2011
Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan
Agosto 2011


Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan

Mula sa isang mensaheng ibinigay noong Hunyo 25, 2010, sa isang seminar para sa mga bagong mission president.

Ano ang ibig sabihin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay na Simbahan?

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

Ang una nating tungkulin at layunin ay magpatotoo kay Jesucristo sa isang mundong walang nalalaman tungkol sa Kanyang banal na misyon. Bilang tugon ko sa malaking responsibilidad na iyan, magsasalita ako tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang tanging tunay at buhay na Simbahan. Sa paggawa nito alam kong nagsasalita ako laban sa malakas na puwersa ng tinatawag na “tanggap ng lipunan.”

Ang karaniwang opinyon ng panahong ito ay na lahat ng simbahan ay totoo. Sa katunayan, ang ideya na lahat ng simbahan ay magkakapareho ay doktrina ng anti-Cristo, na inilarawan ng salaysay ng Aklat ni Mormon tungkol kay Korihor (tingnan sa Alma 30). Ang kuwento ay ibinigay upang bigyan tayo ng isang mahalagang aral sa ating panahon.

Isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong 1831, pagkatapos kaagad na maorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang nagbanggit tungkol sa mga taong binigyan ng “kapangyarihang maitatag ang saligan ng simbahang ito.” Pagkatapos ay tinukoy ng Panginoon ang Simbahan bilang “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod” (D at T 1:30).

Dahil sa pahayag na ito ng Panginoon, tinutukoy natin ito, na Kanyang Simbahan—ating Simbahan—bilang “tanging tunay na Simbahan.” Kung minsan ginagawa natin ito sa paraan na nakasasakit nang labis sa kalooban ng mga taong kabilang sa ibang mga simbahan o naniniwala sa ibang pilosopiya. Ngunit walang itinuro sa atin ang Diyos na dapat magpadama sa atin na nakahihigit tayo kaysa sa ibang tao. Tunay na lahat ng simbahan at pilosopiya ay may mga elemento ng katotohanan sa mga ito, ang ilan ay mas nakahihigit kaysa sa iba. Tunay na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak. At tiyak na ang Kanyang plano ng ebanghelyo ay para sa lahat ng Kanyang mga anak, lahat batay sa Kanyang takdang panahon.

Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay na Simbahan?

Tatlong katangian—(1) kabuuan ng doktrina, (2) kapangyarihan ng priesthood, at (3) patotoo kay Jesucristo—ang nagpapaliwanag kung bakit ito sinabi o ipinahayag ng Diyos at bakit sinasabi natin, na Kanyang mga lingkod, na ito ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa balat ng lupa.

1. Kabuuan ng Doktrina

Noong si Jesucristo ay nasa mundo, itinuro Niya ang kabuuan ng Kanyang doktrina, na siyang plano ng ating Ama sa Langit na ibinalangkas para sa walang-hanggang pag-unlad ng Kanyang mga anak. Kalaunan, marami sa mga katotohanang ito ng ebanghelyo ang nangawala dahil nahaluan ito ng mga prinsipyo o pilosopiya na namamayani noon sa mundo kung saan ipinangaral ang Kristiyanismo at sa pamamagitan ng manipulasyon ng mga lider ng pulitika. Ang pagkawalang ito ng kabuuan ng katotohanan ay tinatawag nating Apostasiya.

Maraming denominasyon ng simbahan o pilosopiyang umiiral sa daigdig ngayon ang nagtataglay, ng mas marami o mas kaunti, ng mga katotohanang inihayag ng Diyos noong una, na nahaluan ng mga pilosopiya o manipulasyon ng mga tao. Naniniwala tayo na karamihan sa mga lider at tagasunod ng relihiyon ay tapat na naniniwala na nagmamahal sa Diyos at nakauunawa at naglilingkod sa Kanya sa abot ng kanilang makakaya. May utang-na-loob tayo sa kalalakihan at kababaihan na nagpanatiling buhay sa liwanag ng pananampalataya at kaalaman sa paglipas ng mga siglo hanggang sa panahong ito. Nais natin sa lahat ng nagsisiyasat sa ating simbahan mula sa ibang mga simbahan o sistema ng paniniwala na ingatan ang lahat ng kabutihang nasa kanila at tingnan kung paano natin madaragdagan ang kanilang pag-unawa sa katotohanan at ang kanilang kaligayahan sa pagsunod nila dito.

