2018
Paglilingkod na Tulad ng Ginawa ng Tagapagligtas
Disyembre 2018


Paglilingkod na Tulad ng Ginawa ng Tagapagligtas

Kapag ginawa mo ang lahat para tulungan ang iba, bubuksan ng Tagapagligtas ang iyong mga mata para makakita ka nang may pagmamahal at habag.

Larawan
ministering with elderly woman

Nakapansin na tayong lahat ng isang kaibigan na nahihirapan o ng isang taong nalulumbay o pinagtatawanan sa paaralan. Narinig mo na siguro ang tungkol sa isang tao sa iyong ward o branch na may pinagdaraanang malaking hamon. Sa ganitong mga pagkakataon, ano ang magagawa mo?

Kung minsa’y mahirap malaman kung paano ka makakatulong. Parang mas madali pang hintaying kumilos ang iba, pero marami kang magagawa, kahit ipaalam lang sa mga tao sa paligid mo na nagmamalasakit ka. Nasa paligid natin ang mga oportunidad, at sa tuwing nagpapakita ka ng pagmamahal, pagmamalasakit, at interes sa iba, ikaw ay nagmiminister.

Personal na Ministeryo

Ministering. Madalas mo sigurong marinig ang salitang iyon sa simbahan nitong huli. Noon, karaniwa’y pinag-uusapan natin ang pagministeryo ng Tagapagligtas o ng mga propeta at apostol, ngunit naisip mo na ba kung ikaw ay may personal na ministeryo?

Ang ibig sabihin ng mag-minister ay magmahal at magmalasakit sa iba at gawin ang mga bagay na gagawin ng Tagapagligtas kung kapiling natin Siya ngayon. Ang ministering ay isang paraan para matulungan ang iba na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at matugunan ang kanilang espirituwal at temporal na mga pangangailangan.

Si Jesus ay “hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28). Siya ay naglingkod na “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Bilang Kanyang mga disipulo, nahilingan tayong sundan ang Kanyang halimbawa. Mayroon nga tayong personal na ministeryo!

Ngunit hindi mo kailangang mag-organisa ng napakalaking serbisyong proyekto para mag-minister. Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ilang pagkakataong maglingkod ay pormal—sa ating pamilya, mga tungkulin sa Simbahan, at paglahok sa mga organisasyong naglilingkod sa komunidad. …

[Subalit] maraming pagkakataong maglingkod na hindi pormal—hindi itinatalaga—at dumarating kapag tumutulong tayo sa ibang mga taong nakikilala natin sa buhay na ito.”1

Madalas, ang paglilingkod na tulad ng ginawa ni Cristo ay nangyayari sa maliliit at tapat na ginagawa mo araw-araw.

Isa-Isa

Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mga Nephita, sinabihan Niya ang lahat na lumapit at salatin ang mga marka ng pako sa Kanyang tagiliran at sa Kanyang mga kamay at paa. “At ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit” (3 Nephi 11:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Pagkatapos ay hinikayat Niya silang dalhin ang lahat ng maysakit, nasasaktan, o “nahihirapan sa anumang dahilan … at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (3 Nephi 17:7, 9; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pagkatapos nito, kinuha Niya “ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Larawan
Christ blesses the Nephites

Christ Visits the Nephites, ni Minerva K. Teichert

Hindi ito isang maliit na grupo ng mga tao. Sabi sa atin ng mga banal na kasulatan na mga 2,500 katao ang naroon (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Ngunit nag-ukol pa rin ng oras ang Tagapagligtas para pagalingin, aliwin, hikayatin, at pakitaan ng pagmamahal ang bawat tao.

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tunay na may malalim at magiliw na personal na mensahe rito. Lahat tayo’y pinaglilingkuran at minamahal ni Jesucristo, bawat isa.”2 Ang pagmamahal na ipinapakita ni Jesus sa isang nangangailangan ang siyang kung ano ang ministering.

Mga Mata upang Makakita

Tinulungan ng Tagapagligtas ang mga tao sa paligid Niya. Sabi ni Jean B. Bingham, Relief Society General President, Siya ay “ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain, at nagpatawad. Naglingkod Siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala Niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo.”3

May mga mata si Jesucristo para makita ang mga pangangailangan ng lahat ng nasa paligid Niya, at tinulungan Niya silang lahat! Masusundan natin ang Kanyang halimbawa at matutulungan din natin ang mga nangangailangan ng ating tulong.

