Kasaysayan ng Simbahan
41 Matagal nang Nalulunod


“Matagal nang Nalulunod,” kabanata 41 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 41: “Matagal nang Nalulunod”

Kabanata 41

Matagal nang Nalulunod

Larawan
malyete ng hukom

Noong hapon ng Pebrero 25, 1891, si Jane Richards, ang unang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, ay naghahanda upang magsalita sa Washington, DC, sa unang kumperensya ng National Council of Women. Noong huling dalawa’t kalahating araw ng kumperensya, nasiyahan siyang makinig sa kababaihan mula sa buong Estados Unidos na nagsalita tungkol sa kanilang mga pagsisikap sa pag-aaral, pagkakawanggawa, reporma, at kultura. Ngayon ay pagkakataon na niya para sa kanyang mensahe, at ang bulwagan ay puno ng daan-daang tao na dumating upang pakinggan kung ano ang sasabihin ng mga Banal sa mga Huling Araw.1

Para sa karamihan ng halos limampung taong kasaysayan nito, nagtuon ang Relief Society sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga Banal. Ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young, gayunman, ay lubos na nadarama na ang mga organisasyon ng kababaihan sa Simbahan ay dapat makipagtulungan sa ibang mga grupo upang isulong ang mga adhikain tulad ng karapatan sa pagboto ng mga kababaihan. Ang pakikibahagi sa National Council of Women ay isang pagkakataon para sa mga lider ng Relief Society at ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association upang makipagkilala at makisama sa iba na katulad nila ang mga pinahahalagahan at mithiin.2

Pinili si Jane na dumalo sa kumperensya dahil nais ni Emmeline Wells na ipadala ang mga kababaihang edukado at maraming nalalaman tungkol sa mga isyu ng kababaihan sa Utah. Nais rin niyang magpadala ng taong matapang, isang katangian na kanyang pinaniniwalaan na saganang taglay ni Jane.

Ang kasama ni Jane sa Washington ay sina Emmeline, Sarah Kimball, at iba pang kababaihan na lider sa Simbahan. Bago sila umalis, ang mga babae ay binasbasan at itinalaga ng isang apostol o miyembro ng Unang Panguluhan upang kumatawan sa kanilang mga organisasyon.

Kabaligtaran ng mga naunang pagbisita ng mga kilalang babaeng Banal sa mga Huling Araw sa Washington, hindi sila magtatangkang kumbinsihin ang mga pulitiko para sa mga Banal. Tutungo sila bilang mga pinuno ng organisasyon ng kababaihan na nais magsalita tungkol sa kanilang gawain, hindi lamang sa Utah kundi gayon din sa lahat ng iba pang mga lugar kung saan ang mga Relief Society at Y.L.M.I.A. ay itinatag.3

Bago nakasama sa kapulungan sina Jane at iba pang mga delegado mula sa Utah, pinag-isipan ng isang komite kung isasama sila. Kinikilala ng karamihan sa mga kababaihan sa komite ang mga pagsisikap ng Relief Society na itaguyod ang karapatang bumoto ng kababaihan, iorganisa ang kababaihan sa pambansa at pandaigdigang saklaw, at magtatag ng mabuting ugnayan sa mga kilalang pinuno ng pambansang kilusan ng mga kababaihan.4 Subalit isang babae ang tumutol sa kanilang paglahok, naniniwalang pumaroon sila upang ipangaral ang poligamya.

Ang iba pang mga miyembro ng komite ay ipinagtanggol ang mga Banal, binabanggit ang Pahayag bilang patunay na ang delegasyon mula sa Utah ay mapagkakatiwalaan. Sa huli, ang komite ay bumoto nang buo na tanggapin ang Relief Society at Y.L.M.I.A. sa kanilang samahan.5

Nang pagkakataon na ni Jane na magsalita, pinanatili niyang maikli ang kanyang mensahe. Sinabi niya sa kapulungan na ang Relief Society ay naniniwala sa pagpapaabot ng pagmamahal, kabutihan, kapayapaan, at galak sa lahat ng tao. Ipinahayag din niya ang pasasalamat para sa mga kababaihan mula sa lahat ng dako na gayon din ang paniniwala.

