2014
Paano Nila Nalaman?
Abril 2014


Paano Nila Nalaman?

Gale Ashcroft, Arizona, USA

Nagbigay ng mensahe si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa kababaihan ng Relief Society noong 2011 general Relief Society meeting na umantig sa puso ko at nagbigay sa akin ng kapayapaan. Nagsalita siya tungkol sa mga bulaklak na forget-me-not at kung paano kinakatawan ng limang maliliit na talulot ang limang bagay na dapat nating tandaan palagi.1

Pagkatapos ng miting nagkuwento sa akin ang anak kong si Alyssa tungkol sa kaibigan niyang si Jessie, na may maliit na catering business. Hinilingan si Jessie ng kanyang mga lider sa stake Relief Society na gumawa ng isang panghimagas na isisilbi pagkatapos ng general Relief Society meeting. Sinabi ni Jessie kay Alyssa na alam na niya kaagad kung ano ang dapat niyang gawin—250 cupcake. Nagboluntaryong tumulong si Alyssa na dalhin ang mga cupcake sa stake center.

Dumating ang araw ng miting, at nang magpunta si Alyssa para tumulong, nakita niyang naluluha si Jessie. Handa na ang mga cupcake, pero nagpadala si Jessie ng larawan ng mga ito sa isang kamag-anak na nagsabing hindi gaanong maganda ang dekorasyon nito para sa miting.

Nagsimulang mawalan ng tiwala si Jessie sa kanyang sarili. Naisip niya na aasahan ng mga stake Relief Society leader ang isang bagay na mas maganda kaysa simple niyang mga cupcake. Balisang sinikap niyang pag-isipan kung paano pa pagagandahin ang mga cupcake, pero wala nang oras. Kinuha nila ni Alyssa ang mga cupcake nang hindi na ito ginagalaw, at pakiramdam ni Jessie ay binigo niya ang kababaihan—hanggang sa magsalita si Pangulong Uchtdorf.

Habang nagsasalita siya tungkol sa mga bulaklak na forget-me-not, isang larawan ng maliit na asul na bulaklak ang lumabas sa screen. Napakasimple ng bulaklak na ito pero napakaganda na may maninipis na ugat sa mga talulot. Naantig ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf ang puso ng lahat nang makiusap siya sa atin na huwag pagambala sa malalaki at kakaibang mga bulaklak sa ating paligid na nalilimutan natin ang limang simple ngunit mahahalagang katotohanang itinuturo niya sa atin.

Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, tumuloy ang kababaihan sa cultural hall. Nang pumasok sina Alyssa at Jessie, nakita nilang nakapalibot ang lahat sa mesa kung saan naroon ang mga panghimagas at nagtatanong, “Paano nila nalaman?”

Bawat cupcake ay nilagyan ng simpleng puting icing at dinekorasyunan ng simple at magandang bulaklak na forget-me-not na may limang maninipis na talulot.

Tala

  1. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Mo Akong Kalimutan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 120.