagal sa biyahe na mukha ni Addison. Mukha siyang halos isang dayuhan, at hindi halos alam ni Louisa kung ano ang sasabihin. Nakadama siya ng matinding kalungkutan nang matanto niya kung gaano nagbago ang kanyang pamilya sa pagkawala ni Addison. Tanging ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos, naisip ni Louisa, ang maaaring magbigay katwiran sa gayong katagal na paghihiwalay.3

Nadaig din ng emosyon si Addison. Ang kanyang anak ay hindi na ang mga batang babae na naaalala niya—lalo na si Ann, na noon ay tatlong taong gulang lamang noong umalis siya. Nag-iba rin ang tinig ni Louisa dahil sa pagkawala ng mga ngipin dulot ng scurvy sa Winter Quarters. Pakiramdam ni Addison ay para siyang isang tagalabas, at inasam niya na muling makilala ang kanyang pamilya.

Kinaumagahan, hindi pa rin kinausap ni Ann si Addison, kung kaya isinama siya nito sa kanyang bagon, binuksan ang baul, at naglagay ng ilang kabibe at nagsalansan ng iba pang mga kakaibang bagay sa kanyang tabi. Habang inilalapag niya ang bawat bagay, sinabi niya kay Ann kung saan ito nanggaling at sinabi niya na pinili niya ito para lamang sa kanya. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng mga sugarplum, pasas, at cinnamon candy.

“Naniniwala ka na ngayon na ako ay inyong ama?” tanong niya.

Pinagmsadan ni Ann ang mga regalo at pagkatapos ay bumaling sa kanya. “Opo!” nagagalak na sigaw nito.4


Noong sumunod na buwan, tumuntong na si Oliver Cowdery sa isang entablado upang magsalita sa mga Banal sa isang kumperensya malapit sa Kanesville, sa dakong silangan ng Ilog Missouri. Hindi niya nakilala ang karamihan sa mga tao sa kanyang harapan. Ang Simbahan ay lumago nang mabilis mula nang lisanin niya ito isang dekada na ang nakararaan. Ang kanyang bayaw na si Phineas Young ay isa sa iilang taong kilala niya sa kumperensya.

Ang determinasyon ni Phineas ang bahagyang nagdulot kay Oliver na makipagkita sa mga Banal sa mga pamayanan sa Ilog Missouri.5 Ngunit napagtanto rin ni Oliver na ang bagong Simbahan ni David Whitmer ay walang wastong awtoridad. Ang priesthood ay nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nakaupo malapit kay Oliver sa entablado si Orson Hyde, ang namumunong apostol sa Kanesville. Halos labing-apat na taon ang nakaraan, inordenan ni Oliver si Orson bilang isa sa mga unang apostol sa mga huling araw. Tulad ni Oliver, iniwan ni Orson ang Simbahan sa Missouri, ngunit siya ay bumalik din kaagad at harapang nakipagkasundo kay Joseph Smith.6

Matapos kalmahin ang kanyang isipan, nagsalita si Oliver sa mga Banal. “Ang pangalan ko ay Cowdery, Oliver Cowdery,” sabi niya. “Isinulat ko, gamit ang sarili kong panulat ang buong Aklat ni Mormon, maliban lang sa iilang pahina, habang namumutawi ito mula sa mga labi ng propeta habang isinasalin niya ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.” Pinatotohanan niya na ang Aklat ni Mormon ay totoo at ito ay naglalaman ng mga alituntunin ng kaligtasan. “Kung kayo ay lalakad sa liwanag nito at susundin ang mga tuntunin nito,” ipinahayag niya, “kayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos na walang hanggan.”