“Maaaring tayo ay nagkakaiba sa opinyon ukol sa ilang bagay,” sabi niya, “subalit ang ating dakilang layunin ay gumawa ng mabuti para sa lahat.”6

Habang nasa Washington, nagsalita si Jane sa maraming tao tungkol sa Relief Society at sa mga Banal. Hinangaan niya ang mga babae na nakilala niya at ang mga gawaing ginagawa nila, at ninais niyang sana ay mayroon siyang limandaang kopya ng Pahayag upang ibahagi sa mga tao na may mga tanong tungkol sa maramihang pag-aasawa. Bago umuwi, inanyayahan niya ang marami sa mga bago niyang kaibigan na bumisita sa Utah.

Kung gusto nilang makilala ang mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi niya, ang pinakamainam gawin ay gumugol ng oras kasama nila.7


Noong taglamig na iyon, natagpuan ni Emily Grant na lalong pahirap nang pahirap na tiising mag-isa ang napakalamig at humihiyaw na hangin ng Colorado.8 Mula nang inilathala ng Simbahan ang Pahayag, ang ugnayan nito sa pamahalaan ng Estados Unidos ay nagsimulang bumuti. Ang mga opisyal sa Washington, kabilang na ang pangulo, ay hindi na interesado sa pagbawi ng karapatan sa pagboto o pagkumpiska ng mga templo ng mga Banal. At nagpasya ang Korte Suprema ng Estados Unidos na ang mga anak ng maramihang pag-aasawa ay maaaring muling magmana ng ari-arian.

Ngunit nanatili ang mga pederal na batas laban sa poligamya. Dinadakip pa rin ng mga marshal ang mga tao dahil sa poligamya at labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal, bagama’t sa mas maliit na bilang.9 Kung lilisanin ni Emily ang tiyak na kaligtasan sa Manassa, ang kanyang maramihang pag-aasawa kay Heber Grant ay malalantad sa publiko, na siyang maglalagay sa kanilang pamilya sa panganib.10

Pumanaw ang ama ni Emily, si Daniel Wells, noong Marso 1891. Siya at ang kanyang mga anak, sina Dessie at Grace, ay nagbalik sa Lunsod ng Salt Lake para sa libing, at pumayag si Heber na dapat siyang muling tumira sa lunsod. Naniniwala siya na hangga’t pinananatili niya at ni Emily na pribado ang kanilang kasal, na naninirahan sa magkahiwalay na bahay at hindi makikitang magkasama sa publiko, ang mag-anak ay maaaring manirahan nang magkakalapit.11

Nais ng pamilya at mga kaibigan na magdaos ng salu-salo upang ipagdiwang ang pagbabalik ni Emily sa Lunsod ng Salt Lake, ngunit mas ninais niyang manatiling tago mula sa publiko. “Nais ko lamang na bumisita sa aking mga pamilya at mga kaibigan nang hindi ako napapansin kahit saan,” sinabi niya kay Heber.12 Tumira siya kapiling ang kanyang ina, ilang kanto mula kay Heber, at patuloy na pangunahing nakikipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng liham. Ang gayong buhay ay hindi talaga gusto ni Emily, subalit ito ay higit na mainam kaysa nakatira nang daan-daang kilometro ang layo.13

Noong tagsibol na iyon, ang anak nina Emily at ni Heber na si Dessie ay tumuntong sa ikalimang taon. Bukod sa pagtawag sa kanyang sarili bilang “Maria Harris” at “Tito Eli” kay Heber, binansagan ni Emily si Dessie bilang “Pattie Harris” upang panatilihin ito at ang pamilya na ligtas mula sa mga marshal. Ngayon na ang kanilang kalagayan ay naging mas mabuti, halos inihinto na nina Emily at Heber ang pagpapanggap at sinimulang gamitin ang kanilang tunay na pangalan sa mga liham sa isa’t isa.

