Kasaysayan ng Simbahan
20 Sulat-kamay sa Pader


“Sulat-kamay sa Pader,” kabanata 20 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 20: “Sulat-kamay sa Pader”

Kabanata 20

Sulat-kamay sa Pader

Larawan
kariton na hila ng buriko na nasa daanan patungong bundok

Noong tag-init ng 1858, halos kasabay ng panahon na ang hukbo ay dumaan sa Lunsod ng Salt Lake, isang guro na nagngangalang Karl Maeser ang nakatanggap ng mapanghibok na alok mula sa pamilya ni John Tyler, isang dating pangulo ng Estados Unidos. Sa loob ng ilang buwan si Karl ay nagtuturo ng musika sa mga anak nina John at Julia Tyler sa isang malawak na taniman sa katimugang Estados Unidos. Isang nandarayuhang Aleman, napahanga ni Karl ang mga Tyler sa kanyang mabuting edukasyon, maginoong asal, at pinong biro. Ngayon ay nais nilang magbayad sa kanya ng suweldo upang tumira malapit sa kanila at patuloy na magturo sa kanilang mga anak.1

Ang alok ay masyadong napakalaki upang kanyang tanggihan. Isang pinansiyal na krisis ang pumilay sa ekonomiya matapos dumating sina Karl at ang kanyang asawa, si Anna, mula sa Germany. Libu-libong tao ang nawalan ng trabaho sa mga lunsod sa buong Estados Unidos, Canada, at Europa. Sa loob ng ilang panahon, nahirapan sina Karl at si Anna na makahanap ng trabaho at magtustos ng pagkain sa pamilya. Ang pagtuturo sa mga batang Tyler ang nagbibigay sa mga Maeser at sa kanilang tatlong taong gulang na anak, si Reinhard, ng kaunting katatagan sa pananalapi.2

Subalit hindi nilayon ni Karl na tanggapin ang alok ng mga Tyler. Sinabi niya minsan kay Julia Tyler na lahat ng kailangan niya upang maging masaya ay isang maliit na bahay at isang hardin para sa kanyang pamilya. Ang hindi niya sinabi rito ay siya at si Anna ay mga Banal sa mga Huling Araw na dumating sa Estados Unidos upang magtipon sa Sion. Isang dahilan kung bakit naghanap si Karl ng trabaho sa timog, maliban sa pagsustento sa kanyang pamilya, ay upang makalikom ng sapat na pera upang mandayuhan sa kanluran.3

Unang nalaman ni Karl ang tungkol sa Simbahan habang naninirahan sa Germany. Matapos basahin ang isang aklat na kumakalaban sa Simbahan at sa mensahe nito, nakipag-ugnayan siya sa mga pinuno ng European mission. Sina apostol Franklin Richards at isang missionary na nagngangalang William Budge ay kaagad na dumating sa Germany at itinuro ang ebanghelyo sa kanyang pamilya. Agad na tinanggap ito nina Karl at Ana.

Dahil ang pagsapi sa Simbahan ay iligal sa Germany, gabi nang bininyagan ni Franklin ang guro. Nang umahon si Karl mula sa tubig, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa langit at nagdasal, “Ama, kung ang nagawa ko ngayon ay nakalulugod sa Iyo, bigyan ako ng patotoo, at anumang Iyong kakailanganin mula sa aking mga kamay ay gagawin ko.”4

Hindi alam ni Karl ang wikang Ingles noong panahong iyon, kaya siya at si Franklin ay nag-uusap sa pamamagitan ng isang tagasalin. Ngunit habang naglalakad sila pabalik sa lunsod, biglang nauunawaan nina Karl at Franklin ang isa’t isa, tila kapwa nagsasalita ng iisang wika. Ang pagpapakita ng mga kaloob na mga wika ay ang patotoo na hinahangad ni Karl, at nilayon niyang manatiling tapat sa kanyang salita, anuman ang halaga.5

Ngayon, makalipas ang tatlong taon, nagsisikap siyang sundin ang pangakong ginawa niya sa kanyang binyag. Desididong magtungo sa Sion, tinanggihan ni Karl ang alok ng mga Tyler at inilipat ang kanyang pamilya sa Philadelphia, isang malaking lunsod sa mga estado sa hilagang-silangan, kung saan hindi nagtagal ay hinirang siya upang mamuno sa isang maliit na branch ng Simbahan.6