Pagkatapos ay nagsalita siya ukol sa panunumbalik ng priesthood at ang pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. “Ang banal na pagkasaserdoteng ito ay iginawad namin sa marami,” kanyang patotoo, “at ito ay kasing-wasto at kasing-bisa na parang iginawad ito ng Diyos mismo sa tao.”7

Habang nagsasalita siya sa mga Banal, inasam ni Oliver na muling magkaroon ng pagpapala ng priesthood sa kanyang buhay. Naunawaan niya na hindi siya mailuluklok sa parehong posisyon ng awtoridad na minsang hawak niya sa Simbahan, ngunit hindi na iyon mahalaga. Nais niyang muling mabinyagan at matanggap muli bilang isang mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Dalawang linggo matapos ang kumperensya, si Oliver ay nakipagkita sa mga lider ng Simbahan sa isang tabernakulong yari sa troso sa Kanesville. “Sa loob ng ilang taon ako ay nahiwalay mula sa inyo,” pagkilala niya. “Ngayon ay ninanais kong bumalik.” Alam niya na ang binyag ang pintuan sa kaharian ng Diyos, at nais niyang makapasok dito. “Pakiramdam ko na ako ay marangal na makababalik,” sabi niya.

Ang ilang tao, gayunman, ay pinagdudahan ang katapatan ni Oliver. Sa kanila, tumugon si Oliver, “Ang aking pagbabalik at mapagpakumbabang paghiling na maging miyembro sa pintuan ay sumasakop sa lahat ng kamalian. Kinikilala ko ang awtoridad na ito.”

Inilagay ni Orson Hyde ang desisyon sa isang boto. “Isinusulong,” sabi niya, “na si Brother Oliver ay tumanggap ng binyag at ang lahat ng dating bagay ay kalimutan.”

Ang mga lalaki ay buong pagkakaisang bumoto nang pabor kay Oliver. Makaraan ang isang linggo, siya ay bininyagan ni Orson, muli siyang tinatanggap pabalik sa kawan ng ebanghelyo.8


Samantala, sa mga lunsod at bayan sa buong mundo, ang mga sabi-sabi ukol sa ginto sa California ay kumalat tulad ng napakalaking sunog, inaakit ang mga tao mula sa mga tahanan, trabaho, at mga pamilya sa posibilidad ng mabilis na pagyaman. Noong taglagas ng 1848, libu-libong tao—marami sa kanila ay mga kabataang lalaki—ang dumagsa sa baybayin ng California, umaasa na maging mayaman.9

Batid na ang ginto ay tutukso sa mga Banal na hikahos sa buhay, nagbigay ng pahayag si Brigham Young ukol sa bagay na ito pagkarating niya sa Lunsod ng Salt Lake. “Kung tayo ay pupunta sa San Francisco at magtitipak ng ginto,” sinabi niya sa mga Banal, “ito ang sisira sa atin.” Hinikayat niya silang manatili sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. “Ang usapan tungkol sa paglisan sa lambak na ito para sa anumang bagay,” sabi niya, “ay parang suka sa aking mga mata.”10

Nagpasiyang manatili sa lambak, anuman ang mangyari, sinimulan ni Brigham na ilagay ang Simbahan at ang lunsod sa kaayusan. Sa kumperensya noong Oktubre ng 1848, ang mga Banal ay muling sinang-ayunan siya, si Heber Kimball, at Willard Richards bilang Unang Panguluhan ng Simbahan.11 Hindi nagtagal pagkaraan niyon, muli niyang binuo ang Konseho ng Limampu upang pamahalaan ang lunsod habang nagpepetisyon ang mga Banal sa Kongreso ng Estados Unidos na magtatag ng isang pamahalaang panteritoryo sa lugar.

Bilang bahagi ng kasunduan na tumapos sa digmaan sa Mexico kamakailan, nakuha ng Estados Unidos ang mga hilagang teritoryo ng Mexico. Hindi nagtagal, ang mga naninirahan at mga pulitiko ay sabik na nagpaplano upang bumuo ng mga bagong teritoryo at estado sa lupain, nang halos walang pagsasaalang-alang para sa kalagayan ng mga Katutubo o mga dating mamamayang Mehikano sa lugar.