Noong kaarawan ni Dessie, isinuot sa kanya ni Emily ang isang bagong damit, kinulot ang kanyang buhok, at itinali ito gamit ang isang bagong asul na laso. “Ngayon ay lumalaki ka na,” sabi ni Emily. “May sasabihin ako sa iyong isang malaking lihim.” Inihayag niya ang tunay na pangalan ni Dessie at sinabi rito na ang kanyang Tito Eli talaga ang kanyang ama.14

Maya-maya pa, nalaman din ni Dessie na dalawa sa kanyang mga bagong kaibigan, sina Raquel at Lutie, ay kanyang mga kapatid, mga anak na babae ng kanilang ama at ng asawa nitong si Lucy. Isang araw, ang sampung taong gulang na si Lutie ay dumating sa bahay ni Emily sakay ng kanyang dilaw na buriko, si Flaxy, na nakatali isang maliit na kariton. Nais niyang isama ang kanyang mga kapatid na sumakay at mamasyal. Hindi tiyak ni Emily kung ligtas na hayaan ang mga batang babae na umalis, ngunit pumayag din siya. Sumakay sina Dessie at Grace sa maliliit na kariton, at hindi nagtagal ay masayang umalis ang magkapatid.15

Nagpapasalamat si Emily na sa wakas ay nakauwi siya sa tahanan sa Lunsod ng Salt Lake. Hindi niya gustong itago ang kanyang ugnayan kay Heber, at nais niya na ang kanyang pamilya ay may kalayaang maglibot sa lunsod ayon sa gusto nila. Ngunit nakita niya ang kamay ng Diyos sa muling pagsasama nila ng kanyang asawa, at batid niya na sila ay masaya sa pag-ibig sa isa’t isa.

“Ang katotohanan na natiis ko ang lahat ng ito ay kamangha-mangha sa akin,” isinulat niya, “at nanalangin ako para sa lakas na tiisin ang mga maaaring kahinatnan ko.”16


Noong tagsibol na iyon, ang labinsiyam na taong gulang na si John Widtsoe ay nagdiwang ng kanyang pagtatapos sa Brigham Young College sa Logan. Sa seremonya ng pagtatapos, tumanggap siya ng espesyal na pagkilala sa kanyang kahusayan sa retorika, Aleman, kimika, alhebra, at heometrya.17

Sa kanyang panahon sa kolehiyo, natutuwa nang lubusan si John tuwing may natututuhan siyang bagong kaalaman. Bago pa lamang ang kolehiyo, at wala itong gaanong aklat sa silid-aklatan o maraming kagamitan sa laboratoryo nito. Maging ang mga kaguruan nito ay walang matataas na akademikong tinapos bagama’t ang mga guro ay mahuhusay na tagapagturo na maalam sa kung paano gawing simple ang isang paksa at ituro ito sa kanilang mga estudyante.

Ang punong-guro ng kolehiyo, si Joseph Tanner, ay isang dating mag-aaral ni Karl Maeser, ang bantog na punong-guro ng Brigham Young Academy sa Provo na naglilingkod ngayon bilang tagapangasiwa ng higit sa tatlong dosenang paaralan ng Simbahan. Isang dating missionary sa Europa at Gitnang Silangan, nagtuturo rin si Joseph ng mga klase sa relihiyon, tinuturuan sina John at ang kanyang mga kaklase tungkol sa plano ng kaligtasan at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang Teolohiya ay isa sa naging paboritong klase ni John. Hinubog nito ang kanyang pagkatao at pananaw sa buhay at ginawa siyang mas sensitibo sa mga pagkakaiba sa pagitan ng tama at mali.18