Bago ang kailan lamang na krisis sa Utah, may mahalagang papel ang mga branch sa pagsuporta sa gawaing misyonero at pandarayuhan, sa pagtatanggol sa Simbahan laban sa mga kritiko, at sa pagsusumamo sa mga mambabatas ng pamahalaan para sa kapakanan ng Simbahan. Ngunit matapos pauwiin ni Brigham Young ang mga missionary at hinikayat ang mga Banal na nasa silangang bahagi na tumungo sa kanluran, marami sa mga branch sa silangan ay kulang sa sapat na mga miyembro o pondo upang ipagpatuloy ang mga aktibidad na ito.7

Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw ay maaaring mahirap sa Silangan. Ang reputasyon ng Simbahan sa rehiyon ay bumagsak sa loob ng nakaraang dekada. Maraming tao ang patuloy na naniniwala na ang mga Banal ay mapaghimagsik at walang pagmamahal sa bansa. Isang lider ng Simbahan ang tumanggap ng pagbabanta ng kamatayan sa Lunsod ng New York, at ilang Banal ang binuhusan ng alkitran at balahibo dahil sa kanilang mga paniniwala. Ang iba naman ay pinanatiling lihim ang kanilang pagiging miyembro ng Simbahan upang maiwasan ang pag-uusig.8

Sa Philadelphia, kumita si Anna bilang isang mananahi at kasambahay habang si Karl ay nagministeryo sa mga miyembro ng branch, dumalo sa mga kumperensyang pangrehiyon ng Simbahan, at tumulong sa pagplano sa susunod na panahon ng pandarayuhan. Ginawa nila ang kanilang makakaya upang palakasin ang kanilang maliit na branch.9 Ngunit upang umunlad ang Simbahan doon at sa buong mundo, kailangan ng mga Banal na salungatin ang laganap na mga maling ideya at mga maling pagkakaunawa tungkol sa kanila.

At kailangan nila ng mas maraming missionary na bumalik sa misyon at ipagpatuloy ang gawain ng kaligtasan.


Noong unang bahagi ng Setyembre 1858, inilalathala ni George Q. Cannon ang Deseret News sa isang bayan sa gitnang Utah na tinatawag na Fillmore. Ang pahayagan ay karaniwang nakabase sa Lunsod ng Salt Lake, ngunit noong lumipat ang mga Banal sa timog noong simula ng taong iyon, si George at ang kanyang pamilya ay nag-empake ng mabigat na kagamitan ng palimbagan at hinakot ito ng mga 240 kilometro patungo sa Fillmore.10

Ngayon na ligtas nang bumalik sa Lunsod ng Salt Lake, nagpasiya si George na dalhin ang pagpapatakbo ng palimbagan pabalik sa hilaga. Noong ika-9 ng Setyembre, isinakay niya at ng kaniyang nakababatang kapatid ang mga kagamitan ng palimbagan sa mga bagon at bumalik sa lunsod kasama ang lumalaking pamilya ni George. Sina George at Elizabeth ngayon ay may anak na isang taong gulang, si John, at isa pang anak na malapit nang isilang. Pinakasalan din ni George ang kanyang pangalawang asawa, si Sarah Jane Jenne, at ito rin ay nagdadalantao.

Apat na araw matapos lisanin ang Fillmore, ang mga Cannon ay tumigil upang magpahinga sa isang bayan mga 112 kilometro mula sa Lunsod ng Salt Lake. Habang inaalis ni George ang pagkakatali ng kanyang mga hayop, isang lalaki sa isang karwahe na hila ng buriko ang nagpunta sa tabi niya. Siya ay isang sugo mula kay Brigham Young at hinahanap si George mula pa noong nakaraang gabi. Sinabi nito na inaasahan ni Brigham na nasa lunsod na si George. Ang Simbahan ay muling magpapadala ng mga missionary, at ang isang pangkat ng mga elder ay naghihintay na umalis kasama si George sa kanyang misyon sa silangang Estados Unidos.