Ninanais na magkaroon ang mga Banal ng kalayaan na pamahalaan ang kanilang sarili, nais nina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan na mag-organisa ng isang teritoryo sa Great Basin. Gayunman, ang pagtatatag ng isang teritoryo ay may kaakibat na panganib. Hindi tulad ng mga estado, na ipinagkaloob sa mga mamamayan ang karapatang maghalal ng kanilang sariling mga pinuno, ang mga teritoryo ay umaasa sa pangulo ng Estados Unidos na pumili ng ilan sa mga pinakamahahalagang opisyal ng pamahalaan. Kung ang pangulo ay magtatalaga ng mga opisyal na kumakalaban sa Simbahan, ang mga Banal ay maaaring makaharap pa ng karagdagang mga pag-uusig.12

Palagiang nagpupulong ang Konseho ng Limampu noong taglamig na iyon upang talakayin ang mga pangangailangan ng mga Banal at isulat ang kanilang petisyon sa Kongreso. Ang teritoryo na kanilang iminungkahi ay sumasakop sa karamihan ng Great Basin at isang bahagi ng katimugang baybayin ng California—isang malawak na lugar na nagbibigay ng sapat na espasyo para sa mga bagong pamayanan at isang daungan sa karagatan na makatutulong sa pagtitipon. Tinawag ng mga Banal ang panukalang teritoryo bilang “Deseret,” isinusunod sa isang salita sa Aklat ni Mormon na nangangahulugang bubuyog, isang sagisag ng kasipagan, industriya, at pagtutulungan.13

Natapos ng konseho ang petisyon sa Kongreso noong Enero habang nanginginig sa matinding taglamig ang Lambak ng Salt Lake.14 Sa ilang lugar, ang mga Banal ay nagtiis sa tatlong talampakang niyebe at malalakas at sagad-sa-butong lamig ng hangin. Ang mas makakapal na niyebe sa kabundukan ay mas nagpahirap sa pangunguha ng panggatong. Ang suplay ng butil ay muling paubos na, at ang mga baka ay nangamamatay sa gutom at lamig. Ang ilang mga Banal ay tila nanatiling buhay sa pananampalataya lamang. Ang iba ay muling nagsalita tungkol sa pagpunta sa mas mainit na klima ng mga minahan ng ginto sa California—mayroon man o walang basbas ng Unang Panguluhan.15

Noong Pebrero 25, 1849, iprinopesiya ni Brigham na ang mga Banal na mananatili ay uunlad at bubuo ng mga mauunlad na pamayanan. “Ang Diyos ay ipinakita sa akin na ito ang lugar kung saan matatagpuan ang Kanyang mga tao,” patotoo niya. “Kanyang pahihinain ang mga elemento para sa ikabubuti ng Kanyang mga Banal. Kanyang sasawayin ang nagyeyelong hamog at ang katigangan ng lupa, at ang lupain ay magiging kapaki-pakinabang.”

Ngayon ay hindi ang panahon upang maghukay ng ginto, sinabi ni Brigham sa mga Banal. “Tungkulin nating ipangaral ang ebanghelyo, tipunin ang Israel, magbayad ng ating ikapu, at magtayo ng mga templo,” sabi niya. Ang kayamanan ay darating kalaunan.

“Ang pinakamatinding takot na mayroon ako tungkol sa mga taong ito,” sabi niya, “ay sila ay yayaman sa bansang ito, kakalimutan ang Diyos at Kanyang mga tao, uunlad, at sisipain ang kanilang sarili palabas ng Simbahan at mapupunta sa impiyerno.”16

“Hindi ako nababagabag tungkol sa inyong kahirapan,” pagsang-ayon ni Heber Kimball sa isang mensahe sa mga Banal pagkaraan ng maikling panahon. Nagpropesiya siya na ang mga kalakal ay malapit nang maging mas mura sa lambak kaysa sa mga malalaking lunsod sa silangang Estados Unidos. “Kung kayo ay tapat,” ipinangako niya, “kayo ay magkakaroon ng bawat naisin ng inyong mga puso.”17


Noong taglamig na iyon, ang dalawampu’t walong taong gulang na si Eliza Partridge Lyman ay nakatira sa isang silid ng maliit na bahay na yari sa troso sa loob ng kuta kasama ang kanyang sanggol na anak; ang kanyang biyudang ina na si Lydia; ang kanyang mga kapatid na babae na sina Emily, Caroline, at Lydia; ang kanyang kapatid na lalaki na si Edward Partridge Jr.; at kung minsan ay ang kanyang asawa, si apostol Amasa Lyman, na hinahati ang oras nito sa kanya at sa iba pa nitong mga asawa. Ang siyam na taong gulang na si Francis Lyman, ang panganay na anak ni Amasa mula sa kanyang unang asawa, si Louisa Tanner, ay nakatira rin sa silid upang makapag-aral ito sa kuta.18