Sa panahon ng pagtatapos, inanyayahan ni Joseph si John na sumama sa kanya at sa isang grupo ng mga kabataang iskolar na Banal sa mga Huling Araw na mag-aaral sa tag-init na iyon sa Harvard University, ang pinakamatanda at pinakaiginagalang na unibersidad sa Estados Unidos. Nais ni Joseph na ang mga iskolar ay magtamo ng primera klaseng edukasyon, na pagkatapos ay maaari nilang gamitin upang mapahusay ang kalidad ng pagtuturo sa mga paaralan sa Utah.19

Ang Harvard ay ang uri ng lugar na nais ng ina ni John, si Anna, na pasukin niya upang mag-aral, at sinuportahan nito ang desisyon niyang pumasok doon, tiwala na siya ay magiging mahusay sa kanyang pag-aaral. Upang mabayaran ang matrikula, umutang si John mula sa isang lokal na bangko. Ang limang kaibigan ng pamilya—kabilang si Anthon Skanchy, ang missionary na nagbinyag kay Anna sa Norway—ay nagbigay rin sa kanya ng pinansyal na tulong.

Umalis si John patungo sa Harvard wala pang isang buwan matapos ang kanyang pagtatapos. Pagkaraan ng maikling panahon, nakipag-ayos si Anna ng sangla sa kanyang bahay, pinaupahan ito, at lumipat sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan siya at ang kanyang mas batang anak, si Osborne, ay makakahanap ng karagdagang trabaho upang suportahan ang pamilya at mabayaran ang pag-aaral ni John.

Madalas sumulat si Anna kay John. “Marahil ay magkakaroon ka ng maraming maliliit na suliranin at maaaring maharap sa maliliit na kabiguan sa una,” sinabi niya sa kanya sa isang liham, “ngunit lahat ng mga ito ay maaaring magkaroon ng malaking halaga sa iyo sa hinaharap.”

“Ang Diyos ay nasasaiyo, at pagpapalain ka Niya nang doble sa kaya mong isipin o ipagdasal,” pangako niya. “Lumuhod ka lamang sa harapan ng Panginoon sa panalangin sa bawat araw, at tuwing madarama mo na nais mo, at nang may nagpapasalamat at mapagpakumbabang puso.”20


Sa Lunsod ng Salt Lake, patuloy na namumuhay si Joseph F. Smith nang nagtatago, kahit na nabawasan na ang banta ng pagdakip at paglilitis. Hindi tulad ng mga maramihang pag-aasawa ni Heber Grant, ang kay Joseph ay batid ng lahat, at ang kanyang tungkulin sa Unang Panguluhan ay matagal nang nagdulot sa kanya na maging pangunahing target ng mga pederal na marshal.

Sa karaniwang araw, binibisita ni Joseph ang kanyang mga asawa at mga anak pagsapit ng dilim at bumabalik sa kanyang tanggapan sa Gardo House upang matulog. Tuwing Sabado’t Linggo ay nakikipagsapalaran siya sa mas mahaba at magdamagang pananatili kasama ang kanyang pamilya, nagsasalitan kada Sabado at Linggo sa pagitan ng mga tahanan ng kanyang limang asawa.21 Ang mamuhay na tulad ng isang takas ay nakapanghihina ng loob. “Hanggang sa bigyan ako ng kaaliwan ng Panginoon sa paraang hindi ko nauunawaan ngayon,” isinulat niya sa kanyang tiya na si Mercy Thompson, “ako ay nakatadhanang manatiling nagtatago nang matagal-tagal sa darating na panahon.”22

Noong Hunyo 1891, sumulat si Joseph sa pangulo ng Estados Unidos, si Benjamin Harrison, upang humiling ng amnestiya, o ang pag-alis ng lahat ng kriminal na paratang laban sa kanya. Sa pagbuti ng ugnayan sa pagitan ng Simbahan at pamahalaan ng Estados Unidos, naniwala si Joseph na maaari siyang tumanggap ng indulto.23

