2015
Ang Sikretong Panlaban
Enero 2015


Ang Sikretong Panlaban

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Minamaliit ng lahat ang kayang gawin ni Ivy.

“Lahat may ibibigay” (Children’s Songbook, 236).

“Huwag si Ivy! Babae siya,” bulong ni Braden kay Adam.

Pero si Adam ang team captain ng dodgeball sa araw na iyon, at nakapili na siya. “Si Ivy ang napili ko,” sabi niyang muli nang mas malakas. Napangisi si Tyler, ang isa pang team captain. Mukhang nagulat si Coach Garcia sa pangalawang pinili ni Adam.

Mukhang nagulat din si Ivy at nahihiyang lumapit. Napabuntung-hininga si Braden.

Hindi lang karaniwang babae si Ivy. Siya ang pinakamaliit na bata sa klase. Mukhang mabagal siyang kumilos, at parang mas malaki pa ang bola kaysa sa kanya. “Baka nga ni hindi niya kayang buhatin ang bola,” sabi ni Braden habang papalapit si Ivy.

“Siguro siya ang magiging sikretong panlaban natin,” sabi ni Adam, sinisikap na ipakitang nakasisiguro siya. Pero hindi iyon ang dahilan kaya niya pinili si Ivy. Sinabi minsan ni Ivy kay Adam na ayaw niya kapag naglalaro sila ng sports dahil siya ang laging huling pinipili. Tinukso ng ibang batang lalaki si Ivy, pero sinabi nina Inay at Itay kay Adam na dapat igalang ng mga batang lalaki ang mga batang babae. Kaya pinili niya si Ivy. Nang makita niyang pinili ni Tyler ang pinakamalalaking batang lalaki sa klase, umasa si Adam na tama ang naging desisyon niya.

Nang nasa kani-kanyang team na ang lahat, sumilbato si Coach Garcia, at nagtakbuhan sa magkabilang dulo ng court ang mga team. Iniabot ni Coach Garcia kay Tyler ang bola, at inilibot ni Tyler ang tingin niya sa team ni Adam bago siya tumuon kay Ivy. Ibinuwelo niya ang kanyang braso at inihagis ang bola.

Bam! Bumagsak ang bola sa lupa at tumalbog nang walang sinumang tinamaan. Napakurap si Adam. Tiyempo ang paglipat ni Ivy ng puwesto. Tila nagulat ang lahat ng nakapaligid kay Adam, pero ngumiti lang siya. Siguro tama nga ang ginawa niyang pagpili kay Ivy.

Nagpatuloy ang laro. Pinilit ni Tyler na patamaan ng bola si Ivy, pero panay ang igtad at ilag nito. Walang makatama sa kanya ng bola. Abala si Tyler at ang ilan sa kanyang mga kakampi na patamaan ng bola si Ivy kaya hindi na pinuntirya pa ang iba. Napangisi si Adam—ang pagiging maliit ni Ivy ang talagang mas nagpahusay sa kanya sa dodgeball dahil maliit at mabilis siya kaya mas mahirap siyang tamaan.

Sa wakas ay nanalo rin sa laro ang team ni Adam. “Sikretong panlaban nga siya,” sabi ni Braden. “Ang galing ni Ivy.”

“Oo nga,” sabi ni Tyler. “Sa susunod, kasama na siya sa team ko. Siguradong mananalo tayo!” Nakangiti si Ivy habang naglalakad pabalik sa klase, na napaliligiran ng kanyang mga kasama sa team.

Hindi mapigilan ni Adam na mapangiti habang sinusundan niya ang grupo. Naging mabait siya kay Ivy, at natulungan niya ang iba pang mga batang lalaki na maging magalang pa sa mga batang babae. Ang pinakamatinding panlaban ay hindi naman talaga sikreto—pagiging mabait lang ito.