Humigit-kumulang apat na libong mga Banal ang nanirahan sa lambak, at marami sa kanila ay nakatira pa rin sa mga bagon at tolda.19 Ang silid ni Eliza ay nagbigay ng ilang masisilungan mula sa mga hagupit ng hangin, kahit na may tumutulo sa bubong kapag may ulan o niyebe. Ngunit wala itong naibigay na pananggalang laban sa sakit at gutom. Noong panahong iyon, ang anak na lalaki ni Eliza at ang kanyang kapatid ay nagkasakit ng tuyong ubo, at sa paglipas ng bawat araw, ang suplay ng pagkain ng pamilya ay mas lumiliit.20

Ang kasalatan ay suliranin sa lahat ng dako, at ang mga Banal ay kailangang paunti-unti lamang ang pagkain kung nais nilang mabuhay sa panahon ng taglamig. Ang mga Timpanogos, ang kanilang mga kapitbahay na Ute sa kalapit na Lambak ng Utah, ay nagugutom din. Ang pagdating ng mga Banal ay nagpahirap sa likas na yaman ng lugar, lalo na ang mga katubigan kung saan nangingisda ang mga Timpanogos para sa kanilang pagkain. Bagama’t sinubukan ng mga Banal at mga Timpanogos na panatilihin ang magandang pakikipag-ugnayan, hindi nagtagal ang ilang Timpanogos ay nagsimulang sumalakay sa mga baka ng mga Banal upang maibsan ang kanilang gutom.21 Sabik na mapanatili ang kapayapaan, hinikayat ni Brigham ang mga Banal na huwag maghiganti at sa halip ay ipangaral ang ebanghelyo sa mga Indian.22

Ang lalaking kapatid na panguman ni Eliza na si Oliver Huntington kung minsan ay nagtatrabaho bilang tagapagsalin at tagamanman ng mga Ute. Habang patuloy ang mga pagsalakay, si Little Chief, isang pinuno ng mga Timpanogos, ay humiling kina Oliver at Brigham na parusahan ang mga mananalakay bago maghiganti ang mga Banal laban sa kanyang mga tao. Tumugon si Brigham sa pamamagitan ng pagpapadala kay Oliver at ng isang armadong pangkat sa Lambak ng Utah upang pigilan ang mga pananalakay.

Sa tulong ni Little Chief, nasundan ng mga grupo ang pangkat ng mga mananalakay, pinalibutan ang mga ito, at inutos ang pagsuko ng mga ito. Tumutol ang pangkat na sumuko at sa halip ay sinalakay ang grupo. Isang maikling labanan ang nagsimula, at napatay ng grupo ang apat na mananalakay.23

Natapos ang mga pagsalakay sa maikling labanan, ngunit nanatili ang gutom at kasalatan. “Naluto na natin ang huling bahagi ng ating harina ngayon at walang pagkakataon na makakuha pa hanggang sa pagtatapos ng anihan,” isinulat ni Eliza sa kanyang journal noong ika-8 ng Abril. Noong panahong ito, tinawag ng Unang Panguluhan ang kanyang asawa sa misyon sa San Francisco upang pangasiwaan ang mga branch sa California at mangolekta ng mga ikapu. Kalaunan ay pamumunuan niya ang isang pangkat ng mga Banal sa California patungo sa lambak sa taglagas.24

Umalis si Amasa makaraan ang limang araw, lubhang maralita para bumili ng karagdagang harina para sa kanyang pamilya. Noong ika-19 ng Abril, sina Eliza at ang ilan sa kanyang pamilya ay lumipat mula sa kuta at tumira sa mga tolda at bagon sa isang lote ng lunsod. Gumawa siya ng mga mitsa ng kandila at ibinenta ang mga ito para sa mais at pagkain, na pinaghati-hati niya sa malaking pamilya Lyman.25