Gayunman, sa paghahangad ng amnestiya, hindi nangangako si Joseph na kanyang tatalikuran ang kanyang mga asawa. Ang Pahayag ay hindi nagbigay ng direksyon para sa kung paano dapat kumilos ang mga Banal sa mga kasalukuyang umiiral na maramihang pag-aasawa, ngunit sarilinang pinayuhan ni Wilford Woodruff ang mga panguluhan ng mga stake at mga pangkalahatang opisyal kung paano bibigyang-kahulugan ang mensahe nito. “Ang pahayag na ito ay tumutukoy lamang sa mga magaganap na maramihang pag-aasawa at hindi makakaapekto sa naganap nang maramihang pag-aasawa,” sabi niya. “Hindi ko ginawa, hindi ko magagawa, at hindi ako mangangako sa inyo na inyong pababayaan ang inyong mga asawa at mga anak. Hindi ninyo magagawa ito at maging marangal.”24

May ilang tao na piniling tapusin ang kanilang maramihang pag-aasawa, subalit karamihan sa mga tao ay ninais sumunod sa Pahayag sa mas malumanay na paraan. Ang ilang kalalakihan ay nagpatuloy sa abot ng kanilang makakaya na suportahan ang kanilang maramihang pamilya, sa pinansyal at emosyonal, nang hindi nakapisan sa kanila. Ang iba naman ay patuloy na nanirahan kasama ang kanilang mga pamilya na parang walang nagbago, kahit sa paggawa ng gayon ay mapapasailalim sila sa pag-uusig at pagkakulong.

Para sa kanyang bahagi, pinili ni Joseph na patuloy na pangalagaan ang kanyang pamilya tulad ng dati, naniniwala na siya ay sumusunod sa Pahayag habang sinusunod pa rin ang batas na nagbabawal sa pagsasama nang hindi kasal.25

Noong unang bahagi ng Setyembre, nalaman ni Joseph na isang ulat sa pahayagan ang ibinabalita na binigyan siya ni Pangulong Harrison ng amnestiya. Gayunman, hindi niya nais magdiwang o lumabas sa publiko hanggang tangan na niya sa kanyang mga kamay ang mga dokumento. “Ako ay matagal nang nalulunod sa napakaraming kaganapan,” isinulat niya sa isang liham sa isang kaibigan, “kung makakakuha ako ng kalayaan sa anumang paraan, ako ay magiging tulad ng isang nabuhay na mag-uli, o isinilang na muli, na makakakuha ng mga bagong karanasan at matutuhan muli ang lahat ng bagay.”26

Dumating ang liham ng amnestiya di kalaunan. Puno ng pasasalamat, umasa si Joseph na ang kanyang indulto ay hahantong sa isang pangkalahatang amnestiya para sa lahat ng Banal na pumasok sa maramihang pag-aasawa bago inilabas ang Pahayag. Subalit alam din niya na ang gayong indulto ay hindi makapipigil sa pamahalaan na maghain ng mga bagong paratang laban sa mga lalaki na nagpapatuloy sa pagsama sa mga asawang kanilang pinakasalan noon. Upang maging ligtas, pinili niyang manatili sa gabi sa tanggapan ng Unang Panguluhan habang tinuturuan ang kanyang mga anak at sinusuportahan ang kanyang malaking pamilya. Siya at ang kanyang limang asawa ay nagpatuloy na magkaroon pa rin ng mas maraming anak.27

Noong Linggo matapos matanggap ang amnestiya, dumalo si Joseph sa Sunday School ng Ikalabing-anim na Ward ng Lunsod ng Salt Lake. Kinausap niya ang mga bata sa klase at pagkatapos ay kinausap ang ilan sa mga dating kaibigan at kakilala. Kalaunan nang araw na iyon, dumalo siya sa isang pulong sa tabernakulo, kung saan siya ay hinilingan na magsalita.