Naguluhan si George. Anong misyon sa Silangan? Sa loob ng kalahating oras, siya at si Elizabeth ay nag-empake ng isang maliit na maleta at nagmamadaling nagtungo sa Lunsod ng Salt Lake kasama si John habang si David ay sumunod kaagad kasama si Sarah Jane at ang mga kagamitan ng palimbagan. Dumating si George sa lunsod kinaumagahan ng alas-singko at agad na nagtungo sa tanggapan ni Brigham pagkatapos ng almusal. Binati siya ni Brigham at nagtanong, “Handa ka na ba?”

“Handa ako,” sabi ni George.

Bumaling si Brigham sa isa sa mga lalaki sa tabi niya. “Sinabi ko sa iyo na ito ay magiging gayon,” sabi niya. Isang klerk ang nag-abot kay George ng mga tagubilin para sa kanyang misyon.11

Minsan pa, ang lehislatura ng teritoryo ng Utah ay nagsusumamo sa Kongreso ng Estados Unidos upang gawing estado ang teritoryo at magkaroon ng karapatang maghalal o magtalaga ng lahat ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Batid na mabibigo ang isa pang petisyon na gawing estado ang teritoryo kung mananatiling mababa ang opinyon ng tao tungkol sa Simbahan, nais ni Brigham na sumailalim si George sa isang espesyal na misyon upang mamuno sa mga Banal sa silangan, maglathala ng mga positibong artikulo sa pahayagan tungkol sa Simbahan, at paunlarin ang reputasyon nito sa buong bansa.12

Kaagad na nadama ni George ang bigat ng misyon. Kinakailangan niyang umalis kinabukasan, halos hindi nagbibigay sa kanya ng pagkakataon upang isaayos ang paglipat ng kanyang pamilya sa lambak. Subalit naniwala siya na ang Panginoon ay maglalaan ng paraan upang maisagawa ang Kanyang kalooban. Ang mga karanasan ni George sa Hawaii at California ay naghanda sa kaniya para sa isang misyon na ganito ang lawak at responsibilidad. At alam niya ang kanyang mga kapatid at iba pang mga kamag-anak, kabilang na ang kanyang tiya Leonora at tiyo John Taylor, ay magagawang tulungan ang kanyang mga asawa at mga anak.

Binasbasan ni Brigham si George at itinalaga siya bilang missionary. Pagkatapos ay binasbasan ni George sina Elizabeth at John at ipinagkatiwala sila at si Sarah Jane, na naglalakbay pa rin pahilaga, sa pangangalaga ng Panginoon. Kinabukasan ng hapon, siya at ang isang maliit na grupo ng mga missionary ay nagtungo na sa silangan sa kabilang banda ng Rocky Mountains.13


Samantala, sa Fort Ephraim sa Lambak ng Sanpete, natipon na sa wakas ni Augusta Dorius Stevens ang karamihan sa kanyang pamilya at ngayon ay malapit na sila sa kanya. Ang kanyang mga hipag na sina Elen at Karen ay sumunod sa kanyang ama, si Nicolai, sa Fort Ephraim kung saan ang mga Banal ay lumipat sa timog. Hindi nagtagal ay dumating ang mga kuya ni Augusta na sina Carl at Johan, matapos mapakawalan mula sa mga tungkulin bilang mga bantay sa Lunsod ng Salt Lake. Nanirahan din sa bayan ang kanyang nakababatang kapatid na babae na si Rebekke. Tanging ang kanilang ina, si Ane Sophie, ay nasa Denmark pa at hindi miyembro ng Simbahan.14

Mula nang makasal kay Henry Stevens apat na taon na ang nakararaan, pinangasiwaan ni Augusta ang sangbahayan at pinangalagaan ang unang asawa ni Henry na maysakit, si Mary Ann, na lubos niyang mahal.15 Sa edad na labinsiyam, si Augusta rin ang naging unang pangulo ng Fort Ephraim Female Relief Society. Kasabay ng pag-aalaga sa ang mga maysakit at nagdurusa, siya at ang kanyang mga kapatid sa Relief Society ay naghabi ng tela, gumawa ng mga kubrekama, naglaan ng pagkain at tirahan sa mga nangangailangan, at pinangangalagaan ang mga ulila. Kapag ang isang tao sa bayan ay pumanaw, kanilang hinuhugasan at dinadamitan ang patay, nananahi ng mga damit pamburol, inaaliw ang mga nananangis, at pinangalagaan ang labi bago ito ilibing gamit ang yelo mula sa Ilog San Pitch.16

