2012
Mag-isa Ngunit Hindi Nag-iisa
Marso 2012


Mag-isa Ngunit Hindi Nag-iisa

Saan man kayo nakatira, may mga pagkakataon na nadarama ninyong naiiba kayo. Kapag nangyayari iyan, mahalagang manatiling nakapokus at gawin ang tama.

Alam ni Juan Cabrera, isang 18-anyos mula sa Cuenca, Ecuador, kung ano ang pakiramdam ng maging kaiba. Isa lamang siya sa iilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang lungsod na mayroong mga 500,000 mamamayan, at ang hatak na bumigay sa tukso ay napakalakas. Ngunit alam ni Juan na may isang pinagmumulan ng lakas na higit kaysa anumang tukso.

Pagkakaroon ng Pokus

Noong bata pa ay tinuruan na si Juan ng kanyang mga magulang na sundin ang mga pamantayang magpapala sa kanyang buhay. Nakatulong ito sa kanyang paglago at pagpapahusay ng kanyang mga talento. “Bata pa ako, naging mithiin ko na sa Primary at Young Men na matutong tumugtog ng mga instrumento,” paliwanag niya. “Tumutugtog ako ng biyolin, plauta, piyano, at ngayon ng gitara. Gitara ang pinakagusto ko sa lahat.”

Nagtakda rin si Juan ng mga mithiin para manatiling malusog batay sa Pagganap ng Aking Tungkulin sa Diyos. Sa paglipas ng mga taon nakapag-aral siya ng tae kwon do, paglangoy, at gymnastics, at kasama pa siya sa koponan ng mga mananakbo sa high school.

“Gustung-gusto kong matuto. Kaya nga lagi kong tinatanggap ang hamon na matutong tumugtog ng isang bagong instrumento o isport, para may iba pa akong matutuhan,” sabi niya.

Ang mga mithiing ito ay sumuporta rin sa isang mas malaking mithiin. “Lahat ng ginawa ko, lahat ng pinag-aralan ko, lahat ng pisikal na paghahanda, lahat ng mithiing itinakda ko—lahat ay dahil sa layunin kong makapagmisyon,” paliwanag niya. “At ang pagmimisyon ay bahagi lamang ng isa pang mithiin: ang mabuklod sa templo at maging mabuting asawa.”

Pagkatutong Magsabi ng Hindi

Kahit nakapokus na mabuti, alam ni Juan na hindi madaling magtuon ng pansin sa target. Ilang taon na ang nakalilipas nakahugot siya ng lakas sa nakatatandang kabinataan sa kanyang ward. Ngunit karamihan sa kanila ay lumipat na o kaya’y dumadalo na sa elders quorum, at naiwan si Juan sa iilang kaibigan sa Simbahan na susuporta sa kanya kapag mahirap ang mga bagay-bagay. Sa gayong mga pagkakataon, humahanap si Juan ng lakas mula sa kanyang mga magulang at kapatid—at mula sa kanyang Ama sa Langit.

“Kung minsan medyo nalulungkot ka dahil naiiba ang iyong mga pamantayan, ang paraan ng pamumuhay, ang pakikitungo sa ibang tao, ang paghahanap ng iba’t ibang bagay sa buhay. Ngunit ang totoo ay hindi ka kailanman nag-iisa,” may tiwalang pagdaragdag ni Juan. Nariyan palagi ang panalangin, at palagi tayong makalalapit sa ating Ama sa Langit. Palagi akong nagdarasal na magkaroon ng lakas na gawin ang tama, na magkaroon ng lakas ng loob na manindigan sa aking mga kaibigan kapag hindi tama ang kanilang ginagawa.

“At alam ba ninyo?” pagpapatuloy niya. “May mga pagkakataon na sinabi sa akin ng mga kaibigan ko na hanga sila sa halimbawa at lakas ng loob kong magsabi ng hindi.”

Paninindigan

Ang ilan sa mga tuksong nakaharap ni Juan ay madaling tanggihan. Madali siyang magsabi ng hindi kapag niyaya siya ng isang kaibigan na uminom ng alak. Malinaw na paglabag iyon sa mga kautusan.

“Ngunit may mga pagkakataon na hindi mo mapapansin ang mga tukso,” paliwanag ni Juan. “Gaya ng sinasabi sa mga banal na kasulatan, kung minsan ito’y nakabalatkayo [tingnan sa Mateo 7:15]. Ang mga tukso ay maaaring magmukhang hindi masama dahil mukha namang hindi ito lalabag sa isang partikular na kautusan. Sa pagkakataong iyon mo kailangang magdasal para malaman kung ano ang nangyayari para hindi ka malito. Tinutulungan ako ng Espiritu na maunawaan ito nang maraming beses kapag may mali o kapag sinisikap ng mga tao na pagawin ako ng masasamang bagay.”

Habang naghahanda si Juan para sa kanyang misyon, nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan sa Simbahan na sumusuporta sa kanya.

“Halimbawa na ako ng ibang kabataan ngayon, at pagpapala ito sa akin,” sabi niya. “Tinutulungan ako nitong maunawaan na sulit ang pagsisikap na maging malakas, maging matapat.”

Itaas: Si Juan kasama ang kanyang pamilya. Ibabaw: isa sa apat na ilog na dumadaloy sa Cuenca.

Mga larawang kuha ni Joshua J. Perkey