Ang iba ay tumulong din sa kanya. Ang kanyang kapatid na si Emily, na asawa noon ni Brigham Young, ay ipinagdala ang pamilya ng labinlimang librang harina matapos malaman ni Brigham na sila ay wala nang tinapay. Noong ika-25 ng Abril, si Jane Manning James, na nakilala sina Eliza at Emily noong nakatira pa ang magkapatid sa Nauvoo Mansion bilang pangmaramihang asawa ni Joseph Smith, ay binigyan si Eliza ng dalawang librang harina—kalahati ng kung anong mayroon mismo si Jane.26

Dinamihan pa ni Eliza ang ginagawang mga mitsa ng kandila, nagplano ng isang halamanan, at nagpatanim ng mga punong namumunga ng mga prutas sa kanyang lote. Ang hangin at pag-ulan ng niyebe ay patuloy na gumambala sa lambak hanggang Mayo, at ang tolda ni Eliza ay nasunog isang araw habang bumibisita siya sa kanyang ina. Ngunit pagdating ng katapusan ng buwan, nagkaroon siya ng dahilan para umasa sa nahihinog na mga taniman ng mga Banal.

“Nakita ko ang mga ulo ng trigo,” isinulat niya sa kanyang journal, “na mukhang nakahihikayat sa panahong ito ng kasalatan.”27


Sa gitna ng malupit na taglamig ng 1848–49, minasdan ni Louisa Pratt ang kanyang asawa na nahihirapang masanay sa buhay pagkatapos ng kanyang misyon. Marami ang nagbago sa Simbahan habang wala siya. Natanggap ng mga Banal ang endowment sa templo, tinanggap ang doktrina ng kasal na walang hanggan at kadakilaan, at lumikha ng mga bagong ugnayan sa tipan sa Diyos at sa isa’t isa. Ang maramihang pag-aasawa, na palihim na ginagawa ng mga Banal, ay bago rin kay Addison.28

Kung minsan ay hindi sumasang-ayon si Addison kay Louisa tungkol sa mga bagong inihayag na alituntunin. Ang pamilyar dito ay pawang kakaiba sa kanya. Nababahala rin siya na ang mga Banal sa lambak ay hindi mahigpit na sinusunod ang mga babala ng Word of Wisdom laban sa mga maiinit na inumin at tabako. Gayunpaman, masaya si Louisa na nasa bahay ito. Dumalo siya sa mga pulong sa Sabbath kasama ang pamilya at naglingkod bilang pangulo ng kanyang korum ng pitumpu.29

Pinalipas ng mga Pratt ang taglamig sa kuta. Ang kapatid ni Louisa at bayaw na sina Caroline at Jonathan Crosby ay nakatira sa kanila hanggang sa nagkaroon sila ng sarili nilang bahay. Nagtrabaho si Addison upang suportahan ang kanyang pamilya at nagturo ng mga klase ng wikang Tahitian sa mga magiging missionary.30

Nang dumating ang tagsibol, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay tinawag si Addison at ang kanyang pamilya sa mga Isla ng Pasipiko kasama ang labing-isa pang missionary, kabilang na ang anim na pamilya. Nasasabik na pumunta ang mga Pratt, at sila ay naghandang umalis matapos ang pag-ani sa taglagas. Noong ika-21 ng Hulyo, tumanggap si Addison ng endowment sa tuktok ng Ensign Peak, na inilaan ng mga lider ng Simbahan para sa layuning iyon dahil walang templo. Pagkatapos ay nagsimula ang pamilya na ibenta at ipamigay ang mga kagamitan at ari-arian na hindi nila kailangan.31

Samantala, ang libu-libong naghahanap ng ginto mula sa mga estado sa silangan ay nagmamadaling nagtungo sa Rocky Mountains patungo sa California. Hindi nagtagal ang Lunsod ng Salt Lake ay naging paboritong lugar para sa kanila na magpahinga at muling maghanda ng gamit at pagkain bago magpatuloy sa mga minahan ng ginto. Karamihan sa naghahanap ng ginto ay mga batang magsasaka, manggagawa, o negosyante. Marami sa kanila ay hindi kailanman nangahas na malayo sa kanilang bayan, lalo na ang tumawid ng buong kontinente.32

