2010
Ang Kapangyarihang Magbago
Hunyo 2010


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Kapangyarihang Magbago

Bagaman isinilang ako sa Simbahan at aktibo hanggang edad 15, lumayo ako sa ebanghelyo nang magbinata na ako. Noong panahong iyon, sa paghahanap ng isang bagay na magpapaligaya sa akin, bumaling ako sa droga.

Nahirapan ako sa lumalalang adiksyon, at ang buhay ko ay parang masamang pelikulang hindi ko maitigil. Kahit gusto kong tumigil, nalaman ko na hindi ko na makontrol ang aking isipan o kilos. Nang mabilanggo ako dahil sa isang krimeng may kinalaman sa droga, noon ko lang nalaman kung ano ang nawala sa akin. May kopya ako ng Aklat ni Mormon at nabasa ko ang Alma 5:7: “Masdan, pinagbago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos. Masdan, sila ay nasa gitna ng kadiliman; gayunpaman, ang kanilang mga kaluluwa ay naliwanagan sa pamamagitan ng liwanag ng walang hanggang salita.”

Alam ko na ako ay nasa gitna ng kadiliman, at nais kong magbago ang aking puso.

Hindi naman sa hindi ako nagsikap magbago noong araw. Lumahok ako sa iba’t ibang programa ng paggaling mula sa adiksyon. Sinikap kong tigilan ang droga para sa sarili ko at sa aking pamilya. Ang mga bagay na iyon ay umubra sandali, pero lagi akong bumabalik. Ang talatang ito sa Alma ay nagbigay sa akin ng pag-asa kay Jesucristo—pag-asang kahit na wala akong kapangyarihang baguhin ang aking sarili (at alam kong wala), mababago Niya ako.

Naaalala kong inilapit ko sa Tagapagligtas ang problema ko sa adiksyon. Nagdasal ako at umamin sa Ama sa Langit, “Hindi ko po ito kayang mag-isa.”

Sumali ako sa programa ng LDS sa paggaling mula sa adiksyon, isang 12-hakbang na klaseng itinuro ng dalawang misyonerong mag-asawa. Iniligtas ako ng itinuro nila sa klaseng iyon. Napangalagaan nila ang binhi ng pananampalatayang naitanim maraming taon na ang nakalilipas, noong bata pa ako at nagsisimba kami ng nanay ko. Tinuruan ako ng mga misyonero tungkol sa pagsisisi at kapatawaran. Ang mas mahalaga, pinakitaan nila ako ng pagmamahal at sinabihan ako na mas dakilang pagmamahal ang madarama ko mula sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Nadama ko na “malaking pagbabago ang nangyari sa [aking] puso” (Alma 5:12), at nalaman ko na nasa ebanghelyo lang pala ang kaligayahang matagal ko nang hinahanap.

Anim na taon na mula nang magpasiya akong bumaling sa aking Tagapagligtas. Nahirapan ako, pero sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon, nalagpasan ko ang maraming hadlang.

Hindi ko sana kailanman nadama ang ligaya at galak sa buhay ko ngayon sa piling ng aking asawa’t mga anak. Taglay ko ang Melchizedek Priesthood at natanggap ko na ang mga ordenansa sa templo. Utang ko kay Jesucristo ang mga positibong pagbabagong ito sa buhay ko. Siya ang kapangyarihang magbago.

Pinatototohanan ko sa ibang nahihirapang tulad ko noon—at sa mga nagmamahal sa kanila—na posible ang pagbabagong iyan at totoong-totoo ito. Hindi kayo kailangang mawalan ng pag-asa. May paraan para lumigayang muli, at ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo.

Pagpapahilom sa Pusong Sawi, ni Michael T. Malm