Dahil marami ang nawala sa Apostasiya, kinailangang ipanumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang doktrina. Nagsimula iyan sa tinatawag nating Unang Pangitain ni Joseph Smith.

Ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagsimula sa katiyakan na nabuhay tayo bilang mga espiritu bago tayo naparito sa lupa. Pinagtitibay nito na ang buhay na ito sa lupa ay may layunin. Itinuturo nito na ang pinakamataas nating mithiin ay maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Ginagawa natin ito sa pagiging karapat-dapat sa maluwalhating selestiyal na kalagayan at ugnayan na tinatawag na kadakilaan o buhay na walang-hanggan, na magkakaloob sa atin ng kapangyarihan upang ipagpatuloy ang ating mga kaugnayan sa pamilya sa buong kawalang-hanggan.

Ang doktrina ni Jesucristo, kapag naunawaan sa kabuuan nito, ay ang plano kung saan tayo ay maaaring maging mga anak ng Diyos na siyang dapat nating kahinatnan. Ang walang bahid-dungis at perpektong kalagayan na ito ang magiging bunga ng patuloy na paggawa ng mga tipan, ordenansa, at mga hakbang; ng kabuuan ng mga wastong pagpili; at patuloy na pagsisisi. “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Ginawa itong posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo.

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nauunawaan, panlahatan, may awa, at totoo. Kasunod ng mahalagang karanasang mabuhay sa lupa, lahat ng anak ng Diyos sa huli ay mabubuhay na mag-uli at mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatiang mas maganda kaysa mauunawaan ng sinumang tao. Maliban sa iilang eksepsyon, maging ang pinakamasasama sa huli ay mapupunta sa isang kagila-gilalas—bagama’t mas mababang—kaharian ng kaluwalhatian. Lahat ng ito ay mangyayari dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak, at ginawang posible ito ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, “na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay” (D at T 76:43).

2. Kapangyarihan ng Priesthood

Ang pangalawa at pinakamahalagang katangian ng “tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” ay ang awtoridad ng priesthood.

Malinaw na nakasaad sa Biblia na kailangan ang awtoridad ng priesthood at na ang awtoridad na ito ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga taong mayhawak nito. Ang awtoridad ng priesthood ay hindi nagmula sa hangaring maglingkod o mula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nang mawala ang awtoridad na iyon ng priesthood dahil sa apostasiya, ibinalik ito ng mga nabuhay na mag-uling nilalang na nagtaglay nito noon sa mortalidad at isinugo upang magkaloob nito. Nangyari iyan bilang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, at ang awtoridad na iyon ng priesthood, kasama ang mga susing kailangan upang pangasiwaan ang paggamit nito, ay nasa Simbahang ito at wala sa iba.

Bilang bunga ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng priesthood, ang mga lider at ang may karapatang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyan ng karapatang magsagawa ng kinakailangang mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pangangasiwa ng sakrament.

Ang mga susi ng priesthood, na hawak ng pinakamamahal nating propetang si Pangulong Thomas S. Monson, at ng bawat propeta at Pangulo ng Simbahan, ay nagbibigay karapatan sa kanya na makatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Ang Simbahang ito ay “buhay” dahil may mga propeta tayo na patuloy na nagbibigay sa atin ng salita ng Panginoon na kailangan para sa ating panahon.