Habang nakatingin si Joseph sa mga Banal, halos igupo siya ng kanyang emosyon. “Humigit-kumulang pitong taon mula nang huli akong nagkaroon ng pribilehiyong tumayo sa harap ng isang kongregasyon sa tabernakulong ito,” sabi niya. Napakaraming bagay na ang nagbago mula noong kanyang pagkawala na nadama niya na siya ay parang bata na nalayo nang matagal sa kanyang tahanan.

Nagpatotoo siya tungkol sa Panunumbalik, nagpapatunay na ito ay ang gawain ng Panginoon. “Nagpapasalamat ako sa Diyos Amang Walang Hanggan na mayroon ako ng patotoong ito sa aking puso at kaluluwa,” ipinahayag niya, “sapagka’t ito ay nagbibigay sa akin ng liwanag, pag-asa, kagalakan, at kasiyahan na hindi kayang ibigay o alisin ng sinuman.”

Ipinagdasal din niya sa Diyos na tulungan ang mga Banal na gawin ang tama at marangal sa harapan ng Panginoon at sa harap ng batas. “Kailangan nating mamuhay sa gitna ng mundo bilang tayo,” sabi niya. “Kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya sa kalagayang kung saan tayo ay inilagay. Iyan ang hinihingi ng Panginoon mula sa mga Banal sa mga Huling Araw.”28


Matapos matanggap ni Joseph F. Smith ang amnestiya, ipinahayag ni Wilford Woodruff na kaisipan at kalooban ng Diyos na tapusin ng mga Banal ang templo. Naglagay ang mga manggagawa ng bubong sa gusali dalawang taon na ang nakararaan, na siyang nagpapahintulot sa mga karpintero at iba pang mga manggagawa na magtrabaho sa buong taon. Subalit marami pa rin ang kailangang isagawa sa labas ng gusali, kabilang na ang pagkakabit ng isang malaking rebulto ng isang anghel sa pinakamataas na gitnang tore ng templo. Ang rebulto ay nililok ng kilalang iskultor na si Cyrus Dallin, na lumaki sa Utah at tumanggap ng malawak na pag-aaral sa sining mula sa silangang bahagi ng Estados Unidos at Paris.

Noong unang linggo ng Oktubre, dose-dosenang lider ng Simbahan ang pumayag na tumulong na makaipon ng $100,000 para sa konstruksiyon, bagama’t malaki ang posibilidad na mas malaki pa ang kailangan upang makumpleto ang pagtatayo ng gusali.29 Sa panahong ito, nagsumamo rin ang Unang Panguluhan at ilang apostol para sa pagbabalik ng humigit-kumulang $400,000 na halaga ng mga ari-arian ng Simbahan na kinumpiska ng pamahalaan sa ilalim ng Batas nina Edmunds-Tucker.30

Ang pagbawi ng mga kinumpiskang ari-arian ng Simbahan ay maiibsan nang malaki ang pinansiyal na pasanin ng mga Banal, ngunit kakailanganin din nito ang ilan sa Unang Panguluhan at ng Labindalawa na dumalo sa isang pagdinig at sumagot sa mga tanong ng mga abugado ng pamahalaan tungkol sa katapatan ng Simbahan sa pagsunod sa mga batas laban sa poligamya.31

Sa mga linggo bago ang paglilitis, inilahad ng mga tagapagtanggol ng Simbahan sa Unang Panguluhan at mga miyembro ng Labindalawa ang mga tanong na maaaring tanungin sa kanila ng mga tagapagtanggol ng pamahalaan. Ilang apostol ang nag-aalala tungkol sa kung paano sasagutin ang mga tanong ukol sa hinaharap ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan. Ang gawain ba ay wawakasan na nang tuluyan, o ang Pahayag ba ay pansamantalang paraan lamang? At paano nila dapat sagutin ang mga tanong tungkol sa kung dapat bang ipagpatuloy ng mga asawang lalaki na makapiling at suportahan ang kanilang maramihang asawa?

