2010
Ang Kalayaan ay Mahalaga sa Ating Walang Hanggang Pag-unlad
Hunyo 2010


Ang Ating Paniniwala

Ang Kalayaan ay Mahalaga sa Ating Walang Hanggang Pag-unlad

Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng kalayaan. Ang kakayahang ito na pumili para sa ating sarili ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan.

Sa Kapulungan sa Langit bago tayo isinilang, inilahad ng ating Ama sa Langit ang Kanyang plano, na kinabibilangan ng alituntunin ng kalayaan. Naghimagsik si Lucifer at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Dahil dito, pinalayas siya at ang mga sumunod sa kanya. Pinili nating mga natira ang plano ng Ama sa Langit, na nagtulot sa atin na maparito sa lupa at magkaroon ng katawang-tao. Naglaan din ito ng isang Tagapagligtas, si Jesucristo, na magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pagsisisi maaari tayong mapatawad. Tayo ay naghiyawan sa galak (tingnan sa Job 38:7)!

Ang paraan ng paggamit natin ng kaloob na kalayaan sa mortalidad ay may epekto sa ating walang hanggang kaligayahan o kalungkutan. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “may isang batas, hindi mababagong utos sa langit … , kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay” (D at T 130:20)—at sa batas na ito mayroon ding “isang kaparusahang nakaakibat” (Alma 42:22). Samakatwid, kapag pinipili natin ang ating gagawin, pinipili rin natin ang magiging bunga ng ating mga ginagawa (tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7). Bagaman maaaring hindi agaran ang mga bunga, laging kasunod ang mga ito. Ang pagpiling sundin ang mga utos ng Diyos ay aakay sa atin sa kapayapaan at buhay na walang hanggan. Ang pagpiling tanggapin ang mga tukso ni Satanas ay aakay sa atin sa kasalanan at pighati.1

Nagpakita ng halimbawa sa atin ang propetang si Josue ng Lumang Tipan nang sabihin niyang, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15).

  1. Ang ating mortal na buhay ay panahon ng pagsubok upang makita kung paano natin gagamitin ang ating kalayaan (tingnan sa Abraham 3:25).

  2. Kailangang magkaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” upang makita natin ang mga pagkakaiba ng mabuti at masama. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong pumili. (Tingnan sa 2 Nephi 2:11–16; D at T 29:39.)

  3. Ibinigay ng ating Ama sa Langit sa bawat isa sa atin ang Liwanag ni Cristo upang malaman natin ang mabuti sa masama (tingnan sa Moroni 7:12–17).

  4. Sa pagpili natin ng ating gagawin, mabuti man o masama, pinipili rin natin ang mga bungang kaakibat ng ating mga gawain (tingnan sa Deuteronomio 11:26–28; 30:15–20; Mga Taga Galacia 6:7; Apocalipsis 22:12).

  5. Dahil “[tayo ay] pinahintulutang kumilos para sa [ating sarili],” tayo ang mananagot sa ating mga ginagawa (tingnan sa Helaman 14:30–31).

  6. Kapag pinipili nating sundin ang mga utos ng Diyos, nadaragdagan ang ating mga pagpipilian, at nagkakaroon tayo ng higit na kalayaan (tingnan sa 2 Nephi 2:27; D at T 58:26–28; 93:20).

  7. Kapag pinipili nating suwayin ang mga utos ng Diyos, nababawasan ang ating mga pagpipilian, at nabibihag tayo ng kasamaan (tingnan sa 2 Nephi 2:29; Juan 8:34).

  8. Ang ating Ama sa Langit ay “hindi itutulot na tuksuhin [tayo] ng higit sa [ating] makakaya; kundi … gagawin naman ang paraan ng pagilag,” basta’t pinili nating labanan ang tukso (I Mga Taga Corinto 10:13).

  9. Dapat tayong magpakumbaba at “patuloy na manalangin” upang mapaglabanan natin ang tukso (tingnan sa Alma 13:28).

Tala

  1. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya (2006), 45.

Pagkaraan ng Pagkahulog, “[nagkaroon ng] karapatan [sina Adan at Eva na] pumili o may kakayahan silang piliin ang mabuti o masama. Dahil dito maaari silang matuto at umunlad. Dahil dito posible rin na magkamali sila sa pagpili at magkasala” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 54).

Mga paglalarawan ni Matthew Reier, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng daigdig © Corbis; Pinalayas sina Adan at Eva mula sa Halamanan ng Eden, ni Gary Kapp; paglalarawan ng lalaki at pulis ni Robert Casey