2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Marso 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“May Kabutihan Ba Akong Nagawa sa Mundo Ngayon?” pahina 14: Isiping magsimula sa pagkanta ng “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15). Basahing magkakasama ang artikulo o piliin ang paborito ninyong bahagi na ipapabasa ninyo. Tanungin ang mga miyembro ng pamilya kung ano ang natutuhan nila tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson. Magbigay ng mga lapis at papel para makapagsulat ang lahat ng patotoo tungkol kay Pangulong Monson bilang buhay na propeta. Anyayahan ang mga kapamilya na palakasin ang patotoong ito sa pamamagitan ng taimtim na panalangin. Isiping magtapos sa pagkanta ng “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135).

“Isang Panawagan para sa mga Indexer sa Buong Mundo,” pahina 34: Basahin ang artikulo bago magsimula. Sa family home evening, ipaliwanag kung bakit mahalagang bahagi ng family history ang FamilySearch indexing at bakit kailangan pa ng maraming indexer. Kung may computer at Internet access kayo sa bahay, mag-log on sa indexing.familysearch.org. Gawan ng mga account ang mga miyembro ng pamilya na hindi pa nakapag-index at maglaan ng oras sa indexing nang magkasama.

“Sundin ang Propeta,” pahina 42: Ibuod ang artikulo para sa inyong pamilya. Maaari ninyong basahin nang sabay-sabay ang huling bahagi ng artikulong, “Pagkatutong Makinig sa Turo ng Propeta.” Repasuhin ang mga katagang sinabi ni Elder Bennett na makatutulong sa atin na mahiwatigan ang tagubiling ibinibigay sa atin ng mga propeta. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pakinggan ang mga katagang ito sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na buwan. Isiping magtapos sa pagpapatotoo ninyo tungkol sa pagsunod sa propeta.

“Mag-isa Ngunit Hindi Nag-iisa,” pahina 54: Magsimula sa pagtatanong kung nadama na ba ng mga miyembro ng pamilya na nag-iisa sila sa pagsisikap na ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon. Paano nila napaglalabanan ang damdaming ito? Ibahagi ang kuwento ni Juan Cabrera. Isiping ipabahagi sa isang tao kung paano niya sinunod ang mga utos kapag hindi sumusunod ang iba at paano siya pinagpala sa pagsunod na iyon.

“Magpasiya Ngayon Din,” pahina 66: Matapos basahin ang artikulo, sagutin ang mga tanong nang “Oo o Hindi?” kasama ang inyong mga anak. Pagkatapos ay mag-isip ng iba pang mga sitwasyon na kailangang pumili sa pagitan ng tama at mali at magtanong kung ano ang gagawin nila sa bawat sitwasyon.

Nabigyang Inspirasyon ng Manwal sa Nursery

Ang pinakamagandang family home evening na naalala ko ay nagsimula sa isang aktibidad sa manwal ng nursery. Kasama ang aming maliliit na anak na babae, nilagyan naming mag-asawa ng aksiyon ang isang activity verse. Binasa namin: “Kung napakatangkad mo, kilala at mahal ka ng Ama sa Langit. Kung napakaliit mo, kilala at mahal ka ng Ama sa Langit. Matangkad, Maliit, Matangkad, Maliit, kilala at mahal tayong lahat ng Ama sa Langit.” Habang nagbabasa kami, umupo at namaluktot kami o umunat at itinaas ang bisig at itinuro na anuman ang ating hitsura, mahal tayo ng Ama sa Langit. (Tingnan sa Masdan, ang Inyong mga Musmos [2008], 9.)

Pagkatapos, kaming mag-asawa kasama ang mga anak namin ay umalis para bumili ng ilang fruit tart, at magkakasama naming kinain ang mga ito. Tuwang-tuwa ang mga bata kaya gusto nilang ulitin ang aktibidad na maliit-at-matangkad nang linggong iyon.

Ang kagandahan ng family home evening ay nasa pag-aangkop nito. Ang family home evening namin ay maiksi at simple para sa maliliit naming mga anak, ngunit sinisikap naming turuan sila ng mga pangunahing alituntunin tulad ng pagmamahal, kabaitan, at pagdarasal nang magkakasama.

Valentina Portolan Simonovich, Italy