3. Patotoo kay Jesucristo

Ang pangatlong dahilan kung bakit tayo ang tanging tunay na Simbahan ay dahil nasa atin ang inihayag na katotohanan tungkol sa likas na pagkatao ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya, at dahil dito ay kakaiba ang ating patotoo kay Jesucristo. Ang mahalaga, ang ating paniniwala sa likas na katangian ng Diyos ang siyang nagpapaiba sa atin sa mga kinikilalang doktrina ng karamihan ng mga simbahang Kristiyano.

Ang Saligan ng Pananampalataya, ang ating tanging pormal na pahayag ng paniniwala, ay nagsisimula sa ganitong paraan: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.” Naniniwala tayo sa Panguluhang Diyos tulad ng iba pang mga Kristiyano, ngunit para sa atin iba ang kahulugan nito kaysa batid ng karamihan. Naniniwala tayo na ang tatlong miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang at ang Diyos Ama ay hindi isang espiritu kundi isang niluwalhating nilalang na may katawan, tulad ng Kanyang nabuhay na mag-uling Anak na si Jesucristo. Kahit magkakahiwalay sa katauhan, iisa ang Kanilang layunin.

Nakita sa Unang Pangitain ni Joseph Smith na ang mga umiiral na konsepto noon ng likas na katangian ng Diyos at ng Panguluhang Diyos ay hindi totoo at hindi maaakay ang mga nananalig dito sa tadhanang hangad ng Diyos para sa kanila (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19). Ang sumunod na pagbuhos ng makabagong paghahayag ay nagpalinaw sa kahalagahan ng pangunahing katotohanang ito at nagbigay din sa atin ng Aklat ni Mormon. Ang bagong aklat na ito ng banal na kasulatan ang pangalawang saksi ni Jesucristo. Pinagtitibay nito ang mga propesiya at turo sa Biblia tungkol sa likas na katangian at misyon ni Cristo. Pinalalawak nito ang ating pag-unawa sa Kanyang ebanghelyo at mga turo nang magministeryo Siya sa lupa. Marami rin itong itinuturo kung paano natin malalaman ang katotohanan ng mga bagay na ito.

Hindi tayo nakasalig sa karunungan ng mundo o sa mga pilosopiya ng tao—gaano man katatag o iginagalang ang mga ito. Ang patotoo natin kay Jesucristo ay nakabatay sa mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta at sa bawat isa sa atin. (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:1–5; 2 Nephi 28:26.)

Kung gayon, ano ang pinatitibayan natin sa ating patotoo kay Jesucristo?

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Siya ang Tagapaglikha ng mundong ito. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-katulad na ministeryo sa lupa, Siya ang ating guro. Dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, lahat ng nabuhay ay ibabangon mula sa mga patay. Siya ang Tagapagligtas, na kung kaninong nagbabayad-salang sakripisyo ay nagbayad para sa kasalanan ni Adan at nagbukas ng pintuan para tayo mapatawad sa ating mga kasalanan para malinis tayo upang makabalik sa piling ng Diyos, na ating Amang Walang Hanggan. Ito ang buod ng mensahe ng mga propeta sa lahat ng panahon.

Taimtim kong pinagtitibay ang aking patotoo kay Jesucristo at sa katotohanan ng Kanyang ebanghelyo. Siya ay buhay, at ang Kanyang ebanghelyo ay totoo. Siya ang Ilaw at ang Buhay ng Sanlibutan (tingnan sa D at T 34:2). Siya ang Daan tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan (tingnan sa Juan 14:6). Para sa akin, ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi kayang maintindihan. Ngunit binigyan ako ng Espiritu Santo ng patotoo tungkol sa katotohanan nito, at nagagalak ako na maaari kong iukol ang buhay ko sa pagpapahayag nito.

Detalye mula sa Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood, ni Walter Rane © IRI; ANG MGA HANGARIN NG AKING PUSO, NI Walter Rane, SA KAGANDAHANG-LOOB NG Church History Museum