Ilang sandali bago muling nagkasama ang pamilya Dorius, nagsilang si Augusta ng batang lalaki na nagngangalang Jason, na namatay sa isang epidemya bago ito ay naging isang taong gulang. Sa kabila ng kanyang dalamhati, nakatagpo si Augusta ng isang tahanan at tiyak na kapanatagan sa loob ng malaking komunidad ng mga Banal na Scandinavian sa Lambak ng Sanpete, na kumuha ng sandigan sa mga magkakatulad na kaugalian, tradisyon, at wika upang mapagtiisan ang mga pagsubok sa kanilang bagong tahanan. Habang nasa kanilang mga misyon, tinuruan at bininyagan ng kanyang mga kapatid ang marami sa mga Banal na ito, na walang pag-aalinlangan ay nagpalakas ng kanyang ugnayan sa kanila.

Nang dumating sina Carl at Johan sa Fort Ephraim noong 1858, sinubukan nila ang pagsasaka, ngunit winasak ng mga tipaklong ang kanilang mga pananim. Ang mga mas bihasang nanirahan gaya nina Augusta at Henry ay dumanas ng gayon ding mga hamon habang nagsasaka sa Lambak ng Sanpete. Ang mga unang Banal na nagtungo sa lugar ay naharap sa ilang taon ng mapangwasak na taglamig at pamumugad ng mga insekto. Upang mabuhay, magkakasama silang nanirahan sa dalawang muog, nagtrabaho sa iisang bukid at pinaghatian ang tubig sa irigasyon. Nang sa wakas ay nakapag-ani ng mabuting pananim, pinuno nila ang kanilang mga kamalig at nag-imbak ng iba pang pagkain.17

Noong tag-init ng 1859, nagbago ang buhay ni Augusta nang tinawag ni Brigham Young ang ilang pamilya sa Sanpete na manirahan malapit sa lumang pamayanan ng Spring Town, kung saan saglit na nanirahan si Augusta nang siya ay unang dumating sa lambak. Kalaunan ay lumipat doon sina Augusta at Henry. Siniyasat ng mga kalalakihan ang isang lugar ng pamayanan at 640 acre para sa pagsasaka. Pagkatapos, ang mga sakahan ay hinati sa mga loteng 5 at 10-acre ang laki at ipinamahagi sa mga pamilya. Hindi nagtagal ang mga bahay, ang mga bahay na yari sa troso, at isang meetinghouse na yari sa troso ay pinayumi ang bagong pamayanan. Dahil napakaraming Danes na nakatira sa lugar, tinagurian ito ng mga residente bilang Little Denmark.18

Matapos manirahan sa Spring Town, nagsimula si Henry sa pagtatayo ng isang gilingan ng harina. Habang nagsisibak at naghihila ng troso sa kabundukan noong taglamig na iyon, nagkasakit siya ng isang malalang sipon at di nagtagal ay nagkaroon ng hindi nawawalang ubo. Ang ubo ay nauwi sa hika, na siyang nagpapahirap kay Henry upang magtrabaho. Walang mga doktor sa bayan, kaya sinubukan ni Augusta ang bawat lunas na matatagpuan niya upang mapagaan ang paghinga ni Henry. Subalit walang nakatulong.19

Mga isang taon matapos lumipat nina Augusta at Henry sa Spring Town, hinirang ng Unang Panguluhan ang mga kapatid ni Augusta na sina Johan at Carl na bumalik sa Scandinavia para sa mga misyon. Dahil wala ni isa sa mga kapatid ang may kagamitan para sa paglalakbay, binigyan sila ng mga Banal sa Fort Ephraim at Spring Town ng isang bagon, isang kabayo, at isang buriko.20


