2014
Mga Missionary Training Center Tumutulong sa Pagpapabilis ng Gawain ng Kaligtasan
Mayo 2014


Mga Missionary Training Center Tumutulong sa Pagpapabilis ng Gawain ng Kaligtasan

Sa iba’t ibang dako ng mundo, 15 mga missionary training center ang nagbibigay ng training sa mahigit 85,000 mga missionary mula sa 143 mga bansa. Ang mga missionary ay natututo ng 55 wika mula sa 1,600 mga tagapagturo, at saka naglilingkod nang hanggang dalawang taon sa 405 na mga mission sa mahigit 150 mga bansa.

Sa pagdami ng bilang ng mga missionary mula nang baguhin ang edad sa pagmimisyon noong Oktubre 2012, nagkaroon ng mas maraming missionary sa MTC kaysa rati. Sa pagkakaroon ng isa man lang na MTC sa bawat bahagi ng mundo, laging may training na ginagawa roon.

Karaniwang dumarating ang mga missionary sa MTC na may espirituwal na kaalamang natamo mula sa pagtuturo sa tahanan at sa Simbahan. Ang mga center ang naglalaan ng karagdagang training kabilang na ang kung paano magturo sa paraan ni Jesucristo at paano aanyayahan ang mga tao na sumunod sa Kanya. Ang mga missionary ay nagpapraktis magturo, tumatanggap ng training sa wika kung naaangkop, nakikinig sa lingguhang mga mensahe sa debosyonal mula sa mga lider ng Simbahan at tauhan ng MTC, at nakikibahagi sa mga pagkakataong maglingkod.

Ang pinakamalaking MTC ay nasa Provo, Utah, USA. Ito ay naglalaan ng training sa libu-libong missionary sa 55 mga wika. Ang ikalawang pinakamalaking MTC ay matatagpuan sa Mexico City, Mexico. Noong Hunyo 2013 mula sa isang maliit na gusali ay inilipat ito sa isang 90-akreng kampus na dating ginagamit ng isang private high school ng Simbahan, ang Benemerito de las Americas. Kasya sa dating lokasyon ang 125 mga missionary nang sabay-sabay; kasya sa bagong lokasyon ang mahigit 1,000.

Ang karagdagang mga MTC ay nasa Buenos Aires, Argentina; São Paulo, Brazil; Santiago, Chile; Bogotá, Colombia; Santo Domingo, Dominican Republic; Preston, England; Accra, Ghana; Guatemala City, Guatemala; Auckland, New Zealand; Lima, Peru; Manila, Philippines; Johannesburg, South Africa; at sa Madrid, Spain.