2014
Naghihintay sa Pagsikat ng Araw
Abril 2014


Naghihintay sa Pagsikat ng Araw

Julia Wagner, Ohio, USA

Binalot ng dilim ang silid habang gising akong nakahiga at nakikinig sa paghinga ng aking asawa, na pinakikiramdaman kung tulog na siya. Dalawang araw pa lang mula nang pumanaw ang aming 12-taong-gulang na anak na babae dahil sa isang malubhang aksidente. Muli akong pumikit, ngunit hindi ako makatulog. Nanabik ang puso ko para sa aking anak. Hindi mapawi ng lahat ng alam ko tungkol sa plano ng kaligtasan ang sakit ng pangungulila ko sa kanya.

Nang mag-uumaga na, bigla akong nakadama ng matinding pananabik. Hindi magtatagal at sisikat na ang araw, at nakita ko sa aking isipan ang kalangitan na nalalatagan ng malamlam na liwanag na kulay-rosas. Mahilig sa kulay-rosas ang aming anak. Kulay-rosas na sikat ng araw ang talagang kailangan ko para madama kong malapit akong muli sa kanya.

“Halika’t masdan natin ang pagsikat ng araw,” bulong ko sa asawa kong inaantok pa.

Tumayo kami sa driveway, humarap sa silangan, at naghintay … nang naghintay. Bagama’t umaliwalas ang kalangitan, hindi sumilip ang araw sa pagitan ng mababang mga ulap.

Inihilig ko ang aking ulo sa balikat ng asawa ko at bumuntung-hininga ako, na sinisikap na magkunwaring hindi iyon mahalaga. Pero gusto ko pa. Kailangan ko pa. Tiyak na ibibigay ng Ama sa Langit ang hangarin kong ito matapos Niyang kunin ang aming malambing na anak.

Nang pumihit ang asawa ko para pumasok sa loob, na nakatingin sa likuran namin sa kanluran, sabi niya, “Tingnan mo!”

Tumingin ako. Nasa likuran namin ang mga ulap na puno ng manipis at kulay-rosas na ginintuang liwanag. Nangapos ang hininga ko, at napaluha ako. Mas maganda pa ito kaysa inakala ko. Parang niyakap ako ng aming anak. Alam ko na alam ng Ama sa Langit ang nagdadalamhati kong puso at nagpadala Siya ng pangako ng pag-asa para sa hinaharap—isang magiliw na paalala tungkol sa mga walang-hanggang pamilya at lahat ng magagandang sandaling darating.

Madalas kong pag-isipan ang magandang sandaling iyon at ang bagong pananaw na ibinigay nito sa akin. Sino ang naghahanap ng pagsikat ng araw sa kanluran? Gayunman doon naghintay ang himala sa akin. Ilang pagpapala at himala na ba ang nalagpasan ko dahil nagmula sila sa mga lugar na di-inaasahan? Ilang beses ko bang pinagtuunan ang sa akala ko ay nararapat at hindi nakita ang siyang nararapat?

Walang-humpay ang aming pagdarasal para sa himalang ipinagkait sa amin, ngunit nang tingnan ko ang paligid nang may bagong pananaw, nakita ko ang himala ng apat na buhay na bumuti dahil sa ibinigay na mga organ ng katawan ng aming anak, ang himala ng pagmamahalan sa pamilya at pagkakaisa sa ward, at ang himala ng paglilingkod. Labis akong nalungkot, ngunit napuspos din ng matinding pag-asa ang aking kaluluwa sa bawat kulay-rosas na pagsikat at paglubog ng araw, at bawat kulay-rosas na bulaklak na nadaraanan ko.

Ngayon tuwing sisikat ang araw, tumitingin ako sa silangan at pagkatapos ay pumipihit ako sa kanluran. Napapangiti ako sa kaalaman na laging may mga himala at pagpapalang matatagpuan—at na ang araw ay laging sisikat sa ating mga kapanglawan kung tutulutan natin ito.