Ang kanilang pagdating ay tumupad sa propesiya ni Heber Kimball nang mas maaaga sa inaasahan ninuman.33 Ang mga naghahanap ng ginto ay may harina, asukal, mga groseri ng bawat uri, sapatos, damit, tela, at mga kagamitan. Lubhang nangangailangan para sa mga sariwang gulay, mas magaan na mga bagon, at iba pang hayop, marami sa mga naghahanap ng ginto ay humimpil sa kuta upang makipagpalitan. Madalas ay ipinagbili nila ang mga mahihirap na hanaping kalakal sa mga Banal sa presyong napakamura. Kung minsan ay itinapon na lamang nila o ipinamimigay ang mga bagay na pagod na silang bitbitin.34

Pinalakas ng mga naghahanap ng ginto ang ekonomiya sa Lunsod ng Salt Lake, ngunit inubos din nila ang mga pastulan sa pagitan ng Salt Lake at California noong umalis sila, na ginagawang halos imposible ang maglakbay sa lupa sa huling bahagi ng taon. At may mga kuwento na lumaganap na may mapanganib na mga tao na sinasamantala ang mga manlalakbay, na ginagawang hindi ligtas ang daan para sa mga pamilya.35 Hindi natakot sa mga kuwento si Louisa, ngunit nag-alala si Brigham para sa kaligtasan ng mga paalis na pamilya, at hindi nagtagal ay nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ipadala si Addison nang hindi kasama si Louisa at ang kanilang mga anak.

Lungkot na lungkot ang pamilya. “Si Pa ay hindi magiging gaanong ligtas,” iginiit ni Frances. “Ang mga tulisan ay mas malamang na dambungin ang isang tao na nag-iisa, at kunin ang kanyang mga baka o kabayo mula sa kanya, kaysa kung kasama niya ang kanyang pamilya.”

“Kawawang bata,” sabi ni Louisa, “kaunti lamang ang alam mo tungkol sa mga magnanakaw.”

Nauunawaan ni Louisa na ang ebanghelyo ay nangangailangan ng mga sakripisyo, at kung may magtanong man sa kanya, sinasabi niya na sang-ayon siyang umalis si Addison. Ngunit naisip niya na ang kanyang pamilya ay wala sa kundisyon na maghiwalay isang taon lamang matapos ang muli nilang pagsasama-sama.36

Binalak ni Brigham na ipagpaliban ang misyon hanggang sa tagsibol, kapag ang damong angkop sa pagpapastol ay mas mainam at mas kaunti ang mga naghahanap ng ginto na nasa daan. Noong taglagas na iyon, gayunman, isang grupo ng mga bagon na dumadaan sa Lunsod ng Salt Lake ay nag-arkila kay Kapitan Jefferson Hunt, isang beterano ng Batalyong Mormon, na gabayan ito nang ligtas patungo sa California sa pamamagitan ng hindi gaanong binabagtas na ruta papunta sa Timog-kanluran. Nang malaman ni Brigham ang tungkol sa grupo, hiniling niya kina Addison at sa dalawang missionary na sumama sa kanila at tulungan si Kapitan Hunt at pagkatapos ay maglayag papunta sa mga isla sa sandaling makarating sila sa California.37

Pakiramdam ni Louisa na tila ang langit at lupa ay tumalikod sa kanya. Siya at si Addison ay halos hindi na nakikipag-usap sa isa’t isa. Kapag nag-iisa, nananalangin siya, malayang ibinubulalas ang kanyang pighati at pasakit sa Diyos. “Matatapos ba ang aking mga pagdurusa?” paghihinagpis niya.38

Noong araw na nilisan ni Addison ang lambak, nangabayo sina Louisa at Ellen kasama niya patungo sa kanyang kampo at nagpalipas ng gabi. Noong umaga, sila’y kanyang binasbasan at nagpaalam na sila. Bagama’t kinatatakutan niya ang pamamaalam sa loob ng ilang linggo, napanatag si Louisa habang nangangabayo siya pabalik sa kuta, ang kanyang puso ay mas magaan kaysa nang nakaraang ilang panahon.39