Noong tag-init ng 1860, ilang buwan matapos simulan ng magkapatid na Dorius ang kanilang mga misyon, tinawag si George Q. Cannon na umuwi mula sa kanyang misyon sa Silangan.21 Sa nakalipas na dalawang taon, siya at ang matagal nang kaanib ng mga Banal na si Thomas Kane ay naglathala ng ilang positibong artikulo tungkol sa Simbahan sa mga pahayagan at nangampanya para sa Simbahan. Malapitang nakikipagtulungan kina Karl Maeser at iba pang mga lider ng Simbahan, napalakas din ni George ang mga Banal sa New York, Boston, Philadelphia, at iba pang mga branch sa silangan.22

Ngunit nanatiling matigas ang opinyon ng mga tao laban sa Simbahan. Isang bagong partidong pulitikal, ang mga Republikano, ay binuo kamakailan upang wakasan ang pang-aalipin at ang poligamya, isinusumpa ang mga gawaing ito bilang mga “kambal labi ng barbarismo.”23 Iniugnay ng mga Republikano ang dalawang gawain dahil sa kanilang maling akala na ang babae ay pinilit sa maramihang pag-aasawa na walang paraan upang makatakas. Sa dalawang isyu, gayunman, ang pang-aalipin ay nagdudulot ng mas malaking pagtatalo sa bansa, na nagdudulot sa maraming tao, kabilang na si George, na manghula ng pambansang trahedya.

“Walang taong nagmamahal sa kasarinlan at malayang mga institusyon ang maaaring masdan ang mga bagay na ito nang hindi nadarama na ang kaluwalhatian ng ating bansa ay mabilis nang naglalaho,” isinulat ni George sa isang liham kay Brigham Young. “Ang pagkawasak ng pamahalaan ng Estados Unidos ay isang katiyakan. Ito ay magiging isang tanong lamang ng panahon.”24

Sa kanyang misyon, tumanggap din si George ng liham mula kay Brigham tungkol sa isang pasiya ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa kamakailan. Sa isang pulong noong Oktubre 1859, nagmungkahi si Brigham na maghirang ng isang bagong apostol na kapalit ni Parley Pratt. Humingi siya sa Labindalawa para sa mga suhestiyon. “Sinumang tao na magiging tapat ay magkakaroon ng sapat na talino upang gampanan ang kanyang tungkulin,” sinabi ni Brigham sa Labindalawa.

“Nais kong malaman sa anong alituntunin ang mga tao ay pinili,” sinabi ni Orson Pratt, ang nakababatang kapatid ni Parley.

“Kung may iminungkahi sa akin na isang tao na may mainam na likas na pasya, nagtataglay ng walang mas mataas na kwalipikasyon kaysa sa katapatan at pagpapakumbaba na sapat upang hanapin ang Panginoon para sa lahat ng kanyang kaalaman at magtitiwala sa Kanya para sa kanyang lakas,” sagot ni Brigham, “mas pipiliin ko siya kaysa sa may mga pinag-aralan at mahusay.”

“Kung ang Panginoon ay magtalaga ng isang batang labindalawang taong gulang, siya ay ang tao na dapat handa nating sang-ayunan,” sabi ni Orson. “Subalit kung maiiwan sa aking sariling paghahatol upang pumili, ako ay pipili ng isang taong may karanasan na sinubok sa maraming lugar, matapat, at masigasig, at isang taong may talento na maaaring ipagtanggol ang Simbahan sa anumang posisyon na kung saan siya ay ilalagay.”

Nakinig si Brigham habang ang mga apostol ay nagrekomenda ng ilang tao para sa posisyon. “Iminumungkahi ko si George Q. Cannon para sa isa sa Labindalawa,” pagkatapos ay sinabi niya. “Siya ay simple, ngunit palagay ko ay hindi niya hahayaan ang kadisentehan na pigilan siyang gawin ang kanyang tungkulin.”25

Ang paghirang kay George ay ibinalita sa pangkalahatang kumperensya ng tagsibol, habang naghahanda si George para umuwi. Tinanggap niya ang pagtatalaga na batid ang kanyang sariling kahinaan at pagiging hindi karapat-dapat. “Nanginginig ako sa takot at pangamba,” isinulat agad ng tatlumpu’t tatlong-taong gulang kay Brigham matapos malaman ang tungkol sa paghirang, “at kagalakan na maisip ang kabutihan at pagsang-ayon ng Panginoon at ang pagmamahal at tiwala sa akin ng aking mga kapatid.”26