Ngunit ang Tagapagligtas ay perpekto. Paano natin makikita ang mga pangangailangan ng iba at mapaglilingkuran sila na tulad ng ginagawa Niya? Sabi ni Pangulong Ballard: “Sa pagdarasal ninyo tuwing umaga, hilingin sa Ama sa Langit na gabayan kayo na magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang isa sa Kanyang mahal na mga anak. At saka humayo sa buong maghapon na ang puso ay puno ng pananampalataya at pagmamahal, naghahanap ng matutulungan. … Kung gagawin ninyo ito, lalakas ang inyong espirituwal na pakiramdam at makakakita kayo ng mga pagkakataong maglingkod na hindi ninyo aakalaing posible.”4

Kumilos ayon sa mga Paramdam

Isipin ang sitwasyong ito: Nakita mo ang kaibigan mo sa paaralan, at parang medyo malungkot siya. Pakiramdam mo may dapat kang gawin para sa kanya, pero nag-aalala ka na baka magambala mo siya o baka siya o ikaw ang mapahiya. Pagkatapos ay nagsimula kang mag-alala kung espirituwal na paramdam ba iyon o nasa isip mo lang.

Kung minsa’y mahirap malaman kung ang natatanggap mo ay espirituwal na paramdam na maglingkod o nasa isip mo lang iyon, pero itinuro sa atin ni Mormon kung paano matukoy ang mga espirituwal na paramdam: “Yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay pinapatnubayan ng Diyos” (Moroni 7:13).

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Kung mapagmasid tayo, at kung kumikilos tayo ayon sa mga paramdam na dumarating sa atin, marami tayong magagawang kabutihan.”5

Ang Pagmiminister ay para sa Lahat

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2018, ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang Panginoon ay gumawa ng mahahalagang pagbabago sa paraan ng pangangalaga natin sa isa’t isa. Ang mga kapatid na babae at lalaki—matanda at bata—ay magsisilbi sa isa’t isa sa bago at mas banal na paraan.”6 Kabilang rito ang mga oportunidad na makapagsilbi bilang magkompanyon, ngunit ang paglilingkod ay hindi lang isang bagay na ginagawa natin sa araw ng Linggo o sa mga aktibidad sa Mutwal. Hindi lamang ito isang responsibilidad na may kalakip na ilang tungkulin. Ang ministering ay para sa lahat. Ginagawa ito sa lahat ng oras.

Larawan
shaking hands

Kapag binibinyagan tayo, nangangako tayong maging “[handang] magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; oo, at [maging handang] makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9). Ang pag-minister sa iba ay bahagi ng ipinangako nating gawin.

Sabi ni Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, “Nais ng Panginoon na tingnan ninyo ang mga kaedad ninyo at pagkatapos ay maglingkod tulad ng gagawin Niya.”7 Kapag ginawa mo ito, bubuksan Niya ang iyong mga mata para makita mo nang may pagmamahal at habag kung paano pagsilbihan ang iba. Hindi ka Niya pababayaang manghula kung ano ang dapat mong gawin. Gagabayan ka Niya kung paano mo sila higit na mapaglilingkuran.

Ang Ministering ay Naghahatid ng mga Pagpapala

Sabi ni Pangulong Nelson, “Bilang mga lingkod [ng Panginoon], maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya.”8 Hindi lang nito pinagpapala ang iba; pinagpapala rin tayo nito.

Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag pinaglingkuran natin ang iba at minahal sila na katulad ni Cristo, may magandang nangyayari sa atin. Ang ating mga sariling espiritu ay gagaling, mas dadalisay, at mas lalakas. Tayo ay nagiging mas masaya, mas payapa, at mas madaling makaramdam sa mga bulong ng Banal na Espiritu.”9

Ipinakita na ni Jesus ang daan tungo sa mas sagana at mas maginhawang buhay. Ang paglilingkod na tulad ng ginagawa Niya ay naghahatid ng tunay na kaligayahan at kapayapaan at kagalakan sa iyong buhay.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 10.

  2. Ronald A. Rasband, “Bawat Isa,” Liahona, Ene. 2001, 29.

  3. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104–7.

  4. M. Russell Ballard, “Maging Sabik sa Paggawa,” Liahona, Nob. 2012, 31.

  5. Thomas S. Monson, “Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 121.

  6. Pangulong Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118.

  7. Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 26.

  8. Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.

  9. Dieter F. Uchtdorf, “Kayo ang Aking mga Kamay,” Liahona, Mayo 2010, 75.