2012
Tunay na Galak
Marso 2012


Tunay na Galak

Kanino ko maibabahagi ang ebanghelyo? Alam ko na kung kanino.

“At kung mangyayaring kayo ay … magdala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (D at T 18:15).

Nang basahin ng bishop ko ang talatang ito, lumukso sa tuwa ang puso ko. Para kong nakita ang aking sarili sa binyag ng isang taong nabahaginan ko ng ebanghelyo. Magiging napakaligaya ng kaibigan ko, at malalaman ng lahat na bibinyagan ang kaibigan ko dahil sa akin. Magagalak akong nang husto.

Naisip ko kaagad ang pangalan ni Angela. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan noon, at kailangan niya ang ebanghelyo. Natitiyak ko na ang pakikinig sa ebanghelyo at pagkaalam na siya ay anak ng Diyos ay makakatulong na masagot ang kanyang mga tanong at magpapatatag sa kanya.

Kinabukasan ay itinanong ko, “Hey, Ang, magba-barbecue kami sa simbahan sa Sabado. Gusto mong sumama?”

“Sige,” sagot niya, “mukhang masaya ‘yan.”

Dumalo siya, at sa paglipas ng mga buwan, patuloy ko siyang inanyayahan sa bawat aktibidad ng Simbahan na maisip ko. Pagkatapos ng bawat aktibidad ay tinatanong ko siya, “Ngayon, Ang, ano sa palagay mo?” Nauwi ito sa mga talakayan tungkol sa mga walang-hanggang alituntunin. Masaya ako. Anumang araw ay matatanggap ko na ang mga pagpapalang ipinangako ng Ama sa Langit.

Isang gabi ng taglamig bago sumapit ang Pasko, nagpasiya kami ni Angela na maglakad-lakad sa paligid ng Washington D.C. Temple. Nadama namin ang Espiritu Santo habang naglalakad kami, at alam kong may nadarama siya.

“Ano ang pakiramdam mo?” tanong ko.

“Parang gusto kong magpabinyag. … Sandali,” babala niya nang makita niya ang kasiyahan sa mukha ko. “Hindi ako maaaring binyagan ngayon, at hindi ko puwedeng papuntahin ang mga misyonero para bisitahin ako. Hindi papayag ang mga magulang ko. Pero, puwede bang ituro mo sa akin ang lahat ng nalalaman mo?”

Sa gulat ko, mapakumbaba akong sumagot, “Oo, sisikapin kong ituro ang lahat ng alam ko.”

Kalaunan nang gabing iyon naisip ko ang pangakong nagawa ko. Lahat ng alam ko? Pero paano kung hindi sapat ang alam ko? Sapat na ba ang lakas ng aking patotoo? Alam ko ba talaga na totoo ang ebanghelyo?

Nagpasiya akong simulan kinabukasan na alamin ang lahat ng maaari kong malaman tungkol sa ebanghelyo, upang magkaroon ng tunay na patotoo sa katotohanan nito.

Buong sigasig kong sinimulang basahin ang mga banal na kasulatan gabi-gabi. Naging mas taos ang mga panalangin ko habang isinasamo ko na malaman namin ni Angela kung totoo ang ebanghelyo.

Unti-unting dumating ang mga sagot. Sa mga talakayan namin kung minsan ay inaakay ako ng Espiritu na sabihin ang mga bagay na noon lang pumasok sa isip ko. Lalong lumakas ang aking patotoo sa pagbabahagi ko nito. Naging tunay sa akin ang mga banal na kasulatan.

Naroon ang mga magulang ko para tulungan ako. Sila ay mahalagang sanggunian, at lalo ko silang natutuhang mahalin at pasalamatan.

Pagkaraan ng limang taon hindi pa rin miyembro ng Simbahan si Angela. Kung hahatulan ko ang sarili ko batay sa inaasahan ko bilang estudyante sa ikawalong baitang, bagsak ako. Hindi ako naupo sa isang binyag at natanggap ang “kagalakan” sa papuri ng lahat sa isang taong nakapagdala ng isang kaibigan sa ebanghelyo. Gayunman, nagbago ang mga inaasahan ko. Lalo kong nailapit sa Diyos ang sarili kong kaluluwa. Kahit hindi sumapi si Angela sa Simbahan, ang pag-aaral at pagtuturong ginawa ko ay hindi nasayang. Naragdagan ang kaalaman niya tungkol sa ebanghelyo, at ang pagbabahagi nito sa kanya ay nagpabago sa akin. At tinulungan ako nito na maging mas epektibo sa pagbabahagi nito sa iba.

Ang pangakong kagalakan sa Doktrina at mga Tipan ay hindi nangangahulugan ng papuri ng mundo. Malaki ang kagalakan ko dahil mas nakilala ko ang aking Tagapagligtas at nagkaroon ako ng malakas na patotoo sa Kanyang ebanghelyo.

Paglalarawan ni Julie Rogers