Habang naglalakbay siya pauwi makalipas ang ilang buwan, nagmamadaling nauna si George sa ilang grupo ng bagon at dalawang grupo ng mga kariton, na inorganisa niya kasama ang mga Banal mula sa mga branch sa silangan, Europa, at South Africa.27

Inaalala ang trahedya ng mga kariton noong 1856, matalinong pinaalis ni George ang huling grupo ng kariton nang una sa ilang grupo ng mga bagon. “Sinisikap kong gawin ang lahat ng posibleng hakbang upang maiwasan ang anumang sakuna,” ipinaalam niya kay Brigham, “at taos-pusong nagtitiwala na sa mga pagpapala ng Panginoon, lahat sila ay makararating sa kanilang destinasyon nang ligtas.”28


Kabilang sa mga Banal na naglalakbay pakanluran kasama ni George noong panahong iyon ay ang patriyarka ng Simbahan na si John Smith. Dumating si John sa silangan noong huling bahagi ng 1859 upang subukan muling tulungan ang kanyang kapatid na si Lovina at tipunin ang pamilya nito sa Utah. Habang hinihintay nila ang panahon ng pandarayuhan na magsimula, siya at si Lovina ay binisita ang kanilang mga kamag-anak na Smith sa Nauvoo, kabilang na ang kanilang tiya Emma at mga anak nito.29

Namuhay si Emma ng isang tahimik na buhay sa Nauvoo. Nakatira pa rin siya sa Nauvoo Mansion at pag-aari ang dating ari-arian ng Simbahan, na ibinigay sa kanya ni Joseph bago ito pumanaw noong 1844. Pinagawaan niya ng titulo sa pangalan ni Emma ang lupain nang may mabuting layon, ngunit ang ilan sa mga pinagkakautangan niya kalaunan ay ipinipilit na ipagbibili ang ari-arian upang mabayaran sila, naniniwalang dinaya niya sila. Nabigo silang mapatunayan ang kanilang mga paratang. Naisaayos ang bagay na ito noong 1852 noong nagpasya ang isang pederal na hukom na lahat ng kalupaan na taglay ni Joseph bilang tagapangasiwa ng Simbahan na humigit sa sampung acre ay maaaring ipagbili upang bayaran ang kanyang utang. Bilang balo ni Joseph, si Emma ay ginawaran ng ika-anim na bahagi ng mga nalikom sa pinagbentahan, na ginamit niya upang bilhin ang ilang bahagi ng lupain upang suportahan ang kanyang pamilya.30

Natagpuan nina John at Lovina ang kanilang mga kamag-anak na nasa maayos na kalagayan ngunit magkatunggali sa mga bagay ukol sa relihiyon. Ang kanilang pinsan na si Julia ay ikinasal sa isang Katoliko at nagpabinyag sa relihiyon ng kanyang asawa. Ang apat na mga anak na lalaki nina Joseph at Emma, gayunman, ay itinuring pa rin ang kanilang sarili bilang mga Banal sa mga Huling Araw, bagama’t hindi nila tinanggap ang ilan sa mga alituntuning naituro ng kanilang ama sa Nauvoo, lalo na ang ukol sa maramihang pag-aasawa.31

Ito ay hindi sorpresa kay John. Bagama’t alam ni Emma na ang kanyang asawa ay sarilinang nagturo at nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa, naniwala ang kanyang anak na si Joseph Smith III na pinasimulan ni Brigham Young ang alituntunin sa mga Banal matapos ang pagkamatay ni propetang Joseph. Noong lumikas ang pamilya ni John mula sa Nauvoo noong 1848, sinikap ni John na kumbinsihin si Joseph III na tumungo sa kanluran kasama niya at ipagpatuloy ang gawain ng kanilang mga ama. Tahasang tumanggi si Joseph III.