Depende sa kung paano sila tutugon, isinasapalaran ng mga lider ng Simbahan na mawala ang tiwala ng gobyerno at malito—o kaya naman ay galitin—ang mga Banal.32

Noong araw ng pagdinig, Oktubre 19, 1891, si Charles Varian, isang abogado para sa pamahalaan ng Estados Unidos, ay nagtanong kay Wilford nang ilang oras.33 Ang kanyang mga tanong ay nilikha upang magawa ni Wilford na linawin ang opisyal na katayuan ng Simbahan ukol sa maramihang pag-aasawa at ang layunin ng Pahayag. Si Wilford, sa kabilang dako, ay nilayong tumugon sa mga manananggol nang tapat na walang tahasang binabanggit ukol sa katayuan ng mga kasalukuyang pag-aasawa.

Matapos magsimula ang pagtatanong, tinanong ni Charles si Wilford tungkol sa kahulugan ng Pahayag para sa mga tao na nasa maramihang pag-aasawa na. Inaasahan ba silang tumigil sa pakikisama sa isa’t isa bilang mag-asawa?

Hindi tuwirang sinagot ni Wilford ang tanong. “Nilalayon ko ang pahayag na maging angkop sa lahat,” sabi niya, “sa ganap na pagsunod sa mga batas.” Alam niya na ang mga Banal sa maramihang pag-aasawa ay gumawa ng mga sagradong tipan sa Diyos, at hindi niya maaaring hilingin sa kanilang labagin ang kanilang mga sinumpaan sa pagsasama ng mag-asawa. Ngunit ang bawat tao ay may sariling responsibilidad na sundin ang mga batas ng lupain alinsunod sa kanyang budhi.34

“Ang tanging dahilan ba ng pahayag na ito ay dahil sa mga batas na ito?” tinanong ni Charles, sinisikap na malaman ang katapatan ng mga lider ng Simbahan sa pagbibigay ng Pahayag.

“Nang mahirang akong Pangulo ng Simbahan ay pinagnilayan ko ang tanong na ito,” sagot ni Wilford, “at sa loob ng ilang panahon ay nasisiyahan ako sa aking isipan na ang maramihang pag-aasawa ay kailangang itigil sa Simbahang ito.”

Pagkatapos ay inilarawan ni Wilford kung paano pinarusahan ng mga batas laban sa poligamya hindi lamang ang mas maliit na porsiyento ng mga Banal na nagsagawa ng maramihang pag-aasawa kundi maging mga libu-libong Banal na hindi. “Dahil sa mga bagay na iyon kaya ipinalabas ko ang Pahayag—sasabihin ko na sa pamamagitan ng inspirasyon,” paliwanag niya.35

“Bakit hindi mo ipinahayag ang Pahayag na ito sa iyong Simbahan bilang isang paghahayag at sa halip ay ipinahayag ito bilang isang personal na payo at pangaral?” tanong ni Charles.

“Ang pananaw ko, ang inspirasyon ay paghahayag,” sagot ni Wilford. “Ito ay iisa ang pinagmulan. Hindi laging kailangang sabihin ng isang tao, sa aking palagay, ‘Sapagkat sinabi ng Panginoon.’”

Pagkatapos ay tinanong ni Charles kay Wilford kung ang Pahayag na ito ay ang tuwirang bunga ng mga hirap na pinasan ng mga Banal dahil sa batas.

