2018
Nailigtas mula sa Putik
Disyembre 2018


Nailigtas mula sa Putik

“Ibabahagi ko ang pag-ibig ni Cristo at sa kapwa tao, maglilingkod ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42).

Larawan
Saved from the Mud

Ang pamilya ko ay naninirahan sa São Paulo, Brazil. Sa kabilang panig ng aming kalye, may kakahuyan ng mga punong bakawan. Ang mga kakahuyang bakawan ay may mga ilog na bumabagtas sa pagitan ng mga puno. Ang lupa ay napakamaputik.

Maraming tao ang nagtayo ng mga tirahan sa maputik na lupang iyon. Naglagay sila ng malalaking troso sa putikan. Pagkatapos ay itinayo nila ang kanilang tahanan sa ibabaw ng mga ito. Subalit kapag umuulan, umaapaw ang ilog. Pumapasok ang tubig sa kanilang mga bahay. Pagkatapos ay walang matutulugan kapag gabi ang mga tao.

Kapag nangyayari iyan, ang ama ko ay inaanyayahan silang lahat sa aming tahanan. Kung minsan ay kasinrami ng 15 tao ang naroroon! Sila ay dinadala niya sa aming sala at binibigyan ng mga kumot. Si ina ay ipinagluluto sila ng anumang makakain. Pagkatapos ay matutulog sila sa aming bahay hanggang sa kinabukasan.

Ito ay nangyari nang hindi bababa sa tatlo o apat na beses. Naalala ko na iniisip ko na, “Hindi maraming tao ang tatanggap ng mga di kakilala.” Ang ama ko naman ay pumapayag na ang mga taong hindi namin gaanong kakilala ay matulog sa aming bahay! Subalit pagkatapos ay naiisip ko na, “Wala na silang ibang mapupuntahan.”

Ang mga magulang ko ay palaging gumagawa ng mga bagay para tumulong sa mga tao. Subalit ang paglilingkod nila ay higit pa sa pagtulong at pagbibigay lang. Ito ay pagpapakita ng pagmamahal sa aming kapitbahay, maging kapag ang aming kapitbahay ay isang tao na hindi namin gaanong kakilala.

Dapat tayong tumulong sa mga taong nangangailangan. Dapat tulungan natin sila sa abot ng ating makakaya. Hindi natin dapat limitahan kung ano ang magagawa natin para makatulong sa mga tao. Makapagbibigay tayo ng matitirhan at mga kinakailangan. Makapagbabahagi tayo ng ating oras. Makapagbabahagi tayo ng ating kaalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.