“Kung ibig mong sabihin dito ay kailangang suportahan ko ang espirituwal na maramihang pag-aasawa at iba pang mga institusyon na pinasimulan mula sa kanilang pagkamatay,” tumugon si Joseph III, “ako ay siguradong magiging iyong patuloy na kaaway.”32

Sa loob ng maraming taon, nagpakita si Joseph III ng kakaunting interes sa pamumuno ng isang simbahan. Ngunit noong Abril 6, 1860, matapos ang pagbisita nina John at Lovina, dumalo sina Joseph III at Emma sa isang kumperensya ng isang “Bagong Organisasyon” ng mga Banal na hindi tinanggap ang pamumuno ni Brigham Young at nanatili sa Gitnang Kanluran. Sa pulong na iyon, tinanggap ni Joseph III ang pamunuan ng Bagong Organisasyon at inilayo ang kanyang sarili sa mga Banal sa Utah sa pamamagitan ng pagkukundena sa maramihang pag-aasawa.33

Makaraan ang ilang buwan, nagsimulang maglakbay pakanluran si John kasama si Lovina at pamilya nito. Kasama nila sa paglalakbay sina Karl at Anna Maeser. Hindi sanay sa buhay sa baku-bakong daan, ginawa ng batang guro ang lahat ng makakaya niya upang pangunahan ang isang grupo ng baka, ngunit kalaunan ay umarkila siya ng isang tsuper upang isagawa ang gawain para sa kanya. Laganap ang dalahit ng ubo sa mga bata sa grupo sa isang bahagi ng paglalakbay, ngunit walang anumang masamang nangyari sa daan sa karamihan ng paglalakbay.34

Noong ika-17 ng Agosto, mga 258 kilometro mula sa Lunsod ng Salt Lake, ang labing-apat na taong gulang na anak ni Lovina na si Hyrum Walker, ay hindi sinasadyang nabaril ang kanyang sarili sa bisig. Umaasang maisasalba ang buhay ng kanyang pamangkin, kung hindi man braso, agad na itinalaga ni John ang isa pang lalaki upang mamahala sa grupo, isinakay sa kariton ng buriko si Hyrum at isinugod siya at si Lovina sa lambak.

Dumating ang kariton ng buriko sa Lunsod ng Salt Lake pagkaraan ng siyam na araw, at nagawa ng isang doktor na gamutin ang bisig ni Hyrum. Ligtas ang kanyang pamangkin, bumalik si John sa kanyang grupo at inakay sila papasok sa lunsod noong ika-1 ng Setyembre.35


Noong Nobyembre 4, 1860, sinalubong ni Wilford Woodruff ang isang lalaking nagngangalang Walter Gibson pabalik sa Lunsod ng Salt Lake. Si Walter ay isang manlalakbay sa buong mundo at abenturero. Noong binata pa siya, naglakbay siya sa Mexico at Timog Amerika, naglayag sa karagatan, at tumakas sa isang bilangguan ng mga Dutch sa isla ng Java.36

Ayon kay Walter, narinig niya ang isang tinig sa bilangguan na nag-udyok sa kanya upang makapagtayo ng isang makapangyarihang kaharian sa Pasipiko. Sa loob ng ilang taon ay hinanap niya ang mga tao upang tulungan siya sa misyong ito, ngunit hindi siya makakita ng tamang grupo hanggang sa marinig niya ang tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Mayo 1859, sumulat siya kay Brigham Young at nagmungkahi ng isang plano upang tipunin ang Simbahan sa mga Isla ng Pasipiko. Naglakbay siya sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang kanyang tatlong anak pagkaraan ng maikling panahon at sumapi sa Simbahan noong Enero 1860.37

Kinaibigan ni Wilford si Walter noong taglamig na iyon, madalas na dumadalo sa mga lektyur na ibinigay nito sa kanyang mga paglalakbay o nakikipag-usap dito sa mga pagtitipon.38 Walang interes si Brigham sa panukala ni Walter para sa isang bagong lugar ng pagtitipon, ngunit nakilala niya ang potensyal sa bagong binyag.39 Tila maalam si Walter, mahusay magsalita, at sabik na maglingkod sa Simbahan. Noong Abril 1860, hinirang siya ng Unang Panguluhan sa isang maikling misyon sa Silangan, na masiglang tinanggap ni Walter.40

