2012
Natutong Maging Matapat si Abu
Marso 2012


Natutong Maging Matapat si Abu

“Katapatan sisimulan sa wika, at sa gawa” (Children’s Songbook, 149).

Nakaupo si Abu sa labas habang minamasdan ang mga taong nagdaraan sa kalye sa harap ng kanyang tahanan. Gutom na gutom na si Abu. Si Marian, ang babaeng nagtitinda ng matatamis na biskwit, ay malapit sa kanya, paroo’t parito sa kalye. Parang masarap ang mga biskwit na nakabalot sa makukulay na papel. Sunung-sunong ni Marian ang mga ito. Talagang gusto ni Abu ng isang balot ng mga biskwit na iyon. Alam niyang napakasarap ng mga iyon.

Tumigil si Marian at inilapag ang mga biskwit sa tapat mismo ni Abu.

“Alam niyang gutom ako at inilapag niya ang mga biskwit para sa akin!” naisip niya. Mabilis niyang dinampot ang isang balot ng mga biskwit.

Noon siya nakita ng kanyang itay. “Abu, ano ‘yang hawak mo?” tanong nito.

“Papa, gutom na gutom na po ako! Gusto ko po ng kaunting biskwit,” sabi ni Abu.

Magiliw na kinarga ni Papa si Abu. “Abu, gusto kong makakain ka ng ilang biskwit,” sabi nito. “Pero hindi ka puwedeng kumuha ng mga bagay mula sa ibang tao nang hindi nagsasabi o binabayaran ito. Tinanong mo ba si Marian kung puwede kang kumuha ng mga biskwit niya?”

“Hindi po,” sagot ni Abu, na nakatingin sa lupa.

“Ibalik natin kay Marian itong malaking balot ng mga biskwit, at ibibili kita ng maliit na balot. Gusto kong matuto kang maging matapat. Alam mo ba ang ibig sabihin nito?”

“Sabihin n’yo po sa akin, Papa,” sabi ni Abu.

“Ibig sabihin nito ay gawin ang tama,” sabi ni Papa. “Ibig sabihin ay bayaran ang mga bagay sa halip na nakawin. Ibig sabihin nito ay magsabi ng totoo sa halip na magsinungaling. Ibig sabihin ay gawin mo ang sinabi mong gagawin mo. Kaya’t babayaran natin si Marian para sa isang balot ng kanyang mga biskwit. Kailangan ni Marian ang pera para maibili ng pagkain ang kanyang mga anak. Mahal kita, Abu, at mahal ka rin ng Ama sa Langit. At maligaya Siya kapag ginagawa mo ang tama.”

“Mahal ko rin po kayo, Papa,” sabi ni Abu. “Gusto ko pong maging matapat palagi.”

Paglalarawan ni Don Seegmiller