2015
Ang Sentro ng Buhay Ko
Enero 2015


Paano Ko Nalaman

Ang Sentro ng Buhay Ko

Ang awtor ay naninirahan sa Arequipa, Peru.

Alam ko ang tungkol sa ministeryo ni Cristo mula sa Biblia, ngunit talaga kayang binisita Niya ang lupain ng Amerika?

Nang mag-18 anyos ako, pinayagan ako ng tatay ko na magpabinyag sa anumang simbahang gusto ko. Gusto kong sumapi sa isang simbahang Kristiyano dahil napag-aralan ko ang Biblia sa ilang kongregasyon at naniniwala ako kay Jesucristo.

Isang araw inanyayahan ng tiyo ko ang dalawang sister missionary sa bahay namin. Nagsalita sila nang may labis na pananalig tungkol sa paniniwala nila na ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo, na nagsasabing binisita Niya ang kontinente ng Amerika.

Sa puntong iyon, sinabi ko ang aking opinyon na siguro ay mali sila, dahil hindi ko pa napag-aralan iyan sa buong buhay ko. Lumuluha at buong kabaitang sinabi sa akin ng isa sa mga sister missionary, “Brother Roberto, hindi dahil sa hindi mo alam na ang Aklat ni Mormon ay totoo ay mali na kami. Alam ko na mahal tayo ni Jesucristo at pumunta Siya noon sa kontinenteng ito at itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo tulad ng ginawa Niya sa Banal na Lupain.”

Sinikap nilang tulungan ako sa marami kong pag-aalala at pagdududa sa unang talakayang iyon, at pumayag akong bisitahin nila nang sumunod na linggo.

Nang gabing iyon sinimulan kong buklatin ang mga pahina ng Aklat ni Mormon. Habang binabasa ko ang pahina ng pamagat, natuon ang pansin ko sa isang parirala: “Si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.” Binasa ko rin ang 3 Nephi 11 tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika, at nakadama ako ng kagalakan sa puso ko. Kaya ginawa ko ang ipinagagawa sa akin ng mga missionary: lumuhod ako at nagtanong sa aking Ama sa Langit kung totoo ang aklat.

Pagkatapos kong manalangin, nakadama ako ng kapayapaan at katiyakan na totoo nga ito. Sa sandaling iyon akala ko’y naantig ako ng mga luha ng mga sister kaya ako naniwala sa kanilang patotoo. Kaya patuloy kong binasa ang Aklat ni Mormon hanggang lumampas na ang alas-4:00 ng umaga. Tuwing magdarasal ako, lalo ko pang nadarama na totoong dumating si Cristo sa lupain ng Amerika at gusto Niyang malaman ko pa ang tungkol sa Kanyang totoong ebanghelyo.

Sa loob ng ilang linggo, natapos kong basahin ang Aklat ni Mormon at nadama ko na kailangan kong magpabinyag sa totoong Simbahan.

Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay nakatulong sa akin na mas mapalapit kay Jesucristo at gawin Siyang sentro ng buhay ko. Labis akong nagpapasalamat na inilagay ng Tagapagligtas ang mga missionary at ang Kanyang Simbahan sa aking landas.