Ngayon, makalipas ang anim na buwan, si Walter ay nagbalik sa Utah nang may magandang balita. Habang nasa Lunsod ng New York, sinabi niya sa isang opisyal sa Embahada ng Japan ang tungkol sa mga Banal at tumanggap siya ng paanyaya na maglakbay sa Japan. Naniniwalang makabubuo siya ng isang magandang ugnayan sa mga Hapones, nais ni Walter na tanggapin ang paanyaya at ihanda ang daan para sa gawaing misyonero sa lupaing iyon. Mula roon, naniwala siya na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay lalaganap sa Siam at sa iba pang mga bansa sa rehiyon.

“Ako ay pamamahalaan, sapagkat inatasan ako, ganap sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos,” sinabi niya sa mga Banal sa isang pulong noong ika-18 ng Nobyembre. “Pakiwari ko na ako ay magiging komportable sa lahat ng mga bansa ng mga anak ng tao.”41

Ang panukala ng pagpapadala kay Walter sa Asya ay nagpasabik kay Wilford. “Binuksan ng Panginoon ang pintuan sa harap niya sa isang kagila-gilalas na paraan,” sinabi niya sa kanyang journal.42

Sumang-ayon si Brigham. “Iiwan tayo ni Brother Gibson sa ngayon upang magmisyon,” sinabi niya sa mga Banal sa pulong. “Sa nalalaman ko, nagtungo siya rito dahil dito siya ginabayan ng Panginoon.”43

Kinabukasan, ipinatong nina Heber Kimball at Brigham ang kanilang mga kamay sa ulo ni Walter. “Yayamang ipagkakatiwala mo na ang iyong mga mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, at mananawagan sa Kanyang pangalan, at hangarin ang Kanyang karunungan, at hangaring maging mapagpakumbaba at maamo sa harapan ng Panginoon, at hayaan ang iyong mga mata ay para sa ikabubuti at kapakanan ng mga anak ng tao,” ipinahayag ni Heber, “ikaw ay pagpapalain nang husto, at titipunin mo ang sambahayan ni Israel at dadalhin ang marami sa pagsisisi at binyagan sila at pagtibayin sa kanila ang Espiritu Santo.”44

Si Walter at ang kanyang anak, si Talula, ay nagsimulang tumulak patungo sa Pasipiko pagkaraan ng dalawang araw.45


Isang buwan matapos ang pag-alis ni Walter, ang South Carolina, isang estado sa katimugang Estados Unidos, ay binawi ang pagsapi mula sa buong bansa, natatakot na ang kailan lamang na pagkakahalal ni Abraham Lincoln sa panguluhan ng Estados Unidos ay babaguhin ang ekonomiya at pulitikal na balanse ng kapangyarihan sa bansa at pamumunuan ang pagtatapos ng pang-aalipin. Agad na nakilala ni Wilford Woodruff ang nakababahalang pangyayari bilang katuparan ng paghahayag na natanggap ni Joseph Smith mga dalawampu’t walong taon na ang nakararaan. Noong araw ng Pasko 1832, nagbabala ang Panginoon sa propeta na isang paghihimagsik ang magsisimula sa South Carolina at matatapos sa kamatayan at paghihirap ng maraming tao.46

“At sa gayon, sa pamamagitan ng espada at ng pagdanak ng dugo ang mga naninirahan sa mundo ay magdadalamhati,” ipinahayag ng Panginoon, “at sa pamamagitan ng taggutom, at salot, at lindol, at kulog sa langit, at matalim at matingkad na kidlat din, ay madarama ng mga naninirahan sa mundo ang poot, at pagngingitngit, at nagpaparusang kamay ng isang Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa ang pagkaubos na ipinasiya ay magkaroon ng ganap na katapusan ng lahat ng bansa.”47

“Maaari nating ihanda ang ating sarili para sa isang kakila-kilabot na panahon sa Estados Unidos,” isinulat ni Wilford sa kanyang journal noong Enero 1, 1861. “Ang sulat-kamay ay makikita sa pader, at ang ating bansa ay tiyak na mapapahamak sa pagkawasak.”48