“Ang Panginoon ay nangangailangan, at nangangailangan nang maraming ulit, na ang Kanyang mga tao ay isagawa ang isang gawain na hindi nila magagawa sa ilalim ng mga partikular na kalagayan na humahadlang sa kanila sa paggawa nito,” ipinahayag ni Wilford. “Sa batayang iyon—kung mauunawaan ako—na itinuturing ko ang katayuan ngayon na aming kinalalagyan.”36


Isang araw matapos ang pagdinig, ang Deseret News at iba pang mga lokal na pahayagan ay naglathala ng mga tala ng salaysay ni Wilford sa hukuman.37 Ang ilang mga tao, hindi maunawaan ang mga maiingat na pagsisikap ng propeta upang linawin ang kahulugan ng Pahayag, ay maling binigyang-kahulugan ang kanyang mga salita upang manguhulugan na inaasahan niyang iwanan ng mga asawang lalaki ang kanilang mga pangmaramihang asawa.38

“Ang pahayag na ito mula sa kanya bilang pangulo ng Simbahan ay naging sanhi ng pagkabalisang nadarama ng mga tao,” itinala ng isang lalaki sa St. George, “at iniisip ng ilan na siya ay tumalikod sa paghahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa at mga tipan at obligasyon nito.” Ginamit pa ng ilang kalalakihan sa bayan ang patotoo bilang isang dahilan upang talikuran ang kanilang maramihang pamilya.39

Sa mga pribadong pulong, kinilala ni Wilford ang pagiging malabo ng kanyang mga sagot, ngunit iginiit niya na hindi niya maaaring sagutin ang tanong ng abugado sa iba pang paraan. Inulit din niya sa Labindalawa na ang sinumang lalaki na nang-iwan o nagpabaya sa kanyang mga asawa o mga anak dahil sa Pahayag ay hindi karapat-dapat na maging miyembro ng Simbahan.40

Hindi kinokondena ni Wilford ang mga lalaking tulad nina Joseph F. Smith at George Q. Cannon na patuloy na nagkaroon ng mga anak sa kanilang mga maramihang asawa. Subalit naniniwala rin siya na maaaring sumunod ang mga lalaki sa batas at tuparin ang kanilang tipan sa pamamagitan ng pamumuhay nang hiwalay sa kanilang maramihang pamilya habang naglalaan pa rin para sa kanilang kapakanan. Sa loob ng sarili niyang pamilya, si Wilford ay nakatira kasama ang kanyang asawang si Emma sa mata ng publiko, ngunit patuloy siyang nagbibigay-suporta at nangangalaga sa kanyang iba pang mga asawa, sina Sarah at Delight, at sa kanilang mga anak.41

Nang malaman ni Wilford na iniisip ng ilang tao kung inililigaw niya ba ang Simbahan, nagpasiya siyang magsalita pa tungkol sa bagay na ito. Sa isang kumperensya ng stake sa Logan, inamin niya na maraming mga Banal ang nahirapang tumanggap ng pagbabago. Itinanong niya: Mas nasa tama ba na magpatuloy sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, anuman ang mangyari? O mamuhay ayon sa mga batas ng bansa, upang matamasa ng mga Banal ang mga pagpapala ng templo at manatili sa labas ng bilangguan?

“Kung hindi natin ititigil ang gawaing ito,” sabi niya, “lahat ng ordenansa ay ititigil sa lahat ng dako ng lupain ng Sion. Kalituhan ang maghahari sa lahat ng dako ng Israel, at maraming tao ang gagawing mga bilanggo. Ang kaguluhang ito ay darating sa buong Simbahan, at tayo ay mapipilitang itigil ang gawain.”

“Subalit nais kong sabihin ito,” idinagdag ni Wilford. “Dapat sana ay hinayaan kong mawala ang lahat ng mga templo sa ating mga kamay; ako sana ay nakulong na rin sa bilangguan, at hinayaan ang bawat iba pang tao na pumasok doon, kung hindi ako inutusan ng Diyos ng langit na gawin ang ginawa ko; at nang sumapit ang oras na ako ay inutusan upang gawin ito, ang lahat ay malinaw na sa akin. Ako ay dumulog sa harapan ng Panginoon, at isinulat ko ang anumang sabihin sa akin ng Panginoon na isulat.”42